Mga Tulong sa Banal na Kasulatan
Mga Gawa 22–28


“Mga Gawa 22–28,” Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan (2024)

Mga Tulong sa Banal na Kasulatan

Mga Gawa 22–28

Nagbigay ng limang mensahe si Apostol Pablo na nagtatanggol sa kanyang sarili sa harap ng mga pinuno ng relihiyon at komunidad sa Jerusalem at Cesarea. Tinupad ng mga mensaheng ito ang propesiya ng Panginoon na magpapatotoo si Pablo sa harap ng mga hari. Sa dalawa sa mga mensaheng ito, isinalaysay ni Pablo ang kanyang pagbabalik-loob. Pinatotohanan din ni Pablo na dalawang beses nagpakita sa kanya si Jesucristo sa Jerusalem. Ang paglalakbay ni Pablo sa Roma ay nakatulong sa pagtupad sa utos ni Cristo na dalhin ang ebanghelyo “hanggang sa kadulu-duluhang bahagi ng lupa.”

Mga Resources

Tandaan: Ang pagbanggit ng isang source na hindi inilathala ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay hindi nagpapahiwatig na ito o ang may-akda nito ay inendorso ng Simbahan o kumakatawan sa opisyal na posisyon ng Simbahan.

Background at Konteksto

Mga Gawa 22:22–29

Bakit ginamit ni Pablo ang kanyang mga karapatan bilang mamamayan ng Roma?

Tinutulan ni Pablo ang tangkang paghagupit sa kanya sa pamamagitan ng pagsasabi na siya ay isang mamamayang Romano. Ang pagiging mamamayan ng Roma ay may kaakibat na mahahalagang pribilehiyo, tulad ng proteksyon mula sa paghagupit nang walang paglilitis.

Mga Gawa 24:14, 22

Ano “ang daan”?

Sa talatang ito, “tinukoy [ni Lucas] ang unang kilusang Kristiyano bilang ‘ang daan.’” Karaniwang nauunawaan na ang “daan” ay hango sa pahayag ni Jesucristo: “Ako ang daan.”

Mga Gawa 24:24–27; 25:9

Ano ang alam natin tungkol kina Felix at Festo?

Si Felix ay napakalupit na gobernador ng Roma. Sa huli ay tinanggal siya sa puwesto, malamang dahil sa “kaduda-dudang mga pangangasiwa.” Dalawang taon na ikinulong ni Felix si Pablo, umaasang makakangikil ng pera sa kanya. Sinubukan din niyang mapaboran siya ng mga Judio nang ipabilanggo niya si Pablo. Ang kahalili ni Felix na si Porcio Festo ay nagpakita ng higit na pagmamalasakit sa mga Judio kaysa kay Pablo.

Mga Gawa 25: 11

Bakit dumulog si Pablo kay Cesar?

Natanto ni Pablo na manganganib ang kanyang buhay kung babalik siya sa Jerusalem para sa paglilitis, tulad ng gusto ni Festo. Sa halip pinili ni Pablo na dumulog kay Cesar. Bilang mamamayan ng Roma, may karapatan si Pablo na dumulog o umapela na litisin nang direkta ang kanyang kaso sa harap ni Cesar sa Roma.

Mga Gawa 25:13–22

Sino si Herodes Agripa II?

Si Herodes Agripa II (tinatawag ding Marcus Julius Agripa) ay ang ikapito at huling hari sa dinastiyang Herodian ng mga Judio. Siya ang namuno sa teritoryo sa hilagang silangan ng Dagat ng Galilea mula mga AD 53 hanggang 93. Siya ay anak ni Herodes Agripa I na nag-utos na patayin si Santiago at nagpakulong kay Pedro. Apo siya ni Herodes Antipas, na nagpapugot ng ulo ni Juan Bautista. Siya rin ang apo-sa-tuhod ni Herodes na Dakila, na nag-utos na patayin ang mga sanggol sa Betlehem.

Ang kaharian ni Herodes Agripa II ay nasa hilaga ng teritoryo ni Festo. Si Agripa at ang kanyang kapatid na si Bernice ay bumisita kay Festo sa Cesarea habang si Pablo ay nakabilanggo roon. Si Agripa ay isang Judio at pamilyar sa mga gawain ng mga Judio. Umasa si Festo na matutulungan siya ni Agripa na maunawaan ang mga paratang laban kay Pablo at makagawa ng liham para kay Cesar.

Mga Gawa 26:19–21, 24–25

Ano ang pagkakaiba ng maraming salaysay ni Pablo tungkol sa kanyang pangitain?

Nang ipagtanggol ni Pablo ang kanyang sarili sa Jerusalem at kalaunan sa Cesarea, ikinuwento niya ang pangitain niya tungkol kay Jesucristo sa daan patungong Damasco. May ilang mga salaysay tungkol sa pangyayaring ito sa aklat ng Mga Gawa, at ang bawat isa ay bahagyang naiiba. Halimbawa, ang paraan ng paglalarawan ng liwanag ay naiiba sa bawat bersiyon. Isang salaysay lamang ang nagsasabi na pinagaling ni Ananias ang paningin ni Pablo sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay. Ang isa pang bersiyon ay hindi nagbibigay ng maraming detalye tungkol sa nakita ng mga kaibigan ni Pablo. Malamang na lumitaw ang mga pagkakaibang ito dahil isinalaysay muli ni Pablo ang mga pangyayari sa iba’t ibang tagapakinig sa iba’t ibang dahilan.

Nang kausapin ni Pablo si Agripa, pinagsama-sama niya ang mga detalye mula sa tatlong magkakaibang salaysay. Ibinahagi niya ang mga bagay na sinabi ni Jesus sa kanya sa daan patungong Damasco, mga bagay na sinabi ni Ananias sa kanya kalaunan, at mga bagay na sinabi ni Jesus sa kanya sa isang pangitain sa Jerusalem.

Marami ding salaysay ang Unang Pangitain ni Propetang Joseph Smith. Ngunit tulad ng pangitain ni Pablo, ang mga pagkakaiba sa pagitan ng mga tala tungkol sa Unang Pangitain ay hindi pinapasinungalingan ang katotohanang nakita ni Joseph Smith ang pangitain tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.

Mga Gawa 26:22–31

Nakumbinsi ba ni Pablo si Haring Agripa?

Ang pagtatanggol ni Pablo sa sarili sa harap nina Festo at Agripa ay nagpapahiwatig sa atin ng estilo niya sa pagtuturo. Sinabi niya na itinuro lamang niya ang itinuro ng lahat ng propeta, kabilang na si Moises: “na ang Cristo ay dapat magdusa,” mamatay, at “muling mabuhay mula sa mga patay sa ikatlong araw.” Sa pag-asang tatanggapin ni Haring Agripa ang Kristiyanismo, buong tapang na itinanong ni Pablo kung naniniwala ang hari sa mga propeta. Ang sagot ni Agripa ay pag-iwas sa tanong ni Pablo. “Iba’t ibang manuskrito, maliban pa sa mga ginamit para sa King James Version, ang nagbigay ng mga salita ni Agripa: ‘Akala mo ba ay mabilis mo akong mapagbabagong-loob?’” Pagkatapos ay inihayag nina Festo at Agripa na walang ginawang masama si Pablo para hatulan ng kamatayan o pagkakulong.

Mga Gawa 26:26

Ano ang ibig sabihin ni Pablo na “ito’y hindi ginawa sa isang sulok?

Pinatotohanan ni Pablo ang nagbabayad-salang sakripisyo at Pagkabuhay na Mag-uli ni Cristo, na ipinropesiya ng mga propeta ng Israel. Sinabi ni Pablo na alam ni Haring Agripa ang mga bagay na ito, “sapagkat ito’y hindi ginawa sa isang sulok.” Sa madaling salita, ang mga bagay na pinatotohanan ni Pablo ay hindi lihim kundi hayagang naganap at nasaksihan ng marami.

Mga Gawa 27:9

Ano ang “pag-aayuno” na tinutukoy dito?

Ang “pag aayuno” ay malamang na tumutukoy sa Araw ng Pagbabayad-sala. Kadalasang ipinagdiriwang ang Araw ng Pagbabayad-sala sa huling linggo ng Setyembre o unang linggo ng Oktubre. Ito ang naging simula ng panahon na itinuturing na hindi ligtas na maglakbay sa Mediterranean Sea dahil sa mapanganib na mga bagyo.

Mga Gawa 27:10, 21–22, 31

Paano nalaman ni Pablo ang mangyayari?

Nakita ni Pablo ang panganib na mangyayari sa barkong nagdala sa kanya sa Roma. Ipinropesiya rin niya na walang mamamatay basta’t sila ay mananatili sa barko. Ang mga talatang ito ay nagbibigay ng halimbawa ng pagganap ni Pablo bilang tagakita sa kanyang tungkulin bilang Apostol ni Jesucristo. Itinuturo ng Aklat ni Mormon na malalaman ng tagakita ang mga bagay sa nakaraan at hinaharap, kabilang na ang mga nakatagong bagay.

Mga Gawa 27:14

Ano ang “Euraclidon?

Hinikayat ni Pablo ang mga namamahala sa barko na manatili sa isang lugar na tinatawag na “mabubuting daungan,” na matatagpuan sa timog baybayin ng Creta. Hindi nila sinunod ang kanyang payo. Pagkaalis, ang barko ay naharap sa isang bagyo na inilarawan ng King James Version ng Biblia na isang “Euroclydon.” Ang ibang salin ay tumutukoy dito bilang isang hilagang silanganan. Ito ay isang nagngangalit na bagyo sa Mediterranean na may mga hangin na nakamamatay.

Mga Gawa 28:2

Sino ang mga naninirahan sa pulo kung saan napadpad ang barko ni Pablo?

Nakatagpo ng kaligtasan ang mga nakasakay sa barko sa isla na tinatawag na Melita, na kilala rin bilang Malta. Ang katagang ginamit sa King James Version upang ilarawan ang mga naninirahan bilang “mga katutubo [barbaro]” ay hindi nangangahulugang sila ay mga taong mabalasik. Bagkus, sila ay mga hindi Griyego at nagsasalita ng kakaibang wika.

Mga Gawa 28:17–31

Ano ang alam natin tungkol sa karanasan ni Pablo sa Roma?

Malamang na si Pablo ang unang Kristiyanong misyonero na nangaral sa Roma. Tulad ng ginawa niya sa ibang mga lungsod, nangaral muna siya sa mga Judio at pagkatapos ay sa mga Gentil. Ayon sa sali’t saling sabi, habang nakakulong sa tahanan [house arrest], isinulat ni Pablo ang tinatawag ng ilan na kanyang “mga liham mula sa bilangguan”—Efeso, Filipos, Colosas, 2 Timoteo, at Filemon. Dalawang taon siyang nanatiling nakakulong sa tahanan sa Roma. Kasunod nito ay naglingkod si Pablo sa Asya, Gresya, at marahil sa Espanya bago muling ibinilanggo sa Roma. Ayon sa sali’t saling sabi, siya ay pinatay sa panahon ng mga pag-uusig sa ilalim ng pamumuno ni Nero, sa pagitan ng AD 62 at 68.

Alamin ang Iba Pa

Ang mga Propeta ay mga Tagakita

  • Jeffrey R. Holland, “Mga Propetang Naritong Muli sa Lupa,” Liahona, Nob. 2006, 104–7

  • Mga Paksa at Mga Tanong, “Mga Propeta,” Gospel Library

  • Sheri L. Dew, “Prophets Can See around Corners,” (Brigham Young University–Hawaii devotional, Nov. 2, 2022), speeches.byuh.edu

Si Jesucristo ang Daan

  • Lawrence E. Corbridge, “Ang Daan,” Liahona, Nob. 2008, 34–36

Media

Mga Video

“The Road to Damascus” (5:23)

5:23

“Be of Good Cheer” (1:37)

1:38

Mga Larawan

Si Pablo ay iginapos ng mga sundalong Romano

Arrest of Paul [Pagdakip kay Pablo], ni Simon Harmon Vedder

Si Pablo na nakatayo sa harap ni Herodes Agripa II, ang kapatid ni Haring Agripa na si Bernice, at si Porcio Festo

Trial of the Apostle Paul [Paglilitis kay Apostol Pablo], ni Nikolai Bodarevsky

Si Pablo na nagsusulat sa pergamino

Paul the Apostle [Si Pablo na Apostol], ni Jeff Ward

Mga Tala

  1. Tingnan sa Earl D. Radmacher and others, mga editor, NKJV Study Bible, ika-3 ed. (2018), 1662–63, tala para Mga Gawa 22:25. Ang mga mamamayang Romano ay hindi maaaring hagupitin o patayin nang walang paglilitis. Ang bunga ng hindi pagsunod sa batas na ito ay mabigat na kaparusahan sa taong nag-utos nito.

  2. Noel B. Reynolds, “This Is the Way,” Religious Educator, tomo 14, blg. 3 (2013), 87; tingnan din sa Mga Gawa 9:1–2; 19:9, 23; 22:4; 24:14, 22. Ang Luma at Bagong Tipan ay naglalahad ng dalawang daan. Ang isang daan ay “humahantong sa langit, kapayapaan, at buhay; at ang isa naman ay humahantong sa impiyerno, kalungkutan, at kamatayan. Ipinahayag ng Lumang Tipan na ‘ang daan ng Panginoon,’ na nakita ng mga manunulat ng Bagong Tipan na natupad kay Jesucristo” (Reynolds, “This Is the Way,” 87).

  3. Juan 14:6.

  4. “Si Felix, ang Romanong prokurador ng Judea (ca. AD 52–60), ay hindi kaibigan ng mga Judio atsa ilang pagkakataon ay nagpakita ng kaunting pag-aatubili na patayin ang mga Judiong iyon na hayagang tumututol na sumunod sa kanyang pamamahala” (Nicholas J. Frederick, “The Life of the Apostle Paul: An Overview,” sa New Testament History, Culture, and Society: A Background to the Texts of the New Testament, ed. Lincoln H. Blumell [2019], 411).

  5. Frederick, “The Life of the Apostle Paul,” 412.

  6. Tingnan sa Mga Gawa 24:25–26. “Ang paghihintay ni Felix na mabigyan ng suhol ay hindi nakakagulat, kung ibabatay sa reputasyon ng kanyang pagkatao, bagaman ang pagkuha ng suhol mula sa mga bilanggo ay mahigpit na ipinagbabawal ayon sa Romano Lex Julia de pecuniis repetundis” (Frederick, “The Life of the Apostle Paul,” 412).

  7. Tingnan sa Mga Gawa 24:27.

  8. Tingnan sa Mga Gawa 25:1–3, 9.

  9. “Ayon sa batas ng Romano na Lex Julia de vi publica et privata, ang isang mamamayang Romano ay makakadulog o makakaapela (provoco) sa emperador para sa pagdinig ng kanyang kaso (Frederick, “The Life of the Apostle Paul,” 413).

  10. Tingnan sa Michael D. Coogan and others, mga editor, The New Oxford Annotated Bible: New Revised Standard Version, 5th ed. (2018), 1604, tala para Mga Gawa 25:13.

  11. Radmacher and others, The New Oxford Annotated Bible, 1604, tala para Mga Gawa 25:13.

  12. Tingnan sa Mga Gawa 12:1–4.

  13. Tingnan sa Mateo 14:1–12.

  14. Tingnan sa Mateo 2:16.

  15. Tingnan sa Mga Gawa 25:24–27; 26:3.

  16. Tingnan sa Mga Gawa 9:3–20; 22:4–21; 26:9–19; tingnan din sa Galacia 1:15–16.

  17. Tingnan sa Mga Gawa 9:3; 22:6; 26:13.

  18. Tingnan sa Mga Gawa 9:17.

  19. Tingnan sa Mga Gawa 26:9–19.

  20. Ikumpara ang Mga Gawa 26:14–16 sa Mga Gawa 9:4–6; 22:7–10.

  21. Ikumpara ang Mga Gawa 26:16 sa Mga Gawa 22:15.

  22. Ikumpara ang Mga Gawa 26:17 sa Mga Gawa 22:21.

  23. “Accounts of Joseph Smith’s First Vision,” josephsmithpapers.org.

  24. Mga Gawa 26:22–23; tingnan din sa Jacob 4:4.

  25. Tingnan sa Mga Gawa 26:26–27, 29.

  26. Tingnan sa Mga Gawa 26:28.

  27. “Paul’s Magnificent Defense before King Agrippa (Acts 26),” sa Selected Writings of Robert J. Matthews (1999), 294.

  28. Tingnan sa Mga Gawa 26:31.

  29. Tingnan sa Mga Gawa 26:23–24.

  30. Mga Gawa 26:26.

  31. Kenneth L. Barker and others, mga editor., NIV Study Bible: Fully Revised Edition (2020), 1952, tala para sa Mga Gawa 27:9.

  32. Edward E. Hindson and Daniel R. Mitchell, mga editor, Zondervan King James Version Commentary–New Testament (2010), 403–04.

  33. Tingnan sa Mga Gawa 27:22, 31.

  34. Tingnan sa Mosias 8:17.

  35. Mga Gawa 27:8.

  36. Mga Gawa 27:14.

  37. Tingnan sa Barker and others, NIV Study Bible, 1952, Mga Gawa 27:14; tingnan din sa Radmacher and others, NKJV Study Bible, 1668, tala para sa Mga Gawa 27:13–16.

  38. Tingnan sa Barker and others, NIV Study Bible,1952, tala para sa Mga Gawa 27:14.

  39. Mga Gawa 28:2.

  40. Tingnan sa Coogan and others, The New Oxford Annotated Bible, 1608, tala para sa Mga Gawa 28:2.

  41. Tingnan sa Holzapfel and others, Jesus Christ and the World of the New Testament (2006), 244–45. Gayunman, ipinahihiwatig ng ilang sources na ang mga sulat ay maaaring ginawa sa magkakahiwalay na pagkabilanggo, mas nauna sa Efeso o kalaunan sa Roma.

  42. Tingnan sa Bible Dictionary, “Paul,” Gospel Library.

  43. Tingnan sa Frederick, “The Life of the Apostle Paul,” 414.