Library
Kababaihan sa Simbahan


“Kababaihan sa Simbahan,” Mga Paksa at Mga Tanong (2025)

mga babaeng nagtatawanan

Overview

Kababaihan sa Simbahan

Ang kababaihan ay minamahal na mga anak na babae ng Diyos; ang kanilang banal na pagkatao bilang Kanyang mga espiritung anak ay tumutulong sa kanila na sumulong nang may pag-asa at pananampalataya kay Jesucristo. Bilang mga disipulo ni Cristo, ang kababaihan ay mahalaga sa plano ng kaligayahan ng Diyos. Itinatayo nila ang kaharian ng Diyos bilang mga asawa, ina, kapatid, tita, at kaibigan. Sa pamamagitan ng pagbabahagi at pagtuturo ng ebanghelyo, pakikibahagi sa mga council sa ward at stake, pagsasagawa ng gawain sa templo at family history, pangangalaga sa mga nangangailangan, at pagminister sa iba, ang mga kababaihan ay tumutulong sa pagsasakatuparan ng gawain ng Diyos.

“Napakagandang panahon para maging isang babae, isang babaeng nakipagtipan, sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw,” ang sabi ni Relief Society General President Camille N. Johnson. “Ang pag-unawa sa ating tungkulin, layunin, at responsibilidad sa plano ng kaligayahan ay nagpapadakila, nakapapanatag, at masaya.”

Ang lahat ng kababaihan sa Simbahan ay miyembro ng Relief Society. Itinatag noong 1842, ang Relief Society ay susi sa misyon ng Simbahan na tulungan ang Diyos na maisakatuparan ang Kanyang gawain ng kaligtasan at kadakilaan, at ang pagkakatatag nito ay binigyang-inspirasyon ng langit. Nang pormal na inoorganisa ang Relief Society, sinasabing binanggit ni Propetang Joseph Smith na: “Aking isasaayos ang kababaihan sa ilalim ng priesthood, ayon sa kaayusan ng priesthood. … Nang maorganisa ang kababaihan ay noon lamang ganap na nabuo ang organisasyon ng Simbahan.”

Ngayon, ang Relief Society ang isa sa pinakamalalaking organisasyon ng kababaihan sa buong mundo, na may milyun-milyong miyembro. Sa Relief Society, ang mga kababaihan ay namumuno at naglilingkod sa mga calling at takdang-gawain sa pandaigdigan at lokal na antas. Sa pamamagitan ng kanilang sama-samang pagsisikap, ibinabahagi ng mga kababaihan ang ginhawang nagmumula kay Jesucristo sa mga tao sa iba’t ibang bahagi ng mundo sa temporal at espirituwal na aspekto ng buhay.

Ang mga kababaihan rin ang namumuno at naglilingkod sa mga organisasyon ng Young Women at Primary ng Simbahan. Tinutulungan nila ang bagong henerasyon na maging mga disipulo ni Jesucristo.

Sa pakikibahagi ng mga kababaihan sa Simbahan, sila ay makatatagpo ng lakas habang sila ay gumagawa at tumutupad ng mga tipan sa Diyos at sinasamba Siya sa templo. Sa Kanyang tulong, maaari silang tumulong sa pagsasakatuparan ng buhay na walang hanggan ng mga anak ng Diyos at sa paghahanda ng mundo para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo.

Kaugnay na mga Paksa

Kaugnay na Nilalaman

Mga Tala

  1. Camille N. Johnson, “Lessons Learned in Inviting Christ to Author My Story” (Brigham Young University Women’s Conference, Mayo 3, 2024), ChurchofJesusChrist.org.

  2. Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 1.3, Gospel Library.

  3. Sinipi sa Sarah Granger Kimball, “Auto-biography,” Woman’s Exponent, Set. 1, 1883, 51.

  4. Russell M. Nelson, “Isang Pakiusap sa Aking mga Kapatid na Babae,” Liahona, Nob. 2015, 95–97; tingnan din sa Moises 1:39.