Library
Heograpiya ng Aklat ni Mormon


“Heograpiya ng Aklat ni Mormon,” Mga Paksa at mga Tanong (2023)

mga banal na kasulatan

Buod

Heograpiya ng Aklat ni Mormon

Ang Aklat ni Mormon ay kinapapalooban ng kasaysayan ng mga sinaunang tao na nandayuhan mula sa Kanlurang Asya patungo sa mga lupain ng Amerika. Ang kasaysayang ito ay naglalaman ng impormasyon tungkol sa mga lugar na tinirhan nila, pati na ng mga paglalarawan sa mga anyong lupa, likas na katangian, at distansya at direksyon sa pagitan ng mahahalagang lugar. Ang mga di-nagbabagong paglalarawang ito ay isa sa mga kapansin-pansing katangian ng Aklat ni Mormon.

Mula nang ilathala ang Aklat ni Mormon noong 1830, nagpahayag na ang mga miyembro at lider ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ng maraming opinyon tungkol sa mga partikular na lokasyon ng mga pangyayaring tinalakay sa aklat. Naniniwala ang ilan na ang kasaysayang inilarawan sa Aklat ni Mormon—maliban sa mga pangyayari sa Kanlurang Asya—ay naganap sa Hilagang Amerika, samantalang naniniwala ang iba na nangyari iyon sa Gitnang Amerika o Timog Amerika. Bagama’t patuloy na tinatalakay ng mga miyembro ng Simbahan ang mga gayong teorya ngayon, ang tanging opinyon ng Simbahan ay na ang mga pangyayaring inilalarawan sa Aklat ni Mormon ay naganap sa mga sinaunang lupain ng Amerika.

Tinanggap ni Propetang Joseph Smith mismo ang nadama niyang katibayan ng mga sibilisasyon sa Aklat ni Mormon kapwa sa Hilagang Amerika at sa Gitnang Amerika. Habang naglalakbay kasama ang Kampo ng Sion noong 1834, sumulat si Joseph sa asawa niyang si Emma na sila ay “nagpapagala-gala sa kapatagan ng mga Nephita, na isinasalaysay paminsan-minsan ang kasaysayan ng Aklat ni Mormon, na naglilibot sa mga bunton ng mga dating minamahal na tao ng Panginoon, dinadampot ang kanilang mga bungo at ang kanilang mga buto, bilang katibayan ng banal na katotohanan nito.” Noong 1842, ang pahayagan ng Simbahan na Times and Seasons ay naglathala ng mga artikulo sa ilalim ng pamamatnugot ni Joseph Smith na tumukoy sa mga guho ng mga sinaunang katutubong sibilisasyon sa Mexico at Gitnang Amerika bilang karagdagang katibayan ng pagiging makasaysayan ng Aklat ni Mormon.

Walang opinyon ang Simbahan tungkol sa mga partikular na heograpikong lokasyon ng mga pangyayari sa Aklat ni Mormon sa mga sinaunang lupain ng Amerika. Ang haka-haka tungkol sa heograpiya ng Aklat ni Mormon ay maaaring magligaw sa halip na magpalinaw; ang gayong pag-aaral ay maaaring makagambala sa banal na layunin nito.

Maaaring may mga sariling opinyon ang mga indibiduwal tungkol sa heograpiya ng Aklat ni Mormon at sa iba pang mga bagay na hindi nabanggit ng Panginoon. Gayunman, hinimok ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol ang mga lider at miyembro na huwag ipagtanggol ang mga personal na teoryang iyon sa anumang lugar o paraan na magpapahiwatig ng pagsuporta ng Simbahan o ng propeta sa mga teoryang iyon. Dapat sikapin ng lahat ng tao na iwasang makipagtalo tungkol sa mga bagay na ito.

Patungkol sa kasaysayan at heograpiya ng aklat, itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Nakakatuwa man ang mga bagay na ito, pinakamalaki ang pakinabang ng pag-aaral ng Aklat ni Mormon kapag nagtutuon ang isang tao sa pangunahing layunin nito—ang patotohanan si Jesucristo. Kung ikukumpara, ang lahat ng iba pang isyu ay nagkataon lamang.”

Mga Tala

  1. Letter to Emma Smith, 4 June 1834,” sa The Joseph Smith Papers, Documents, Volume 4: April 1834–September 1835, in-edit ni Matthew C. Godfrey at ng iba pa (2016), 56; pinagpare-pareho ang pagbabaybay.

  2. Tingnan sa “Traits of the Mosaic History, Found among the Azteca Nation,” Times and Seasons, Hunyo 15, 1842, 818–20; tingnan din sa “American Antiquities,” Times and Seasons, Hulyo 15, 1842, 858–60. Bagama’t hindi malinaw kung gaano karami ang isinulat ni Joseph Smith sa mga editoryal na ito, hindi niya pinabulaanan ang mga ito kailanman.

  3. Russell M. Nelson, “A Testimony of the Book of Mormon,” Ensign, Okt. 1999, 69.