Library
Pakikipagdeyt


“Pakikipagdeyt,” Mga Paksa at Mga Tanong (2025)

magkasintahang naglalakad malapit sa mga puno

Overview

Pakikipagdeyt

Sa mga kultura kung saan ito katanggap-tanggap, ang pakikipagdeyt ay makatutulong sa mga tao na magkaroon ng mga kaibigan at kalaunan ay makahanap ng makakasama sa kawalang-hanggan. Ang mga miyembro ng Simbahan ay pagpapalain kapag nag-ukol sila ng oras na makasama ang mga taong may mataas na pamantayan at tutulungan silang tuparin ang kanilang mga tipan sa Diyos.

Ang isang magandang paraan para makilala ang mga taong hindi mo kapareho ng kasarian ay sa pamamagitan ng makabuluhang mga aktibidad ng grupo. Ang mga aktibidad sa pakikipagdeyt bilang grupo o nang one-on-one ay dapat ipagpaliban hanggang sa maging mas handa ang mga kabataan—ang edad na 16 ay magandang gabay. Para sa kanilang emosyonal at espirituwal na pag-unlad at kaligtasan, pinakamainam para sa mga kabataan na ipagpaliban ang eksklusibong pakikipagrelasyon hanggang sa sila ay mas matanda na at handa nang mas seryosong pag-isipan ang tungkol sa pag-aasawa.

Ang mga oportunidad sa pakikipagdeyt ay magkakaiba ayon sa sitwassyon ng bawat indibiduwal. Maaaring madama ng ilan na limitado ang kanilang mga oportunidad. Gayunman, ang mga miyembro ay maaaring umunlad tungo sa pag-aasawa sa pamamagitan ng pagsisikap na maging uri ng tao na nais nilang makasama. Kapag nagsisimula na silang bumuo ng mas seryosong relasyon, ang mga indibiduwal ay dapat na maingat na isaalang-alang ang mga katangian na nais nila sa kanilang magiging asawa. Halimbawa, maaari silang maghanap ng isang taong may pagmamahal sa Diyos at matapat, mabait, matiyaga, masipag, hindi makasarili, at mapagkumbaba na may kapareho nila ng patotoo sa ebanghelyo ni Jesucristo.

Gayunman, dapat ding tandaan ng mga naghahanap ng mapapangasawa na walang sinuman ang perpekto. Dapat asahan ng magkasintahan na matuto sa isa’t isa at umunlad nang magkasama. Itinuro ni Elder David A. Bednar: “Sa plano ng Diyos, ang kalalakihan at kababaihan ay nilayong umunlad nang magkasama tungo sa pagiging perpekto at kaganapan ng kaluwalhatian … Kinukumpleto at ginagawang perpekto ng lalaki ang babae at ang babae ay kinukumpleto at ginagawang perpekto ang lalaki habang natututo sila mula sa isa‘t isa at magkasamang pinalalakas at pinagpapala ang isa‘t isa.”

Habang nabubuo ang mas malalim na relasyon, ang parehong magkasintahan ay maaaring makikinabang sa pag-alam kung magkatugma ba ang kanilang mga pangmatagalang mithiin. Kung oo, makatutulong sa mga magkasintahan na magsimulang gumawa ng plano para sa kanilang hinaharap at kumilos ayon sa planong iyon nang may pananampalataya. Ang mga magkasintahan ay pagpapalain kapag naghahangad sila na magkaroon ng mga espirituwal na karanasan at isinasali nila ang Panginoon sa kanilang relasyon. Kapag ginawa nila ito, gagabayan ng Espiritu ang kanilang mga desisyon, na tutulong sa kanila na umunlad sa landas ng tipan.

Ang pakikipagdeyt ay makagagawa ng mga oportunidad na sumubok ng mga bagong bagay, magsaya, at mas mapahalagahan ang ibang tao. Kung minsan, ito ay maaaring maging mahaba at mahirap na proseso. Ngunit kilala ng Ama sa Langit ang bawat indibiduwal at alam Niya ang kanilang natatanging mga sitwasyon. Tutulungan Niya sila kapag nanatili silang malapit sa Kanya.

Sa maraming magkakaibang karanasang ito, makatutulong na tandaan na ang tagumpay sa pakikipagdeyt ay nakakamit kapag ang mga indibiduwal ay natututo at umuunlad, sumasampalataya at nagtitiwala sa Panginoon, at nagiging higit na tulad ni Jesucristo.

Kaugnay na mga Paksa

Kaugnay na Nilalaman

Mga Tala

  1. Tingnan sa Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Pagpili (2022), 13.

  2. Tingnan din sa Para sa Lakas ng mga Kabataan, 13.

  3. David A. Bednar, “Ang Kasal ay Mahalaga sa Kanyang Walang Hanggang Plano,” Liahona, Hunyo 2006, 50–55.