Mga Tulong sa Banal na Kasulatan
1 at 2 Timoteo, Tito; Filemon


“1 at 2 Timoteo, Tito, Filemon,” Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan (2024)

Mga Tulong sa Banal na Kasulatan

1 at 2 Timoteo, Tito, Filemon

Sa mga liham na kilala bilang 1 Timoteo, 2 Timoteo, at Tito, si Pablo ay nagsulat ng mga tagubilin sa mga lider ng Simbahan. Inilarawan niya ang mga kwalipikasyon para sa mga bishop at deacon. Siya ay nagbabala sa mga lider ng Simbahan tungkol sa mahihirap na panahong darating at nagpayo kung paano protektahan ang mga Banal. Itinuro ni Pablo na ang mga banal na kasulatan ay pinagmumulan ng totoong doktrina at turo. Dahil nadama niya na malapit nang magwakas ang kanyang buhay, nagsulat si Pablo tungkol sa kanyang mga pagsisikap na tapat na magtiis hanggang wakas. Tiwala siya na tatanggap siya ng buhay na walang hanggan. Sumulat din si Pablo kay Filemon, na hinihimok siyang tanggapin ang kanyang aliping si Onesimo bilang kapatid sa ebanghelyo.

Resources

Tandaan: Ang pagbanggit ng isang source na hindi inilathala ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay hindi nagpapahiwatig na ito o ang may-akda nito ay inendorso ng Simbahan o kumakatawan sa opisyal na posisyon ng Simbahan.

Background at Konteksto

Sino si Timoteo?

Si Timoteo ay isa sa mga pinagkakatiwalaang kaibigan ni Pablo. Ang tatay niya ay isang Griyego at ang kanyang ina ay isang Judio. Itinuturo ng mga banal na kasulatan na ang kanyang inang si Eunice ay naniwala sa patotoo ni Pablo tungkol kay Jesucristo. Si Timoteo ay tinulungan ng kanyang ina at ng kanyang lola na si Loida na lumago sa kanyang pananampalataya at pagmamahal sa mga banal na kasulatan. Si Timoteo ay naglingkod bilang missionary companion ni Pablo sa kanyang ikalawang misyon. Pagkatapos, patuloy na naging tapat na misyonero at lider ng Simbahan si Timoteo.

Ang mga liham ni Pablo kina Timoteo at Tito ay madalas na tinatawag na mga Sulat para sa mga pastor dahil naglalaman ito ng payo ni Pablo sa mga pastor o lider sa Simbahan. Ang pastor ay nagmula sa salitang Latin para sa pastol.

Para kanino isinulat ang 1 Timoteo at bakit?

Isinulat ni Pablo ang liham na ito habang naglilingkod si Timoteo bilang lider ng Simbahan sa Efeso. May mga miyembro na tila nagduda sa kakayahan ni Timoteo dahil bata pa ito. Sumulat si Pablo para tulungan siyang maunawaan ang kanyang mga tungkulin at palakasin ang kanyang loob. Malamang na isinulat ang liham na ito sa pagitan ng AD 62 at 66, habang nasa Macedonia si Pablo.

Nagmungkahi si Pablo ng mga tuntunin na tutulong kay Timoteo na matukoy ang mga karapat-dapat na maglingkod bilang bishop o deacon. Ang mga tuntuning ito ay nakatulong na mabigyang-diin ang responsibilidad ng mga lider ng Simbahan na maglaan para sa mga pangangailangang temporal at espirituwal ng mga miyembro. Tinugunan din ni Pablo ang maling turo ng asetisismo—ang paniniwala na matatamo ang mas mataas na espirituwalidad sa pamamagitan ng mahigpit na pagkakait sa sarili. Para masugpo ito at ang iba pang impluwensya ng mga erehe, pinayuhan ni Pablo si Timoteo na ituro ang mahusay na aral.

1 Timoteo 1:4–6

Ano ang sinabi ni Pablo tungkol sa mga bulaang guro?

Dito, at sa kanyang sulat kay Tito, nagbabala si Pablo tungkol sa mga bulaang guro na magtuturo ng mga alamat (“mga pabula”) at walang katapusang talaan ng lahi. Isinulat ng isang iskolar ng Biblia: “Kapag naririnig ng mga Banal sa mga Huling Araw ang salitang genealogy o talaangkanan, iniisip nila ang gawain sa family history, ngunit hindi ito ang nasa isip ni Pablo. Sa huling bahagi ng sulat na ito, iniutos ni Pablo kay Timoteo na iwasan ‘ang mga pagsalungat ng huwad na kaalaman’ (1 Timoteo 6:20). Ang ibig sabihin ng salitang Griyego na gnosis ay ‘kaalaman.’ Kaya nga, nag-alala si Pablo na ang ilang mga Kristiyano ay nagsasalita at nagtuturo ng espesyal na kaalaman, na humantong sa ‘mga pagsalungat’ o sa madaling salita, mga pagtatalo. Ang babala laban sa mga alamat at talaan ng lahi ay maaaring tumukoy sa mga haka-hakang kuwento at talaan ng lahi sa panitikang apokripal ng mga Judio (Tito 1:14; 3:9).”

1 Timoteo 2:11–14

Paano natin mauunawaan ang sinabi ni Pablo tungkol sa kababaihan at kay Eva?

Hindi natin alam kung ano ang nagtulak kay Pablo para tagubilinan ang mga kababaihan na “matuto sa katahimikan” at hindi “magkaroon ng pamumuno sa lalaki.” Maaaring ginawa ito para iwasto ang isang partikular na problema o pagtatalo sa Efeso, kung saan nakatira si Timoteo. Kaya, hindi makabubuti na ituring ito na isang partikular na tagubilin at gamitin ito sa lahat.

Para suportahan ang kanyang tagubilin hinggil sa mga kababaihan, ipinaliwanag ni Pablo na sa halamanan, si Eva ay lumabag nang kumain siya ng ipinagbabawal na bunga. Sa talata 14, ang salitang Griyego na isinalin bilang “pagkakasala” (parabasis) ay binigyang kahulugan sa iba’t ibang paraan, kabilang ang “paglampas.” Posibleng sinasabi ni Pablo na tulad ng “paglampas” ni Eva sa kanyang mga hangganan nang kumain siya ng bunga, maaaring may ilang babae sa Efeso na lumampas sa kanilang mga hangganan.

Anuman ang dahilan ni Pablo, ang kanyang mga salita ay nakaambag sa negatibong pananaw sa bahaging ginagampanan ni Eva sa Pagkahulog. Ang gayong pananaw ay hindi binibigyang katwiran ng mga banal na kasulatan ng Pagpapanumbalik. Halimbawa, itinuro ni Lehi na dahil sa Pagkahulog nina Adan at Eva nadagdagan ang kalayaang pumili, nagkaroon ng mga pamilya, at pagkakataon para sa walang-hanggang kagalakan. Sa aklat ni Moises, pinatotohanan nina Adan at Eva ang kahalagahan ng Pagkahulog sa plano ng kaligtasan. At sa kanyang pangitain tungkol sa daigdig ng mga espiritu, nakita ni Pangulong Joseph F. Smith ang “ating Maluwalhating Inang Eva” sa kalipunan ng mga matwid sa daigdig ng mga espiritu.

Ang kahalagahan ng papel na ginagampanan ni Eva sa Pagkahulog ay higit pang pinagtibay ng mga makabagong propeta at apostol. Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks, “Si Eva ang unang lumabag sa batas ng Eden upang pasimulan ang mga kalagayan ng mortalidad. Ang ginawa niya, anuman ang dahilan, ay isang tuwirang paglabag ngunit may walang-hanggang kaluwalhatiang idinulot na nagbukas ng pintuan tungo sa buhay na walang hanggan.” Sabi ni Pangulong Russell M. Nelson, “Ang ating dakilang Inang Eva—na may malawak na pananaw sa plano ng ating Ama sa Langit—ang nagpasimula sa tinatawag nating ‘Pagkahulog.’ Ang kanyang matalino at matapang na pagpili at ang pagsuporta ni Adan sa desisyong iyon ang nagsulong sa plano ng kaligayahan ng Diyos.”

Kung isasaalang-alang ang banal na kasulatan ng Pagpapanumbalik at ang mga salita ng mga makabagong propeta at apostol, may dahilan tayo para magalak sa ginampanan ni Eva sa pagtulong na maisulong ang plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit.

Itinuro ng mga propeta sa mga huling araw na mahalaga ang tinig at pamumuno ng kababaihan sa gawain ng kaligtasan ng Panginoon. Sa pagsasalita sa kababaihan ng Simbahan, itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Kailangan namin … ang inyong lakas, katatagan, pananalig, kakayahang mamuno, karunungan, at mga tinig. Hindi kumpleto ang kaharian ng Diyos at hindi makukumpleto kung walang kababaihang gumagawa ng mga sagradong tipan at tumutupad sa mga ito, kababaihang nangungusap nang may kapangyarihan at awtoridad ng Diyos!”

1 Timoteo 3:1–7

Ano ang tungkulin ng isang bishop sa Simbahan sa mga naunang panahon?

Sa 1 Timoteo 3:1 tinukoy ni Pablo ang katungkulan, o posisyon, ng isang obispo o bishop. Sa talatang ito, ang “obispo” o bishop ay tumutukoy sa isang taong namumuno sa isang kongregasyon. Nagbigay si Pablo ng mga kwalipikasyon at payo para sa mga naglilingkod bilang bishop. Sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan ng Pagpapanumbalik, nalaman natin na ang bishop ay isang inorden na katungkulan sa Aaronic Priesthood.

1 Timoteo 3:8–13

Ano ang tungkulin ng mga diakono o deacon sa Simbahan sa mga naunang panahon?

Ang salitang deacon ay mula sa salitang Griyego na ang ibig sabihin ay “tagapaglingkod” o “ministro.” Ang katungkulan ng deacon ay tila isang paghahanda, dahil hindi tinutulan ni Pablo ang isang “bagong hikayat” (isang taong kabibinyag lang) na matawag bilang deacon ngunit pinagbawalan ang isang bagong hikayat o bagong binyag na matawag bilang bishop. Ang iba pang mga kwalipikasyon para sa mga deacon ay katulad sa mga kwalipikasyon para sa mga bishop, pati ang kinakailangan na “ang mga diakono ay dapat na may tig-iisang asawa lamang.” Sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan ng Pagpapanumbalik, nalaman natin na ang deacon ay isang inorden na katungkulan sa Aaronic Priesthood.

1 Timoteo 4:8–16

Ano ang itinuro ni Pablo tungkol sa pisikal na ehersisyo?

Itinuro ni Pablo na kung ikukumpara sa pagkakaroon ng banal na mga katangian, ang pisikal na ehersisyo at pagsasanay ay may panandaliang halaga lamang. Sa madaling salita, bagama’t may halaga ang pisikal na pagsasanay, ang espirituwal na pagsasanay ay nagpapala sa atin ngayon at sa kawalang-hanggan.

Ang pagkukumparang ito ay nauugnay lalo na sa mga miyembro ng Simbahan sa Efeso. Ang mga atletika at palakasan ay lubos na pinahahalagahan sa kultura ng Roma. Tulad ngayon, ang pisikal na pagpapalakas ay maaaring pahalagahan nang labis at dalhin sa sukdulan. Itinuro ni Pablo na dapat iprayoridad ang pag-aaral ng ebanghelyo, pagmumuni-muni, at pagpapaunlad ng mga espirituwal na kaloob.

Para kanino isinulat ang 2 Timoteo at bakit?

Ang liham na ito ay isinulat ni Pablo sa panahong nakabilanggo siya sa ikalawang pagkakataon sa Roma. Isinulat niya ang liham na ito para palakasin at hikayatin si Timoteo. Naniniwala si Pablo na malapit nang magwakas ang kanyang buhay, at nais niyang makita si Timoteo, na tinawag niyang “aking minamahal na anak.” Sa pagtatapos ng kanyang sulat, hiniling ni Pablo na bisitahin siya nina Timoteo at Marcos at dalhin ang ilang bagay na naiwan niya sa Troas. Kung iaayon sa tamang pagkakasunud-sunod ng pangyayari, tila ang 2 Timoteo ang huling sulat ni Pablo sa Bagong Tipan.

2 Timoteo 2:3–6; 4:6–8

Ano ang itinuro ni Pablo gamit ang mga metapora ng kawal, manlalaro, at magsasaka?

Gumamit si Pablo ng matalinghagang paglalarawan tungkol sa isang mabuting kawal, matagumpay na manlalaro, at masipag na magsasaka upang ituro na kinakailangan ang pagtitiis upang matanggap ang walang-hanggang kaluwalhatian. Tinapos niya ang kanyang liham na inihahambing ang kanyang sarili sa isang matagumpay na manlalaro at sundalo. Siya ay “nakipaglaban … ng mabuting pakikipaglaban.” Ang salitang Griyego na isinalin bilang “nakipaglaban” ay nangangahulugang “nakibaka.” Ang salitang ito ay maaaring tumukoy sa pakikipagkumpitensya sa isang paligsahang pampalakasan o pakikipaglaban bilang isang militar. Dahil tapat siya hanggang wakas, inasahan ni Pablo na tatanggap siya ng “putong ng katuwiran.” Ang putong ay maaaring tumukoy sa isang korona ng tagumpay na ibinibigay sa mga nanalo sa mga sinaunang paligsahan sa palakasan ng Griyego.

2 Timoteo 3:1–7

Ano ang itinuro ni Pablo tungkol sa mga panahon ng kapighatian sa mga huling araw?

Sa mga talatang ito, ipinropesiya ni Pablo ang kasamaan sa mga huling araw. Inilarawan niya ang mga kondisyon bilang “kapighatian.” Ang chart sa ibaba ay nagpapaliwanag sa mga salita o mga parirala na maaaring hindi gaanong maunawaan ng mga makabagong mambabasa:

Malalim na salita o parirala

Kahulugan ng (mga) salitang Griyego

Malalim na salita o parirala

Maibigin sa kanilang sarili

Kahulugan ng (mga) salitang Griyego

Makasarili

Malalim na salita o parirala

Mapanlait

Kahulugan ng (mga) salitang Griyego

Naninira, nagsasalita ng masama

Malalim na salita o parirala

Walang katutubong pag-ibig

Kahulugan ng (mga) salitang Griyego

Hindi mapagmahal, walang malasakit

Malalim na salita o parirala

Mga walang habag

Kahulugan ng (mga) salitang Griyego

Ayaw pumasok sa tipan

Malalim na salita o parirala

Mga walang pagpipigil sa sarili

Kahulugan ng (mga) salitang Griyego

Walang disiplina, walang kontrol sa sarili

Malalim na salita o parirala

Mababangis

Kahulugan ng (mga) salitang Griyego

Malulupit

Malalim na salita o parirala

Mga hindi maibigin sa mabuti

Kahulugan ng (mga) salitang Griyego

Tutol sa kabutihan, walang pagmamahal sa mabuti

Malalim na salita o parirala

Matitigas ang ulo

Kahulugan ng (mga) salitang Griyego

Mapusok, pangahas, padalus-dalos

Malalim na salita o parirala

Mga palalo

Kahulugan ng (mga) salitang Griyego

Mayabang, mapagmataas

Malalim na salita o parirala

Mga hangal na babae

Kahulugan ng (mga) salitang Griyego

Mangmang, mahina

2 Timoteo 3:6

Ano ang ibig sabihin ni Pablo sa “mga hangal na babae”?

Bilang bahagi ng kanyang babala hinggil sa mga huling araw, binigyang-diin ni Pablo ang isang grupo na tinawag niyang “hangal” o “madaling malinlang” na mga babae. Ang ibig sabihin ng salitang Griyego ay “mahina, o mangmang” Tila ang mga babaeng ito ay naimpluwensyahan ng mga bulaang guro sa Efeso. Maaaring ito ay tumutukoy sa isang bagay na partikular sa lipunan noong kapanahunan ni Pablo na wala na sa konteksto ng kultura sa ating panahon kaya mahirap maunawaan.

Para kanino isinulat ang Tito at bakit?

Si Tito ay isinilang sa mga magulang na Griyego at naniwala sa ebanghelyo na itinuro ni Pablo. Matapos ang kanyang pagbabalik-loob, sumama si Tito kay Pablo sa ikatlong paglalakbay nito bilang misyonero. Tumulong siya sa pangangalap ng mga donasyon para sa mga maralita sa Jerusalem at ipinagkatiwala mismo sa kanya na lalo pang pagkaisahin ang mga branch sa Corinto. Sumulat si Pablo kay Tito para palakasin siya sa kanyang tungkulin na pamunuan ang Simbahan sa isla ng Creta sa Grecia. Naharap si Tito sa pagtutol ng mga tumiwalag at bulaang guro. Malamang na isinulat ni Pablo ang Sulat kay Tito matapos isulat ang 1 Timoteo, sa pagitan ng AD 63 at 65.

Tito 1:12

Ano ang ipinahihiwatig ng pagtawag sa isang tao na taga-Creta?

Binigyang-diin ni Pablo na hindi maganda ang reputasyon ng mga taga-Creta. Kilala sila sa pagiging mandaraya para makakuha ng pera. Itinala rin ng mga sinaunang manunulat na ang mga tao sa Creta ay matatakaw. Ang salitang taga-Creta ay nangangahulugang isang taong hindi tapat.

Tito 3:5

Paano tayo binabago sa pamamagitan ng Espiritu Santo?

Ginamit ni Pablo ang salitang Griyego na nangangahulugang “muling kapanganakan” o “pagbabago” kapag tinatalakay ang kaloob na Espiritu Santo. Sa binyag, ang isang tao ay nakikipagtipan kay Cristo, at nagiging bagong nilalang. Tulad ng isang bagong panganak na binibigyan ng pangalan, ang mga nabinyagan ay tinataglay sa kanilang sarili ang pangalan ni Jesucristo at pinaninibago ng Espiritu habang sinisikap nilang mamuhay na katulad Niya.

Para kanino isinulat ang Filemon at bakit?

Si Filemon ay isang Griyego na nagbalik-loob na maaaring nanirahan sa Colosas. Dahil pinayagan niya ang mga miyembro na magpulong sa kanyang tahanan, maaaring lider siya sa Colossian branch. Si Filemon ay may isang aliping lalaki na nagngangalang Onesimo, na naglakbay patungo sa kinaroroonan ni Pablo—malamang bilang isang takas—at nagbalik-loob kay Jesucristo sa pagtuturo ni Pablo. Pinabalik ni Pablo si Onesimo kay Filemon at nakiusap na huwag parusahan si Onesimo, ngunit tanggapin siyang muli “hindi na bilang alipin” kundi “isang kapatid na minamahal.” Sumulat si Pablo kay Filemon habang nakabilanggo, bagama’t hindi niya tinukoy kung saan. Maaaring isinulat niya ang liham sa pagitan ng mga AD 55 at 59.

mosaic na naglalarawan ng mga aliping Romano

Mosaic na naglalarawan ng mga aliping Romano

Filemon 1:10–17

Ano ang alam natin tungkol sa pang-aalipin sa panahon ng Bagong Tipan?

Ang mga kongregasyong tinuruan at sinulatan ni Pablo ay kadalasang binubuo ng mga panginoon at mga alipin. Ang pang-aalipin ay tanggap na bahagi ng lipunan kung saan naninirahan ang mga sinaunang Judio at Kristiyano. May mga alipin na pinalaya ng kanilang mga panginoon o maaaring nakaipon ng pera para bilhin ang kanilang sariling kalayaan. Ang ilang alipin ay nagkaroon ng mga pagkakataon makapag-aral at naging mapagkakatiwalaang tagapayo at kasosyo sa negosyo sa kanilang mga panginoon. Gayunman, para sa karamihan, ang pang-aalipin ay pang-aalipusta at pang-aabuso. Ilan sa mga katrabaho ni Pablo ay naging mga alipin.

Hindi inaprubahan ni tinutulan ni Pablo ang institusyon ng pang-aalipin sa kanyang mga liham. Hinikayat niya ang mga Kristiyanong alipin na sundin ang kanilang mga panginoon at hinikayat ang mga Kristiyanong panginoon na pakitunguhan nang mabuti ang kanilang mga alipin. Naniniwala si Pablo na ang lahat ay maaaring magtipon nang magkakasama kay Jesucristo, kung saan “walang alipin o malaya.”

Sa makabagong paghahayag, sinabi ng Panginoon na “hindi tama na ang sinuman ay nasa gapos ng isa’t isa.”

Filemon 1:15–18

Paanong labag sa kaugalian ng mga Romano ang kahilingan ni Pablo kay Filemon?

Maaaring si Onesimo ay isang aliping tumakas. Sa batas ng mga Romano, ang mga panginoon ng mga aliping tumakas ang magpapasiya kung ano ang gagawin nila sa kanilang mga alipin. Ang mga nahuling alipin ay maaaring lagyan ng tatak sa noo, bugbugin, pagtrabahuhin nang mabigat, at sapilitang pasuotin ng bakal na collar sa leeg.

Kung si Onesimo ay tumakas, ang kahilingan ni Pablo kay Filemon ay huwag ipataw kay Onesimo ang nakaugaliang parusa para sa isang aliping tumatakas. Sa halip, hinikayat ni Pablo si Filemon na tanggapin siya bilang minamahal na kapatid at kapwa tagapaglingkod ni Jesucristo. Ang ibig sabihin ng pangalan ni Onesimo ay “nakatutulong” o “kapaki-pakinabang.” Ipinaliwanag ni Pablo kay Filemon na si Onesimo ay hindi kapaki-pakinabang noon. Gayunman, ngayon bilang isang disipulo ni Cristo, maaaring maging kapaki-pakinabang si Onesimo kina Filemon at Pablo sa pagtulong sa gawain ng kaligtasan.

Alamin ang Iba Pa

Ang mga Tungkulin ng Kababaihan sa Simbahan

Ang Bishop

Media

Video

“I Have Kept the Faith” (1:53)

1:53

“The Last Days” (2:21)

2:21

“The Office of Bishop” (1:20)

1:20

Mga Larawan

Si Pablo na nagdidikta ng isang sulat sa bilangguan
Sumusulat si Pablo ng isang liham habang nasa bilangguan

Paglalarawan kay Pablo na nasa bilangguan na nagsusulat ng isang liham, ni Paul Mann

Mga Tala

  1. Tingnan sa 1 Corinto 4:17.

  2. Tingnan sa Mga Gawa 16:1.

  3. Tingnan sa 2 Timoteo 1:5; 3:14–15.

  4. Tingnan sa Mga Gawa 16:3.

  5. Tingnan sa Mga Gawa 19:22; Filipos 2:19.

  6. Tingnan sa Bible Dictionary, “Pauline Epistles.” Tingnan din sa D. Kelly Ogden at Andrew C. Skinner, Verse by Verse: Acts through Revelation [1998], 212.

  7. Tingnan sa 1 Timoteo 1:3.

  8. Tingnan sa 1 Timoteo 4:12.

  9. Tingnan sa 1 Timoteo 1:3; Ogden at Skinner, Verse by Verse, 212–213; Earl D. Radmacher at iba pa, mga pat., NKJV Study Bible, ika-3 ed. (2018), 1821. Noong mga A.D. 62–63, pinalaya si Pablo mula sa kanyang dalawang taong pagkabilanggo sa isang bahay sa Roma (tingnan sa Mga Gawa 28:16–31).

  10. Tingnan sa 1 Timoteo 3.

  11. Tingnan sa 1 Timoteo 5.

  12. Tingnan sa 1 Timoteo 4:1–3.

  13. Tingnan sa 1 Timoteo 1:3–4, 9–10; 4:1–6, 13, 16.

  14. Tingnan sa Tito 1:14; 3:9.

  15. Ang salitang Griyego na ginamit dito ay mythos at nangangahulugang “alamat, kuwento, sabi-sabi; kathang-isip” (Tremper Longman III at Mark L. Strauss, mga pat., The Baker Expository Dictionary of Biblical Words [2023], 1110).

  16. Frank F. Judd Jr., “The Epistles of the Apostle Paul: An Overview,” sa New Testament History, Culture, and Society: A Background to the Texts of the New Testament, pat. Lincoln H. Blumell (2019), 439–40.

  17. 1 Timoteo 2:11–12. Ang salitang Griyego na isinalin bilang “katahimikan” ay maaaring mangahulugan ng “katahimikan na walang kaguluhan” (Frederick William Danker, pat., A Greek-English Lexicon of the New Testament and Other Early Christian Literature, ika-3 ed. [2000], 440). Maaaring tinutukoy nito ang mapitagang paraan o pag-uugali na hindi nakakagambala. Maaaring layunin ni Pablo na hikayatin ang mga kababaihan na suportahan ang kanilang mga lider at huwag mangibabaw o subukang agawin ang awtoridad sa mga tinawag ng Diyos (tingnan sa Ogden at Skinner, Verse by Verse, 215). “Kapag ipinapaliwanag ang mga tungkulin [ng kalalakihan at kababaihan], si Pablo kung minsan ay naiimpluwensyahan ng mga tradisyon ng kultura at mga inklinasyon na hindi natin nauunawaan. … Naunawaan ng mga tagapakinig ni Pablo ang kanyang mga salita mula sa konteksto ng kanilang kultura, at ipinapalagay ni Pablo na alam nila ang mga turo ng Lumang Tipan tungkol sa mga konsepto. Ang mga tagasalin ay hindi palaging may lubos na kaalaman tungkol konteksto ng kultura o ng ebanghelyo at samakatuwid naipasok sa mensahe ang maling interpretasyon at mga tuntunin ng tao” (Sherrie Mills Johnson, “Paul’s Teachings in 1 Corinthians on Women,” sa Shedding Light on the New Testament: Acts–Revelation, pat. Ray L. Huntington, Frank F. Judd Jr., at David M. Whitchurch [2009], 149).

  18. Maaaring mahalagang tandaan na laganap sa Simbahan noong panahon ni Pablo ang hindi pagkakaisa at pagtatalo. Kabilang dito ang “kalituhan at kumpetisyon sa magkaibang mga responsibilidad ng kalalakihan at kababaihan na ibinigay ng Diyos.” Nanawagan siya ng pagkakaisa sa pamamagitan ng “pagbibigay-diin sa pangangailangang magpasakop sa bawat relasyon: ‘Ang ulo ng bawat lalaki ay si Cristo, at ang ulo ng babae ay ang lalaki, at ang ulo ni Cristo ay ang Diyos’ (1 Corinto 11:3)” (Camille Fronk Olson, “Submit Yourselves … as unto the Lord,” sa Go Ye into All the World: Messages of the New Testament Apostles [2002], 112). Tingnan din sa Kenneth L. Barker at iba pa, mga pat., NIV Study Bible, Fully Revised Edition (2020), 2090, tala para sa 1 Timoteo 2:9–15.

  19. Halimbawa, sa mga Banal sa Corinto, nagsalita si Pablo tungkol sa mga babaeng nanalangin at nagpropesiya (tingnan sa 1 Corinto 11:1–5).

  20. Para maunawaan ang tungkulin ng babae sa Simbahan ngayon, dapat alamin natin ang sinabi ng mga apostol at propeta ng makabagong panahon (tingnan sa Mga Paksa at Mga Tanong, “Kababaihan sa Simbahan,” Gospel Library). Kapag naharap ang mga Banal sa mga Huling Araw sa mga turo tungkol sa kasarian na hindi naaayon sa kasalukuyang mga turo ng Simbahan, maaari silang maging maunawain sa mga yaong nabuhay sa iba’t ibang panahon at kultura. Maaari nating isaisip na ang ilang “mga pahayag sa Bagong Tipan tungkol sa pamilya at kasal ay maaaring sumasalamin lamang sa mga gawi noong sinauna at hindi tunay na kumakatawan sa mga turong mahalaga sa ebanghelyo” (Mark D. Ellison, “Family, Marriage, and Celibacy in the New Testament,” sa Blumell, New Testament History, Culture, and Society, 534).

  21. Ogden at Skinner, Verse by Verse, 215.

  22. Tingnan sa 2 Nephi 2:17–25.

  23. Tingnan sa Moises 5:10–11.

  24. Doktrina at mga Tipan 138:38–39.

  25. Dallin H. Oaks, “The Great Plan of Happiness,” Ensign, Nob. 1993, 73.

  26. Russell M. Nelson, “Pakikibahagi ng Kababaihan sa Pagtitipon ng Israel,” Liahona, Nob. 2018, 68–69.

  27. Mga Paksa at Mga Tanong, “Pagkahulog nina Adan at Eva,” Gospel Library.

  28. Russell M. Nelson, “Isang Pakiusap sa Aking mga Kapatid na Babae,” Liahona, Nob. 2015, 96.

  29. Ang salitang Griyego na episkopos ay maaaring isalin bilang “tagapangasiwa, bishop, lider ng simbahan” (Longman at Strauss, The Baker Expository Dictionary, 1080, entry 1985).

  30. Radmacher at iba pa, NKJV Study Bible, 1842, tala para sa 1 Timoteo 3:1.

  31. “Nilikha ng KJV ang pariralang ‘ang katungkulan ng isang obispo’ upang isalin ang isang salitang Griyego na episcope. Ang parehong salita sa Mga Gawa 1:20 ay isinalin bilang ‘katungkulan.’ Makabuluhan ito dahil hindi tinatalakay sa Mga Gawa 1 ang bishopric na binubuo ng tatlong kalalakihan o kahit ang katungkulan ng bishop. Ang talatang pinag-uusapan—‘hayaang kunin ng iba ang kanyang katungkulan’—ay pagsasalin ng isang linya mula sa Awit 69 na ginamit ni Pedro upang ituro ang pangangailangang tumawag ng isa pa sa Labindalawa upang pumalit kay Judas. Kapag naunawaan nang wasto ang salitang episcope sa kahulugan nito sa wikang Griyego, ito ay magiging angkop na paglalarawan sa pangangasiwa at lubos na pangangalaga sa buong Simbahan na ginagawa ng Labindalawa” (Grant Underwood, “The ‘Same’ Organization That Existed in the Primitive Church,” sa Go Ye into All the World, 177).

  32. Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Obispo,” Gospel Library.

  33. Longman at Strauss, The Baker Expository Dictionary, 1062, entry 1249.

  34. Tingnan sa 1 Timoteo 3:6.

  35. 1 Timoteo 3:12; ikumpara sa talata 2.

  36. Tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Diyakono,” Gospel Library.

  37. Ang salitang Griyego na gymnasia na ginamit sa 1 Timoteo 4:8 ay tumutukoy sa pisikal na ehersisyo at pagsasanay (tingnan sa Longman at Strauss, The Baker Expository Dictionary, 1061).

  38. Tingnan sa Richard N. Holzapfel at iba pa, Jesus Christ and the World of the New Testament (2006), 193.

  39. Tingnan sa 1 Timoteo 4:13–15.

  40. Tingnan sa 2 Timothy 1:16–17; tingnan din sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Timoteo, Mga Sulat kay,” Gospel Library.

  41. Tingnan sa 2 Timoteo 4:6.

  42. 2 Timoteo 1:2; tingnan din sa 1 Timoteo 1:2.

  43. Tingnan sa 2 Timoteo 4:9–13.

  44. “Bagama’t hindi naitala sa Bagong Tipan, ayon sa sali’t saling sabi ng sinaunang Kristiyano si Pablo ay pinawalang-sala sa unang paglilitis sa kanya, matagumpay na naglakbay sa Espanya, at pagkatapos ay muling ibinilanggo kalaunan sa Roma at nilitis sa ikalawang pagkakataon. Ang tagpo sa 2 Timoteo ay tila ang pangalawang pagkabilanggo ni Pablo sa Roma, na naghihintay ng paglilitis. Kaya, ang ikalawang sulat ni Pablo kay Timoteo ay malamang ang huling liham na mayroon tayo mula sa apostol” (Frank F. Judd Jr., “The Epistles of the Apostle Paul, 441).

  45. Tingnan sa 2 Timoteo 2:3–6.

  46. 2 Timoteo 4:7.

  47. Ang ibig sabihin ng salitang ito ay “pakikipagpaligsahan para sa isang premyo; pakikibaka; matinding pagsusumigasig; pagdaig sa mga kaaway, paghihirap, panganib. Inilalarawan ng pandiwang ito ang pagsisikap na manaig o magtagumpay. Samakatuwid, maaari itong magamit upang tukuyin ang mga espirituwal na pakikibaka [o] mga paligsahan sa palakasan” (Longman at Strauss, The Baker Expository Dictionary, 305).

  48. 2 Timoteo 4:8.

  49. Tingnan sa Radmacher at iba pa, NKJV Study Bible, 1836, tala para sa 2 Timoteo 2:3–6.

  50. 2 Timoteo 3:1.

  51. Longman at Strauss, The Baker Expository Dictionary, 1153, entry 5367.

  52. Longman at Strauss, The Baker Expository Dictionary, 1057.

  53. Longman at Strauss, The Baker Expository Dictionary, 1053.

  54. Longman at Strauss, The Baker Expository Dictionary, 1053.

  55. Longman at Strauss, The Baker Expository Dictionary, 1040, entry 193.

  56. Longman at Strauss, The Baker Expository Dictionary, 1045, entry 434.

  57. Longman at Strauss, The Baker Expository Dictionary, 1055.

  58. Longman at Strauss, The Baker Expository Dictionary, 1129.

  59. Longman at Strauss, The Baker Expository Dictionary, 1150.

  60. Longman at Strauss, The Baker Expository Dictionary, 1060, entry 1133.

  61. 2 Timothy 3:6, New King James Version and New International Version.

  62. Longman at Strauss, The Baker Expository Dictionary, 1060, entry 1133.

  63. Tingnan sa 1 Timoteo 5:13–15; Barker at iba pa, NIV Study Bible, 2136, tala para sa 2 Timoteo 3:6.

  64. Tingnan sa Richard N. Holzapfel at Thomas A. Wayment, Making Sense of the New Testament (2010), 438; tingnan din sa Catherine Gines Taylor, “Women and the World of the New Testament,” sa New Testament History, Culture, and Society, 528.

  65. Tingnan sa Galacia 2:3.

  66. Tingnan sa 2 Corinto 2:12–13; 7:5–7, 13–15; 8:6, 16–24.

  67. Tingnan sa 2 Corinto 8:6, 16–23.

  68. Tingnan sa 2 Corinto 7:5–15.

  69. Tingnan sa Tito 1:10–11; 2:15; 3:10.

  70. Tingnan sa Radmacher at iba pa, NKJV Study Bible, 1842–43; Barker at iba pa, NIV Study Bible, 2140.

  71. Tingnan sa Tito 1:12. “Binanggit ni Pablo ang makatang taga-Creta na si Epimenides na sumulat ng mga salitang ito noong mga 600 BC. Ang mga taga-Creta ay itinuturing na mga sinungaling sa Mediterranean world o sa rehiyon ng Mediterranea kaya ang ekspresyong ‘to Cretanize’ o mag-Cretanize ay nangangahulugang magsinungaling. Inihambing ni Pablo ang katangian ng mga taga-Creta sa katangian ng Diyos. Ang Panginoon ay hindi nagsisinungaling (tingnan sa t. 2)” (Radmacher, NKJV Study Bible, 1847, tala para sa Tito 1:12).

  72. Ang King James Version ng Biblia ay gumamit ng pariralang “masamang pagkakakitaan” (1 Timoteo 3:8), na mula sa salitang Griyego para sa “pandaraya para makinabang.” Tingnan sa Longman at Strauss, The Baker Expository Dictionary, 1040; 1098.

  73. Tingnan sa Ogden at Skinner, Verse by Verse, 220.

  74. Tingnan sa Radmacher at iba pa, NKJV Study Bible, 1847, tala para sa Tito 1:12.

  75. Longman at Strauss, The Baker Expository Dictionary, 659.

  76. Tingnan sa 2 Corinto 5:17; Galacia 6:15.

  77. Tingnan sa Mosias 5:7.

  78. Si Onesimo, ang alipin ni Filemon, ay binanggit sa Colosas 4:9.

  79. Tingnan sa Filemon 1:2, 5.

  80. Tingnan sa Filemon 1:15, 18; tingnan din sa Radmacher at iba pa, NKJV Study Bible, 2122.

  81. Filemon 1:16–17.

  82. Tingnan sa Filemon 1:1, 9; tingnan din sa Mga Gawa 28:14–31; Harold W. Attridge at iba pa, mga pat., The HarperCollins Study Bible: New Revised Standard Version, Including the Apocryphal/Deuterocanonical Books (2006), 2032.

  83. “Ang pang-aalipin ay legal sa Imperyong Romano, ngunit hindi ito batay sa lahi. Ang mga tao ay maaaring maging alipin kung sila ay mga bilanggo ng digmaan o bilang parusa sa krimen. Bukod pa rito, maaaring ibenta ng mga indibiduwal ang kanilang sarili sa pagkaalipin kung hindi sila makahanap ng mas magandang trabaho para suportahan ang kanilang sarili” (Frank F. Judd Jr., “The Epistles of the Apostle Paul,” 438).

  84. Tingnan sa Holzapfel, Jesus Christ and the World of the New Testament, 248.

  85. Tulad nina Aquila at Prisca. Tingnan sa Holzapfel, Jesus Christ and the World of the New Testament, 248.

  86. Tingnan sa Efeso 6:5–9; Colosas 3:22; 4:1; Filemon 1:10–17.

  87. Galacia 3:28.

  88. Doktrina at mga Tipan 101:79.

  89. Tingnan sa Filemon 1:15, 18. Gayunman, hindi tinukoy sa mismong sulat ang mga pangyayari tungkol sa pag-alis ni Onesimo.

  90. Tingnan sa Keith R. Bradley, “Roman Slavery and Roman Law,” Historical Reflections, tomo 15, blg. 3 (Taglagas 1988), 480.

  91. Tingnan sa Filemon 1:10, 16.

  92. Frank F. Judd Jr., “The Epistles of the Apostle Paul,” 438.