Library
Pananampalataya kay Jesucristo


“Pananampalataya kay Jesucristo,” Mga Paksa at Mga Tanong (2023)

lalaking nananalangin

Buod

Pananampalataya kay Jesucristo

Itinuro ni Apostol Pablo na “ang pananampalataya ay ang katiyakan sa mga bagay na inaasahan, ang paninindigan sa mga bagay na hindi nakikita.” Katulad nito ang ipinahayag ni Alma: “Kung ikaw ay may pananampalataya, umaasa ka sa mga bagay na hindi nakikita, ngunit totoo.” Ang pananampalataya ay alituntunin ng pagkilos at kapangyarihan. Sa tuwing nagsisikap tayo na maabot ang isang matwid na mithiin, nagpapakita tayo ng pananampalataya. Ipinapakita natin ang ating pag-asa para sa isang bagay na hindi pa natin nakikita.

Pananampalataya sa Panginoong Jesucristo

Upang ang pananampalataya ay humantong sa kaligtasan, dapat itong nakasentro sa Panginoong Jesucristo. Magagawa nating manampalataya kay Cristo kapag nakatitiyak tayo na Siya ay buhay, may wastong ideya tungkol sa Kanyang katauhan, at batid na nagsisikap tayong mamuhay ayon sa Kanyang kalooban.

Ibig sabihin ng pagkakaroon ng pananampalataya kay Jesucristo ay lubos na pag-asa sa Kanya—pagtitiwala sa Kanyang walang-hanggang kapangyarihan, katalinuhan, at pagmamahal. Kasama rito ang paniniwala sa Kanyang mga turo. Ibig sabihin nito ay pananalig na kahit hindi natin nauunawaan ang lahat ng bagay, nauunawaan Niya ang mga iyon. Dahil naranasan Niya ang lahat ng ating pasakit, paghihirap, at sakit, alam Niya kung paano tayo tutulungan na makayanan ang ating mga problema sa araw-araw. “Dinaig [Niya] ang sanlibutan” at naghanda ng daan upang matanggap natin ang buhay na walang hanggan. Palagi Siyang handang tumulong sa atin kapag inaalala natin ang Kanyang tagubilin: “Isaalang-alang ako sa bawat pag-iisip; huwag mag-alinlangan, huwag matakot.”

Mamuhay nang may Pananampalataya

Ang pananampalataya ay hindi lamang pananalig na walang ginagawa. Ipinapakita natin ang ating pananampalataya sa gawa—sa paraan ng ating pamumuhay.

Ipinangako ng Tagapagligtas, “Kung kayo ay magkakaroon ng pananampalataya sa akin, magkakaroon kayo ng kapangyarihang gawin kahit na anong bagay na kapaki-pakinabang sa akin.” Ang pananampalataya kay Jesucristo ay maghihikayat sa atin na tularan ang Kanyang perpektong halimbawa. Ang ating pananampalataya ay maghihikayat sa atin na gumawa ng mabubuting gawa, sumunod sa mga kautusan, at pagsisihan ang ating mga kasalanan. Matutulungan tayo ng ating pananampalataya na mapaglabanan ang tukso. Ipinayo ni Alma sa kanyang anak na si Helaman, “Turuan silang paglabanan ang bawat tukso ng diyablo sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya sa Panginoong Jesucristo.”

Gagawa ng kamangha-manghang himala ang Panginoon sa ating buhay ayon sa ating pananampalataya. Ang pananampalataya kay Jesucristo ay tumutulong sa atin na matanggap ang espirituwal at pisikal na paggaling sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala. Kapag dumating ang panahon ng pagsubok, ang pananampalataya ay makapagbibigay sa atin ng lakas na magpatuloy at harapin ang ating mga paghihirap nang may tapang. Kahit tila walang katiyakan ang hinaharap, maaaring magbigay sa atin ng kapayapaan ang pananampalataya natin sa Tagapagligtas.

Pagpapalago ng Ating Pananampalataya

Ang pananampalataya ay kaloob mula sa Diyos, pero kailangan nating alagaan ang ating pananampalataya upang mapanatili itong malakas. Ang pananampalataya ay tulad ng kalamnan. Kung may ehersisyo, lalakas ito. Kung hindi ito gagamitin, manghihina ito.

Mapangangalagaan natin ang kaloob na pananampalataya sa pamamagitan ng pagdarasal sa Ama sa Langit sa pangalan ni Jesucristo. Kapag nagpapasalamat tayo sa ating Ama at kapag humihingi tayo sa Kanya ng mga pagpapala na kailangan natin at ng ating kapwa, mapapalapit tayo sa Kanya. Mapapalapit tayo sa Tagapagligtas, dahil ang Kanyang Pagbabayad-sala ang naging daan para maisamo natin na kaawaan tayo. Madali rin nating mahihiwatigan ang tahimik na paggabay ng Espiritu Santo.

Mapapalakas natin ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng pagsunod sa mga kautusan. Tulad ng lahat ng pagpapala mula sa Diyos, ang pananampalataya ay natatamo at lumalago sa pamamagitan ng ating pagsunod at paggawa ng mabuti. Kung nais nating palaguin at palakasin ang ating pananampalataya hanggang sa posibleng kasukdulan nito, dapat nating tuparin ang mga tipang ginawa natin.

Maaari din tayong magkaroon ng pananampalataya sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan at ng mga salita ng mga propeta sa mga huling araw. Itinuro ng propetang si Alma na tumutulong ang salita ng Diyos sa pagpapalakas ng pananampalataya. Sa paghahalintulad ng salita sa isang binhi, sinabi niya na ang “[pagna]nais [na] maniwala” ay “magbibigay-puwang” para “maitanim sa [ating] mga puso” ang salita. Pagkatapos ay madarama natin na ang salita ay mabuti, sapagkat magsisimulang palakihin nito ang ating kaluluwa at liwanagin ang ating pang-unawa. Magpapalakas ito ng ating pananampalataya. Kapag patuloy nating inalagaan ang salita sa ating puso, “nang may malaking pagsisikap, at may pagtitiyaga, umaasa sa bunga niyon, ito ay magkakaugat, at masdan, ito ay magiging isang punungkahoy na sumisibol tungo sa buhay na walang hanggan.”

Mga Kaugnay na Paksa

Kaugnay na Content