Mga Tulong sa Banal na Kasulatan
Juan 14–17


“Juan 14–17,” Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan (2024)

Mga Tulong sa Banal na Kasulatan

Juan 14–17

Pagkatapos ng Huling Hapunan, tinuruan at pinanatag ni Jesucristo ang Kanyang mga Apostol. Itinutro Niya sa kanila na Siya “ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay.” Sinabi Niya sa kanila na maipapakita nila ang kanilang pagmamahal sa Kanya sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga kautusan. Inanyayahan ng Tagapagligtas ang Kanyang mga Apostol na manahan sa Kanya at itinuro Niya sa kanila ang tungkol sa tungkulin ng Espiritu Santo. Bago pumasok sa Halamanan ng Getsemani, nag-alay ang Tagapagligtas ng Panalangin ng Pamamagitan. Ipinagdasal Niya ang Kanyang mga Apostol at lahat ng naniniwala sa Kanya.

Resources

Tandaan: Ang pagbanggit ng isang source na hindi inilathala ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay hindi nagpapahiwatig na ito o ang may-akda nito ay inendorso ng Simbahan o kumakatawan sa opisyal na posisyon ng Simbahan.

Background at Konteksto

Juan 14:1–3

Ano ang mga tahanan ng Ama?

Itinuro ni Propetang Joseph Smith na ang “maraming tahanan” na binanggit ni Jesus ay dapat maunawaan bilang mga kaharian—sa madaling salita: “‘Sa kaharian ng aking Ama ay maraming kaharian,’ upang kayo ay maging mga tagapagmana ng Diyos at mga kasamang tagapagmana ko. … May mga tahanan para sa mga yaong sumusunod sa batas na selestiyal, at may iba pang mga tahanan para sa mga yaong lumalabag sa batas, bawat [lalaki at babae] sa kanyang sariling kaayusan.”

Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks: “Mula sa makabagong paghahayag nalaman natin na ang pinakahuling tadhana ng lahat ng nabubuhay sa mundo ay hindi lamang ang pagpunta sa langit para sa mabubuti at ang walang hanggang pagdurusa sa impiyerno para sa masasama. Kabilang sa plano ng mapagmahal na Diyos para sa Kanyang mga anak ang katotohanang ito na itinuro ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo: ‘Sa bahay ng aking Ama ay maraming tahanan.’[Juan 14:2]. Itinuturo ng inihayag na doktrina ng ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw na lahat ng mga anak ng Diyos—maliban sa iilan na hindi ko na babanggitin pa rito—ay magmamana sa huli ng isa sa [tatlong] kaharian ng kaluwalhatian, maging ang pinakamababa na ‘walang maaaring makaunawa’ [Doktrina at mga Tipan 76:89].

Juan 14:5–6

Paano naging “ang daan” si Jesus?

Gustong malaman ni Apostol Tomas kung paano makararating sa pupuntahan ni Jesus. Bilang tugon, sinabi ni Jesus, “Ako ang daan.” Ang salitang “daan” ay isinalin mula sa salitang Griyego na hodos. Maaari itong mangahulugan ng kalsada, landas, pasukan, direksyon, paglalakbay, o pagkilos Itinuro ni Elder Dieter F. Uchtdorf: “Ang Tagapagligtas ang naghihikayat na kapangyarihan sa lahat ng ating ginagawa. Hindi Siya isang pahingahan sa ating paglalakbay. Hindi Siya isang magandang tanawin o lugar na pinupuntahan paminsan-minsan. Siya ‘ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay. Sinuman ay hindi makakarating sa Ama kundi sa pamamagitan [ni Jesucristo]’ [Juan 14:6]. Iyan ang Daan at ang ating huling destinasyon. … Pinatototohanan ko na si Jesucristo ang ating Panginoon, ating Manunubos, at ang ating nag-iisa at tanging Daan pabalik sa ating pinakamamahal na Ama sa Langit.”

Para sa karagdagang mga kaalaman, tingnan ang “Mga Gawa 24:14, 22. Ano ‘ang daan’?

Juan 14:7–11; 16:25

Ano ang matututuhan natin tungkol sa Ama sa Langit mula kay Jesucristo?

Bilang tugon sa pakiusap ni Felipe na “Ipakita mo sa amin ang Ama,” ipinaliwanag ni Jesus na siya na nakakakilala sa Kanya ay nakikilala rin ang Ama sa Langit. Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks: “Karamihan sa nalaman natin tungkol sa likas na katangian ng Diyos Ama ay mula sa natutuhan natin mula sa ministeryo at mga turo ng Kanyang Bugtong na Anak na si Jesucristo. … Ang Biblia ay naglalaman ng pagsaksi ng mga apostol na si Jesus ay ‘tunay na larawan’ ng pagka-Diyos ng Kanyang Ama (Sa Mga Hebreo 1:3), na lalong naglinaw sa itinuro ni Jesus na ‘ang nakakita sa akin ay nakakita sa Ama’ (Juan 14:9).”

Juan 14:16–23, 26; 15:26; 16:7

Sino ang isa pang Mang-aaliw?

Sa King James Version ng Biblia, ang salitang paraklētos ay isinalin bilang “Mang-aaliw,” sa Juan 14 at 15. Ang paraklētos ay isang katuwang, tagapamagitan, o tagapagtaguyod. Siya rin ay nagbibigay kapanatagan at naghihikayat. Nangako ang Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo na matapos Siyang umalis, hindi sila iiwanang nag-iisa. Magpapadala Siya sa kanila ng “isa pang Mang-aaliw.” Ang isa pang Mang-aaliw na ito ay ang Espiritu Santo. Ang pangako ng Tagapagligtas na bibigyan Niya ang Kanyang mga disipulo ng isa pang Mang-aaliw ay nagpapahiwatig na ang Tagapagligtas mismo ay isa ring Mang-aaliw. Sinabi ni Propetang Joseph Smith: “May dalawang Mang-aaliw na binanggit. Ito ay ang Espiritu Santo. … Ngayon [sino] ang isa pang Mang-aaliw na ito? Ito ay hindi hihigit o mas mababa kaysa sa Panginoong Jesucristo mismo.”

Juan 14:30

Sino ang “pinuno ng sanlibutan”?

Ang mga katagang “pinuno ng sanlibutan” ay tumutukoy sa diyablo. Malaki ang kapangyarihan at impluwensya Niya sa makasalanang mundong ito. Ngunit itinuro ni Jesucristo na ang diyablo ay aalisin at “palalayasin” sa mundong ito sa panahon ng paghuhukom.

Juan 15:1–8

Ano ang matututuhan natin mula sa “tunay na puno ng ubas”?

mga ubas sa puno

Ang mga propeta sa Lumang Tipan ay kadalasang gumagamit ng mga imahe ng puno ng ubas upang ilarawan ang Israel, ang pinagtipanang mga tao ng Diyos. Ang Israel ay may potensyal na maging mabunga ngunit kadalasan ay nagkukulang at nagbubunga ng mapait na bunga. Sa salaysay na ito, ang Diyos ang hardinero, o magsasaka, ng ubasan. Si Jesucristo ang “tunay na puno ng ubas.” Umaasa ang hardinero na magbubunga ng mabuti ang mga puno ng ubas. Upang magbunga ng mabuti, ang isang sanga ay kailangang “manatili sa puno ng ubas.” Itinuro ni Elder David A. Bednar: “Ang bawat isa sa atin ay inaanyayahan ng Panginoong Jesucristo na manahan sa Kanya. [tingnan sa Juan 15:4–9]. Ngunit paano nga ba natin malalaman ang kahulugan ng manahan sa Kanya at paano natin ito gagawin?

“Ang salitang manahan ay nagpapahiwatig ng hindi paggalaw o pagiging matatag at hindi natitinag. Ipinaliwanag ni Elder Jeffrey R. Holland na ang ‘manahan’ bilang salitang kilos ay nangangahulugan na “‘manatili—ngunit manatili magpakailanman.” Iyon ang panawagan ng mensahe ng ebanghelyo sa … lahat ng tao sa mundo. Pumarito, ngunit pumarito upang manatili. Pumarito nang may paniniwala at pagtitiis. Mamalagi kayo, para sa inyong kapakanan at sa lahat ng henerasyong kasunod ninyo.’ Kung gayon, nananahan tayo kay Cristo kapag matatag at matibay ang ating pagsampalataya sa Manunubos at sa Kanyang mga banal na pangako, anuman ang ating kalagayan [tingnan sa Juan 15:10].”

Juan 16:7

Bakit kailangang umalis ni Jesus bago matanggap ng Kanyang mga disipulo ang Espiritu Santo?

“Sa ilang kadahilanang hindi gaanong ipinaliwanag sa mga banal na kasulatan, ang Espiritu Santo ay hindi lubos na ibinigay sa mga Judio sa mga panahong narito sa lupa si Jesus (Juan 7:39; 16:7). Ang mga pahayag na hindi pa naparito ang Espiritu Santo hangga’t hindi pa nabubuhay na mag-uli si Jesucristo ay tumutukoy lamang sa dispensasyong iyon, sapagkat malinaw na ang Espiritu Santo ay naroon sa mga naunang dispensasyon.”

Juan 17

Ano ang Panalangin ng Pamamagitan?

Bago pumasok sa Halamanan ng Getsemani, nanalangin ang Tagapagligtas sa Kanyang Ama para sa Kanyang mga Apostol at sa lahat ng naniniwala sa Kanya. Kadalasang tinatawag ito na Panalangin ng Pamamagitan. Karaniwang tinatanggap ng lahat na ang panalangin ng pamamagitan ay isang kahilingan na “iniaalay alang-alang” sa isang tao” at inaanyayahan ang “Diyos na kumilos bilang tugon.”

Sa panalanging ito, ipinakita ng Tagapagligtas ang Kanyang tungkulin bilang ating Tagapamagitan, o Tagapagtaguyod, sa Ama sa Langit. Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Ang salitang tagapamagitan ay mula sa salitang-ugat sa Latin na ang ibig sabihin ay ‘tinig para sa,’ o ‘isang taong nagsusumamo para sa iba.’ Ang iba pang nauugnay na mga salita ay ginagamit sa banal na kasulatan, tulad ng tagapagtanggol (tingnan sa 1 Timoteo 2:5; 2 Nephi 2:28; D&T 76:69). Mula sa Aklat ni Mormon nalaman natin na ang responsibilidad na ito ay nauna nang nakita bago Siya isinilang: ‘[Si Jesus] ay mamamagitan para sa lahat ng anak ng tao; at sila na naniniwala sa kanya ay maliligtas’ (2 Nephi 2:9). Ang misyon na ito ay malinaw na nakita sa mahabaging panalangin ng pamamagitan ni Jesus.”

Juan 17:3

Ano ang ibig sabihin ng makilala ang Diyos?

Sa talatang ito, ang pandiwang Griyego na ginōskō ay isinalin bilang “makilala” Ang salitang ginōskō ay nagpapahiwatig ng kaalamang natanggap sa pamamagitan ng karanasan at pagsunod. Itinuro ni Jesus, “Kung ang sinuman ay nagnanais gumawa ng kalooban ng Diyos ay makikilala niya kung ang turo ay mula sa Diyos, o kung ako’y nagsasalita mula sa aking sarili.” Ang pagkakaroon ng ganitong uri ng kaalaman ay “nangangailangan ng isang handang puso, isang nakatuong isipan, nakikinig na mga tainga, at tunay na pamumuhay ayon sa kaalamang iyon sa araw-araw.” Sa pagkomento tungkol sa ganitong uri ng pagkatuto, isinulat ni Elder David A. Bednar, “Bilang mga disipulo ng Tagapagligtas, hindi lamang natin sinisikap dagdagan ang alam natin; bagkus, kailangan ay palagian nating mas gawin ang alam nating tama at magpakabuti pa.”

Juan 17:11, 20–23

Paano tayo magiging isa sa Ama, sa Anak, at sa iba pang mga disipulo ni Jesucristo?

Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson:

“Ang pagiging isa ay paulit-ulit na paksa sa ebanghelyo ni Jesucristo at sa pakikitungo ng Diyos sa Kanyang mga anak. Hinggil sa lungsod ng Sion sa panahon ni Enoc, inilarawan na ‘sila ay may isang puso at isang isipan’ [Moises 7:18]. Sa mga naunang Banal sa sinaunang Simbahan ni Jesucristo, itinala ng Bagong tipan, ‘Ang buong bilang ng mga sumampalataya ay may pagkakaisa sa puso at kaluluwa’ [Mga Gawa 4:32].

“Sa ating sariling dispensasyon, ipinayo ng Panginoon, ‘Sinasabi ko sa inyo, maging isa; at kung hindi kayo isa kayo ay hindi sa akin’ [Doktrina at mga Tipan 38:27]. …

“Kapag nananaig ang Diyos sa lahat ng mga puso at isipan, ang mga tao ay inilarawan bilang ‘iisa, ang mga anak ni Cristo’ [4 Nephi 1:17; idinagdag ang pagbibigay-diin]. …

“… Tanging sa pamamagitan ng ating kani-kanyang katapatan at pagmamahal kay Jesucristo tayo makakaasa na maging isa—isa sa isip at damdamin natin, isa sa tahanan, isa sa Simbahan, at sa huli maging isa sa Sion, at higit sa lahat, maging isa sa Ama at sa Anak at sa Espiritu Santo.”

Juan 17:12

Sino “ang anak ng kapahamakan”?

Sa Panalangin ng Pamamagitan, ipinagdasal ni Jesus ang Kanyang mga Apostol, “ang mga ibinigay [ng Diyos] [sa Kanya].” Ang “anak ng kapahamakan” na nawala ay tumutukoy kay Judas Iscariote, na nagtaksil kay Jesus. Ang salitang Griyego kung saan isinalin ang “kapahamakan” (apōleia) ay nagpapahiwatig ng isang kalagayan ng pagkawala o pagkawasak. Tungkol kay Judas Iscariote, sinabi ni Pangulong Jeffrey R. Holland: “Napakasakit isipin na isa sa mga natatanging saksi [ni Jesus] na umupo sa Kanyang paanan, narinig Siyang nanalangin, nakita Siyang nagpagaling, at nadama ang Kanyang paghawak ang magkakanulo sa Kanya at sa buong pagkatao Niya para sa 30 pirasong pilak. Hindi pa nangyari kailanman sa kasaysayan ng mundong ito na nabili sa ganoong napakaliit na halaga ang napakalaking kahihiyan. Hindi tayo ang hahatol sa kapalaran ni Judas, ngunit sinabi ni Jesus sa nagkanulo sa Kanya, ‘Mabuti [pa sana sa] taong yaon ang hindi na siya ipinanganak’ [Mateo 26:24].”

Juan 17:17, 19

Ano ang pagpapabanal?

Ang pagpapabanal ay “pamamaraan ng pagiging malaya mula sa kasalanan, pagiging dalisay, malinis, at banal sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.” Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson: “Ang pagpapabanal ay nag-aalis ng dungis o epekto ng kasalanan. …

“[Ito ay] naisasakatuparan sa pamamagitan ng biyaya ni Cristo, na biyayang kaloob sa [atin] batay sa pananampalataya. Ngunit ang ating moral na kalayaan ay kailangan ding maging bahagi ng banal na prosesong ito. Kailangang hangarin nating magsisi at kumilos upang magsisi. Kailangan nating piliing mabinyagan at tanggapin ang Espiritu Santo, at dapat nating piliing manatiling tapat sa ating mga tipan pagkatapos nito. Upang matanggap ang kaloob kailangan nating kumilos sa paraang Kanyang inorden.”

Alamin ang Iba Pa

Si Jesucristo “ang Daan”

  • Lawrence E. Corbridge, “Ang Daan,” Liahona, Nob. 2008, 34–36

Ang Mang-aaliw

Panalangin ng Pamamagitan

Media

Video

“Jesus Warns Peter and Offers the Intercessory Prayer” (5:02)

5:3

Larawan

Iniaalay ni Jesus ang Panalangin ng Pamamagitan

For Those Who Will Believe in Me [Para sa mga Taong Maniniwala sa Akin], ni Dan Wilson

Mga Tala

  1. Juan 14:6.

  2. Juan 14:2.

  3. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 255.

  4. Dallin H. Oaks, “Mga Kaharian ng Kaluwalhatian,” Liahona, Nob. 2023, 26.

  5. Juan 14:6.

  6. Tingnan sa Tremper Longman III at Mark L. Strauss, The Baker Expository Dictionary of Biblical Words (2023), 1113.

  7. Dieter F. Uchtdorf, “Buong Puso Natin,” Liahona, Mayo 2022, 123–24.

  8. Tingnan sa Juan 14:8–11. Itinuro ni Pangulong Jeffrey R. Holland, “Sa salita at sa gawa ay sinisikap ni Jesus na ihayag at gawing personal sa atin ang tunay na katangian ng Kanyang Ama, ang ating Ama sa Langit” (“The Grandeur of God,” Liahona, Nob. 2003, 70). Ipinaliwanag pa ni Pangulong Joseph F. Smith: “Kung ang Anak ng Diyos ay tunay na larawan (na kawangis) ng Kanyang Ama, kung gayon, ang Ama ay kaanyo ng tao; sapagkat iyon ang anyo ng Anak ng Diyos, hindi lamang noong nabubuhay pa Siya dito sa lupa kundi kahit noon pa mang bago Siya isilang, at maging pagkatapos Niyang mabuhay na mag-uli. Sa anyong ito nagpakita kay Joseph Smith ang Ama at ang Anak, bilang dalawang katauhan, noong ito’y bata pa sa gulang na labing-apat, nang matanggap niya ang kanyang unang pangitain” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph F. Smith [1998], 399).

  9. Dallin H. Oaks, “Ang Panguluhang Diyos at ang Plano ng Kaligtasan,” Liahona, Mayo 2017, 101–2.

  10. Tingnan sa Longman at Strauss, The Baker Expository Dictionary of Biblical Words, 1119.

  11. Juan 14:16.

  12. Tingnan sa Juan 14:26; 15:26.

  13. “Discourse, between circa 26 June and circa 2 July 1839, as Reported by Willard Richards,” 18, 20, josephsmithpapers.org; ginawang makabago ang pagbabaybay at pagbabantas.

  14. Tingnan sa Bible Dictionary, “Devil.”

  15. Juan 12:31.

  16. Tingnan sa Isaias 5:1–7; 27:2–6; Jeremias 2:21; 12:10–13; Ezekiel 15:1–8; 17:5–10.

  17. Juan 15:1.

  18. Juan 15:4. Isinulat ni James E. Talmage: “Ang mas kamangha-manghang analohiya ay hindi makikita sa literatura ng mundo. Sila na mga inorden na lingkod ng Panginoon ay walang magagawa at walang silbi kung wala Siya gaya ng sangang pinutol mula sa puno. Gaya ng sanga na nagiging mabunga lamang dahil sa dagtang natatanggap mula sa mga ugat ng puno, at kung puputulin o babaliin ay malalanta, matutuyo, at mawawalan ng halaga maliban sa gawing panggatong sa apoy, kaya nga ang mga lalaking iyon, bagama’t inordenan sa Banal na Pagkaapostol, ay masusumpungang malalakas at namumunga nang sagana ang kanilang sarili sa mabubuting gawa, kung mananatili lamang silang matatag sa pakikipagkaisa sa Panginoon. Kung wala si Cristo ay ano nga sila, kundi mga mangmang na taga-Galilea, ang ilan sa kanila’y mangingisda, ang isa ay publicano, ang mga nalabi ay walang naabot na anumang kasanayan, at lahat sila ay mahihinang tao?” (Jesus the Christ [1916], 604–5).

  19. David A. Bednar, “Manahan sa Akin, at Ako sa Iyo; Kaya Nga, Lumakad Kang Kasama Ko,” Liahona, Mayo 2023, 123–24.

  20. Bible Dictionary, “Holy Ghost.”

  21. Joshua M. Sears, “‘O Lord God, Forgive!’: Prophetic Intercession in Amos,” sa Prophets and Prophecies of the Old Testament, pat. Aaron P. Schade at iba pa (2017), 197.

  22. Russell M. Nelson, “Jesus the Christ—Our Master and More,” sa A Book of Mormon Treasury: Gospel Insights from General Authorities and Religious Educators (2003), 23.

  23. Tingnan sa Longman at Strauss, The Baker Expository Dictionary of Biblical Words (2023), 1060.

  24. Tingnan sa Camille Fronk Olson, “To Know God Is Life Eternal,” sa Let Us Reason Together: Essays in Honor of the Life’s Work of Robert L. Millet, pat. J. Spencer Fluhman at Brent L. Top (2016), 26.

  25. Juan 7:17; tingnan din sa Juan 3:21; 13:17.

  26. Camille Fronk Olson, “To Know God Is Life Eternal,” 27.

  27. David A. Bednar, Act in Doctrine: Spiritual Patterns for Turning from Self to the Savior (2012), 2.

  28. D. Todd Christofferson, “Iisa kay Cristo,” Liahona, Mayo 2023, 77, 79.

  29. Juan 17:12.

  30. Tingnan din sa 3 Nephi 27:32.

  31. Tingnan sa Longman at Strauss, The Baker Expository Dictionary of Biblical Words (2023), 1051.

  32. Jeffrey R. Holland, “Walang Sinuman ang Kasama Niya,” Liahona, Mayo 2009, 86.

  33. Tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pagpapabanal,” Gospel Library.

  34. D. Todd Christofferson, “Justification and Sanctification,” Ensign, Hunyo 2001, 22–24.