“Filipos at Colosas,” Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan (2024)
Mga Tulong sa Banal na Kasulatan
Filipos at Colosas
Ang Filipos at Colosas ay maaaring isinulat habang si Pablo ay arestado sa Roma. Kapansin-pansin, sa mahirap na panahong ito isinulat ni Pablo ang tungkol sa “kapayapaan ng Diyos, na hindi maabot ng pag-iisip.” Ang dalawang sulat na ito ay palaging positibo at optimistiko. Kabilang dito ang ilan sa pinakamalinaw at pinakataimtim na mga turo ni Pablo tungkol kay Jesucristo. Pinatotohanan ni Pablo na balang-araw ay ipahahayag ng bawat tao na si Jesus ang Cristo at na magagawa natin ang lahat ng bagay sa pamamagitan Niya. Pinatotohanan niya na si Jesucristo ang pangunahin sa lahat ng nilikha ng Diyos. Itinuro niya na sa pamamagitan ng pagtatayo sa pundasyon ni Jesucristo, maiiwasan nating maligaw ng mga makamundong pilosopiya at tradisyon.
Resources
Tandaan: Ang pagbanggit ng isang source na hindi inilathala ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay hindi nagpapahiwatig na ito o ang may-akda nito ay inendorso ng Simbahan o kumakatawan sa opisyal na posisyon ng Simbahan.
Background at Konteksto
Para kanino isinulat ang Filipos at Colosas at bakit?
Sumulat si Pablo ng mga liham para sa Filipos at Colosas habang siya ay nakabilanggo o naka-house arrest. Sa kabila ng mga sitwasyong ito, ang mga liham na ito ay naglalaman ng ilan sa mga pinaka-optimistiko at pinaka-nakakahikayat na isinulat ni Pablo.
Ang Filipos ay isang mahalagang lungsod sa Macedonia. Ito ang pinakaunang branch ng Simbahan na naitatag sa rehiyong ito. Matapos ang kanyang unang pagbisita noong mga AD 50, muling binisita ni Pablo ang mga Banal sa Filipos sa kanyang ikatlong paglalakbay bilang misyonero noong mga AD 56. Sa kanyang liham, nagpasalamat si Pablo sa pagmamahal at tulong pinansyal na ibinigay sa kanya ng mga Banal sa Filipos sa kanyang ikalawang paglalakbay bilang misyonero at sa kanyang pagkabilanggo.
Isinulat ni Pablo sa mga taga-Filipos na “lagi ninyo akong sinusunod” siya man ay kasama nila o hindi. Sabi ng isang iskolar: “Ano pang ibang liham sa simbahan ang nagpahayag nang ganoon? Walang nasabing ganoon si Pablo sa mga taga-Corinto o taga-Galacia, kaya ang mga taga-Filipos ang may pinakamatinding katapatan sa lahat. Ang ituturo sa kanila ni Pablo ay lubos na naghahayag tungkol sa paksa kung paano natatamo ang kadakilaan.”
Ang Colosas ay matatagpuan mga 100 milya sa silangan ng Efeso. Ang lungsod ay isa sa mga pinakakilala noon sa lugar. Sa panahon ni Pablo ito ay “naging isang maliit na bayan ng mangangalakal na madaraaan mula sa Roma patungong silangan.” Malamang na hindi pa nabisita ni Pablo ang mga Banal sa Colosas bago niya isinulat ang kanyang liham sa kanila.
“Ang mensahe sa mga taga-Colosas ay maaaring ibuod sa tatlong pangunahing paksa: ang pagiging pangunahin ni Cristo sa lahat ng bagay, ang mga maling doktrina na naghahangad na sirain ang doktrina ni Cristo, at mga alituntuning tutulong sa atin na maging katulad ni Cristo.”
Filipos 1:1–14
Paano nakatulong ang pagkabilanggo ni Pablo sa pagsulong ng ebanghelyo?
Ipinaliwanag ni Pablo na ang kanyang pagkabilanggo ay nagsilbing pagsulong ng ebanghelyo. Ang pagbanggit niya sa pretorio sa talata 13 ay malamang na isang pagtukoy sa bantay ng pretorio at iba pang mga bisita na nakarinig kay Pablo na nangangaral ng ebanghelyo mula sa bilangguan. Bukod pa rito, nagkalakas-loob ang mga miyembro ng Simbahan mula sa halimbawa ni Pablo at “lalong nagkaroon ng katapangang ipahayag [nang] walang takot ang salita.”
Filipos 2:6–11
Bakit nagkaroon ng “anyong alipin” si Jesucristo?
Gamit ang mga salita ng isang himno ng Kristiyano, hinikayat ni Pablo ang mga banal sa Filipos na tularan ang halimbawa ng pagsunod at pagpapakumbaba ng Tagapagligtas. Inihahayag ng himno na sa buhay bago siya isinilang, si Jesucristo ay nasa “anyo ng Diyos.” Siya ay may banal na katangian, tulad ng Diyos. Sa pagiging kapantay ng Diyos na Kanyang natamo, “hindi inagaw [ni Jesucristo] ang pagiging Diyos ng Diyos.”
Si Jesucristo ay mapagpakumbabang bumaba mula sa Kanyang pagiging Diyos bago siya isinilang at naging “anyong alipin.” Sa madaling salita, kusang-loob na bumaba si Jesucristo mula sa Kanyang premortal na kaluwalhatian upang tanggapin ang mga kalagayan ng mortalidad. Itinuro ni Pablo na ang pagging kapantay ni Jesucristo sa Diyos ang natatanging nagpamarapat sa Kanya na maging ating Tagapagligtas. Matapos magdusa ng kamatayan sa krus, dadakilain ng Diyos si Jesucristo at bibigyan Siya ng “pangalang higit sa lahat ng pangalan.”
Ang mensahe ni Pablo ay katulad ng mga turo ni Nephi tungkol sa “pagpapakababa ng Diyos.”
Filipos 2:11
Ano ang ibig sabihin ng dapat “ipahayag ng bawat dila na si Jesucristo ay Panginoon”?
Ang “ipahayag” sa talatang ito ay isinalin mula sa salitang Griyego na nangangahulugang sang-ayon, itanyag, o magpuri. Sa huli, makikilala ng lahat ng tao na si Jesus ang Cristo, pinili man nilang sumunod o hindi sa Kanya noong nabubuhay pa sila. Itinuro ng Aklat ni Mormon at Doktrina at mga Tipan na ang pagkilalang ito ng lahat ng tao ay darating sa Araw ng Paghuhukom.
Filipos 2:12–13
Ano ang ibig sabihin ng “isagawa ninyo ang inyong … kaligtasan na may takot at panginginig”?
Sa Filipos 2:4–12, itinuro ni Pablo na si Jesucristo ay “nagpakababa sa kanyang sarili” at nagdusa ng “kamatayan [sa] krus” upang Siya ay maging ating Tagapagligtas. Iniisip ang pagmamahal at pagsunod na ipinakita ni Jesucristo, hinikayat tayo ni Pablo na “isagawa ang [ating] kaligtasan na may takot at panginginig.”
Ang salitang Griyego na isinalin bilang “isagawa” ay hindi nangangahulugang “gumawa para sa [iyong] kaligtasan” na para bang natatamo natin ang ating kaligtasan sa pamamagitan lamang ng mabubuting gawa. Sa halip, ipinahihiwatig nito ang patuloy na pagsisikap na maging disipulo. Sa pagtukoy sa talata 12, itinanong ni Pangulong Dallin H. Oaks, “Ang ibig kayang sabihin [nito] ay na matatamo natin ang ating kaligtasan at kadakilaan dahil lamang sa sariling kabutihan natin?” Hindi, paliwanag niya, dahil “sa kabila ng lahat ng ating pagsunod at mabubuting gawa, hindi tayo maliligtas mula sa epekto ng ating mga kasalanan kung wala ang biyaya na ipinagkaloob sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Jesucristo.”
Ang salitang “takot” ay isinalin mula sa salitang Griyego na phobos, na maaaring magkaroon ng negatibong kahulugan (nangangamba, nasisindak, o nanghihilakbot) at ng positibong kahulugan (paggalang, pagpipitagan, o paghanga). Sa sitwasyong ito, ang konotasyon ay pagpipitagan sa Panginoon. Sa talata 13, binigyang-diin ni Pablo na “Diyos ang gumagawa sa inyo maging … sa paggawa, para sa kanyang mabuting kalooban.”
Filipos 3:2–3
Tungkol kanino binabalaan ni Pablo ang mga taga-Filipos?
Ang katagang aso sa mga banal na kasulatan ay karaniwang tumutukoy sa isang taong hindi karapat-dapat. Ang “mga aso” na binanggit ni Pablo ay mga Judaizers—mga taong nagtuturo na dapat sumunod ang mga na-convert sa Kristiyanismo sa ilang kaugalian ng mga Judio, kabilang ang pagtutuli. Bilang panunuya, tinukoy ni Pablo ang mga Judaizers bilang mga taong namumutol ng laman, o “hindi totoong pagtutuli.” Sa kabilang banda, tinukoy ni Pablo ang mga pinagtipanang tao ng Diyos bilang yaong mga nasa totoong “pagtutuli.” Itinuro ni Pablo na ang mga sumasamba sa Diyos at nagagalak kay Cristo ay ang totoong “pagtutuli,” o mga pinagtipanang tao.
Filipos 3:4–14, 20–21
Bakit nagsakripisyo nang husto si Pablo para sundin si Jesucristo?
Maraming bagay ang isinuko ni Pablo nang maging tagasunod siya ni Jesucristo, kabilang na ang kanyang prestihiyosong posisyon bilang isang Judiong Fariseo. Sa halip na magtuon sa kanyang mga sakripisyo at mga nakaraang karanasan, binanggit ni Pablo ang patuloy na pagsulong “tungo sa mithiin para sa gantimpala ng dakilang pagtawag ng Diyos.”
Nakadama ng kapanatagan si Pablo kay Jesucristo, at inasam na mapabilang sa “pakikisama sa kanyang mga kahirapan.” Itinuro ni Elder Neal A. Maxwell: “Kapag pinapasan natin ang pamatok ni Jesus, sa huli ay mapapabilang tayo sa tinawag ni Pablo na ‘pakikisama sa mga kahirapan [ni Cristo]’ [Filipos 3:10]. Ito man ay karamdaman o kalungkutan, kawalang-katarungan o hindi pagtanggap, atbp., na medyo maliliit na pagdurusa, kung tayo ay mapagpakumbaba, ay magiging bahagi ng ating likas na pagkatao. Sa gayon ay mas mapahahalagahan natin hindi lamang ang mga pagdurusa ni Jesus para sa atin, kundi pati na rin ang Kanyang walang kapantay na katangian, na naghihikayat sa atin na sambahin Siya at naisin din na tularan Siya.”
Colosas 1:12–20
Bakit nagsulat si Pablo tungkol sa pagiging pangunahin ni Jesucristo sa lahat?
Isa sa mga maling gawain na tinanggap ng ilan sa mga Banal sa Colosas ay ang pagsamba sa mga anghel. Nagresulta ito sa mga maling pagkaunawa tungkol sa pagiging Diyos ni Jesucristo. Malinaw na binigyang-diin sa mensahe ni Pablo na si Jesucristo ang pangunahin, kapwa sa mga nilikha ng Ama sa Langit at bilang pinuno ng Simbahan.
Pinatotohanan ni Pablo na ang “buong kapuspusan ay [naninirahan]” kay Jesucristo. Nais ni Pablo na maunawaan ng mga Banal sa Colosas na si Jesucristo at ang Kanyang ebanghelyo ay nakatataas sa lahat ng iba pang mga pilosopiya at relihiyon.
Colosas 1:15
Bakit inilarawan ni Pablo na hindi nakikita ang Diyos?
Sa paglalarawan na hindi nakikita ang Diyos, ang ibig sabihin ni Pablo ay hindi Siya nakikita ngunit maaari Siyang makita. Ang binibigyang-diin ng Apostol ay bagama’t hindi nakikita sa ngayon ang Diyos ng mga mata ng tao, ang anyo at katangian ni Jesucristo ay naglalarawan sa kung ano ang anyo o katangian ng Ama. Itinuro ni Pangulong Jeffrey R. Holland, “Sa lahat ng sinabi at ginawa ni Jesus, kabilang ang at lalo na sa Kanyang nagbabayad-salang pagdurusa at sakripisyo, ipinapakita Niya sa atin kung sino at ano ang katangian ng Diyos Amang Walang Hanggan.”
Colosas 1:15
Ano ang ibig sabihin na si Jesucristo ang panganay sa lahat ng mga nilalang?
“Si Jesus ang panganay sa mga espiritung anak ng ating Ama sa Langit, ang Bugtong na Anak ng Ama sa laman, at ang unang bumangon mula sa mga patay sa Pagkabuhay na mag-uli.”
Colosas 2:6
Ano ang ibig sabihin ng lumakad sa Panginoon?
Itinuro ni Elder David A. Bednar: “Hinikayat ni Apostol Pablo ang mga mananampalataya na tinanggap ang Panginoon: ‘Lumakad kayong gayon sa kanya’ [Colosas 2:6].
“Binibigyang-diin ng paglakad sa Tagapagligtas at nang kasama Niya ang dalawang mahalagang aspekto ng pagiging disipulo: (1) pagsunod sa mga kautusan ng Diyos, at (2) pag-alaala at pagtupad sa mga sagradong tipan na nag-uugnay sa atin sa Ama at sa Anak.”
Colosas 3:22–25; 4:1
Karaniwan ba ang pang-aalipin noong panahon ng Bagong Tipan?
Tingnan sa “Filemon 1:10–17. Ano ang alam natin tungkol sa pang-aalipin sa panahon ng Bagong Tipan?”
Alamin ang Iba Pa
Ang Mapagpakumbaba at Dakilang Cristo
-
David L. Frischknecht, “The Condescension of Jesus Christ,” Ensign, Dis. 2011, 51–55
“Isagawa Ninyo ang Inyong Sariling Kaligtasan
-
Dallin H. Oaks, “What Think Ye of Christ?,” Ensign, Nob. 1988, 65–68
Ipahahayag ng Bawat Dila Na si Jesus ang Cristo
-
Bonnie H. Cordon, “Kahit Kailan Huwag Palampasin ang Pagkakataong Magpatotoo Tungkol kay Cristo,” Liahona, Mayo 2023, 10–12
Ang Pagiging Pangunahin ni Jesucristo sa Lahat
-
Jeffrey R. Holland, “The Grandeur of God,” Liahona, Nob. 2003, 70–73