“Ministering,” Mga Paksa at mga Tanong (2023)
Buod
Ministering
Ang ministering ay pangangalaga sa iba na tulad ng gagawin ni Cristo. Udyok ito ng hangarin natin na sundin ang utos na mahalin ang ating kapwa at kasama rito ang paglilingkod sa mga tao dahil nagmamalasakit tayo sa kanilang espirituwal at temporal na kapakanan.
Nagpakita ang Tagapagligtas ng halimbawa ng ministering noong narito Siya sa lupa. Siya ay “ngumiti, nakipag-usap, naglakad kasama, nakinig, nag-ukol ng oras, naghikayat, nagturo, nagpakain at nagpatawad.” Iniutos sa atin ng Tagapagligtas na tularan ang Kanyang halimbawa na “kayo’y mangagibigan sa isa’t isa: na kung paanong iniibig ko kayo.”
Likas na sa atin ang mag-minister sa ating pamilya, sa ating mga mahal sa buhay, at sa iba pa sa ating paligid. Sa mga ward, tumatanggap din tayo ng mga assignment bilang mga ministering brother o ministering sister para mapangalagaan ang mga miyembro ng ward sa organisadong paraan. Tinitiyak natin na napapangalagaan ang lahat at walang nakakaligtaan.
Magkasamang nagtutulungan, pinangangasiwaan ng mga elders quorum at Relief Society presidency ang mga gawain sa ministering sa ilalim ng pamamahala ng bishop. Karaniwan, bawat isang adult sister ay mayroong dalawang ministering sister na naka-assign na mangalaga sa kanya at sa bawat household o tahanan ay mayroong dalawang ministering brother na naka-assign na mangalaga sa mga miyembro ng household. Paminsan-minsan, maaaring i-assign ang mag-asawa bilang ministering companion para mas matugunan ang mga pangangailangan ng mga miyembro. Simula sa Enero ng taon na sila ay magiging 14 na taong gulang, ang mga kabataang lalaki at babae ay maaaring i-assign na maglingkod bilang mga ministering companion ng mga adult.
Bilang mga ministering brother o sister, nakikibahagi tayo sa mga quarterly ministering interview, kung saan sinasabi natin sa ating mga lider ang tungkol sa ating ministering at ang mga partikular na kakayahan at pangangailangan ng mga taong pinaglilingkuran natin.
Maraming uri ang ministering. Kung maaari, bumibisita ang mga ministering brother at sister sa mga miyembro sa kanilang mga tahanan. Maaari ding kausapin sila sa simbahan o sa komunidad. Maraming magagamit na iba’t ibang paraan, mula sa anumang uri ng paglilingkod hanggang sa pagbisita, pagtawag sa telepono, pag-email, o pag-text. Magkakaiba ang mga tao, at epektibo ang ministering kapag ginagawa ito para sa bawat indibiduwal at ginagabayan ng Espiritu. Sa pamamagitan ng panalangin at inspirasyon, bibiyayaan tayo na malaman kung paano mag-minister tulad ng ginawa ng Tagapagligtas.
Kapag ginagawa natin ang ministering, kinakatawan natin si Jesucristo sa pangangalaga, pagtulong, at pagpapalakas ng mga tao sa paligid natin. Inaanyayahan din natin sila na lumapit kay Cristo at umunlad sa landas ng tipan. Inaanyayahan tayo ni Elder Holland na “gumawa … kasama ang Panginoon ng ubasan, na tinutulungan ang ating Diyos at Ama sa mabigat na gawain Niya ng pagsagot sa mga panalangin, pagbibigay ng alo, pagpahid sa mga luha, at pagpapalakas ng mga nanghihina.”