“2 Corinto 8–13,” Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan (2024)
Mga Tulong sa Banal na Kasulatan
2 Corinto 8–13
Itinuro ni Pablo na si Jesucristo ang ating halimbawa ng pagiging mapagbigay. Nagpasalamat si Pablo sa mga Banal sa Corinto sa kanilang mga kontribusyon sa mahihirap sa Jerusalem at hinikayat silang patuloy na bukas-palad na magbigay. Mariing nagsalita si Pablo laban sa mga huwad na apostol at ipinagtanggol ang kanyang tungkulin bilang isang Apostol ni Jesucristo. Pinapurihan din niya ang Panginoon at nagbahagi ng mga detalye ng kanyang buhay, ng kanyang mga paghihirap, at ng kanyang pananampalataya kay Jesucristo. Itinala ni Pablo ang kanyang pangitain tungkol sa ikatlong langit at inanyayahan niya ang mga Banal na suriin ang kanilang sarili at patunayan ang kanilang katapatan.
Resources
Tandaan: Ang pagbanggit ng isang source na hindi inilathala ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay hindi nagpapahiwatig na ito o ang may-akda nito ay inendorso ng Simbahan o kumakatawan sa opisyal na posisyon ng Simbahan.
Background at Konteksto
2 Corinto 8–9
Paano pinangalagaan ng mga Banal ang mga maralita noong mga unang araw ng Simbahan?
Isa sa mga bagay na patuloy na pinagsisikapan ni Pablo sa kanyang mga misyon ay ang pangangalap [ng tulong] para sa mga maralita sa Jerusalem. Sumulat si Pablo sa mga Banal sa Corinto tungkol sa pagsisikap na ito sa 2 Corinto 8–9. Ang mga simbahan sa Macedonia ay bukas-palad na nagbigay para makatulong, at hinikayat ni Pablo ang mga Banal sa Corinto na gayon din ang gawin. Tila ipinahiwatig niya na mas maganda ang pinansyal na kalagayan ng mga Banal sa Corinto kaysa sa mga nasa Jerusalem. Kalaunan, isinulat ni Pablo na tumugon ang mga taga-Corinto sa kanyang kahilingan.
2 Corinto 9:6–13
Ano ang ipinayo ni Pablo tungkol sa pagbibigay?
Ipinaliwanag ni Pablo na ang kahandaan ng isang tao na magbigay ay mas mahalaga kaysa sa kanilang kakayahang magbigay. Nangako siya na tatanggap ng malalaking pagpapala ang mga bukas-palad na nagbigay, samantalang ang mga nagbigay nang kaunti ay tatanggap nang kaunti. Binanggit ni Pablo ang isang Awit tungkol sa pagbibigay nang masaya. Nagbabala siya laban sa pagbibigay nang mabigat sa loob o dala ng pangangailangan o obligasyon. Nangako si Pablo na ang pagbibigay nang walang pag-iimbot ay hindi lamang nakatutulong sa mga nangangailangan kundi mas nagpapalakas din ng pananampalataya sa Diyos.
Ang nais ni Pablo ay magkaroon ng pagkakapantay-pantay sa mga Banal. Ito ang dahilan kung bakit hinikayat niya ang mga higit na nakakariwasa na magbigay sa mga naghihikahos. Nilinaw ng paghahayag sa mga huling araw na ang temporal na pagkakapantay-pantay ay batay sa mga kalagayan, kakulangan, at pangangailangan ng bawat tao. Ngayon, ang mga miyembro ng Simbahan ay maaaring bukas-palad na magbigay ng mga donasyon sa mga maralita sa pamamagitan ng mga handog-ayuno, gayundin ng mga donasyon sa humanitarian aid fund ng Simbahan.
2 Corinto 10:3–6
Anong “mga sandata ng ating pakikipaglaban” ang tinutukoy ni Pablo?
Itinuro ni Pablo na bagama’t nabubuhay tayo sa pisikal na mundo, nakikipaglaban tayo sa espirituwal na digmaan. Dahil dito, hindi mga pisikal na sandata ang ginagamit natin kundi mga espirituwal na sandata sa ating pakikipaglaban kay Satanas. Ang paglalarawan ni Pablo sa “kapangyarihang makagiba ng mga kuta” at “ginigiba … [ang] bawat palalo” ay maaaring tumutukoy sa isang kuta sa tuktok ng burol na tanaw ang Corinto noong panahon ni Pablo. Binigyang-diin ni Pablo na dapat gamitin ng mga Banal ang kanilang mga espirituwal na sandata upang madaig ang kapalaluan. Tinanggap ng marami sa mga Banal sa Corinto ang mga ideya, pangangatwiran, at pananaw sa mundo ng kanilang lipunan. Inanyayahan sila ni Pablo na samahan siya sa pagpapabagsak sa anumang bagay na naglalayo sa kanila sa pagsunod sa Tagapagligtas.
Ang mataas na burol na tanaw ang sinaunang Corinto. Balage Balogh / archaeologyillustrated.com
2 Corinto 10:7–18
Paano tumugon si Pablo sa mga batikos tungkol sa kanyang mga limitasyon?
Ang ilan sa mga sumalungat kay Pablo ay pinuna ang kanyang pisikal na anyo at kakayahan sa pagsasalita. Hindi itinanggi ni Pablo ang kanyang mga kahinaan, bagkus sinikap niyang tulungan ang mga Banal sa Corinto na tumigil sa paggamit ng mga pamantayan ng mundo para sukatin ang isa’t isa.
Ang mga banal na kasulatan ay naglalaman ng maraming halimbawa na naglalarawan sa paggamit ng Panginoon sa “mahihinang bagay ng sanlibutan” upang maisakatuparan ang Kanyang gawain. Tinulungan Niya ang mga indibiduwal na tulad nina Enoc, Moises, Moroni, at Joseph Smith na daigin ang kanilang mga limitasyon at tapusin ang gawaing ipinagawa Niya sa kanila.
2 Corinto 10:8, 13–17; 11:10–18, 21
Bakit nagmalaki si Pablo?
Kung minsan, ang salitang Griyego na kauchaomai ay isinasalin na “magyabang” at sa kalahatan ay may negatibong konotasyon. Sa 37 beses na ginamit ang kauchaomai sa Bagong Tipan, 35 ang matatagpuan sa mga sulat ni Pablo. Sa palagay ni Pablo ay mabuti ang kanyang pagmamalaki dahil nakatuon ito kay Jesucristo. Noong ipagmalaki ni Pablo ang kanyang sarili, tungkol talaga ito sa kanyang nagawa sa pamamagitan ng Tagapagligtas. “Sa madaling salita, ang pagmamalaki ni Pablo ay nagmumula sa gawaing ginagawa niya para sa Panginoon. Kaya nga, ang kanyang pagmamalaki ay nasa ginagawa ni Cristo at hindi sa mismong ginagawa niya.” Ang “pagmamalaki” ni Pablo ay maitutulad sa pagpupuri ni Ammon sa Panginoon.
2 Corinto 11:1–5, 13–15; 12:11–12
Paano sinikap ni Pablo na proteksyunan ang Simbahan laban sa mga maling turo?
Sumulat si Pablo sa mga Banal sa Corinto bilang simbolikong ama ng isang nobya na ikakasal kay Cristo—isang nobya na sa pakiramdam niya ay may responsibilidad siya na panatilihin itong malinis. Nagbabala siya tungkol sa mga huwad na guro na tila mga matwid na ministro at inihambing sila sa ahas na nanlinlang kay Eva sa halamanan. Ipinaliwanag ni Pablo na tulad mismo ni Satanas na maaaring magpakita na parang anghel ng liwanag, ang mga huwad na apostol sa Corinto ay nagbalatkayo bilang mga ministro ng kabutihan. Ang mga taong ito ay nangaral ng “ibang” Cristo. Bagama’t hindi malinaw kung ano ang itinuro ng mga huwad na apostol na ito tungkol kay Jesucristo, alam natin na sa isang okasyon kinailangan ni Pablo na pabulaanan ang mga pahayag sa Corinto na si Cristo ay hindi bumangon mula sa mga patay.
Kabaligtaran ng mga huwad na apostol sa Corinto, nagpatotoo si Pablo na siya ay tunay na Apostol. Inanyayahan ni Pablo ang mga miyembro sa Corinto na pag-isipan kung ang kanyang mga gawa sa kanila ay mga palatandaan ng isang tunay na Apostol at pinatunayan ang kanyang ministeryo.
2 Corinto 11:7–9; 12:13–17
Bakit binanggit ni Pablo ang tungkol sa hindi pagiging pasanin sa mga Banal?
Habang nagmiministeryo sa Corinto, umasa si Pablo kahit paano sa tulong ng mga miyembro ng Simbahan sa Macedonia, ngunit nagtrabaho rin siya para tustusan ang kanyang sarili. Hindi niya gustong maging pasanin ng Simbahan ang kanyang mga temporal na pangangailangan.
2 Corinto 12:2–4
Sino ang lalaking dinala sa ikatlong langit?
Tinutukoy ni Pablo ang kanyang sarili sa nang banggitin niya ang isang lalaking dinala sa ikatlong langit, na siyang kahariang selestiyal. Maaaring isinalaysay ni Pablo ang bahagi ng karanasang ito upang salungatin ang mga huwad na guro at ang kanilang mga pahayag.
2 Corinto 12:4
Bakit hindi maibahagi ni Pablo ang marami pa sa kanyang karanasan sa pangitain?
Hindi lamang mahirap para kay Pablo na ilarawan ang kanyang karanasan; pinagbawalan din siyang gawin iyon. Maaaring maghayag ang Panginoon sa Kanyang mga disipulo ng mga bagay na hindi para sa sanlibutan. Tulad ni Pablo, maaari din tayong magkaroon ng mga espirituwal na karanasan na dapat lamang nating ibahagi kapag inatasan ng Espiritu.
2 Corinto 12:7–9
Ano ang “tinik” na nagpahirap kay Pablo?
Maaaring ang ibig sabihin ng salitang Griyego na isinaling tinik ay anumang matulis na bagay—isang patpat, isang salubsob, o maaaring metaporikal, isang salot. Ginamit ni Pablo ang katagang ito upang ipahiwatig ang isang hindi pinangalanang kahinaan para mapanatili siyang mapagpakumbaba.
2 Corinto 12:8–10
Paano tayo nagiging matatag sa kahinaan?
Ang salitang Griyego na isinalin na “mahina” ay may iba’t ibang posibleng kahulugan. Maaari itong tumukoy sa isang taong may pisikal na karamdaman o mahina. Sa ibang pagkakataon, ang salita ay ginagamit para sa mga taong mahina ang moralidad o kulang pa sa espirituwalidad. Ginamit ni Pablo ang salita sa pagkakataong ito para sagutin ang pagpuna sa kanyang hindi kahanga-hangang pananalita at anyo.
Kapwa inilahad nina Pablo at Moroni ang isang mahalagang paghahayag na natanggap ng bawat isa sa kanila mula sa Panginoon tungkol sa kahinaan ng tao. Ang biyaya ng Tagapagligtas ay sapat para sa mga taong kinikilala ang kanilang kahinaan at lumalapit sa Kanya. Ang kapangyarihan ni Cristo ay dumadaloy sa mahihina na mapagpakumbaba. Dahil dito, nagalak si Pablo sa kanyang kahinaan.
2 Corinthians 12:12
Ano ang mga tanda ng isang Apostol?
Itinuro ni Pablo sa mga Banal sa Corinto na dapat nilang kilalanin ng kanyang awtoridad bilang apostol dahil ipinakita niya ang mga tanda ng isang Apostol. Itinuro ni Elder Bruce R. McConkie na ang mga tanda ng Apostol ay “ang pagpapagaling ng maysakit, pagtataboy ng mga diyablo, pagbuhay sa patay; sila ay nangangaral at nagtuturo at nagdurusa para sa Layunin ni Cristo; sila ay lumalakad nang matwid sa harap ng lahat ng tao at dahil kinupkop sa pamilya ng Diyos bilang kanyang mga anak, sila ay nagiging kasamang tagapagmana ng kanyang [tunay] na Anak. Ang mga ito ang siya ring mga banal na kaloob na dapat taglay ng lahat ng elder ng kaharian, ng bawat tao na tumatanggap ng karapatan na palaging makasama ang Espiritu Santo.”
2 Corinto 12:15
Bakit naramdaman ni Pablo na hindi siya mahal?
Sinabi ni Pablo sa mga Banal sa Corinto na bibisitahin niya sila sa ikatlong pagkakataon, at nangako siya na hindi siya magiging pasanin sa kanila. Tila may tono ng pagtatanggol sa liham na ito, nang itanong ni Pablo kung dapat ba siyang mahalin nang mas kaunti dahil mas mahal niya sila. Isa sa mahirap na bahagi ng pagsisikap na maging disipulo ni Jesucristo ay ang pagkakahati-hati at samaan ng loob na maaaring ibunga ng pagtatangka nating ipakita ang pagmamahal natin sa kapwa sa pamamagitan ng pagbabahagi ng katotohanan. Nagpahayag ng pangamba si Pablo na kapag binisita niya ang mga Banal sa Corinto ay manatili ang masamang damdamin sa pagitan nila.
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Kung minsan, kami bilang mga lider ng Simbahan ay pinupulaan dahil mahigpit naming sinusunod ang mga batas ng Diyos, ipinagtatangol ang doktrina ng Tagapagligtas, at pinaglalabanan ang pamimilit ng lipunan sa ating panahon. Ngunit ang aming tungkulin bilang mga inordenang apostol ay ‘humayo sa buong daigdig upang ipangaral ang [Kanyang] ebanghelyo sa bawat nilikha’ [Doktrina at mga Tipan 18:28]. Ibig sabihin niyan ay iniuutos sa amin na ituro ang katotohanan.”
Alamin ang Iba Pa
Pangalagaan ang mga Maralita at Iba pang mga Nangangailangan
-
Linda K. Burton, “Ako’y Taga Ibang Bayan,” Liahona, Mayo 2016, 13–15
-
Jeffrey R. Holland, “Hindi Ba’t Tayong Lahat ay mga Pulubi?,” Liahona, Nob. 2014, 40–42
Mga Huwad na Propeta
-
M. Russell Ballard, “Beware of False Prophets and False Teachers,” Ensign, Nob. 1999, 62–64
Media
Mga Larawan
Glory by Degrees [Kaluwalhatian ayon sa Antas], ni Annie Henrie Nader
Except for These Chains [Maliban sa mga Kadenang Ito], © Pacific Press, lisensyado ng GoodSalt.com