“Trabaho,” Mga Paksa at Mga Tanong (2023)
Buod
Trabaho
Ang trabaho ay mahalagang bahagi ng ating buhay sa mundo; nagbibigay ito ng kabuhayan para sa ating pamilya. Ang mga magulang ay inuutusan ng Diyos na maglaan para sa kanilang pamilya. Nakasaad sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” na “ang mga ama ang mangungulo sa kanilang mga mag-anak sa pagmamahal at kabutihan at ang may tungkuling maglaan ng mga pangangailangan sa buhay at kaligtasan ng kanilang mga mag-anak. … Ang mga ama at ina ay may pananagutang magtulungan bilang magkasama na may pantay na pananagutan. Ang pagkakaroon ng kapansanan, kamatayan, o iba pang kalagayan ay maaaring magpabago sa mga takdang tungkulin ng bawat isa sa pagkalinga sa mag-anak.”
Ang pagtatrabaho ay isang mahalagang alituntunin ng ebanghelyo. Ito ay nagtataguyod ng paglago at nagpapaunlad sa atin. Kinokondena ng Diyos ang katamaran at hinihikayat tayo na “gumawa ng maraming bagay sa [ating] sariling kalooban.” Hindi lamang nais ng Panginoon na matustusan natin ang ating pamilya kundi maging “sabik sa paggawa ng mabuting bagay.” Ang mabuting trabaho ay mahalaga para mas maitaguyod natin ang ating pamilya at makapaglingkod nang tapat sa Simbahan.
Sa simula pa lamang, iniutos ng Panginoon kay Adan na magbungkal ng lupa at magkaroon ng kapangyarihan sa mga hayop sa parang, na kainin ang kanyang tinapay sa pamamagitan ng pawis ng kanyang kilay. Sinabi ni Elder L. Tom Perry ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Noon pa man ay interesado na ako kung gaano kadalas tayong pinapayuhan ng mga banal na kasulatan na huwag maging tamad at maging produktibo sa lahat ng ating gawain. … Ang pagtuturo sa mga bata ng tungkol sa kagalakan ng matapat na pagtatrabaho ay isa sa mga pinakamagandang regalo na maibibigay ninyo sa kanila.”
“Dapat nating maunawaan na ang pribilehiyong magtrabaho ay isang kaloob, na ang kapangyarihang magtrabaho ay isang pagpapala, na ang pagmamahal sa trabaho ay tagumpay.”