“Espiritu (o Kaluluwa),” Mga Paksa at Mga Tanong (2025)
Buod
Espiritu (o Kaluluwa)
Tayong lahat ay mga anak ng mga magulang sa langit. Dahil dito, tayo ay may “[banal na] katangian at tadhana.” Sa madaling salita, tayo ay literal na mga espirituwal na anak na babae at lalaki ng Diyos, at maaari tayong maging katulad Niya at makabalik upang makapiling Siyang muli. Bago tayo pumarito sa lupa, namuhay tayo bilang mga espiritu. Nang isilang tayo sa mga mortal na magulang bilang bahagi ng plano ng Diyos, ang ating espiritu ay tumanggap ng pisikal na katawan.3
Itinuturo ng mga banal na kasulatan na kapag namatay ang ating pisikal na katawan, patuloy na nabubuhay ang ating espiritu. Humihiwalay ito sa katawan4 at pumupunta sa daigdig ng mga espiritu sa kabilang buhay. Sa panahon ng Pagkabuhay na Mag-uli, ang ating espiritu at katawan ay muling magsasama, “hindi na maghihiwalay pa kailanman; sa gayon, sa kabuuan ay magiging espirituwal at walang kamatayan.”5
Itinuturo din ng mga banal na kasulatan ang tungkol sa katangian ng mga espiritu. Sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, inihayag ng Panginoon na “lahat ng espiritu ay bagay, subalit ito ay mas pino o dalisay.”6 Inihayag din ng Panginoon na “ang espiritu ng tao [ay] sa anyo ng kanyang katauhan, at gayon din ang espiritu ng hayop, at ng lahat ng iba pang kinapal na nilalang ng Diyos.”7 Bilang mga anak ng Diyos, ang ating espiritu, gayundin ang ating mortal na katawan, ay ayon sa Kanyang larawan—kawangis Niya tayo.8
Bilang mga espiritung nilalang, dadalhin natin sa kabilang-buhay ang kaalaman at mga katangiang tulad ng kay Cristo na natamo natin sa mortalidad.9
Sa banal na kasulatan, ang katagang kaluluwa ay ginagamit kung minsan bilang kasingkahulgan ng espiritu. Maaari din itong tumukoy sa katawan at espiritu na magkasama sa lupa. Ang kaluluwa ay maaari ding tumutukoy sa isang imortal at nabuhay na muling tao na ang espiritu at katawan ay hindi na maghihiwalay magpakailanman.10