“Mateo 26; Marcos 14; Juan 13,” Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan (2024)
Mga Tulong sa Banal na Kasulatan
Mateo 26; Marcos 14; Juan 13
Nagsabwatan ang mga punong saserdote at mga eskriba para patayin si Jesus. Pumayag si Judas Iscariote na ipagkanulo Siya sa halagang tatlumpung pirasong pilak. Kumain si Jesus ng pagkain ng Paskuwa kasama ang Kanyang mga disipulo at pinasimulan ang sakramento. Hinugasan Niya ang kanilang mga paa at pinayuhan sila na paglingkuran ang isa’t isa. Itinuro Niya na ang Ama at ang Anak ay niluwalhati sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala. Kalaunan, nagdusa si Jesus sa Getsemani at ipinagkanulo at dinakip.
Resources
Tandaan: Ang pagbanggit ng isang source na hindi inilathala ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay hindi nagpapahiwatig na ito o ang may-akda nito ay inendorso ng Simbahan o kumakatawan sa opisyal na posisyon ng Simbahan.
Background at Konteksto
Mateo 26:3–5
Bakit inilihim ng mga punong saserdote, eskriba, at matatanda ng bayan ang kanilang mga plano?
Nang lumakas ang impluwensya ng Tagapagligtas, ang mga pinunong Judio ay nabagabag at naghanap ng mga paraan para siraan at patahimikin Siya. Sumidhi ang kanilang mga alalahanin nang pumasok si Jesus sa Jerusalem para sa Paskuwa at sinalubong ng mga sigaw na “Hosana.” Dahil sa popularidad ni Jesus, natakot ang mga punong saserdote at matatanda na magkagulo kung dadakpin nila si Jesus sa panahon ng kapistahan. Kaya’t nagtipon sila sa palasyo ng mataas na saserdote, si Caifas, upang mag-usap nang pribado kung paano dakpin si Jesus nang palihim.
Mateo 26:6–13
Sino ang babaeng nagpahid ng pabango sa mga paa ng Tagapagligtas?
Tinukoy sa Ebanghelyo ni Juan ang babaeng nagpahid ng pabango sa mga paa ng Tagapagligtas bilang si Maria. Para sa iba pang mga kaalaman, tingnan sa “Juan 12:1–8. Ano ang makabuluhan tungkol sa pagpapahid ni Maria ng pabango kay Jesucristo?”
Mateo 26:17–30
Ano ang kaugnayan ng Paskuwa at ng sakramento?
(Ikumpara sa Marcos 14:12–25; Lucas 22:7–30.)
Nang ang Israel ay nasa pagkaalipin sa Egipto, nagpadala ang Panginoon ng 10 salot upang hikayatin ang mga Egipcio na hayaan nang umalis ang mga Israelita. Ang huling salot ay ang pagkamatay ng lahat ng panganay na lalaki sa lupain. Iniutos ng Diyos sa Israel na maglagay ng dugo mula sa isang kordero na hain sa kanilang mga pintuan upang ang mapamuksang anghel ay lumampas sa kanilang mga tahanan at hindi kunin ang kanilang mga panganay na anak na lalaki.
The Passover Instituted [Pinasimulan ang Paskuwa], ni William Henry Margetson
Nang gabi ring iyon, inutos ng Panginoon sa lahat ng pamilyang Israelita na kumain ng espesyal na pagkain. Ang pagkain nito ay nagpaalala sa kanila ng kanilang paglaya mula sa pagkaalipin sa Ehipto sa pamamagitan ng dugo ng kordero. Ito ang tinawag na pagkain ng Paskuwa. Kailangang ulitin ng mga Israelita ang pagkain nito taun-taon para alalahanin kung paano sila iniligtas ng Diyos sa pamamagitan ng dugo ng kordero. Ang pag-alaala ang pangunahing layunin ng pagkain ng Paskuwa. Para sa mga Judio, ang pag alala “ay hindi lamang sa isip. Sa halip, ito ay pakikilahok sa kaganapan na ginugunita.”
Passover [Paskuwa], ni Robert T. Barrett
Sa Huling Hapunan, kumain si Jesus at ang Kanyang mga Apostol ng tradisyonal na pagkain ng Paskuwa. Ang pagputul-putol ng tinapay at pag-inom ng alak ay mahahalagang bahagi ng pagkain na ito. Sa pagkaing ito ng Paskuwa nagbigay si Jesus ng bagong kahulugan sa tinapay at alak. Naging sagisag ang mga ito ng nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas.
Parehong itinuturo ng Paskuwa at ng sakramento ang nakatutubos na kapangyarihan ng Tagapagligtas. Tungkol sa kaugnayan ng Paskua o Paskuwa at ng sakramento, sinabi ni Pangulong Jeffrey R. Holland:
“[Ang sakramento] ay tinawag na ‘ang pinakasagrado, ang pinakabanal, sa lahat ng pulong ng Simbahan (Joseph Fielding Smith, Doctrines of Salvation, comp. Bruce R. McConkie, 3 tomo, Salt Lake City: Bookcraft, 1954–56, 2:340).
“Marahil ay hindi natin laging inuugnay ang ganoong uri ng kahulugan sa ating lingguhang pagtanggap ng sakramento. Gaano ito ‘kasagrado’ at gaano ito ‘kabanal’? Nakikita ba natin ito bilang ating Paskuwa, paggunita sa ating kaligtasan at pagkatubos?”
Mateo 26:26–28
Ano ang kinakatawan ng mga simbolo ng tinapay at alak?
(Ikumpara sa Marcos 14:22–24; Lucas 22:19–20.)
Kapwa isinulat nina Lucas at Pablo na itinuro ng Tagapagligtas ang mga simbolo ng tinapay at alak bilang paraan ng pag-alaala sa Kanya. Itinuro ni Pangulong Jeffrey R. Holland: “Sa isang piraso ng tinapay, na laging pinagpuputol-putol, binabasbasan, at unang ibinibigay, inaalala natin ang kanyang nabugbog na katawan at bagbag na puso, ang kanyang pisikal na pagdurusa sa krus. …
“Sa maliit na tasa ng tubig inaalala natin ang nabuhos na dugo ni Cristo at ang lalim ng espirituwal na paghihirap at pasakit na dinanas Niya, na nagsimula sa Halamanan ng Getsemani. Doo’y sinabi niya, ‘Namamanglaw na lubha ang kaluluwa ko, hanggang sa kamatayan’ (Mat. 26:38). Labis-labis na ang paghihirap Niya at ‘nanalangin siya ng higit na taimtim, at ang kanyang pawis ay naging gaya ng malalaking patak ng dugo na tumutulo sa lupa’ (Lucas 22:44).
“Ang espirituwal na pagdurusa ng Tagapagligtas at ang pagbubuhos ng kanyang dugong walang bahid-dungis, na buong pagmamahal at kusang-loob na ibinigay, ang nagbayad sa utang na tinatawag ng mga banal na kasulatan na ‘orihinal na pagkakasala’ ng naging paglabag ni Adan (Moises 6:54). Higit pa riyan, si Cristo ay nagdusa para sa mga kasalanan at kalungkutan at sakit ng lahat ng pamilya ng buong sangkatauhan, na tutubos din sa lahat ng ating kasalanan, kung susundin natin ang mga alituntunin at ordenansa ng ebanghelyo na Kanyang itinuro (tingnan sa 2 Ne. 9:21–23). Tulad ng isinulat ni Apostol Pablo, tayo ay ‘binili sa halaga’ (1 Cor. 6:20). Pagbili na napakamahal ng halaga at puno ng awa!”
Mateo 26:27–29
Paano kinatawan ng dugo ng Tagapagligtas ang bagong tipan?
(Ikumpara sa Marcos 14:23–25; Lucas 22:20.)
Ang saro ng alak na ibinigay ni Jesucristo sa Kanyang mga Apostol ay kumakatawan sa Kanyang “dugo ng [bagong] tipan.” Sa Lumang Tipan, ang dugo ay madalas na nauugnay sa paghahandog para sa kasalanan. Halimbawa, nang nakipagtipan ang Israel kay Jehova, nag-alay si Moises ng mga hayop bilang handog. Kumuha siya ng dugo mula sa mga hayop na ito at iwinisik sa mga tao, sinasabing, “Tingnan ninyo ang dugo ng tipan na ginawa ng Panginoon sa inyo.” Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks, “Ang sakramento ang ordenansa na pumalit sa mga hain ng dugo at mga handog na susunugin ng batas ni Moises.” Sa pamamagitan ng pagtigis ng Kanyang dugo, natupad ng Tagapagligtas ang lumang tipan at nagtatag ng bago. Ipinapaalala sa atin ang bagong tipang ito kapag tumatanggap tayo ng sakramento. Sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson, “Ang pagtanggap ng sakramento ay nagpapanibago ng mga tipan sa binyag at nagpapanibago rin sa ating alaala tungkol sa nabugbog na katawan ng Tagapagligtas at sa dugong itinigis Niya para sa atin.”
Mateo 26:29
Kailan muling iinom ang Tagapagligtas ng “katas ng ubas”?
(Ikumpara sa Marcos 14:25.)
Ang “katas ng ubas,” o alak, ay kumakatawan sa dugo na itinigis ni Jesucristo upang tubusin tayo. Ang pag inom ng “katas ng ubas” ay pagtanggap ng sakramento. Sa Doktrina at mga Tipan 27, inihayag ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith na sa mga huling araw ay muli Siyang tatanggap ng sakramento sa lupa. Gagawin Niya ito kasama ang Kanyang matatapat na tagasunod, kabilang na ang maraming sinaunang propeta.
Mateo 26:30
Anong himno ang inawit ni Jesus at ng Kanyang mga disipulo bago pumunta sa Getsemani?
Sa pagkain ng Paskuwa, nakaugalian nang awitin ang mga bahagi ng Hallel, isang pagbigkas ng Mga Awit 113–18. Maganda ang sinasabi ng Mga Awit na ito tungkol sa Mesiyas. Maraming iskolar ang naniniwala na malamang na ang himnong inawit ni Jesus at ng Kanyang mga Apostol ay ang Hallel.
Mateo 26:31–35
Paano “tatalikod” ang mga disipulo ng Tagapagligtas dahil sa Kanya?
(Ikumpara sa Lucas 22:28–38.)
Habang naglalakad si Jesus at ang Kanyang mga disipulo patungo sa Bundok ng mga Olibo, sinabi ni Jesus sa kanila na sila ay tatalikod dahil sa Kanya sa mismong gabing iyon. Ang salitang Griyego na isinalin bilang “tatalikod” sa King James Version ng Biblia ay maaari ding isalin bilang “dahilan ng pagkatisod” o “dahilan ng pagbagsak.” Pagkatapos ay tinukoy ni Jesus ang isang propesiya sa Lumang Tipan tungkol sa pananakit sa pastol at pagkalat ng mga tupa. Matapos ang pagdakip sa Tagapagligtas kalaunan nang gabing iyon, pansamantalang naikalat ang Kanyang mga disipulo, at tatlong beses na itinatwa ni Pedro na kilala niya ang Tagapagligtas.
Mateo 26:36–46
Ano ang nangyari sa Getsemani?
(Ikumpara sa Marcos 14:32–42.)
Para malaman pa ang tungkol sa pagdurusa ng Tagapagligtas sa Getsemani, tingnan sa “Lucas 22:39, 44. Ano ang matututuhan natin mula sa Halamanan ng Getsemani tungkol sa nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas?”
Mateo 26:47–50
Ano ang kahalagahan ng pagbati sa isang tao sa pamamagitan ng halik?
(Ikumpara ang Lucas 22:47–48.)
Sa mga unang Kristiyano, ang pagbibigay ng ritwal na halik ay isang mahalagang kaugalian na nilayon upang sumimbolo sa pagkakaibigan at pagkakaisa. Ang kaugaliang ito ay maaaring nagmula kay Jesus at sa Kanyang pinakamalapit na mga disipulo. Kaya, may kabalintunaan sa mga salita ni Jesus nang sabihin Niya kay Judas, “Kaibigan, gawin mo ang layunin ng pagparito mo.” at “Ipinagkakanulo mo ba ang Anak ng Tao sa pamamagitan ng isang halik?”
Mateo 26:47–68
Paano inaresto at nilitis si Jesus?
(Ikumpara sa Marcos 14:43–65; Lucas 22:47–65.)
Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa pagdakip at paglilitis kay Jesus, tingnan ang mga sumusunod na entry:
Mateo 26:51–54
Bakit hindi humingi ng tulong si Jesus sa mga lehiyon o pangkat ng mga anghel?
Matapos tangkaing pigilan ni Pedro ang pagdakip sa Tagapagligtas, sinabi ni Jesus na maaari Siyang tumawag ng “mahigit sa labindalawang pangkat ng mga anghel” na magtatanggol sa Kanya. Ang isang lehiyon ng Roma ay binubuo ng 6,000 sundalo. Kung literal na iisipin, ang labindalawang lehiyon ay katumbas ng 72,000 anghel. Malinaw na si Jesucristo ay may kapangyarihang ipagtanggol ang Kanyang sarili ngunit ayaw Niyang “gamitin ang Kanyang walang-hanggang kapangyarihan para sa sariling kapakanan.” Kusang-loob na nagpasakop ang Tagapagligtas sa mga dumakip sa Kanya at tinulutan ang kasunod na pambubugbog sa Kanya.
Mateo 26:59–68
Ano ang kahalagahan sa paratang na kalapastanganan?
(Ikumpara sa Marcos 14:53–65.)
Ang ibig sabihin ng kalapastanganan ay walang galang na pagsasalita tungkol sa Diyos o mga sagradong bagay, kabilang na ang pagturing sa sarili na banal. Nang pagtibayin ni Jesus na Siya ang “Cristo, ang Anak ng Diyos,” ipinahayag ng mataas na saserdote na si Jesus ay nagkasala ng kalapastanganan. Gayunman, ang pahayag ng Tagapagligtas ay magiging kalapastanganan lamang kung hindi ito totoo. “Ang tanging mortal na Nilalang na kung kanino ang kakila-kilabot na krimen ng kalapastanganan … ay imposible Niyang magawa, ay tumayo sa harap ng mga hukom ng Israel at inakusahan na isang lapastangan.”
Ang kalapastanganan ay isang pagkakasala na may parusang kamatayan sa ilalim ng batas ni Moises. Gayunman, ang mga pinunong Judio ay walang awtoridad na magpapatay ng mga tao. Tanging ang mga awtoridad ng Roma ang makapagpapatupad ng hatol na kamatayan. Dahil ang kalapastanganan ay isang bagay na usapin ng mga Judio at walang kinalaman sa mga Romano, pinalitan ng mga pinunong Judio ang paratang at ginawang sedisyon nang dalhin nila si Jesus kay Pilato.
Marcos 14:36
Ano ang ibig sabihin ng katagang “abba”?
Si Marcos ang tanging manunulat ng Ebanghelyo na nagtala na tinawag ni Jesus ang Kanyang Ama sa panalangin gamit ang katagang Aramaiko na abba, na nangangahulugang “ama.” Hindi malinaw kung ang abba ay dapat maunawaan bilang pormal na tawag sa “ama” o ang mas magiliw at pamilyar na “tatay.” Ibinigay ni Pangulong Jeffrey R. Holland ang sumusunod na pananaw: “Sa napakahirap na sandaling iyon sa buong kasaysayan ng tao, na may dugong lumalabas sa bawat butas ng balat at nagdurusang pagsambit sa Kanyang mga labi, hinanap ni Cristo Siya na noon pa man ay hinahanap Niya—ang Kanyang Ama. ‘Abba,’ ang panangis Niya, ‘Papa,’ o mula sa mga labi ng isang musmos na anak, ‘Daddy.’ Napakapersonal na sandali ito kung kaya’t ang banggitin lang ito ay halos isang kalapastanganan na. Ang Anak na dumaranas ng hindi naiibsang sakit, ang Ama na Kanyang tanging tunay na pinagmumulan ng lakas, kapwa Sila patuloy na nagtiis, hanggang sa makayanan nila ito sa buong gabi—nang magkasama.”
Juan 13:4–12
Ano ang kahalagahan ng paghuhugas ng Tagapagligtas sa mga paa ng Kanyang mga disipulo?
Noong panahon ng Bagong Tipan, ang mga tao ay nagsusuot ng sandalyas. Sa paglalakad sa daan na marumi at maalikabok, nadudumihan ang kanilang mga paa. Ang mga paa ng panauhin ay maaaring hugasan ng mga tagasilbi ng punong-abala. Ngunit hindi huhugasan ng punong-abala ang mga paa ng isang panauhin. Tungkol sa pangyayaring ito, sinabi ni Pangulong Jeffrey R. Holland: “Sa kalagitnaan ng [Huling Hapunan], tahimik na tumayo si Cristo, nagbigkis tulad ng gagawin ng isang alipin o tagasilbi, at lumuhod upang hugasan ang mga paa ng mga Apostol. … Hindi mahalaga na walang naghugas ng kanyang mga paa. Sa walang katapusang pagpapakumbaba, ipinagpatuloy niya ang pagtuturo at paglilinis sa kanila. Sa Kanyang huling sandali—at sa kabilang buhay—Siya ay patuloy pa rin nilang magiging tagapaglingkod.”
Idinagdag sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng Juan 13:10 ang sumusunod na kaalaman: “Ngayon ito ang kaugalian ng mga Judio sa ilalim ng kanilang batas; samakatwid, ginawa ito ni Jesus upang matupad ang batas.” Hindi malinaw kung aling aspeto ng batas ni Moises ang tinutukoy dito. Bilang bahagi ng Pagpapanumbalik, tumanggap si Propetang Joseph Smith ng paghahayag na nag-uutos sa mga nag-aaral sa Paaralan ng mga Propeta na makibahagi sa paghuhugas ng mga paa.
Juan 13:23
Bakit may isang disipulo na nakahilig sa Tagapagligtas?
Noong panahon ng Bagong Tipan, ang mga kumakain sa pormal na pagkain ay kadalasang nakasandal sa mababang sopa na nakapalibot sa mga mesa. Ang mga kumakain ay nakahilig sa kanilang kaliwang braso na ang mga ulo ay nakaharap sa mesa at ang mga paa ay nakalabas. Sa gayon ang ulo ng isang tao ay magiging malapit sa dibdib ng taong nasa kaliwa niya. Ang posisyong ito ay magtutulot sa disipulo na “minamahal ni Jesus” na makipag-usap nang pribado sa Tagapagligtas, sa paksang tulad ng pagtataksil ni Judas.
Juan 13:26–27
Ano ang tinapay na isinawsaw?
Ito ay isang kapirasong tinapay na ginagamit sa pagsandok ng sabaw at karne mula sa isang mangkok. Nagpapakita ng kabaitan at paggalang sa mga kaibigan ang pagsawsaw ng kapirasong tinapay at ibigay ito sa isa’t isa.
Alamin ang Iba Pa
Ang Sakramento
-
Jeffrey R. Holland, “This Do in Remembrance of Me,” Ensign, Nob. 1995, 67–69
-
Dallin H. Oaks, “Ang Sakrament Miting at ang Sakrament,” Liahona, Nob. 2008, 17–20
Para sa pinakahuling mga mensahe mula sa mga lider ng Simbahan tungkol sa sakramento, tingnan sa pangkalahatang kumperensya ang paksang “Sakramento” sa Gospel Library.
Paghuhugas ng Paa
-
Jeffrey R. Holland, “He Loved Them unto the End,” Ensign, Nob. 1989, 67–69
Media
Video
“The Last Supper” (6:11)
Mga Larawan
The Last Supper [Ang Huling Hapunan], ni Carl Bloch
In Remembrance of Me [Sa Pag-alaala sa Akin], ni Walter Rane
The Servant [Ang Tagapagsilbi], ni Yongsung Kim
The Greatest in the Kingdom [Ang Pinakadakila sa Kaharian], ni J. Kirk Richards
James Tissot (1836–1902). The Kiss of Judas (Le baiser de Judas) [Ang Halik ni Judas (Le baiser de Judas)], 1886–1894. Brooklyn Museum, 00.159.234