“Lucas 12–17; Juan 11,” Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan (2024)
Mga Tulong sa Banal na Kasulatan
Lucas 12–17; Juan 11
Naglakbay si Jesus mula sa Galilea patungo sa Jerusalem nang malapit nang matapos ang Kanyang ministeryo sa mundo. Nagturo Siya ng maraming talinghaga, kabilang na ang mga talinghaga tungkol sa nawawalang tupa, nawawalang barya, at alibughang anak. Nagbabala Siya laban sa pagkukunwari at kasakiman, at binigyang–diin Niya ang pangangailangang maging mapagbantay at handa para sa Kanyang Ikalawang Pagparito. Itinuro Niya na lahat ay kailangang magsisi kundi ay mapapahamak sila. Nagpagaling Siya sa araw ng Sabbath at tinalakay kung sino ang maliligtas. Ipinropesiya Niya ang Kanyang kamatayan at Pagkabuhay na Mag-uli at nagdalamhati tungkol sa Jerusalem. Itinuro Niya ang mga kinakailangan para sa pagiging disipulo. Pinagaling ni Jesus ang sampung ketongin at ipinakita ang Kanyang kapangyarihan sa pagdaig sa kamatayan sa pamamagitan ng pagpapabangon kay Lazaro mula sa mga patay.
Resources
Tandaan: Ang pagbanggit ng isang source na hindi inilathala ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay hindi nagpapahiwatig na ito o ang may-akda nito ay inendorso ng Simbahan o kumakatawan sa opisyal na posisyon ng Simbahan.
Background at Konteksto
Lucas 12:35–40
Ano ang ibig sabihin ng “bigkisan ninyo ang inyong mga baywang” bilang paghahanda sa Ikalawang Pagparito?
Noong panahon ng Biblia, ang mga lalaki ay nagsusuot ng mahahabang bata (robe). Kapag nagtatrabaho, ang isang tao ay isinusuksok ang laylayan ng kanyang tunika (bata) sa loob ng kanyang pamigkis (sinturon) upang maginhawa niyang maigalaw ang kanyang mga binti. Ito ang ibig sabihin ng pariralang “bigkisan ninyo ang inyong mga baywang.” Ito ay isang simbolo “na nagpapahiwatig ng kahandaan sa pagkilos.” Sa talinghagang ito, ang ibig sabihin ng pagbigkis sa inyong baywang at pagpapaliwanag ng inyong ilawan ay pagiging mapagbantay at handa sa pagbabalik ng Panginoon.
Lucas 13:6–9
Ano ang kahulugan ng talinghaga tungkol sa punong igos?
Matapos ituro na lahat ng tao ay kailangang magsisi kundi ay mapapahamak, nagbahagi ang Tagapagligtas ng isang talinghaga tungkol sa isang tigang na puno ng igos. Para sa mga Judio, ang puno ng igos ay karaniwang simbolo para sa Israel, ang pinagtipanang bayan ng Diyos.
Sa talinghagang ito, ang “isang tao” ay kumakatawan sa Diyos. Ang ubasan ay kumakatawan sa mundo, at ang “tagapag-alaga ng ubasan” ay kumakatawan sa Tagapagligtas. Matapos ibigay ang talinghagang ito, patuloy na binigyang–diin ng Tagapagligtas na hindi nagbubunga ng kabutihan ang Israel sa panahon na may pagkakataong magtagumpay ito.
Lucas 13:18–19
Ano ang kahulugan ng talinghaga tungkol sa butil ng mustasa?
Tingnan sa “Mateo 13:31–32. Ano ang butil ng mustasa?”
Lucas 13:20–21
Ano ang kahulugan ng talinghaga tungkol sa pampaalsa?
Tingnan sa “Mateo 13:3–9, 18–33, 43–50. Ano ang matututuhan natin mula sa mga talinghaga tungkol sa pagtitipon?”
Lucas 13:23–30
Ano ang isang “makipot na pintuan”?
Ang mga salitang Griyego na isinalin bilang “makipot na pintuan” sa King James Version ng Biblia ay maaari ding isalin bilang “makitid na pintuan.” Ang “makipot na pintuan” na ito ay sumisimbolo sa mahigpit na mga kinakailangan para sa pagiging disipulo. Ginagamit ng ibang mga banal na kasulatan ang imahe ng makipot na pintuan o makitid na daan upang ituro sa atin na kailangan nating tumanggap ng mahahalagang ordenansa at tuparin ang mga tipan para makapasok sa kaharian ng langit. Sinabi ni Elder D. Todd Christofferson: “Sa matalinghagang paglalarawan, napakakipot ng pasukang ito kaya isa-isa lang ang tinutulutang makapasok. Bawat isa ay nangangako sa Diyos at kapalit nito ay tumatanggap mula sa Kanya ng personal na tipan, sa pangalan, na kanyang lubos na maaasahan ngayon at sa walang-hanggan.”
Lucas 14:7–11
Ano ang mga kaugalian ng paggalang sa mga panauhin sa isang piging?
“Habang papunta sa Jerusalem, tinanggap ng Tagapagligtas ang paanyaya na kumain ‘sa bahay ng isa sa mga pinuno ng mga Fariseo’ (Lucas 14:1) sa araw ng Sabbath. Habang naroon, napansin niya na ang iba pang mga panauhin ay ‘pinipili … ang mga upuang pandangal’ (Lucas 14:7), o mga lugar ng karangalan. Ayon sa kaugalian, ang mga pinararangalang panauhin ay nakaupo sa pinakamalapit sa nag-anyaya. Ginamit ng Tagapagligtas ang tagpong ito upang magturo ng ‘isang talinghaga’ (Lucas 14:7) na nagpapahiwatig ng walang–hanggang alituntunin tungkol sa kaugnayan ng pagpapakumbaba at kadakilaan.”
Lucas 14:26
Ano ang ibig sabihin ng salitang “napopoot”?
Sa konteksto ng Lucas 14:26, ang salitang Griyego na isinalin bilang “napopoot” ay maaaring magpahiwatig ng pagbibigay ng mas kaunting pagpapahalaga sa isang bagay kaysa sa isa pa. Hindi winawalang-halaga ng Tagapagligtas ang utos na “igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina.” Sa halip, nagtuturo Siya tungkol sa mga prayoridad. Para sa isang disipulo, ang debosyon kay Jesucristo ay dapat na mauna bago ang debosyon sa pamilya.
Lucas 14:34–35
Ano ang kahulugan ng “kung ang asin ay mawalan ng kanyang lasa”?
Tingnan sa “Mateo 5:13. Ano ang ibig sabihin ng maging ‘asin ng lupa’?”
Lucas 15:4
Paano inalagaan ng mga pastol ang kanilang mga tupa noong panahon ng Biblia?
Noong panahon ng Biblia, ang pagpapastol o pag-aalaga ng mga tupa ay karaniwang pinagkukunan ng kabuhayan. Inaakay ng mga pastol ang kanilang mga tupa kung saan may tubig at pagkain, sinisigurong hindi nagpapagala-gala ang kanilang mga kawan, at pinoprotektahan ang mga ito mula sa panganib. Sa kulturang ito, ang mga pastol ay “masigasig, masipag, mahabagin na mga pinuno na nangangalaga at nagpoprotekta at gumagabay sa kanilang mga kawan. Ang mapanatiling magkakasama ang lahat sa kawan ay mahalaga sa pagsasakatuparan ng misyon na ito.”
Dahil ang pagpapastol ay karaniwan noong panahon ng Biblia, ito ay naging angkop at madaling maunawaan na metapora sa pagtuturo ng mga espirituwal na katotohanan. Ang mga pastol ay inihambing sa mga pinuno at maging sa Diyos, na nangangalaga sa Kanyang mga tupa—sa Kanyang pinagtipanang mga tao.
Tingnan sa “Juan 10:1–18. Ano ang ginagawa ng mga pastol noong panahon ni Jesucristo?”
Lucas 15:8
Ano ang halaga ng isang pirasong pilak?
“Ang piraso ng pilak sa talinghagang ito ay isang baryang Griyego na tinatawag na drachma. Medyo maliit na halaga lamang [ito], ngunit magagamit ito ng isang maralita na pambili ng pagkain para sa dalawang araw. Ang sahod sa isang araw ng isang manggagawa ay maaaring mga isang drachma, ngunit ang babae ay malamang na kumita ng mas mababa sa kalahati ng halaga na iyon para sa isang araw na trabaho.”
Lucas 15:11–32
Ano ang ibig sabihin ng salitang alibugha?
Bagamat hindi binigyan ng pangalan ng teksto ni Lucas ang talinghaga, nakilala ito bilang talinghaga tungkol sa alibughang anak. Ang ibig sabihin ng salitang alibugha ay mapangwaldas at labis na maluho.
Lucas 15:12
Ano ang batas ng mga Judio tungkol sa mga mana?
Ayon sa tradisyon sa panahon ng Tagapagligtas, matatanggap lamang ng isang anak ang kanyang mana kapag pumanaw na ang kanyang ama. Tila “lubhang hindi pangkaraniwan” para sa isang anak na lalaki na humingi ng kanyang mana bago ang kamatayan ng kanyang ama.
Lucas 15:14–19
Ano ang ibig sabihin ng “natauhan” ang anak?
Itinuro ni Elder Robert D. Hales, “Sa mga salita ng Tagapagligtas, ‘siya’y [natauhan]” [Lucas 15:17]. Naalala niya kung sino siya, natanto niya kung ano ang nawala sa kanya, at hinangad niya ang mga biyayang malaya niyang nakukuha sa bahay ng kanyang ama.” Napagtanto ng alibughang anak ang napakahirap na sitwasyong kinasadlakan niya dahil sa kanyang paglabag.
Lucas 16:19–31
Ano ang matututuhan natin tungkol sa daigdig ng mga espiritu mula sa talinghaga tungkol sa mayamang lalaki at si Lazaro?
Ang talinghaga tungkol sa mayamang lalaki at si Lazaro ay tumutukoy sa dalawang magkaibang kalagayan sa daigdig ng mga espiritu pagkatapos ng kamatayan: “kandungan ni Abraham” at “hades.” Ang mga kalagayang ito ay tinatawag ding “paraiso” at “bilangguan.” Ang bangin sa pagitan ng kandungan ni Abraham at ng hades sa talinghagang ito ay naglalarawan ng pagiging magkahiwalay ng mga espiritung nasa paraiso at ng mga espiritung nasa bilangguan.
Sa pamamagitan ng paghahayag na ibinigay kay Pangulong Joseph F. Smith, nalaman natin na ang Tagapagligtas ay naglingkod sa daigdig ng mga espiritu sa pagitan ng panahon ng Kanyang Pagpapako sa Krus at Pagkabuhay na Mag–uli. Siya ay nag–organisa ng mga sugo mula sa paraiso ng mga espiritu at binigyan sila ng kapangyarihang ipangaral ang ebanghelyo sa mga nasa bilangguan ng mga espiritu. Ang gawain ng pangangaral ng ebanghelyo sa mga espiritung nasa bilangguan ay patuloy hanggang ngayon.
“Kung tatanggapin [ng mga espiritu sa bilangguan] ang ebanghelyo at ang mga ordenansang isinagawa para sa kanila sa mga templo, maaari na silang lumisan sa bilangguan ng mga espiritu at manirahan sa paraiso.”
Lucas 17:5–10
Bakit tayo “mga aliping walang kabuluhan”?
“Upang mas maunawaan ang konsepto ng mga aliping walang kabuluhan, dapat nating pagtuunan ng pansin ang salitang tubo o kita. Ang tubo o kita ay nangangahulugang karagdagan sa mga personal na ari-arian, katayuan, o benepisyo. Iyan ang buod ng konsepto ng ating pagiging mga aliping walang kabuluhan.” Sa talinghagang ito, gaano man kahusay ang pagganap ng alipin sa kanyang mga tungkulin, may utang pa rin siya sa kanyang panginoon. Gayundin, kapag ginagawa natin ang ating tungkulin sa harap ng Diyos, pinagpapala Niya tayo, at may utang pa rin tayo sa Kanya. “Ang Diyos ay perpekto sa kanyang kaalaman, kapangyarihan, impluwensya, at mga katangian. Siya ang Tagapaglikha ng lahat ng bagay! Ano ang magagawa ng sinuman sa atin—o lahat tayo—na magdudulot ng tubo (ibig sabihin, karagdagan sa mga ari–arian, katayuan, o benepisyo) sa Diyos?”
Lucas 17:20–21
Ano ang ibig sabihin ng “ang kaharian ng Diyos ay nasa inyo”?
Maraming salin ng Bagong Tipan sa mga katagang “ang kaharian ng Diyos ay nasa inyo” bilang ang “kaharian ng Diyos ay kasama ninyo.” Binago ng Pagsasalin ni Joseph Smith ang mga katagang ito na mababasa na, “Ang kaharian ng Diyos ay dumating na sa inyo” Ang dalawang pagsasalin ng mga katagang iyon ay tumutukoy sa katotohanang itinatag ni Jesucristo ang kaharian ng Diyos, o ang Simbahan, noong panahong iyon. Ang kaharian ding iyan ay muling itinatag sa ating panahon.
Juan 11:17, 39
Ano ang kahalagahan ng paghihintay ni Jesus hanggang sa ikaapat na araw para buhayin si Lazaro?
May mga pagkakataon na binuhay ng mga propeta ng Diyos ang mga indibiduwal bago ang panahon ng Tagapagligtas. Ngunit ang mga patay sa mga pagkakataong iyon ay binuhay kaagad pagkatapos nilang mamatay. Ang karaniwang paniniwala ng mga Judio ay ang espiritu ng isang yumao ay nananatiling malapit sa kanyang katawan sa loob ng tatlong araw at ang kamatayan ay ganap na mangyayari sa ikaapat na araw. Ang pagpapagaling ng Tagapagligtas kay Lazaro sa ikaapat na araw ay nagpakita ng Kanyang ganap na kapangyarihang daigin ang kamatayan.
Alamin ang Iba Pa
Mga Aral mula sa mga Talinghaga ni Jesus
-
Melvin F. Hammond, “Parables of Jesus: The Great Supper,” Ensign, Abr. 2003, 51–53
-
Dieter F. Uchtdorf, “Papasanin Ka Niya sa Kanyang Balikat at Iuuwi,” Liahona, Mayo 2016, 101–4
-
Dieter F. Uchtdorf, “Ang Alibugha at ang Daan Pauwi,” Liahona, Nob. 2023, 86–89
-
Tsung-Ting Yang, “Parables of Jesus: The Unjust Steward,” Ensign, Hulyo 2003, 28–31
Media
Mga Video
“Lazarus Is Raised from the Dead” (7:53)
“Jesus Declares the Parable of the Lost Sheep” (2:20)
“The Prodigal Son” (5:36)
“Gird Up Your Loins” (0:47)
Mga Larawan
The Lost Drachma [Ang Nawawalang Drachma], ni James Tissot
The Poor Lazarus at the Rich Man’s Door [Ang Maralitang si Lazaro sa Pintuan ng Mayamang Lalaki], ni James Tissot