“1 at 2 Tesalonica,” Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan (2024)
Mga Tulong sa Banal na Kasulatan
1 at 2 Tesalonica
Nagtagumpay si Pablo at ang mga kompanyon niyang misyonero sa pangangaral sa mga tao sa Tesalonica. Sa huli ay sapilitan silang itinaboy palabas ng lungsod. Hindi pa natatagalan mula nang sila ay umalis, nalaman ni Pablo na nanatiling tapat ang mga Banal sa Tesalonica at ibinahagi ang ebanghelyo sa iba. Sa kanyang unang sulat sa mga taga Tesalonica, binanggit muli ni Pablo ang kanyang katapatan sa Diyos at sa pagtuturo ng ebanghelyo. Sinagot din niya ang inaalala ng mga Banal hinggil sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo. Kalaunan ay sumulat si Pablo ng ikalawang liham sa mga Banal sa Tesalonica. Ang liham na ito ay isinulat upang itama ang maling mga ideya tungkol sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo.
Resources
Tandaan: Ang pagbanggit ng isang source na hindi inilathala ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay hindi nagpapahiwatig na ito o ang may-akda nito ay inendorso ng Simbahan o kumakatawan sa opisyal na posisyon ng Simbahan.
Background at Konteksto
Para kanino isinulat ang 1 at 2 Tesalonica at bakit?
Ang Tesalonica ay isang masiglang lungsod na nagsilbing sentro ng komunikasyon at kalakalan. Ang lungsod ay itinayo sa isang natural na daungan sa Dagat Aegean. Isang pangunahing lansangan ang nagdugtong nito sa ibang mga lungsod. Dahil sa lokasyon nito, ang Tesalonica ay magandang lugar para sa pagpapalaganap ng ebanghelyo sa Macedonia at Grecia.
Itinatag ni Pablo at ng kanyang mga kompanyon, sina Silas at Timoteo, ang Simbahan sa Tesalonica sa unang bahagi ng kanyang ikalawang paglalakbay bilang misyonero. Gayunman, sapilitang itinaboy ng mga pinunong Judio si Pablo at ang kanyang mga kompanyon palabas sa lungsod. Matapos ang maikling pananatili sa Atenas, nagpunta si Pablo sa Corinto, kung saan muli siyang sinamahan nina Silas at Timoteo.
Pinabalik ni Pablo si Timoteo sa Tesalonica para alamin ang kalagayan ng mga bagong binyag. Ang mga sulat ni Pablo sa mga taga-Tesalonica, na parehong isinulat mula sa Corinto, ay tugon sa ulat ni Timoteo. Ang 1 Tesalonica ay isinulat noong mga AD 51 at posibleng ito ang pinakaunang mga liham ni Pablo.
Ang mga pangunahing tema sa 1 Tesalonica ay ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo at ang katangian ng Panguluhang Diyos. Sa sulat na ito, pinuri at tinagubilinan ni Pablo ang mga Banal sa Tesalonica.
Isinulat ang kanyang ikalawang sulat hindi nagtagal kalaunan, noong mga AD 51 o 52. Layunin ng liham na ito na palakasin ang pananampalataya at tugunan ang mga hindi pagkakaunawaan sa doktrina. Dito, ipinropesiya rin ni Pablo ang “pagtalikod” bago ang Ikalawang Pagparito ng Panginoon.
1 Tesalonica 2:2
Paano tumugon si Pablo at ang kanyang mga kompanyon na misyonero sa pang-aalipusta?
Sa Tesalonica, ang hindi pagtanggap sa mensahe ng ebanghelyo ay kapwa nagmula sa mga palatutol na Judio at Gentil. Binanggit ni Pablo na sa Filipos siya at ang kanyang mga kasama ay inaalipusta. Ang King James Version ng Biblia ay nagsasabi na tumugon sila sa pang-aalipusta nang may katapangan at “napakalaking pagsalungat.” Ang mga katagang ito ay hindi nangangahulugang nakipag-aaway o nakipagtalo si Pablo sa kanyang pangangaral. Sa halip, ipinahihiwatig nito na itinuro niya ang ebanghelyo kahit may pagtatalo at pagtutol. Ang isa pang salin ng Biblia ay nagsasabing, “Ngunit bagama’t nagdusa na kami at inalipusta sa Filipos, tulad ng inyong nalalaman, ay naglakas-loob kami sa ating Diyos upang ipahayag sa inyo ang ebanghelyo ng Diyos sa gitna ng napakalaking pagsalungat.
1 Tesalonica 2:17–18
Paano hinadlangan ni Satanas si Pablo?
Hindi bumalik si Pablo sa Tesalonica matapos siyang itaboy rito sa kanyang ikalawang paglalakbay bilang misyonero. Sinabi niya na hindi siya nakabalik dahil “hinadlangan” siya ni Satanas. Hindi nagbigay ng anumang detalye si Pablo kung paano siya hinadlangan ni Satanas na bumalik sa Tesalonica. Gayunman, alam natin na kaya napilitan si Pablo na mag-iba-iba ng mga lugar sa kanyang mga gawaing misyonero ay dahil sa pag-uusig ng mga Judio. Hinggil sa pagtutol sa mga lingkod ng Panginoon, sinabi ni Pangulong Howard W. Hunter, “Si Satanas ay palaging naririyan at gagawin niya ang lahat para humadlang at humarang at manaig.”
1 Tesalonica 4:3–5
Ano ang itinuturo ni Pablo tungkol sa seksuwal na relasyon?
Noong panahon ni Pablo, ang seksuwal na relasyon nang hindi kasal ay pinahihintulutan at tinatanggap ng maraming Gentil. Dahil karamihan sa mga bagong miyembro ng Simbahan sa Tesalonica ay mga Gentil, nadama ni Pablo na kailangan niyang ipaunawa nang husto ang tungkol sa inaasahang pag-uugali tungkol sa seksuwal na pag-uugali. Itinuro Niya na dapat silang “umiiwas sa pakikiapid.” Ang pakikiapid ay isinalin mula sa salitang Griyego na porneia at may kaugnayan sa seksuwal na imoralidad. Sinabi rin ni Pablo sa mga Banal na kontrolin ang kanilang katawan at huwag magpadala sa kahalayan at pagnanasa.
Hinggil sa mga pamantayan ng kadalisayang seksuwal, ipinahayag ni Elder David A. Bednar: “Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay may iisa, at di-nagbabagong pamantayan sa kalinisang seksuwal: ang intimasiya ay nararapat lamang mangyari sa isang lalaki at isang babae na ikinasal ayon sa itinakda ng plano ng Diyos. Ang ganitong relasyon ay hindi pag-uusisa lamang na dapat hanapan ng kasagutan, hangaring dapat bigyang-kasiyahan, o uri ng libangan na gagawin lang para sa sarili. … Tayo ay mga kinatawan na may kalayaang pumili at nakikilala sa ating banal na katangian bilang mga anak ng Diyos—hindi sa seksuwal na pag-uugali, modernong pagkilos, o mga pilosopiya ng mundo.”
1 Tesalonica 4:13–18; 5:1–11
Ano ang mensahe ni Pablo tungkol sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo?
Sa mga talatang ito, at sa iba pang mga lugar sa Bagong Tipan, ang salitang Griyego na parousia ay ginamit kaugnay ng Ikalawang Pagparito ni Jesucristo. Sa kulturang Griyego-Romano noong panahon ni Pablo, inilarawan ng parousia ang pagdating ng isang pinuno o “makapangyarihang mga pagpapakita ng isang diyos.” Halimbawa, ang pagdating ng isang emperador ng Roma sa isang komunidad ay inaasahan na may matinding paghahanda. Ang paggamit ni Pablo ng salitang ito ay nakatulong sa kanya na bigyang-diin ang kahalagahan ng tamang paghahanda para sa pagbabalik ni Jesucristo sa lupa.
Ang mga turo ni Pablo sa 1 Tesalonica 4:13–18 ay nagpapahiwatig na nagkaroon ng kaunting pagkalito sa mga Banal sa Tesalonica tungkol sa Ikalawang Pagparito ni Cristo. Tila inasahan ng ilang miyembro ng Simbahan na babalik agad ang Panginoon. Nagkaroon ng mga alalahanin nang hindi ito nangyari kaagad.
Malinaw na nag-alala ang ilan na ang mga pumanaw kamakailan lamang ay hindi magiging bahagi ng Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas. May mga alalahanin din sila kung ano ang mangyayari sa matatapat na pumanaw kapag bumalik si Jesucristo.
Itinuro ni Pablo na ang mga buhay kapag bumalik si Jesucristo ay hindi “‘magkakaroon ng kalamangan sa’ … mga namatay na, dahil kapag bumalik si Jesus, ang mga namatay sa pananampalataya ay babangon at unang sasalubong kay Cristo. Pagkatapos, kasunod nito, ang mga buhay ay salubungin si Jesus at lahat sila ay muling magkakasama (tingnan sa 1 Tes. 4:16–17).”
Ang pag-aalala ng mga Banal sa Tesalonica sa Ikalawang Pagparito ng Panginoon ang tila dahilan kaya isinulat ni Pablo ang ikalawang sulat niya sa kanila. Sa 2 Tesalonica 2:1–12, ipinaliwanag ni Pablo ang mahahalagang palatandaan na mangyayari bago bumalik ang Tagapagligtas. Tinalakay din niya ang “katamaran ng mga Banal na tila naging sanhi kaya hindi makatotohanang inasahan nila na mangyayari kaagad ang Ikalawang Pagparito (tingnan sa 2 Tesalonica 3:6–15).”
1 Tesalonica 5:1–8
Bakit mas handa ang “mga anak ng liwanag” para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo?
Inihambing ni Pablo ang Ikalawang Pagparito ni Cristo sa hindi inaasahang pagdating ng magnanakaw sa gabi. Ang analohiyang ito ay naunang ginamit ni Jesucristo at matatagpuan din sa makabagong banal na kasulatan. Inilalarawan ng analohiya na ang Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas ay magiging biglaan at di-inaasahang pangyayari para sa marami.
Ang mga disipulo ni Jesucristo, na “mga anak ng liwanag,” ay makikita ang mga palatandaan ng pagbabalik ng Panginoon at laging handa.
1 Tesalonica 5:19
Ano ang ibig sabihin ng patayin ang ningas ng Espiritu?
Bilang bahagi ng kanyang payo kung paano maghahanda para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo, binalaan ni Pablo ang mga Banal na “huwag ninyong patayin ang ningas ng Espiritu.” Ang patayin ay isinalin mula sa salitang Griyego na nangangahulugang pawiin, hadlang, o labanan. “Ang ibig sabihin ng patayin ang Espiritu ay labanan ang Kanyang impluwensya, gaya ng pagsisikap na apulahin ang apoy. Isa sa mga pangunahing patakaran ng paglakad na kasama ng Diyos ay hindi tayo dapat tumanggi sa Espiritu ng Diyos.”
1 Tesalonica 5:21
Ano ang ibig sabihin ng “subukin ninyo ang lahat ng mga bagay”?
Ang salitang Griyego na isinalin bilang “subukin” sa King James Version ng Biblia ay nangangahulugang subukan, suriin, o unawain. Inanyayahan ni Pablo ang mga Banal sa Tesalonica na subukan o “subukin ninyo ang lahat ng mga bagay,” upang mahiwatigan kung ang isang bagay ay mabuti o masama—at “panghawakan ninyo ang mabuti.”
1 Tesalonica 5:26
Bakit tinagubilinan ni Pablo ang mga Banal na batiin ang isa’t isa ng banal na halik?
Isinulat ng isang iskolar ng Biblia: “Marahil ang utos ni Pablo na magbatian ang mga Banal ‘ng banal na halik’ ay komportable at pamilyar na tanda ng pakikisama sa kanyang sinaunang kontekstong Mediteraneo. Ngunit sa konteksto ng kultura ng Kanlurang Amerika noong 1800s, binigyang-inspirasyon ng Panginoon si Joseph Smith na iangkop ang utos na ito sa Bagong Tipan na ‘magbatian ng banal na pagbati,’ marahil bilang isang paraan upang maiangkop ang konseptong ito sa Kanyang mga tao na nabubuhay sa ibang panahon at lugar kung saan ang paghalik ay hindi itinuturing na isang komportableng paraan ng pagbati sa loob ng komunidad ng simbahan.”
2 Tesalonica 2:1–4
Ano ang itinuro ni Pablo tungkol sa Apostasiya?
Tulad sa kanyang unang sulat sa mga taga-Tesalonica, tinalakay ni Pablo ang mga maling pagkaunawa tungkol sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo. Ipinaliwanag niya na bago ang Ikalawang Pagparito ni Cristo ay “ma[u]unang maganap ang pagtalikod.” Ang “pagtalikod” ay isinalin mula sa salitang Griyego na apostasia, isang salita na ang ibig sabihin din ay “rebelyon” or “paghihimagsik.” Nagsalita si Pablo tungkol sa laganap, sinadyang paglaban sa ebanghelyo ng Panginoon at sa Kanyang Simbahan.
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson:
“Bago Siya ipinako sa Krus ay itinatag ng Panginoong Jesucristo ang Kanyang Simbahan. Kabilang dito ang mga apostol, propeta, pitumpu, teacher, at marami pang iba. At isinugo ng Guro ang Kanyang mga disipulo sa daigidig para ipangaral ang Kanyang ebanghelyo.
“Makalipas ang ilang panahon bumagsak ang espirituwalidad ng Simbahang itinatag ng Panginoon. Pinalitan ang Kanyang mga turo; binago ang Kanyang mga ordenansa. Naganap ang Malawakang Apostasiya na ipinropesiya ni Pablo, na nakaalam na ang Panginoon ay hindi darating muli ‘maliban nang dumating mu[n]a ang pagtali[kod]’ (2 Tesalonica 2:3).
“Sumunod ang Malawakang Apostasiyang ito sa pangyayaring tumapos sa bawat naunang dispensasyon. Ang una ay noong panahon ni Adan. At dumating ang mga dispensasyon nina Enoc, Noe, Abraham, Moises, at ng iba pa. Bawat propeta ay may banal na tungkuling ituro ang tungkol sa kabanalan at doktrina ng Panginoong Jesucristo. Sa bawat panahon, ang mga turong ito ay nilayong makatulong sa mga tao. Ngunit ang kanilang pagsuway ay nagbunga ng apostasiya. Dahil dito, lahat ng naunang mga dispensasyon ay limitado sa panahon at lugar. Limitado ang panahon nila dahil bawat isa ay nagwakas sa apostasiya. Limitado ang lugar nila sa maliit na bahagi ng planetang mundo.
“Kaya’t kinailangan ang ganap na pagpapanumbalik. Tinawag ng Diyos Ama at ni Jesucristo si Propetang Joseph Smith upang maging propeta ng dispensasyong ito. Lahat ng banal na kapangyarihan ng mga naunang dispensasyon ay ibinalik sa pamamagitan niya. Ang dispensasyong ito ng kaganapan ng mga panahon ay hindi magiging limitado sa panahon at lugar. Hindi ito magwawakas sa apostasiya, at pupunuin nito ang mundo.”
2 Tesalonica 2:3–9
Sino ang “anak ng kapahamakan”?
Nilinaw sa Pagsasalin ni Joseph Smith na si Satanas ang tinutukoy ni Pablo sa mga talatang ito. Ang salitang kapahamakan ay nagmula sa salitang Latin na perdere, na nangangahulugang “pagkawasak.” Ito ay isang titulo na ibinigay kay Lucifer nang siya ay palayasin sa harapan ng Diyos sa premortal na buhay. Lahat ng sumunod kay Satanas at naghimagsik laban sa Diyos sa buhay bago ang buhay na ito ay pinalayas at naging mga anak ng kapahamakan. Inilarawan ni Pablo ang “taong makasalanan” bilang isang taong “sumasalungat at nagmamataas laban sa lahat ng tinatawag na diyos.”
2 Tesalonica 2:10–12
Bakit magpapadala ang Diyos ng makapangyarihang pagkalinlang sa masasama?
Nagbabala si Pablo na ang mga sadyang tumatanggi sa katotohanan at tumatalikod dito ay makararanas ng malakas o makapangyarihang pagkalinlang. Kung wala ang Espiritu Santo, maniniwala sila sa kasinungalingan. Ipinaliwanag ng propetang si Alma kung paano maaaring mawala ang liwanag ng kaunawaan: “Siya na magpapatigas ng kanyang puso, siya rin ang tatanggap ng higit na maliit na bahagi ng salita; at siya na hindi magpapatigas ng kanyang puso, sa kanya ay ibibigay ang higit na malaking bahagi ng salita, hanggang sa ibigay sa kanya na malaman ang hiwaga ng Diyos, hanggang sa kanyang malamang ganap ang mga ito. At sila na magpapatigas ng kanilang mga puso, sa kanila ay ibibigay ang higit na maliit na bahagi ng salita hanggang sa wala na silang malaman pa hinggil sa kanyang mga hiwaga.”
Alamin ang Iba Pa
Ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo
-
Russell M. Nelson, “Ang Kinabukasan ng Simbahan: Paghahanda sa Mundo para sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas,” Liahona, Abr. 2020, 12–17
-
Neil L. Andersen, “Dumating Nawa ang Kaharian Mo,” Liahona, Mayo 2015, 119–23
-
Mga Paksa at Mga Tanong, “Ikalawang Pagparito ni Jesucristo, Gospel Library
Ang Apostasiya
-
Mga Paksa at Mga Tanong, “Apostasiya,” Gospel Library
Media
Mga Larawan
Ikalawang Pagparito
The Second Coming [Ang Ikalawang Pagparito], ni Harry Anderson
He Comes Again to Rule and Reign [Siya ay Paparitong Muli upang Mamuno at Maghari], ni Mary R. Sauer
Christus the Consolator [Si Cristo ang Tagapagpanatag], ni Carl Heinrich Bloch
Mga Video
“The Apostasy and Restoration” (1:51)
“Mga Dispensasyon: Ang Pattern ng Apostasiya at Pagpapanumbalik” (6:52)