Library
Jesucristo


“Jesucristo,” Mga Paksa at mga Tanong (2023)

ipinintang larawan ni Jesucristo

Buod

Jesucristo

Si Jesucristo ang Tagapagligtas ng sanlibutan at ang Anak ng Ama sa Langit. Siya ang ating Manunubos. Ang bawat isa sa mga titulong ito ay nagtuturo ng katotohanan na si Jesucristo ang tanging daan upang makabalik tayo sa piling ng ating Ama sa Langit.

Si Jesus ay nagdusa at ipinako sa krus para sa mga kasalanan ng sanlibutan, na nagbigay sa bawat anak ng Diyos ng kaloob na pagsisisi at kapatawaran. Sa pamamagitan lamang ng Kanyang awa at biyaya maliligtas ang sinuman. Ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli ang naghanda ng daan upang madaig din ng bawat tao ang pisikal na kamatayan. Ang mga kaganapang ito ay tinatawag na Kanyang Pagbabayad-sala. Sa madaling salita, inililigtas tayo ni Jesucristo mula sa kasalanan at kamatayan. At sa kadahilanang iyon, Siya ang literal at tunay nating Tagapagligtas at Manunubos.

Balang-araw, magbabalik si Jesucristo upang maghari sa mundo sa kapayapaan sa loob ng isang libong taon. Si Jesucristo ang Anak ng Diyos, at Siya ang ating magiging Panginoon magpakailanman. Noon pa man, sinasamba na ng mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang Diyos Amang Walang Hanggan sa pangalan ni Jesucristo. Nang tanungin kung ano ang paniniwala ng mga Banal sa mga Huling Araw, ipinahayag ni Joseph Smith na si Cristo ang sentro nito: “Ang mga pangunahing alituntunin ng ating relihiyon ay ang patotoo ng mga apostol at mga propeta, tungkol kay Jesucristo, ‘na Siya ay namatay, inilibing, at muling nagbangon sa ikatlong araw, at umakyat sa langit;’ at ang lahat ng iba pang mga bagay [na may kaugnayan sa ating relihiyon] ay mga kalakip lamang nito.” Muling pinagtibay ng Korum ng Labindalawang Apostol ng makabagong panahong ito ang patotoong iyon nang ipahayag nila: “Si Jesus ang Buhay na Cristo, ang walang kamatayang Anak ng Diyos. … Siya ang daan na naghahatid ng kaligayahan sa buhay na ito at buhay na walang hanggan sa daigdig na darating.”

Noong Enero 1, 2000, inilabas ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod na pahayag. Pinamagatang “Ang Buhay na Cristo,” ang pahayag na ito ay nagpapatotoo tungkol sa Panginoong Jesucristo at ibinubuod nito ang tungkol sa Kanyang identidad at banal na misyon:

“Habang ipinagdiriwang natin ang pagsilang ni Jesucristo dalawang libong taon na ang nakararaan, iniaalay namin ang aming patotoo tungkol sa katotohanan ng Kanyang hindi mapapantayang buhay at ang walang hanggang kapangyarihan ng Kanyang dakilang mapagbayad-salang sakripisyo. Walang sinuman ang nakapagbigay ng gayong makahulugang impluwensiya sa lahat ng nabuhay na at sa lahat ng mabubuhay pa sa mundo.

“Siya ang Dakilang Jehova ng Lumang Tipan, at ang Mesiyas ng Bago. Sa ilalim ng pamamahala ng Kanyang Ama, Siya ang manlilikha ng daigdig. ‘Lahat ng mga bagay ay ginawa sa pamamagitan niya at kung wala siya ay hindi nagawa ang anumang bagay na ginawa.’ Bagaman Siya ay walang kasalanan, bininyagan Siya upang gawin ang buong katuwiran. Siya ay ‘naglilibot na gumagawa ng mabuti,’ gayon pa man ay kinamuhian siya dahil dito. Ang Kanyang ebanghelyo ay isang mensahe ng kapayapaan at kabutihan. Nakiusap siya sa lahat na sumunod sa Kanyang halimbawa. Binagtas Niya ang mga daan sa Palestina na nanggagamot ng maysakit, nagbibigay ng paningin sa bulag, at nagpapabangon ng patay. Itinuro Niya ang katotohanan tungkol sa kawalang-hanggan, at ang katotohanan tungkol sa premortal na buhay, ang layunin ng buhay natin sa mundo, at ang potensiyal ng mga anak na lalaki at babae ng Diyos sa buhay na darating.

“Pinasimulan Niya ang sakramento bilang paalaala sa Kanyang dakilang mapagbayad-salang sakripisyo. Dinakip Siya at tinuligsa batay sa mga maling paratang, pinarusahan upang mabigyang-kasiyahan ang mga mandurumog, at hinatulan ng kamatayan sa krus ng Kalbaryo. Inialay Niya ang Kanyang buhay para sa kasalanan ng lahat ng sangkatauhan. Siya ang dakilang kaloob para sa lahat ng mabubuhay sa ibabaw ng mundo.

“Taimtim kaming nagpapatotoo na ang Kanyang buhay, na siyang tampulan ng buong kasaysayan ng sangkatauhan, ay hindi nagsimula sa Betlehem o nagtapos sa Kalbaryo. Siya ang Panganay ng Ama, ang Bugtong na Anak sa laman, ang Manunubos ng daigdig.

“Nagbangon Siya sa libingan upang ‘maging pangunahing bunga ng nangatutulog.’ Bilang Nabuhay na Mag-uling Panginoon, dumalaw Siya sa mga taong minahal Niya noong nabubuhay pa Siya sa lupa. Naglingkod din Siya sa ‘iba pang mga tupa’ sa sinaunang Amerika. Sa makabagong daigdig, Siya at ang Kanyang Ama ay nagpakita sa batang lalaking si Joseph Smith, upang pasimulan ang matagal nang ipinangakong ‘dispensation o kaganapan ng mga panahon.’

“Tungkol sa Buhay na Cristo, isinulat ni Propetang Joseph: ‘Ang kanyang mga mata ay gaya ng ningas ng apoy; ang buhok sa kanyang ulo ay puti gaya ng busilak na niyebe; ang kanyang mukha ay nagniningning nang higit pa sa liwanag ng araw; at ang kanyang tinig ay gaya ng lagaslas ng malalawak na tubig, maging ang tinig ni Jehova, na nagsasabing:

“Ako ang una at ang huli; ako ang siyang nabuhay, ako ang siyang pinaslang; ako ang inyong tagapamagitan sa Ama.’

“Tungkol sa Kanya ay ipinahayag rin ng Propeta: ‘At ngayon, matapos ang maraming patotoo na ibinigay hinggil sa kanya, ito ang patotoo, na pinakahuli sa lahat, na aming ibibigay tungkol sa kanya: Na siya ay buhay!

“‘Sapagkat siya ay aming nakita, maging sa kanang kamay ng Diyos; at aming narinig ang tinig na nagpapatotoo na siya ang Bugtong na Anak ng Ama—

“‘Na sa kanya, at sa pamamagitan niya, at mula sa kanya, ang mga daigdig ay nililikha at nalikha, at ang mga naninirahan dito ay mga isinilang na anak na lalaki at babae ng Diyos.’

“Ipinahahayag namin nang taimtim na ang Kanyang pagkasaserdote at Kanyang Simbahan ay ipinanumbalik na sa mundo na—‘itinatayo sa ibabaw ng kinasasaligan ng mga apostol, at ng mga propeta, na si Cristo Jesus din ang pangulong bato na panulok.’

“Nagpapatotoo kami na darating ang panahon na babalik Siyang muli sa mundo. ‘At ang kaluwalhatian ng Panginoon ay mahahayag, at makikitang magkakasama ng lahat ng tao.’ Mamamahala Siya bilang Hari ng mga Hari at maghahari bilang Panginoon ng mga Panginoon, ang bawat tuhod ay luluhod at ang bawat dila ay magpapahayag sa pagsamba sa Kanya. At bawat isa sa atin ay tatayo upang hatulan Niya ayon sa ating mga gawa at naisin ng ating mga puso.

“Nagpapatotoo kami, bilang Kanyang marapat na inordenan na mga Apostol—na si Jesus ang Buhay na Cristo, ang walang kamatayang Anak ng Diyos. Siya ang dakilang Haring Emmanuel, na ngayon ay nakatayo sa kanang kamay ng Kanyang Ama. Siya ang liwanag, ang buhay, at pag-asa ng mundo. Siya ang daan na naghahatid sa kaligayahan sa buhay na ito at buhay na walang hanggan sa daigdig na darating. Salamat sa Diyos sa Kanyang walang kapantay na kaloob na Kanyang banal na Anak.”

Kaugnay na Content

Kaugnay na mga Paksa