“Mga Hebreo 7–13,” Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan (2024)
Mga Tulong sa Banal na Kasulatan
Mga Hebreo 7–13
Tulad ng Mga Hebreo 1–6, binibigyang-diin ng mga kabanatang ito ang pinakapangunahing tungkulin ni Jesucristo sa plano ng kaligtasan. Tinalakay sa mga kabanata ang pagiging nakahihigit ng priesthood ng Tagapagligtas, ang Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, at ministeryo. Itinuro ni Pablo na ang sinaunang tabernakulo, mga ordenansa ng batas ni Moises, at pag-aalay ng hayop ay tumutuon kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala. Upang hikayatin ang mga Banal na manatiling tapat, isinama ni Pablo ang mga halimbawa ng kalalakihan at kababaihan na nagpakita ng malaking pananampalataya. Itinuro din niya na ang Diyos ay Ama ng ating espiritu at dinidisiplina tayo upang tayo ay maging banal. Nagbigay ng payo si Pablo tungkol sa relasyon ng mag-asawa at pagsuporta sa mga tinawag na mamuno.
Resources
Tandaan: Ang pagbanggit ng isang source na hindi inilathala ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay hindi nagpapahiwatig na ito o ang may-akda nito ay inendorso ng Simbahan o kumakatawan sa opisyal na posisyon ng Simbahan.
Background at Konteksto
Mga Hebreo 7:1–2
Sino si Melquizedek [Melquisedec]?
Si Melquisedec ay isang dakilang mataas na saserdote, propeta, at hari sa Lumang Tipan. Nabuhay siya sa panahon ng propetang si Abraham. Siya ay tinukoy bilang “hari ng Salem … , hari ng kapayapaan, hari ng katuwiran … , at [saserdote] ng Kataas-taasang Diyos.” Tumanggap din si Melquisedec ng mga ikapu mula kay Abraham. Sa isang paghahayag na ibinigay kay Joseph Smith, inihayag ng Panginoon na ipinagkaloob ni Melquisedec ang priesthood kay Abraham.
Mga Hebreo 7:3
Si Melquisedec ba ay imortal at walang mga magulang?
Nilinaw ni Propetang Joseph Smith na hindi si Melquisedec ang tinutukoy na imortal at walang mga magulang. Ang Pagkasaserdoteng Melquisedec o Melchizedek Priesthood ang “walang ama, [at] walang ina.” Itinuro din ni Joseph Smith na ang Melchizedek Priesthood ay “umiral kasabay ng Diyos mula sa kawalang-hanggan, at hanggang sa kawalang-hanggan, walang simula o katapusan ng mga panahon.”
Mga Hebreo 7:20–21
Ano ang ibig sabihin ng iginawad ang Melchizedek Priesthood o Pagkasaserdoteng Melquisedec na may panunumpa?
“Ang Pagkasaserdoteng Melquisedec ang nakatataas o mas dakilang pagkasaserdote.” Ipinaliwanag ni Pablo na ang Aaronic Priesthood ay iginagawad na walang panunumpa, ngunit ang Pagkasaserdoteng Melquisedec ay iginagawad na may panunumpa. Itinuro ni Elder Dale G. Renlund: “Para sa bawat lalaking tumatanggap ng Melchizedek Priesthood, pinagtitibay ng Diyos ang Kanyang mga pangako sa tipan gamit ang isang sumpa. Ang sumpang ito ay nauukol lamang sa Melchizedek Priesthood, at ang Diyos ang sumusumpa, hindi ang maytaglay ng priesthood. Dahil ang kakaibang sitwasyong ito ay kinapapalooban ng Kanyang banal na kapangyarihan at awtoridad, gumagamit ang Diyos ng isang sumpa, ginagamit ang pinakamatinding salita na magagamit Niya, upang matiyak sa atin ang nagbubuklod at hindi mapapawalang-bisang katangian ng Kanyang mga pangako.”
Itinuturo ng mga banal na kasulatan ng Pagpapanumbalik na ang Aaronic Priesthood ay “kaakibat sa nakatataas, o ang Pagkasaserdoteng Melquisedec.” Inihayag ng Tagapagligtas na “lahat yaong tumanggap ng pagkasaserdoteng [Melquisedec], ay tumanggap ng sumpa at tipang ito ng Ama [sa Langit].” Sa pamamagitan ng mga ordenansa ng Melchizedek Priesthood, ginagawang posible ni Jesucristo ang mga pagpapala ng kadakilaan sa mga anak ng Diyos.
Mga Hebreo 9
Ano ang ginagawa ng mataas na saserdote sa Araw ng Pagtubos?
Ang tabernakulo ay isang templo na nadadala at naililipat na ginamit ng sinaunang Israel hanggang sa itayo nila ang templo ni Solomon. Ang tabernakulo ay isang templo na madaling baklasin at itayo na ginamit ng sinaunang Israel hanggang sa itayo nila ang templo ni Solomon. Minsan sa isang taon, sa Araw ng Pagtubos (Yom Kippur), ang mataas na saserdote ay dumaraan sa tabing ng templo at pumapasok sa Pinakabanal na Dako, na tinatawag ding Dakong Kabanal-banalan, na kumakatawan sa presensya ng Diyos.
Ang Tabernakulo sa Lumang Tipan
Bago pumasok sa Dakong Kabanal-banalan, ang saserdote ay nagsasagawa ng ilang pag-aalay ng mga hayop. Iniwiwisik niya ang dugo ng mga hayop sa mga espesyal na lugar sa Dakong Kabanal-banalan bilang handog pangkasalanan upang tubusin ang mga kasalanan ng Israel. Pagkatapos ay simbolikong inililipat niya ang mga kasalanan ng mga tao sa isang lalaking kambing, na tinatawag na Azazel o kambing na pinagbubuntunan ng sisi. Ang kambing na ito ay payayaunin sa ilang. Sa huli, iaalay ng saserdote ang mga handog na susunugin na dalawang lalaking tupa, na para sa kanya at sa kanyang mga tao. Ang mga sakripisyo at seremonyang ito sa Araw ng Pagtubos ay sumisimbolo at pagpapahiwatig ng gagawing Pagbabayad sala ng Tagapagligtas.
Mga Hebreo 9–10
Paano naiba ang handog ni Jesucristo sa mga handog ng iba pang mataas na saserdote?
Ang mga sinaunang mataas na saserdote ay naghandog ng mga kambing o tupa bilang sakripisyo; ang Kordero ng Diyos ay kusang inihandog ang Kanyang Sarili bilang sakripisyo. Ang mga mataas na saserdote ay naghandog ng mga sakripisyo taun-taon sa Araw ng Pagtubos; si Jesucristo ay minsanan lang ginawa ang Kanyang sakripisyo. Si Jesus ang ating Mataas na Saserdote sa paggawa ng paghahandog at Siya rin mismo ang pinakahandog. Ang mga sinaunang mataas na saserdote ay pumasok sa Dakong Kabanal-banalan sa lupa at iwinisik ang dugo ng kambing sa luklukan ng awa para sa mga kasalanan ng Israel. Dahil sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, si Jesucristo bilang Tagapamagitan ay papasok sa santuwaryo ng langit sa harap ng Ama sa Langit alang-alang sa lahat ng nagsisisi.
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson na “ang Pagbabayad-sala [ni Jesucristo] ay walang hanggan—walang wakas. Ito ay walang hanggan din dahil maililigtas ang buong sangkatauhan mula sa walang-katapusang kamatayan. Ito ay walang hanggan dahil sa Kanyang matinding pagdurusa. Ito ay walang hanggan sa panahon, na tumapos sa naunang nakaugaliang pag-aalay ng hayop. Ito ay walang hanggan sa saklaw—ito ay dapat gawin nang minsanan para sa lahat.”
Mga Hebreo 10:19–20
Paanong sumisimbolo kay Jesucristo ang tabing ng templo?
Ang tabing ng templo ay kumakatawan sa “paghihiwalay ng Diyos at ng tao.” Noong unang panahon, ang mataas na saserdote ay dumaraan sa tabing sa Araw ng Pagtubos (tingnan sa “Mga Hebreo 9. Ano ang ginagawa ng mataas na saserdote sa Araw ng Pagtubos?”). Sumisimbolo ito sa pagpasok sa kinaroroonan ng Diyos. Itinuro ni Pablo na ang tabing ay kumakatawan sa laman ni Jesucristo. Sa pamamagitan ng sakripisyo ni Cristo ay magagawa nating makapasok sa kinaroroonan ng Diyos.
Tulad ng tabing ng templo na nagbigay sa mataas na saserdote ng access para makapasok sa Dakong Kabanal-banalan, ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay nagbibigay sa atin ng access para makapasok sa kinaroroonan ng Diyos.
Mga Hebreo 12:2
Anong kahihiyan ang tiniis ni Jesucristo para maging tagapagtatag at tagapagsakdal ng ating pananampalataya?
Isinulat ng isang iskolar, “Ang pagpapako sa krus ay isang malupit at masakit na paraan ng pagpatay noong unang panahon, at sa kultura ng Bagong Tipan ito ay isang kahiya-hiya at kadusta-dustang kamatayan.” Ang ilang unang Kristiyano ay tila nahihirapang tanggapin na si Jesucristo, ang Anak ng Diyos, ay namatay sa gayong kahiya-hiyang paraan. Bukod dito, binatikos at kinutya ng mga pagano ang mga Kristiyano dahil sa pagsamba sa isang Diyos na namatay sa pamamagitan ng pagpapako sa krus. Ipinaliwanag ni Pablo na tiniis ni Jesucristo ang kahihiyan ng Pagpapako sa Krus upang maging tagapagtatag at tagapagsakdal ng ating pananampalataya.
Itinuro din ni Pablo na tiniis ng Tagapagligtas ang kahihiyan sa pagkakapako sa krus “alang-alang sa … kagalakan.” Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Si Jesucristo ang ating dakilang huwaran, ‘na Siya dahil sa kagalakang inilagay sa harapan niya ay tiniis ang krus’ [Hebreo 12:2]. Isipin ninyo iyan! Para mapagtiisan Niya ang pinakamatinding karanasang tiniis sa lupa, nagtuon ang ating Tagapagligtas sa kagalakan!
“At ano ang kagalakang inilagay sa harapan Niya? Tiyak na kabilang dito ang kagalakang linisin, pagalingin, at palakasin tayo; ang kagalakang pagbayaran ang mga kasalanan ng lahat ng magsisisi; ang kagalakang gawing posible na makabalik tayo—nang malinis at karapat-dapat—sa piling ng ating mga Magulang sa Langit at ng ating pamilya.”
Mga Hebreo 12:5
Ano ang ibig sabihin ng disiplina?
Ang salitang Griyego na paideia ay isinalin bilang “disiplina” sa King James Version ng Biblia. Ang ibig sabihin ng Paideia ay “pagsasanay, pag-aalaga ng mga anak, pagpapalaki, pagtuturo.” Ang pangunahing ideya ay “ang buong pagsasanay at pagtuturo sa mga bata … pagtuturo na may mithiing dagdagan ang kabanalan.”
Mga Hebreo 12:22–23
Ano ang Bundok ng Sion at ang Simbahan ng Panganay?
Ang pagtukoy sa apoy, unos, at trumpeta sa Mga Hebreo 12:18–19 ay pahiwatig na naroon ang presensya ng Diyos sa Bundok Sinai noong ipabatid ng Diyos ang batas ni Moises. Ang kamangha-mangha at inspiradong karanasang ito ay simula pa lamang. Ang mga mananampalataya ay dapat tumingin sa isa pang bundok, ang Bundok ng Sion, para sa mas malaking kaluwalhatian. Sa aklat ng Mga Hebreo, ang Bundok ng Sion ay tumutukoy sa banal na lungsod ng Diyos. Sa lungsod na ito matatagpuan ang “[pangkalahatang] kapulungan at [simbahan] ng panganay.”
Tungkol sa Simbahan ng Panganay, ipinahayag ni Jesucristo, “Ako sa simula ay kasama ng Ama, at ako ang Panganay; at lahat ng yaong isisilang sa akin ay kabahagi ng yaon ding kaluwalhatian, at ang simbahan ng Panganay.” Ang mga tumatanggap ng kaluwalhatian ng Panganay ay tatanggap ng “kaganapan ng Ama.” Ang kaganapang ito ay ang pangako “na buhay na walang hanggan, maging ang kaluwalhatian ng kahariang selestiyal; kung aling kaluwalhatian ay yaong sa simbahan ng Panganay, maging ng Diyos, ang pinakabanal sa lahat, sa pamamagitan ni Jesucristo na kanyang Anak.”
Mga Hebreo 12:29
Paanong ang Diyos ay isang apoy na tumutupok?
Isinulat ng isang iskolar: “Para sa sinaunang Israel, isa sa mahahalagang aspekto ng Diyos ay ang Kanyang kakayahang ipakita ang Kanyang kapangyarihan sa pamamagitan ng nagliliyab na liwanag. Tunay ngang namangha ang Israel sa nakitang liwanag gaya ng isang lumalamong apoy sa taluktok ng bundok ng Sinai (tingnan sa Exodo 24:17). Ipinahayag ni Moises, ‘Ang Panginoon mong Diyos ay isang apoy na tumutupok’ (Deuteronomio 4:24).” Ang pagpapakita na ito ng presensya at kapangyarihan ng Diyos ay nagbunsod ng “paggalang at takot.”
Ipinaliwanag ni Propetang Joseph Smith ang kahulugan ng apoy na ito na tumutupok: “Ang Makapangyarihang Diyos mismo ay nananahan sa apoy na walang hanggan; hindi makaparoroon ang laman at dugo, dahil lahat ng kabulukan ay tutupukin ng apoy. Ang ating Diyos ay isang apoy na tumutupok. Kapag ang ating laman ay binubuhay ng Espiritu, wala nang dugo sa tabernakulong ito. Ang ilan ay nananahan sa mas mataas na kaluwalhatian kaysa sa iba. … Ang imortalidad ay nananahan sa walang hanggang pagsunog.”
Alamin ang Iba Pa
Si Cristo bilang Dakilang Mataas na Saserdote
-
David Rolph Seely at Jo Ann H. Seely, “Sacrifice: In Similitude of the Savior” (digital lamang na mga artikulo), Liahona, Set. 2022, Gospel Library
-
Jeffrey R. Holland, “An High Priest of Good Things to Come,” Ensign, Nob. 1999, 36–38
Ang Priesthood alinsunod sa Orden ni Melquizedec
-
Dale G. Renlund, “Ang Priesthood at ang Nagbabayad-salang Kapangyarihan ng Tagapagligtas,” Liahona, Nob. 2017, 64–67
Tiwala
-
Jeffrey R. Holland, “Cast Not Away Therefore Your Confidence,” Ensign, Mar. 2000, 6–11
Pananampalataya kay Jesucristo
-
Mga Paksa at Mga Tanong, “Pananampalataya kay Jesucristo,” Gospel Library
Jesucristo: Ang Nagtatag at Nagpasakdal ng Ating Pananampalataya”
-
Camille N. Johnson, “Anyayahan si Cristo na Maging May-akda ng Inyong Kuwento,” Liahona, Nob. 2021, 80–82
Media
Video
“Substance of Faith” (6:24)
Mga Larawan
Melchizedek Blesses Abraham [Binabasbasan ni Melquisedec si Abraham], ni Walter Rane
The Restoration of the Melchizedek Priesthood [Ang Pagpapanumbalik ng Melchizedek Priesthood], ni Walter Rane
Sacrifice of a Lamb [Pag-aalay ng Isang Kordero], ni Robert T. Barrett
High Priest [Mataas na Saserdote], ni Phil McKay
Paglalarawan ng tabing sa templo na napunit sa pagkamatay ni Cristo