“Espiritu Santo,” Mga Paksa at mga Tanong (2023)
Buod
Espiritu Santo
Ang Espiritu Santo ang ikatlong miyembro ng Panguluhang Diyos. Siya ay isang personahe ng espiritu, at walang katawang may laman at mga buto. Madalas Siyang taguriang Espiritu, Banal na Espiritu, Espiritu ng Diyos, Espiritu ng Panginoon, o Mang-aaliw.
Mga Tungkulin ng Espiritu Santo
Ang Espiritu Santo ay kumikilos nang may lubos na pakikiisa sa Ama sa Langit at kay Jesucristo, at ginagampanan Niya ang ilang tungkulin upang matulungan tayong mamuhay nang matwid at matanggap ang mga pagpapala ng ebanghelyo.
Siya ay “sumasaksi sa Ama at sa Anak” at naghahayag at nagtuturo ng “katotohanan ng lahat ng bagay.” Makatatanggap lamang tayo ng tiyak na patotoo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. Ang pakikipag-ugnayan Niya sa ating espiritu ay may hatid na higit na katiyakan kaysa sa anumang pakikipag-ugnayang matatanggap natin sa pamamagitan ng ating mga likas na pandama.
Kapag nagsisikap tayong manatili sa landas na patungo sa buhay na walang hanggan, magagabayan tayo ng Espiritu Santo sa ating mga desisyon at mapoprotektahan tayo mula sa pisikal at espirituwal na panganib.
Sa pamamagitan Niya, matatanggap natin ang kaloob ng Espiritu para sa ating kapakinabangan at para sa kapakanan ng mga minamahal at pinaglilingkuran natin. Siya ang Mang-aaliw. Tulad ng magiliw na tinig ng mapagmahal na magulang na nakapagpapatahan sa isang umiiyak na anak, ang mga bulong ng Espiritu ay nakapagpapanatag sa ating mga pangamba, nakapagbibigay ng kapayapaan sa gitna ng mga alalahaning lumiligalig sa ating buhay, at nakapaghahatid ng aliw sa atin kapag tayo ay nagdadalamhati. Maaari tayong puspusin ng Espiritu Santo ng “pag-asa at ganap na pag-ibig” at “siyang magtuturo sa [atin] ng mga mapayapang bagay ng kaharian.”
Sa pamamagitan ng Kanyang kapangyarihan, tayo ay pinababanal kapag tayo ay nagsisisi, tinatanggap ang mga ordenansa ng binyag at kumpirmasyon, at nananatiling tapat sa ating mga tipan.
Siya ang Banal na Espiritu ng Pangako. Sa tungkuling ito, pinagtitibay Niya na ang mga ordenansa ng priesthood na natanggap natin at ang mga tipang ginawa natin ay katanggap-tanggap sa Diyos. Ang pagsang-ayong ito ay nakabatay sa ating patuloy na katapatan.
Ang Kaloob na Espiritu Santo
Madarama ng lahat ng taong tapat na naghahangad ng katotohanan ang impluwensya ng Espiritu Santo, na gagabay sa kanila tungo kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo. Gayunman, ang kabuuan ng mga pagpapalang ibinibigay sa pamamagitan ng Espiritu Santo ay makakamtan lamang ng mga taong tumatanggap ng kaloob na Espiritu Santo at nananatiling karapat-dapat.
Matapos mabinyagan ang isang tao sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ipinapatong ng isa o higit pang mayhawak ng Melchizedek Priesthood ang kanilang mga kamay sa kanyang ulunan at, sa sagradong ordenansa ng priesthood, kinukumpirma siyang miyembro ng Simbahan. Bilang bahagi ng ordenansang ito, na tinatawag na kumpirmasyon, ibinibigay sa taong iyon ang kaloob na Espiritu Santo.
Ang kaloob na Espiritu Santo ay naiiba sa impluwensya ng Espiritu Santo. Bago mabinyagan, maaaring madama ng isang tao ang impluwensya ng Espiritu Santo paminsan-minsan at sa pamamagitan ng impluwensyang iyon ay makakatanggap siya ng patotoo sa katotohanan. Pagkatapos matanggap ang kaloob na Espiritu Santo, may karapatan na ang isang tao sa palagiang patnubay ng miyembrong iyon ng Panguluhang Diyos kung sinusunod niya ang mga kautusan.
Kaugnay na Content
-
Resources para sa mga bata