“Lucas 22; Juan 18,” Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan (2024)
Mga Tulong sa Banal na Kasulatan
Lucas 22; Juan 18
Matapos pasimulan ni Jesucristo ang sakramento, pumunta Siya sa Halamanan ng Getsemani kasama ang Kanyang mga disipulo. Nagdusa Siya sa Getsemani, na naging dahilan para pawisan Siya ng “malalaking patak ng dugo.” Siya ay ipinagkanulo at dinakip. Si Jesus ay hinampas, nilibak, at siniyasat sa harap ng kapulungan ng mga Judio. Pagkatapos ay dinala si Jesus kay Pilato, na nagtanong kay Jesus at walang nakitang kasalanan sa Kanya.
Resources
Tandaan: Ang pagbanggit ng isang source na hindi inilathala ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay hindi nagpapahiwatig na ito o ang may-akda nito ay inendorso ng Simbahan o kumakatawan sa opisyal na posisyon ng Simbahan.
Background at Konteksto
Lucas 22:7–20
Ano ang mahalaga tungkol sa Huling Hapunan?
Upang malaman pa ang tungkol sa kahalagahan ng Huling Hapunan, isiping pag-aralan ang mga sumusunod na entry:
Lucas 22:31
Ano ang ibig sabihin ng ligligin ni Satanas na gaya ng trigo?
Noong panahon ng Bagong Tipan, ang mga tangkay ng trigo ay inaani at pinagsasama-sama sa mga bungkos, o mga silo. Ang mga silo ay inilalatag sa isang matigas na sahig at dinudurog sa pamamagitan ng mabigat na kagamitan (pinipisa) hanggang sa ang mga buto ay humiwalay sa mga balat nito.
Golden Harvest [Ginintuang Pag-ani], ni David Merrill
Ang mga balat ay hindi nakakain at itinuturing na ipa—isang bagay na walang halaga. Kapag mahangin, ang mga buto at ipa ay inihahagis sa hangin gamit ang kalaykay. Ang mas mabibigat na buto ay babagsak sa lupa, at ang mas magaan na ipa ay liliparin. (Tingnan din sa “Mateo 3:12. Ano ang kahulugan ng pariralang ‘nasa kamay [Niya] ang kanyang kalaykay’?”)
Ginamit ni Jesus ang larawan ng paghihiwalay ng mga buto ng trigo mula sa mga ipa upang balaan si Pedro tungkol sa hangarin ni Satanas na wasakin siya. Sinabi ni Jesus kay Pedro, “Hiningi ni Satanas na ligligin kayo gaya ng trigo.” Ang panghalip na Griyego na isinalin bilang “kayo” ay maramihan. Sa talatang ito, itinuro ni Jesus na gusto ni Satanas na wasakin ang lahat ng disipulo ng Tagapagligtas, hindi lamang si Pedro. Itinuro ni Elder Ulisses Soares na ang ibig sabihin ng maliglig gaya ng trigo ay “mawalan tayo ng kakayahang impluwensyahan sa kabutihan ang mundo.”
Lucas 22:39, 44
Ano ang matututuhan natin mula sa Halamanan ng Getsemani tungkol sa nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas?
(Ikumpara sa Mateo 26:36; Marcos 14:32; Juan 18:1.)
Sa Halamanan ng Getsemani, sinimulan ng Tagapagligtas ang Kanyang pagdurusa para sa mga kasalanan ng lahat ng tao. Ang Halamanan ng Getsemani ay natatamnan ng mga puno ng olibo. Ang halamanang ito ay isang lugar na madalas puntahan ng Tagapagligtas. Matatagpuan ito sa kanlurang bahagi ng Bundok ng mga Olibo, sa labas lamang ng mga pader ng Jerusalem.
“Ang ibig sabihin ng salitang getsemani ay ‘pisaan ng olibo.’” Sa panahon ng Tagapagligtas, ang langis ng olibo ay ginagawa sa pamamagitan ng pagpapagulong ng malaking bato sa ibabaw ng mga olibo para durugin ang mga ito. Ang mga durog na olibo ay tinatawag na “masa.”
Ang masa ay inilalagay sa malambot, maluwag na mga basket. Ginagamit ang pisaan ng olibo upang madiiinang maigi ang mga olibo sa mga basket na ito. Kapag piniga nang maigi ang mga olibo, ang langis na lumalabas sa simula ay kulay pula.
Ang prosesong ginamit sa paggawa ng langis ng olibo ay makatutulong sa atin na maunawaan ang nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas. Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Si Cristo sa Halamanan ng Getsemani ay literal na piniga sa ilalim ng bigat ng mga kasalanan ng sanlibutan. Tumulo mula sa Kanya ang malalaking patak ng dugo—ang “langis” ng Kanyang buhay—na lumabas sa bawat butas ng Kanyang balat. [Tingnan sa Lucas 22:44; Doktrina at mga Tipan 19:18.] …
“Tulad ng laman ng olibo, na pinipiga para sa langis na nagbigay ng liwanag, gayon din piniga ang Tagapagligtas. Mula sa bawat butas ng Kanyang balat ay lumabas ang dugong nagbibigay-buhay ng ating Manunubos.”
Lucas 22:39–46
Bakit nagdusa si Jesucristo sa Getsemani?
(Ikumpara sa Mateo 26:37–41; Marcos 14:32–42.)
Tatlo sa Mga Ebanghelyo ang nagbigay ng ilang detalye kung paano nagdusa ang Tagapagligtas sa Getsemani. Mula sa banal na kasulatan ng Pagpapanumbalik, nalaman natin ang ilang mahahalagang dahilan kung bakit nagdusa ang Tagapagligtas. Itinuro ni Haring Benjamin na lumabas ang dugo ni Jesus sa bawat butas ng Kanyang balat dahil sa Kanyang matinding “pagdurusa dahil sa kasamaan at mga karumal-dumal na gawain ng kanyang mga tao.” Ipinaliwanag ng Tagapagligtas na nagdusa Siya para makapagsisi tayo sa ating mga kasalanan. Ipinaliwanag ni Alma na nagdusa si Cristo hindi lamang para iligtas tayo mula sa kasalanan kundi “[tulungan] din ang kanyang mga tao alinsunod sa kanilang mga kahinaan.”
Gethsemane [Getsemani], ni Adam Abram
Lucas 22:42
Ano ang isinasagisag ng kopa?
(Ikumpara sa Mateo 26:39; Marcos 14:36.)
Ang saro o kopa na tinutukoy ng Tagapagligtas ay sumisimbolo sa pagdurusang naranasan Niya sa Kanyang Pagbabayad-sala. Nang magdusa si Jesucristo para sa ating mga kasalanan sa Getsemani, nanalangin Siya sa Ama sa Langit, “Kung ibig mo, ilayo mo sa akin ang kopang ito; gayunma’y huwag ang kalooban ko ang mangyari kundi ang sa iyo.” Noong arestuhin Siya, sinabi ni Jesus kay Pedro, “Hindi ko ba iinuman ang kopang ibinigay sa akin ng Ama?” Matapos ang kamatayan at Pagkabuhay na Mag uli ni Jesus, tinukoy ni Jesus ang Kanyang pagdurusa bilang pag-inom mula sa isang “mapait na saro.” Patungkol sa kapaitan na naranasan ng Tagapagligtas sa Getsemani, sinabi ni Elder Bruce R. McConkie: “Alam nating lumabas [biglaang pag-agos] ang maraming patak ng dugo mula sa bawat butas ng kanyang balat nang inumin Niya ang mapait na sarong ibinigay sa Kanya ng Kanyang Ama.
“Alam nating nagdusa Siya, kapwa sa katawan at espiritu, nang higit kaysa kayang tiisin ng tao, maliban sa kamatayan.
“Alam natin na sa paraang hindi natin maunawaan, tinugon ng Kanyang pagdurusa ang mga hinihingi ng katarungan, tinubos ang nagsisising mga kaluluwa mula sa mga pasakit at parusa ng kasalanan, at kinaawaan ang mga naniniwala sa Kanyang banal na pangalan.
“Alam natin na napahandusay Siya sa lupa sa sobrang sakit at pagdurusa sa napakabigat na pasaning naging dahilan para Siya manginig at magnais na kung maaari ay hindi Niya lagukin ang mapait na saro.”
Lucas 22:44
Lumabas ba talaga ang malalaking patak ng dugo sa bawat maliliit na butas ng balat ni Jesus sa Getsemani?
Si Lucas ang tanging manunulat ng Ebanghelyo na nagtala na kabilang sa pagdurusa ng Tagapagligtas ang “malalaking patak ng dugo.” Pinagtibay ng Tagapagligtas ang realidad na ito sa mga banal na kasulatan sa mga huling araw: “Kung aling pagdurusa ay dahilan upang ang aking sarili, maging ang Diyos, ang pinakamakapangyarihan sa lahat, na manginig dahil sa sakit, at [dumugo] sa bawat pinakamaliit na butas ng balat.”
Juan 18:5–6
Ano ang mahalaga sa sagot ng Tagapagligtas na “Ako nga iyon”?
Nang sabihin ng mga pinunong Judio na hinahanap nila si Jesus na taga-Nazaret, sumagot si Jesus, “Ako nga iyon.” Ang “Ako nga” ay isang titulo at pangalan ni Jesus. Ginamit ni Jesus ang titulong “Ako nga” nang ilang beses sa Kanyang ministeryo. Marahil naunawaan ng mga Judio ang titulong ito bilang pagpapahayag ng pagkadiyos ni Cristo.
Juan 18:13–14
Sino sina Caifas at Anas?
(Ikumpara sa Mateo 26:57.)
Si Caifas ang mataas na saserdote ng templo sa Jerusalem noong panahon ng ministeryo ng Tagapagligtas. Kabilang sa kanyang mga responsibilidad ang pangangasiwa sa mga ritwal sa templo at pagkontrol sa kabang-yaman ng templo. Siya ay mayaman at maimpluwensya. Marahil itinuring niyang hamon sa kanyang awtoridad ang paglilinis ni Jesus sa mga bakuran ng templo. Matapos buhayin ni Jesus si Lazaro, sinabi ni Caifas na kailangang patayin si Jesus.
Si Caifas ay manugang ng isang dating mataas na saserdote, si Anas. Inilalarawan ng mga sangguniang pangkasaysayan ang pamilya ni Anas sa mga bagay na may kinalaman sa kapangyarihan at impluwensya. Ang dalawang lalaki ay parehong Saduceo. Sa paglipas ng mga siglo, naging tiwali ang posisyon ng mataas na saserdote. Sa halip na maging katungkulan sa priesthood na batay sa angkan, naging paghirang ito sa pulitika. Bilang mataas na saserdote, pinamunuan ni Caifas ang Sanhedrin na lumitis at nagtanong kay Jesus. Tanging ang Ebanghelyo ni Juan ang nagbabanggit na humarap din si Jesus kay Anas.
Juan 18:29
Sino si Pilato?
Ang Imperyong Romano ay nahahati sa mga lalawigan na bawat isa ay pinamumunuan ng isang mahistrado. Si Poncio Pilato ang pinunong Romano sa Judea mula AD 26 hanggang 36. Hindi nagtagal matapos maupo sa puwesto, nagalit sa kanya ang marami sa mga Judio dahil sa pagdadala sa Jerusalem ng mga bandila na may imahe ng emperador ng Roma. Itinuturing ng mga Judio ang mga imaheng ito ng emperador bilang pagsamba sa diyus-diyusan. Iniutos din ni Pilato ang pagpatay sa ilang taga-Galilea.
Juan 18:29–36
Bakit dinala ng mga pinunong Judio si Jesus sa harap ni Pilato?
Ipinahayag ng mga pinunong Judio na nagkasala si Jesus ng kalapastanganan at nais nila na patayin Siya. Gayunman, naharap sila sa ilang balakid: (1) sa ilalim ng pamamahala ng Roma, ang mga Judio ay walang awtoridad na patawan ng kamatayan ang isang tao; (2) ang mga Romano, na maaaring magpataw ng kamatayan sa isang tao, ay hindi kinikilala ang krimen ng paglapastangan sa mga Judio; at (3) dahil sa impluwensya ni Jesucristo, natakot ang mga pinunong Judio na magkakaroon ng kaguluhan kung hahatulan nila Siya ng kamatayan sa publiko.
Kinailangan ng mga pinunong Judio ang tulong ng Roma para patayin si Jesucristo. Kaya dinala nila si Jesus sa mahistrado ng Roma na si Pilato. Gusto nilang makahanap siya ng isang bagay na ipaparatang sa Tagapagligtas na may parusang kamatayan. Pagkatapos ay palalabasin sa mga tao na ang Roma ang may pananagutan sa pagpatay kay Jesus, hindi ang mga pinunong Judio.
Juan 18:37–39
Ano ang mga paratang laban kay Jesus?
Bagama’t iniharap ng mga punong saserdote si Jesus bilang kriminal, hindi lubos na malinaw sa Mga Ebanghelyo kung anong krimen ang ipinaparatang kay Jesus. Gayunman, iniuulat ng mga tala na ang pagtatanong ni Pilato kay Jesus ay nakapokus sa kung itinuturing ba ni Jesus ang Kanyang Sarili bilang hari. Bukod pa rito, nakaugalian na ang paglalagay ng karatula sa itaas ng isang taong ipinako sa krus upang ipakita ang “paratang” laban sa kanya. Mababasa sa karatula na inilagay ni Pilato sa itaas ng krus ng Tagapagligtas ang “Si Jesus na taga-Nazaret na Hari ng mga Judio.” Kaya tila masasabing pinatay si Jesus sa paratang na sedisyon, o mga aksyon laban sa emperador o estado. (Tingnan din sa “Mateo 26:59–68. Ano ang kahalagahan sa paratang na kalapastanganan?”)
Alamin ang Iba Pa
Ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas
-
Bruce R. McConkie, “The Purifying Power of Gethsemane,” Ensign, Apr. 2011, 56–59
-
Jeffrey R. Holland, “Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo,” Liahona, Mar. 2008, 32–38
-
Tad R. Callister, “Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo,” Liahona, Mayo 2019, 85–87
Para sa iba pang mga mensahe tungkol sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, pumunta sa Gospel Library, Pangkalahatang Kumperensya, Mga Paksa, “Pagbabayad-sala.”
Media
Mga Video
“The Savior Suffers in Gethsemane” (8:47)
“Jesus Is Tried by Caiaphas, Peter Denies Knowing Him” (4:16)
“Jesus Is Condemned before Pilate” (3:29)
Mga Larawan
The Betrayal of Jesus [Ang Pagkakanulo kay Jesus], ni Ted Henninger
Modelo ng lungsod ng Jerusalem na nagpapakita ng palasyo ni Herodes sa unahan
Ecce Homo [Narito ang Tao], ni Antonio Ciseri