Library
Pagsisisi


“Pagsisisi,” Mga Paksa at Mga Tanong (2025)

araw na sumisikat sa lambak

Buod

Pagsisisi

Isa sa mga unang alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo ang pagsisisi. Kapag nagsisisi tayo, tumatalikod tayo sa kasalanan at bumabaling sa Diyos dahil mahal natin Siya at nais nating sundin ang Kanyang mga kautusan.

Ang Kaloob na Pagsisisi

Ang pagsisisi ay kaloob ng Diyos sa atin. Nang ipadala Niya tayo sa lupa, alam Niya na walang sinuman sa atin ang magiging perpekto. Kaya bilang bahagi ng Kanyang plano ng kaligtasan, ibinigay Niya sa atin ang Kanyang Anak na si Jesucristo, upang magdusa para sa ating mga kasalanan. Dahil sa Pagbabayad-sala ni Cristo, maaari tayong magsisi at mapatawad kapag nilabag, o sinuway natin ang mga kautusan ng Diyos. Ang ating mga kasalanan ay maaaring maging “mapuputi na parang niyebe,” ibig sabihin ay malinis at karapat-dapat tayo na makapiling na muli ang Diyos pagkatapos ng buhay na ito.

Kapag sumampalataya tayo kay Jesucristo at taos-pusong nagsisi, makakaranas tayo ng pagbabago ng puso at isipan. Maaaring mangailangan ito ng pagsisikap at tiyaga upang tunay na maranasan ang pagbabagong ito, ngunit posible ito sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas.

Ang pagsisisi ay hindi lamang kapag kailangan natin ng kapatawaran mula sa mabibigat na kasalanan. Maaari tayong magsisi araw-araw sa kahit maliliit na pagkakamali upang matulungan tayo na patuloy na mas mapalapit sa Diyos. Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Ang pagsisisi ay hindi ginagawa nang isang beses lang, ito ay isang proseso. Ito ay susi sa kaligayahan at kapayapaan ng isipan. Kapag nilakipan ng pananampalataya, ang pagsisisi ay nagiging daan para magamit natin ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. … Kapag pinipili nating magsisi, pinipili nating magbago! Tinutulutan natin ang Tagapagligtas na baguhin tayo at gawin tayong pinakamabuting [bersiyon] ng ating mga sarili.”

Ang Proseso ng Pagsisisi

Kabilang sa pagsisisi ang mga sumusunod na bahagi:

  • Pananampalataya sa ating Ama sa Langit at kay Jesucristo Upang makatanggap ng kapatawaran sa ating mga kasalanan, kailangan muna nating kumilos ayon sa ating pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Kapag bumaling tayo sa ating Tagapagligtas at nagtiwala sa Kanyang kapangyarihang linisin tayo mula sa kasalanan, “[magkaaroon tayo] ng pananampalataya tungo sa pagsisisi.”

  • Kalungkutan dahil sa kasalanan. Bago tayo makapagsisi, kailangan nating matanto na nagkasala tayo. Pagkatapos ay nadarama natin ang “kalungkutang naaayon sa Diyos,” na dumarating kapag tunay na nalulungkot tayo sa pagsuway sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Kapag nakadarama tayo ng kalungkutang naaayon sa Diyos, magkakaroon din tayo ng tapat na hangaring gawin ang lahat ng kailangan nating gawin para matanggap ang kapatawaran.

  • Pagtatapat. Kailangan din nating ipagtapat ang ating mga kasalanan para mapatawad. Nangangahulugan ito ng mapagpakumbabang pagdarasal sa Ama sa Langit, pag-amin sa ating mga pagkakamali, at paghingi sa Kanya ng tulong at kapatawaran. Para sa mabibigat na kasalanan, maaari din nating kailanganing kausapin ang ating bishop o branch president at hingin ang kanyang patnubay sa proseso ng pagsisisi.

  • Pagtalikod sa kasalanan. Sinabi ng Panginoon, “Sa pamamagitan nito inyong malalaman kung ang isang tao ay nagsisi ng kanyang mga kasalanan—masdan, kanyang aaminin ang mga yaon at tatalikdan ang mga yaon.” Kapag nagsisi tayo at lumago ang ating pananampalataya kay Jesucristo, maaakay tayo ng ating pagtitiwala sa Kanya na baguhin ang ating mga ikinikilos. Ang pagtanggap ng Kanyang kapangyarihan sa ating buhay ay makatutulong sa atin na hindi na ulitin ang mga kasalanan at maiwasan ang mga sitwasyon kung saan maaari tayong matuksong magkasala.

  • Restitusyon. Kapag nagsisisi tayo, dapat nating isaayos ang anumang sakit o pinsala na maaaring idinulot ng ating mga ikinilos.

  • Matwid na pamumuhay. Kabilang sa pagsisisi ang paggawa ng lahat ng makakaya natin para sundin ang Ama sa Langit at si Jesucristo sa pamamagitan ng paggawa ng mga bagay na tulad ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan, pagdarasal araw-araw, pagsisimba, at pag-aayunopara sa dagdag na tulong at lakas. Kapag posible, ang pagtanggap ng sakramento at pagsamba sa templo ay makatutulong din sa atin na matanggap ang kapangyarihan ni Jesucristo sa ating buhay.

Mga Kaugnay na Paksa

Kaugnay na Content