“Mga Gawa 6–9,” Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan (2024)
Mga Tulong sa Banal na Kasulatan
Mga Gawa 6–9
Nagtalaga ang mga Apostol ng pitong kalalakihan na tutulong sa kanilang mapangasiwaan ang mga pangangailangan ng Simbahan. Si Esteban, na isa sa pitong ito, ay dinakip at iniharap sa mga pinunong Judio. Isinalaysay ni Esteban ang kasaysayan ng Israel at ipinahayag na pinatay nila si Cristo tulad ng pagpatay ng kanilang mga ninuno sa mga nakaraang propeta. Sa pangitain, nakita ni Esteban ang Ama sa Langit at si Jesucristo. Pagkatapos ay pinagbabato siya dahil sa pagpapatotoo sa Kanila. Sa Samaria, si Felipe ay nangaral, nagbinyag, at gumawa ng maraming himala. Sinaway ni Pedro si Simon, isang salamangkero, na gustong bilhin ng pera ang priesthood. Pinapunta ng Panginoon si Felipe sa Gaza, kung saan niya bininyagan ang isang lalaki mula sa Etiopia. Nagpakita si Jesus kay Saulo sa daan patungong Damasco. Nawalan ng paningin si Saulo at pinagaling siya ni Ananias. Pinagaling ni Pedro si Aeneas at binuhay muli si Tabita (Dorcas).
Resources
Background at Konteksto
Mga Gawa 6:1–6
Bakit tumawag ang Labindalawang Apostol ng pitong lalaki para tulungan sila?
Habang lumalaki ang Simbahan ng Panginoon, nagkaroon ng alitan sa pagitan ng mga Judiong nabinyagan na pangunahing nagsasalita ng Griyego (mga Helenista) at ng mga pangunahing nagsasalita ng Aramaiko (mga Hebreo). Malamang na ang kanilang mga hindi pagkakaintindihan ay higit pa sa pagkakaiba sa wika at kinabibilangan din ng pagkakaiba sa pamumuhay at kinaugalian. Sa pakiwari ng mga Helenista ay pinababayaan ng mga Hebreo ang kanilang mga balo. Noong panahon ng Bagong Tipan, ang mga balo ay lubhang nahihirapan at kadalasang nangangailangan ng pangangalaga.
Ipinaliwanag ng Labindalawang Apostol na hindi nila dapat pabayaan ang salita ng Diyos na “maglingkod sa mga hapag.” Ang paglilingkod sa mga hapag ay tumutukoy sa pag-aasikaso sa temporal na mga pangangailangan ng mga miyembro ng Simbahan. Tumawag ang Labindalawang Apostol ng pitong disipulo mula sa mga Helenista upang tugunan ang mga temporal na alalahaning ito upang makapagtuon ang Labindalawang Apostol sa pagtuturo ng ebanghelyo. Hindi batid kung ano ang hawak na katungkulan sa priesthood ng pitong lalaki.
Mga Gawa 7:1–53
Paano ginamit ni Esteban ang kasaysayan ng biblia para ipagtanggol ang kanyang sarili?
Tumugon si Esteban sa paratang ng kalapastanganan laban sa batas ni Moises sa pamamagitan ng pagsasalaysay ng mahahalagang bahagi ng kasaysayan ng mga Judio. Binanggit niya ang “kilalang pangalan sa angkan ng sambahayan ni Israel, tulad nina Abraham, Isaac, Jacob, Jose ng Egipto, at Moises (tingnan sa Mga Gawa 7:8–9, 20). Partikular na binigyang-diin ni Esteban ang kamay ng Panginoon sa paghahanda kay Moises, at tinapos niya ang kanyang patotoo sa pamamagitan ng pag-uugnay ng propesiya ni Moises kay Jesucristo.”
Sa pagbabahagi ng kasaysayang ito, inihalintulad ni Esteban ang sitwasyon ng Simbahan sa kuwento ng Lumang Tipan. Inusig at pinatay ng mga pinunong Judio si Jesucristo tulad ng mga suwail na Israelita na inusig at pinatay ang mga sinaunang propeta. Si Esteban at ang iba pang mga tagasunod ni Jesucristo ay katulad ng mga taong nakinig sa mga propeta noong panahon ng Lumang Tipan. Sa kontekstong ito, ang mga pinunong Judio, hindi si Esteban, ang mga sumusuway sa Diyos.
Mga Gawa 7:48–50
Ano ang ibig sabihin ni Esteban nang sabihin niyang, “Ang Kataas-taasan ay hindi naninirahan sa mga templo”?
Itinuro ni Esteban na ang tabernakulo at ang templo ni Solomon ay itinayo para sa Diyos. Gayunman, hindi ito mga permanenteng tirahan ng Diyos. Binanggit ni Esteban si Isaias upang ituro na ang Diyos ang naghahari sa langit at lupa. Ang lahat ng nilikha ay Kanyang templo. Isinulat ni Elder Bruce R. McConkie, “Ang dakilang Lumikha … ay sinasamba [natin] sa kanyang mga templo, na mga banal na bahay na kanyang binibisita sa pana-panahon, at kung saan sa mga sagradong dako nito maaaring laging matagpuan ng matatapat ang kanyang Espiritu.”
Mga Gawa 7:55–56
Ano ang nalaman natin sa pangitain ni Esteban tungkol sa Panguluhang Diyos?
Sa pangitain ni Esteban, ang bawat miyembro ng Panguluhang Diyos ay ipinakitang magkakahiwalay na Nilalang. Itinuro ni Propetang Joseph Smith: “Nakita ni [Esteban] ang Anak ng Tao na nakatindig sa kanan ng Diyos. “Sinumang nakakita na nabuksan ang langit ay alam na may tatlong personahe sa kalangitan na mayhawak ng mga susi ng kapangyarihan, at may isang namumuno sa lahat.” Ang mga katulad na pagpapakita na nagbubunyag sa Panguluhang Diyos bilang hiwalay at natatanging mga Nilalang ay matatagpuan sa salaysay ng binyag ng Tagapagligtas, sa Bundok ng Pagbabagong-anyo, sa pagpapakita ng Tagapagligtas sa mga Lamanita at Nephita, at sa Unang Pangitain ni Joseph Smith.
Mga Gawa 7:56
Ano ang ibig sabihin ng titulong “Anak ng tao”?
Tingnan sa “Mateo 8:20. Bakit tinawag ni Jesucristo ang Kanyang sarili na ‘Anak ng tao’?”
Mga Gawa 8:9–13, 18–24
Bakit kinondena ni Pedro si Simon?
Si Simon ay isang salamangkero na nagmamahika. Labag sa batas ng Roma ang pagmamahika na may masama o mapanlinlang na layunin. Ipinagbabawal din sa ilalim ng batas ni Moises ang salamangka. Kinondena ni Pedro ang pagtatangka ni Simon na bilhin ng pera ang kapangyarihan ng priesthood. Itinuro ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, na miyembro noon ng Unang Panguluhan: “Ang priesthood, o alinman sa responsibilidad na sakop nito, ay hindi mabibili o maiuutos. Ang paggamit sa kapangyarihan ng priesthood ay hindi maiimpluwensiyahan, makukumbinsi, o maipipilit dahil sa posisyon, yaman, o impluwensya. Ito ay espirituwal na kapangyarihan na kumikilos ayon sa batas ng langit.”
Mga Gawa 8:27–38
Ano ang kahalagahan sa pagbinyag sa taga-Etiopia?
Batay sa impormasyon sa talata 27, malamang na ang taga-Etiopia ay isang Black African mula sa mga teritoryo sa timog ng Egypt. Siya ay isang opisyal ng gobyerno at isang eunuko. Bilang isang eunuko, bawal siyang makibahagi sa Judaismo. Ang karanasang ito bilang misyonero ay isang hakbang tungo sa katuparan ng propesiya na ang ebanghelyo ay lalaganap sa kabila ng Judea at Samaria. Ibinadya nito ang kagila-gilalas na gawaing misyonero na magsisimula na sa mga Gentil.
Mga Gawa 9:1
Sino si Saulo?
Si Saulo ay isinilang sa Tarso, isang bayan ng mga Griyego sa Cilicia. Siya ay isinilang bilang isang mamamayang Romano at nakapagsasalita ng Aramaiko at Griyego. Siya ay isang Judio mula sa lahi ni Benjamin at isang debotong Fariseo na masigasig na tinugis at pinahirapan ang mga tagasunod ni Jesucristo. Kalaunan, nakilala siya bilang Pablo, na kanyang pangalang Latino.
Buod ng Buhay at Ministeryo ni Pablo
Paalala: Ang mga petsa ay tinantiya.
|
AD 1 |
Isinilang sa Tarso |
Mga Gawa 9:11; 22:3, 27–28; Filipos 3:5 |
|---|---|---|
|
AD 19–29 |
Naging estudyante ni Gamaliel sa Jerusalem |
Mga Gawa 22:3 |
|
AD 34–35 |
Inusig ang mga Kristiyano at nasaksihan ang pagpaslang sa martir na si Esteban |
Mga Gawa 7:58–59; 8:1, 3; 26:10–11; Filipos 3:6 |
|
AD 35 |
Nagkaroon ng pangitain tungkol sa Tagapagligtas |
Mga Gawa 9:3–18 |
|
AD 35–36 |
Naglakbay mula Damasco patungong Arabia; bumalik sa Damasco at ipinangaral ang ebanghelyo |
Mga Gawa 9:19–20; Galacia 1:17 |
|
AD 36 |
Bumisita sa Jerusalem at nakipagkita kay Pedro at sa kapatid ni Jesus na si Santiago |
Mga Gawa 9:26–29; Galacia 1:18–19 |
|
AD 37–43 |
Gumugol ng 14 na taon sa Siria at Cilicia (may panahong nakasama si Bernabe sa misyon niyang iyon) |
Mga Gawa 9:30; 11:25–26; Galacia 1:21; 2:1 |
|
AD 45–48 |
Sinimulan ang unang paglalakbay bilang missionary (kasama si Bernabe) |
Mga Gawa 13:1–14:26 |
|
AD 49 |
Dumalo sa isang kumperensya sa Jerusalem |
Mga Gawa 15:1–6; Galacia 2:1–2 |
|
AD 49–52 |
Sinimulan ang pangalawang paglalakbay bilang missionary |
Mga Gawa 15:36–18:21 |
|
AD 52 |
Bumisita sa Jerusalem |
Mga Gawa 18:22 |
|
AD 53–57 |
Nagpunta sa pangatlo at huling misyon |
Mga Gawa 18:23; 19:1–20:38 |
|
AD 57–58 |
Binisita ang Greece |
Mga Gawa 21:1–15 |
|
AD 59–60 |
Nag-ulat sa mga lider ng simbahan sa Jerusalem; inaresto ng mga awtoridad; nakulong sa Cesarea |
Mga Gawa 21:17–23:22; 23:23–26:32 |
|
AD 60–61 |
Habang arestado, naglakbay sa dagat patungong Roma; lumubog ang barko at namalagi nang ilang panahon sa isla ng Melita (Malta) |
Mga Gawa 27:1–28:15 |
|
AD 61–63 |
Ibinilanggo sa loob ng isang bahay sa Roma |
Mga Gawa 28:16–31 |
|
AD 63–65 |
Posibleng nangaral sa Roma at sa iba pang mga lugar sa Italy |
Mga Gawa 28:30–31 |
|
AD 66 |
Ikinulong muli sa Roma |
2 Timoteo 1:16–17; 4:6 |
|
AD 68 |
Namatay |
Isang mapa ng mga paglalakbay ni Apostol Pablo bilang missionary
Mga Gawa 9:5
Ano ang ibig sabihin ng “sumikad sa mga pantaboy na patpat”?
Sa ilang bersyon ng Bibliya, tulad ng King James Bible, ang Gawa 9:5 ay nagtatapos sa katagang ito: “Mahirap [kay Saulo] ang sumikad sa mga pantaboy na patpat.” Ang pantaboy, o pansundot na patpat ay isang matulis na sibat o patpat na ginagamit na pansundot sa mga hayop para lumakad o kumilos ang mga ito. Sa halip na sumulong sa paglakad, ang mga hayop na matitigas ang ulo ay sumisikad o sumisipa para gumanti, literal na sumisikad sa pantaboy na patpat. Ang ganitong reaksyon ay nagdaragdag lamang sa sakit na nararamdaman dahil mas lumalalim ang tusok ng patpat sa katawan ng hayop. Sa kontekstong ito, sinabi ni Jesucristo kay Saulo na ang kanyang mga ginawa ay nakasasama sa sarili.
Mga Gawa 9:26–27
Sino si Bernabe?
(Ihambing sa Mga Gawa 11:22–30.)
Ang mga Banal sa Jerusalem ay malinaw na nag-iingat nang hilingin ni Saulo na sumanib sa kanila. Ngunit isinama ni Bernabe si Saulo upang ipakilala sa mga Apostol at gumarantiya para sa kanya. Si Bernabe ay isang Judio mula sa lipi ni Levi. Ibinenta niya ang kanyang ari-arian at ibinigay ang pera sa mga Apostol. Inilarawan siya na isang mabuti at tapat na tao.
Ang mga lider ng Simbahan sa Jerusalem ay inatasan si Bernabe na maglingkod sa Antioquia (sa Siria) dahil malaking bilang ng mga tao roon ang nagbalik-loob sa ebanghelyo. Si Bernabe ang kasamang missionary ni Saulo.
Mga Gawa 9:32–42
Paano natupad ng pagpapagaling kina Aeneas at Tabita ang mga salita ng Tagapagligtas?
Isa sa mga layunin ni Lucas sa pagsulat ng aklat ng Mga Gawa ay ipakita ang pagpapatuloy ng kapangyarihan at awtoridad ni Jesucristo. Halimbawa, habang naglilingkod sa Lidda at Joppa, pinagaling ni Pedro sina Aeneas at Tabita (na tinatawag ding Dorcas). Katuparan ito ng pangako ng Tagapagligtas na gagawin ng mga naniniwala sa Kanya ang mga uri ng gawain na ginawa Niya. Ang pagpapagaling ni Pedro kay Aeneas ay katulad ng pagpapagaling ng Tagapagligtas sa isang lalaking lumpo. Binuhay muli ni Pedro si Tabita, na kahalintulad ng muling pagbuhay ng Tagapagligtas sa anak na babae ni Jairo.
Mga Gawa 9:36, 39
Sino si Tabita?
Si Tabita (kilala rin bilang Dorcas) ay isang disipulo na maraming ginawang pagtulong sa kapwa. Nang mamatay siya, inihimlay siya ng mga balo sa itaas na silid at pinarangalan siya sa pamamagitan ng paglatag sa paligid niya ng lahat ng damit na ginawa niya para sa kanila. Nang dumating si Pedro, ipinakita sa kanya ng mga balo ang mga damit na ginawa ni Tabita para sa kanila. Binuhay ni Pedro si Tabita, na naging dahilan upang maniwala ang marami sa Tagapagligtas.
Alamin ang Iba Pa
Pagbabalik-loob ni Saulo
-
Dieter F. Uchtdorf, “Paghihintay sa Daan Patungong Damasco,” Liahona, Mayo 2011, 70–77
-
James E. Faust, “Ang Kapangyarihang Magbago,” Liahona, Nob. 2007, 122–24
Ang Ministeryo ni Felipe sa Lalaking Taga-Etiopia
-
Ulisses Soares, “Paano Ako Makauunawa?,” Liahona, Mayo 2019, 6–8
Naglingkod si Pedro kay Tabita
-
Thomas S. Monson, “Be Thou an Example,” Ensign, Nob. 2001, 98–101
Media
Mga Video
“The Martyrdom of Stephen” (5:43)
“The Road to Damascus” (5:23)
Mga Larawan
I Saw the Son of Man Standing on the Right Hand of God [Nakita Ko ang Anak ng Tao na Nakatayo sa Kanan ng Diyos], ni Walter Rane
Philip Teaching the Ethiopian [Tinuturuan ni Felipe ang Taga-Etiopia], ng isang hindi nakikilalang pintor
Tabita, ni Dan Burr