“Apocalipsis 1–5,” Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan (2024)
Mga Tulong sa Banal na Kasulatan
Apocalipsis 1–5
Habang nasa pulo ng Patmos, tumanggap si Juan ng paghahayag ni Jesucristo. Nakita niya ang niluwalhating Tagapagligtas na may hawak na mga susi ng kamatayan at impiyerno, na napaliligiran ng mga anghel. Nagbigay si Jesucristo ng mga mensahe sa pitong sangay ng Simbahan. Ang mga mensaheng ito ay naglalaman ng papuri, pagwawasto, at payo para sa mga Banal at gayundin ng mga pangako sa mga taong makadaraig sa mga kasamaan ng mundo. Nakita ni Juan sa isang pangitain ang Diyos Ama na nakaupo sa Kanyang trono at may hawak na aklat na tinatakan ng pitong tatak. Nais buksan ni Juan ang aklat. Ang mga hukbo ng langit ay umawit ng mga papuri sa Kordero ng Diyos dahil Siya lamang ang karapat-dapat na magbukas sa aklat na tinatakan.
Resources
Tandaan: Ang pagbanggit ng isang source na hindi inilathala ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay hindi nagpapahiwatig na ito o ang may-akda nito ay inendorso ng Simbahan o kumakatawan sa opisyal na posisyon ng Simbahan.
Background at Konteksto
Para kanino isinulat ang aklat ng Apocalipsis at bakit?
Ang aklat ng Apocalipsis ay isinulat ni Juan na Pinakamamahal mula sa pulo ng Patmos. Ang Apostol ay ipinatapon sa Patmos dahil sa kanyang patotoo kay Jesucristo. Tinawag ni Juan ang kanyang talaan na “ang Apocalipsis ni Jesucristo.” Ang ibig sabihin ng salitang Griyego para sa apocalipsis na apokalypsis (o apocalypse), ay isang pagpapakita, o isang pagbubunyag ng yaong nakatago.
Ang aklat na ito ay paghahayag ng awtoridad, kapangyarihan, at pangunahing tungkulin ni Jesucristo sa plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit. Naghahayag din ang aklat ng maraming mahahalagang impormasyon tungkol sa mga mangyayari hanggang sa Ikalawang Pagparito at sa Milenyo.
Maaaring isinulat ni Juan ang kanyang apocalipsis sa pagtatapos ng unang siglo AD. Ito ang panahon na naharap ang mga Banal sa matinding pag-uusig mula sa mga Romano at sa malubhang apostasiya rin mula sa loob ng Simbahan. Sumulat si Juan ng isang mensahe ng pag-asa at panghihikayat sa mga Banal sa kanyang panahon at sa mga tao sa mga huling araw.
Bagama’t maraming ginamit na paglalarawan at simbolo ang aklat na ito na hindi palaging madaling maunawaan ng mga mambabasa sa makabagong panahon, ang mga tema ng aklat ay simple at nagbibigay-inspirasyon. Tulad ng ipinaliwanag sa Bible Dictionary, “Ang mensahe ng Apocalipsis ay katulad ng mensaheng nakasaad sa buong banal na kasulatan: mananaig sa huli ang Diyos sa daigdig na ito laban sa diyablo; isang walang katapusang tagumpay ng kabutihan laban sa kasamaan, ng mga Banal laban sa kanilang mga mang-uusig, ng kaharian ng Diyos laban sa mga kaharian ng tao at ni Satanas.”
Ano ang matututuhan ko mula sa mga simbolo sa Apocalipsis?
Ang Diyos ay madalas gumamit ng mga simbolo upang magturo ng mga walang hanggang katotohanan, kabilang ang mga katotohanan tungkol sa Kanyang Pinakamamahal na Anak. Para maunawaan ang mga simbolo, maaaring makatulong ang mga sumusunod na patnubay:
-
Hangarin at hingin ang patnubay ng Espiritu Santo.
-
Pag-aralan ang mga banal na kasulatan para malaman kung ang ibang mga talata ay nagbibigay ng interpretasyon o kaalaman.
-
Suriin ang konteksto kung saan ginamit ang mga simbolo.
-
Pag-isipan ang pinagmulan at mga katangian ng mga simbolo.
-
Gamitin ang mga tulong sa pag-aaral sa mga banal na kasulatan.
Apocalipsis 1
Ano ang mga posibleng kahulugan ng mga simbolo sa Apocalipsis 1?
Apocalipsis 1:13
Ano ang kahalagahan ng pagiging kabilang ni Jesucristo sa mga ilawan?
Ang unang tatlong kabanata ng Apocalipsis ay partikular na ipinapatungkol sa pitong sangay ng Simbahan sa Asia Minor. Ang pitong bituin ay sumasagisag sa mga pinuno ng mga sangay na iyon. Sa Apocalipsis 1:13, inilarawan ni Juan si Jesucristo na nakatayo sa gitna ng pitong ilawan, na sumasagisag sa mga sangay ng Simbahan. Ang simbolong ito ay nagpapahiwatig na si Jesucristo ay kasama ng Kanyang mga Banal sa Simbahan. Ibinigay ng Panginoon ang gayunding pangako sa mga Banal sa ating dispensasyon: “Katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa inyo na ang aking mga mata ay nakatuon sa inyo. Ako ay nasa gitna ninyo.”
Apocalipsis 2:6, 15
Sino ang mga Nicolaita?
Ang mga Nicolaita ay isang grupo ng mga unang Kristiyano na nagbigay-katwiran sa sekswal na kasalanan at pagsamba sa mga diyus-diyusan. Sinabi ng Panginoon sa Apocalipsis 2:6 na Kanyang “[kinapootan] ang mga gawa ng mga Nicolaita.” Itinuro ni Elder Bruce R. McConkie na ang mga sumasali sa mga gawain ng mga Nicolaita ay “mga miyembro ng Simbahan na sinisikap na panatilihin ang kanilang katayuan sa simbahan habang patuloy na namumuhay ayon sa pamamaraan ng sanlibutan.”
Apocalipsis 2:11
Ano ang ikalawang kamatayan?
“Sumapit ang espirituwal na kamatayan sa daigdig dahil sa Pagkahulog ni Adan (Moises 6:48). Ang mga taong may masamang pag-iisip, pananalita, at gawa ay mga espirituwal nang patay samantalang nabubuhay pa sa mundo (1 Tim 5:6). Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo at pagsunod sa mga alituntunin at ordenansa ng ebanghelyo, ang kalalakihan at kababaihan ay maaaring malinis mula sa kasalanan at mapagtagumpayan ang espirituwal na kamatayan.
“Sumasapit din ang espirituwal na kamatayan kasunod ng pagkamatay ng katawang lupa. Kapwa hahatulan ang mga taong nabuhay nang mag-uli at ang diyablo at ang kanyang mga anghel. Magdurusa ng espirituwal na kamatayan ang mga yaong sadyang naghimagsik sa liwanag at katotohanan ng ebanghelyo. Ang kamatayang ito ay kalimitang tinatawag na ikalawang kamatayan.” Ang ikalawang kamatayan ay permanenteng paghiwalay sa Diyos. Ang mga makararanas nito ang tanging hindi matutubos ni Jesucristo o magmamana ng kaharian ng kaluwalhatian.
Apocalipsis 2:17
Ano ang nakatagong manna at ang puting bato?
Ang Panginoon ay naglaan ng manna na kakainin ng mga anak ni Israel para sa 40 taong paglalakbay nila sa ilang. Ang manna ay nakatago sa loob ng kaban ng tipan sa kabanal-banalang dako bilang alaala sa himalang ito. Posibleng ang nakatagong manna na binanggit sa Apocalipsis 2:17 ay isang simbolikong pagtukoy sa manna na nasa loob ng kaban ng tipan. Ang mga tao lamang na magsisipasok sa kinaroroonan ng Diyos sa pamamagitan ng pagtamo ng buhay na walang hanggan ang makakakita nito.
Sa Doktrina at mga Tipan 130:10–11 nalaman natin na “ang puting batong binanggit sa Apocalipsis 2:17, ay magiging isang Urim at Tummim sa bawat taong tumatanggap nito, kung saan ang mga bagay na nauukol sa isang nakatataas na kaayusan ng mga kaharian ay ipababatid; at isang puting bato [ang ibinibigay] sa bawat isa sa mga yaong patutungo sa selestiyal na kaharian, kung saan isang bagong pangalan ang masusulat, kung alin ay walang sinuman ang nakababatid maliban sa kanya na tumanggap nito. Ang bagong pangalan ang hudyat.”
Apocalipsis 2:28
Ano ang tala sa umaga?
Ang tala sa umaga ay ang huli at pinakamaliwanag na bituin na nakikita bago ang pagsikat ng araw. Ito ay naging simbolo ng isang bagay o isang tao na nagbabadya ng isang bagong araw o pagbabalik ng liwanag. Sa talatang ito, ang tala sa umaga ay sumisimbolo kay Jesucristo, na siyang naghahatid ng walang hanggang liwanag sa sanlibutan. Habang nagsasalita tungkol sa mga taong dumaranas ng kalungkutan sa kanilang buhay, nagpatotoo si Pangulong Jeffrey R. Holland: “Siya ang maningning na tala sa umaga. Siya ang araw … at Siya rin ang Anak … na laging nariyan. … Ipinapangako ko sa inyo sa pangalan ng Panginoon na sisikat ang araw, mahahawi ang kadiliman, magbabalik ang pag-asa, na kayo ay magiging masayang muli, na si Cristo ang maningning na tala sa umaga.”
Apocalipsis 3:7
Ano ang ibig sabihin na hawak ni Jesucristo ang susi ni David?
Ang Apocalipsis 3:7 ay naglalaman ng isang sipi mula kay Isaias, na sumulat tungkol sa susi ni David. Binanggit dito ni Isaias ang tungkol sa isa sa mga punong ministro ni Haring David, si Eliakim, na binigyan ng mga susi para magbukas ng mga nakasarang pintuan ng banal na templo. Ang mga susing ito ay maituturing na simbolo ng kapangyarihan at namamahalang awtoridad. Sa Apocalipsis 3:7, tinukoy ni Jesus ang Kanyang sarili bilang may hawak ng susi ni David, ibig sabihin, Siya ang may kapangyarihan at awtoridad na pamahalaan ang kaharian ng Diyos sa lupa at sa langit.
Apocalipsis 3:14
Bakit tinatawag si Jesucristo na “ang Amen”?
Sa Hebreo at Griyego ang ibig sabihin ng salitang amen ay “walang alinlangan; tunay; tiyak. Sa Apocalipsis 3:14, ang pagiging tapat at tunay ni Cristo bilang dakilang “Amen” ay ikinukumpara sa pag-uugali ng mga taga-Laodicea na sala sa init at sala sa lamig.
Apocalipsis 4:4
Sino ang dalawampu’t apat na elder?
Sa Apocalipsis 4, nakita ni Juan ang isang pangitain tungkol sa Diyos Ama na nakaupo sa Kanyang trono sa langit, na may 24 na matatanda [elder] na nakapalibot sa trono. Ipinaliliwanag ng makabagong banal na kasulatan na ang 24 na matatanda [elder] na ito ay “mga elder na naging matatapat sa gawain ng ministeryo at mga patay na; na nabibilang sa pitong simbahan, at nasa paraiso na ng Diyos.”
Apocalipsis 4:6
Ano ang dagat na salamin?
Sa pamamagitan ng paghahayag na ibinigay kay Propetang Joseph Smith, nalaman natin na ang dagat na salamin ay sumasagisag sa “mundo, sa kanyang banal, walang kamatayan, at walang-hanggang kalagayan.”
Apocalipsis 4:6–9
Ano ang isinasagisag ng apat na nilalang o hayop?
Sa pangitain ni Juan tungkol sa trono sa langit, nakita niya ang apat na nilalang na nagpupuri sa Diyos. Ipinaliwanag sa paghahayag sa mga huling araw ang kahulugan ng mga nilalang na ito, tulad ng nakatala sa Doktrina at mga Tipan 77:2–4. Bukod pa rito, itinuro ni Propetang Joseph Smith: “Ang apat na nilalang ay apat sa pinakamaringal na hayop na naisakatuparan ang layunin ng kanilang pagkalikha, at naligtas mula sa iba pang mga daigdig, dahil sila ay mga perpekto; sila ay tulad ng mga anghel sa kanilang mundo; hindi sinabi sa atin kung saan sila nagmula.”
Apocalipsis 5:1–9
Ano ang aklat na may pitong tatak at ano ang ibig sabihin ng pagbubukas nito?
Sa pagpapatuloy ng pangitain ni Juan, nakakita siya ng “isang aklat na may sulat sa loob at sa likod, na tinatakan ng pitong tatak.” Para protektahan ang mga opisyal na dokumento noong unang panahon, ang mga luwad o wax seal na may pangalan o marka ng kanilang may-ari ay inilalapat. Tinitiyak din ng tatak na ang tamang tao ang magbubukas ng dokumento.
Ang aklat na may pitong tatak ay sumasagisag sa “kasaysayan ng mundo,” kabilang ang “mga ipinahayag na kalooban, hiwaga, at gawain ng Diyos” na magaganap sa mundo sa panahon ng temporal na pananatili nito. “Ang unang tatak ay naglalaman ng mga bagay ng unang isanlibong taon, at ang pangalawa rin ng ikalawang isanlibong taon, at hanggang sa ikapito.”
Ang pagbubukas ng scroll ay pagsagisag sa pagpapatupad ng mga hinihingi na nakapaloob dito. Si Jesucristo lamang ang karapat-dapat na gumawa nito. Ipinakita nito ang awtoridad at kakayahan ng Tagapagligtas na isagawa ang plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit.
Apocalipsis 5:5–6, 12
Ano ang itinuturo sa atin ng mga titulong “Leon sa lipi ni Juda,” “Ugat ni David,” at “Kordero na pinaslang” tungkol kay Jesucristo?
Ang “Leon sa lipi ni Juda” ay angkop na titulo para kay Jesucristo dahil ang leon ay maringal at malakas at dahil ang Tagapagligtas ay isinilang mula sa lahi ni Juda. Ang simbolo ng isang leon ay ganap na kabaligtaran ng maamo at inialay na “Kordero” na binanggit sa mga talata 6 at 12. Ang dalawang paglalarawang ito ay nagpapahiwatig na nagtataglay si Jesucristo ng kamarhalikaan at kaamuan.
Ang titulo ng Tagapagligtas na “Ugat ni David” ay mula sa isang propesiya ni Isaias na ang Mesiyas ay isang inapo ni Haring David. Madalas bigyang-diin ng mga manunulat ng Ebanghelyo na si Jesucristo ay nagmula sa angkan ni David.
Apocalipsis 5:6
Ano ang isinasagisag ng pitong sungay at pitong mata ng Kordero?
Inilarawan ni Juan ang Kordero sa kanyang pangitain na maraming sungay at mata. Sa mga banal na kasulatan, ang mga sungay ay kadalasang simbolo ng kapangyarihan. Ang mga mata ay kadalasang sumisimbolo sa liwanag at kaalaman. Nasasaad sa Pagsasalin ni Joseph Smith na ang Kordero ay may “labindalawang sungay at labindalawang mata, na siyang labindalawang tagapaglingkod ng Diyos.” Dahil ang mga tao ng Panginoon sa sinaunang Israel ay may bilang na labindalawang lipi at itinatag ng Panginoon ang Kanyang Simbahan na may Labindalawang Apostol, ang numero na labindalawa ay maaaring sumisimbolo sa banal na pamahalaan at organisasyon, o sa priesthood. Ipinahihiwatig ng talatang ito na ang lahat ng kapangyarihan at kaalaman ng priesthood ay nakasentro sa Kordero ng Diyos.
Alamin ang Iba Pa
Mga Tulong sa Pag-unawa sa Aklat ng Apocalipsis
-
Nicholas J. Frederick, “The Book of Revelation: A Testament to the Lamb of God,” Ensign, Dis. 2019, 46–51
-
Nicholas J. Frederick, “Mga Pamamaraan ng Pag-unawa sa Aklat ng Apocalipsis” (artikulong digital lamang), Liahona, Dis. 2023, Gospel Library
-
Richard D. Draper, “Messages of the Book of Revelation for Latter-day Saints” (artikulong digital lamang), Liahona, Dis 2019
-
“Overview of the Book of Revelation,” ChurchofJesusChrist.org
Pagdaig sa Sanlibutan
-
Russell M. Nelson, “Daigin ang Mundo at Makasumpong ng Kapahingahan,” Liahona, Nob. 2022, 95–98
-
Neil L. Andersen, “Pagdaig sa Sanlibutan,” Liahona, Mayo 2017, 58–62
Ang Kordero ng Diyos
-
Jeffrey R. Holland, “Narito, ang Cordero ng Dios,” Liahona, Mayo 2019, 44–46
Media
Mga Larawan
Pulo ng Patmos
Si Juan sa Isla ng Patmos
St. John on Patmos [Si Juan sa Patmos], ni Gustave Doré