Library
Walang Hanggang Tipan


“Walang Hanggang Tipan,” Mga Paksa at Tanong (2023)

si Abraham na nakaluhod at nagdarasal

Gabay sa Pag-aaral ng Ebanghelyo

Walang Hanggang Tipan

Ang ating bago at walang katapusang tipan sa Diyos

May mahal ka ba sa buhay na nangako sa iyo na gagawa ng isang bagay na talagang magpapala sa buhay mo? Ano ang iyong nadama nang tuparin niya ang pangakong iyon?

Ang Ama sa Langit ay gumagawa rin ng mga kamangha-manghang pangako sa atin. Nangyayari ito kapag gumagawa tayo ng mga sagradong pangako, o tipan, sa Kanya sa pagtanggap natin ng nakapagliligtas at nakasasakdal na mga ordenansa ng Kanyang ebanghelyo. Bago pa man nilikha ang mundo, nangako ang Diyos na makababalik tayo at makapamumuhay na kasama Siya kung susundin natin ang Kanyang Anak na si Jesucristo. Unang ginawa ang walang hanggang tipan na ito kay Adan at pagkaraan ay pinanibago sa mga sumunod na dispensasyon.

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson kung paano tayo pinagpapala kapag pinili nating magkaroon ng kaugnayan sa Diyos sa pamamagitan ng tipan: “Kapag nakipagtipan tayo sa Diyos, nililisan natin ang kawalan ng kaalaman sa mabuti at masama. Hindi tatalikuran ng Diyos ang Kanyang ugnayan sa mga taong nagkaroon ng gayong pagkakabigkis sa Kanya. Sa katunayan, ang lahat ng nakipagtipan sa Diyos ay maaaring makatanggap ng espesyal na uri ng pagmamahal at awa. … Dahil sa ating tipan sa Diyos, hindi Siya kailanman mapapagod sa Kanyang mga pagsisikap na tulungan tayo, at hindi kailanman mauubos ang Kanyang maawaing pasensya sa atin.”

Ano ang Walang Hanggang Tipan?

Ang walang hanggang tipan, na kilala rin bilang tipang Abraham, ay ang kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo at kinabibilangan ng lahat ng ordenansa at tipan na kailangan natin upang matamo ang kaligtasan at kadakilaan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 66:2). “Ito ay ‘bago’ sa tuwing pinaninibago o ipinanunumbalik ito ng Panginoon, at ito ay ‘walang hanggan’ dahil hindi ito nagbabago.” Ang walang hanggang tipan ay pinasimulan sa mundo kay Adan at kailan lamang ay pinanibago ng Diyos sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith bilang bahagi ng Panunumbalik ng ebanghelyo sa mga huling araw (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 1:17–23).

Buod ng paksa: Tipang Abraham

Mga kaugnay na gabay sa pag-aaral ng ebanghelyo: Pagpapanumbalik ng Ebanghelyo, Mga Tipan at mga Ordenansa, Mga Templo, Kasal, Mga Patriarchal Blessing, Pagtitipon ng Israel

Bahagi 1

Ang Pagtupad sa Bago at Walang Hanggang Tipan ay Naghahanda sa Atin para sa Buhay na Walang Hanggan

mga kabataan sa labas ng templo

Ipinanumbalik ng Panginoon ang walang hanggang tipan, na kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo, “upang maging ilaw sa sanlibutan” at “ihanda ang daan” para sa Kanyang pagparito (Doktrina at mga Tipan 45:9). Upang matanggap ang walang hanggang tipan, inuuna natin ang Diyos at gumagawa at tumutupad sa mga tipan ng ebanghelyo sa Kanya. Itinuro ni Pangulong Nelson na ang ating mga tipan, simula sa tipang ginagawa natin sa binyag, ay “aakayin tayo … palapit sa [Diyos]” at maitatali tayo nito sa Kanya ng “walang hanggang pagkakabigkis.”

Ang walang-hanggang tipan na ginagawa natin sa Diyos ay ibinibigkis tayo sa Kanya magpakailanman kapag tinutupad natin ito. Kung mananatili tayong tapat sa tipang ito buong buhay natin, maaari tayong maging dakila at makabalik sa piling ng Ama sa Langit kasama ang ating pamilya.

Mga bagay na pag-iisipan

  • Pag-aralan ang Doktrina at mga Tipan 133:57–62, tungkol sa pagpapanumbalik ng Panginoon ng kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo. Ano kaya ang ibig sabihin ng ipinadala ito “sa kalinawan at kapayakan”? Isipin kung paano ka inihahanda ng simple ngunit magandang tipang ito na walang hanggan para makamit ang buhay na walang hanggan. Paano ka nahihikayat na tulungan ang Panginoon sa Kanyang gawain ng kaligtasan at kadakilaan ng pagkakaroon ng pang-unawa sa potensyal na ito?

Mga aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba

  • Sa Doktrina at mga Tipan 22:1–4, sinabi ng Panginoon na pinanibago Niya ang Kanyang walang hanggang tipan sa mga unang Banal. Basahin nang sabay-sabay ang section heading at ang mga talatang ito, at talakayin ang natutuhan ninyo tungkol sa kahalagahan ng “bagong” tipan. Ano ang ibig sabihin ng “patay na gawa”? Pag-usapan ang natutuhan ninyo mula sa talata 3 tungkol sa kahalagahan ng Panunumbalik ng ebanghelyo at ng walang hanggang tipan.

  • Dahil kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala, makakamtan natin ang buhay na walang hanggan kung tutupad tayo sa ating mga tipan sa Kanya. Itinuro ni Pangulong Nelson: “Ang mga gumagawa ng mga sagradong tipan at tumutupad sa mga ito ay pinangakuan ng buhay na walang hanggan at kadakilaan, ‘ang pinakadakila sa lahat ng kaloob ng Diyos’ (Doktrina at mga Tipan 14:7). Si Jesucristo ang tagagarantiya ng mga tipang iyon (tingnan sa Hebreo 7:22; 8:6). Ang mga tumutupad sa tipan na nagmamahal sa Diyos at nagtutulot sa Kanya na manaig sa lahat ng iba pang bagay sa kanilang buhay ay ginagawa Siyang pinakamalakas na impluwensya sa kanilang mga buhay.” Pag-usapan kung paano ninyo hahayaan ang Diyos na “manaig sa lahat ng iba pang bagay” sa inyong buhay. Paano kayo matutulungan nito na makatanggap ng buhay na walang hanggan, at bakit sulit ang pagsisikap na matanggap ang kadakilaan?

Alamin ang iba pa

Bahagi 2

Ipinanumbalik ng Diyos ang mga Pangako ng Tipang Abraham sa Ating Panahon

Helena Montana Temple

Ang tipang Abraham ay isa pang pangalan ng walang hanggang tipan. Ito ay pinasimulan bago pa itinatag ang mundo at tumutukoy sa mga tipang ginagawa ng Diyos sa Kanyang mga anak. Nagmula ang pangalang ito sa tipang ginawa ni Jehova kay Abraham (tingnan sa Genesis 17:1–8; Abraham 2:6–11). Sa tipang iyon, pinangakuan ng Diyos si Abraham ng mga dakilang pagpapala dahil sa pamumuhay nang matwid. Kabilang sa mga pagpapalang iyon ang pagkakaroon ng mga walang hanggang inapo, ang karapatan sa priesthood, at isang lupaing pamana sa buong kawalang-hanggan (tingnan sa Genesis 13:14–17; Abraham 2:8–11).

Ang tipang Abraham ay ipinasa sa anak ni Abraham na si Isaac (tingnan sa Genesis 26:1–4) at pagkatapos ay sa anak ni Isaac na si Jacob (tingnan sa Genesis 28:1, 13–14). Pinalitan ng Panginoon ang pangalan ni Jacob na Israel (tingnan sa Genesis 32:28) bilang tanda ng Kanyang patuloy na pakikipagtipan kay Jacob at sa kanyang mga inapo. Ipinanumbalik ng Diyos ang mga pangako ng tipang Abraham sa ating panahon (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 38:17–20; 86:8–11; 132:29–33).

Mga bagay na pag-iisipan

  • Ano ang ibig sabihin para sa iyo na maging bahagi ng tipang Abraham? Isipin ang mga katotohanang ito: Nakipagtipan ka sa Diyos nang binyagan ka. Pinaninibago mo ang tipang iyon at gumagawa ng bagong tipan tuwing bumabahagi ka ng sakramento. Paano mo itutuon sa templo ang buhay mo para mas lubos kang makibahagi sa kabuuan ng ebanghelyo?

  • Basahin ang Abraham 1:2, at isipin ang natutuhan mo tungkol sa pagkatao ni Abraham. Ano kaya ang ibig sabihin ng maging “higit na dakilang tagasunod ng kabutihan” sa ating panahon? Sa iyong palagay, bakit “hinangad” ni Abraham “ang mga pagpapala ng mga ama”? Paano ka napagpala ng tipang Abraham? Ano ang kailangan mong gawin upang matanggap ang mga pagpapala ng tipang ito?

Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba

  • Pag-aralan ang mga halimbawa ng tapat na pamumuhay ng ebanghelyo mula kina Abraham at Sarah at sa kanilang mabuting pamilya (halimbawa, maaari ninyong basahin nang sabay-sabay ang ilan sa mga sumusunod na talata: Genesis 17:1–19; 18:1–19; 22:1–18; 24; 32:1–28; 33; 46:1–7; Isaias 51:1–3; Galacia 3:27–29; 2 Nephi 8:1–3). Pagkatapos ay basahin ang Juan 8:39. Maaari kayong gumuhit o magpinta ng larawan o sumulat ng tula na nagpapasalamat sa mga pagpapalang natanggap o maaaring matanggap ninyo mula sa pagsunod sa walang hanggang tipan ng ebanghelyo na tulad nina Abraham at Sarah. Pagkatapos ay maaari ninyong ibahagi ang inyong larawan o tula sa isa’t isa.

Alamin ang iba pa

Bahagi 3

Ang mga Nabibinyagan ay Nagiging mga Anak ng Tipan

mga miyembro na umaawit ng mga himno

Lahat ng nabibinyagan sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay nagiging mga anak ni Abraham, o “mga anak ng tipan” (tingnan sa 3 Nephi 20:25–26). Maaaring mamana ng mga miyembrong ito ng Simbahan ang mga pangakong ginawa kina Abraham, Isaac, at Jacob (Israel) sa pagsisikap nilang gumawa at tuparin ang mga sagradong tipan sa bahay ng Panginoon (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 132:29–32).

Ang mga inapo ni Abraham ay may responsibilidad na maglingkod sa mga anak ng Diyos upang matamasa ng lahat ng tao ang mga pagpapala ng kaligtasan at buhay na walang hanggan (tingnan sa Abraham 2:9–11). Tuwing tinutulungan nating tipunin ang Israel sa magkabilang panig ng tabing, tinutulungan natin ang mga tao na matanggap ang mga pagpapala ng walang hanggang tipan at tumutulong na matupad ang pangakong ginawa ng Diyos kay Abraham (tingnan sa 1 Nephi 22:8–12; 3 Nephi 20:29–31).

Mga bagay na pag-iisipan

  • Sa Mosias 5:1–8, nalalaman natin kung paano tinanggap ng mga tao ni Haring Benjamin ang kanyang mga turo tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo. Ano ang handa nilang gawin sa puntong iyon? Ano ang ibig sabihin para sa iyo na maging isa sa “mga anak ni Cristo”? Ano kaya ang ibig sabihin ng “kayo ay espirituwal na isinilang” kay Cristo? Paanong ang puso mo ay “nagbago sa pamamagitan ng pananampalataya sa kanyang pangalan”?

  • Nagsalita si Pangulong Emily Belle Freeman tungkol sa kahalagahan ng pagmumuhay na nakaugnay kay Cristo sa pamamagitan ng tipan at ibinuod ang pangakong ginawa ng Diyos kay Jacob: “Kasama mo ako. Iingatan kita. Iuuwi kitang muli. Hindi kita iiwang mag-isa. Tutuparin ko ang aking pangako sa iyo.” Pagkatapos ay ipinaliwanag niya: “Kailangang pumili si Jacob. Maaari niyang piliing mamuhay na kilala lamang ang Diyos ng kanyang ama, o maaari Niyang piliing mamuhay na may tapat na ugnayan sa pakikipagtipan sa Kanya.” Pagnilayan kung ano ang ibig sabihin para sa iyo ng mamuhay nang may tapat na pakikipagtipan kay Cristo. Ano ang handa mong simulan o itigil gawin para mapatibay ang iyong kaugnayan sa Kanya sa pamamagitan ng tipan?

Mga aktibidad para sa pag-aaral nang magkakasama

  • Basahin ang Helaman 5:12 at ang mga salitang ito mula kay Brother Jan E. Newman: “Tinuturuan natin ang ating mga anak na ibigkis ang kanilang sarili [kay Cristo] sa pamamagitan ng mga sagradong ordenansa at tipan nang sa gayo’y pagdating ng mga unos at baha sa buhay, at tiyak na darating ang mga iyon, hindi sila gaanong maaapektuhan ng mga ito ‘dahil sa bato kung saan [sila] nakasandig.’” Ano ang ilan sa “mga unos o bagyo at baha sa buhay” na maaaring mapagdaanan natin? Talakayin kung paano makatutulong ang inyong mga tipan na maprotektahan kayo at ang inyong pamilya mula sa “malakas na bagyo” ng kaaway.

  • Basahin ang pahayag na ito ni Elder Neil L. Andersen: “Lahat tayo ay ‘mga anak ng tipan’ na nasa iba’t ibang dako ng mundo sa mga bansa at kultura sa bawat kontinente, na milyun-milyon ang bilang, habang hinihintay natin ang maluwalhating pagbabalik ng ating Panginoon at Tagapagligtas. Habang nagsisilbing ilaw sa mga tao sa paligid natin, sadya nating hinuhubog ang ating mga hangarin, iniisip, pinipili, at ikinikilos. Sa paghahangad na kilalanin at mahalin ang Tagapagligtas, inihihiwalay natin ang ating sarili sa mundo sa pamamagitan ng pakikipagtipan sa Diyos, pagiging naiiba, di-pangkaraniwan, at espesyal, habang iginagalang natin Siya at ang Kanyang mga turo nang hindi inilalayo ang ating sarili sa ibang mga tao na iba ang paniniwala.” Talakayin kung paano natin “[hahangarin] nang buong puso na kilalanin at mahalin ang Tagapagligtas” at tuparin ang ating mga tipan sa Diyos.

Alamin ang iba pa