“Biyaya,” Mga Paksa at Mga Tanong (2023)
Buod
Biyaya
Ang biyaya ay ang banal na tulong o lakas na ibinibigay sa atin sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Panginoong Jesucristo. Sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos, ang lahat ng taong nabuhay ay mabubuhay na mag-uli—ang ating espiritu at katawan ay muling magsasama, at hindi na maghihiwalay kailanman. Sa pamamagitan ng Kanyang biyaya, binibigyan din ng Panginoon ng pagkakataong magsisi at mapatawad ang mga taong namumuhay ayon sa Kanyang ebanghelyo.
Ang biyaya ay isang kaloob mula sa Ama sa Langit na ibinibigay sa pamamagitan ng Kanyang Anak na si Jesucristo. Ang salitang biyaya, tulad ng gamit nito sa mga banal na kasulatan, ay tumutukoy unang-una sa nagbibigay-kakayahang kapangyarihan at espirituwal na pagpapagaling na naibibigay sa pamamagitan ng awa at pagmamahal ni Jesucristo.
Mararanasan ng lahat ng tao sa mundo ang pisikal na kamatayan. Sa pamamagitan ng biyaya ni Jesucristo, lahat ay mabubuhay na mag-uli at mabubuhay magpakailanman.
Dahil sa mga personal na pagpili, nararanasan din ng lahat ang mga epekto ng kasalanan. Ang mga epektong ito ay tinatawag na espirituwal na kamatayan. Walang sinuman ang makababalik sa kinaroroonan ng Diyos nang walang banal na biyaya. Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, lahat tayo ay maaaring mapatawad sa ating mga kasalanan; maaari tayong maging malinis sa harapan ng Diyos. Upang matanggap ang nagbibigay-kakayahang kapangyarihang ito, kailangan nating sundin ang ebanghelyo ni Jesucristo, na kinapapalooban ng pananampalataya sa Kanya, pagsisisi sa ating mga kasalanan, pagpapabinyag, pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo, at pagsisikap na sundin ang mga turo ni Jesucristo habambuhay.
Tinutulungan tayo ng biyaya ng Diyos sa bawat araw. Pinalalakas tayo nito upang magawa ang mabubuting bagay na hindi natin magagawa nang mag-isa. Nangako ang Panginoon na kung tayo ay magpapakumbaba sa Kanyang harapan at mananampalataya sa Kanya, tutulungan tayo ng Kanyang biyaya na madaig ang lahat ng sarili nating mga kahinaan.