“Jesucristo,” Mga Paksa at Tanong (2023)
Gabay sa Pag-aaral ng Ebanghelyo
Jesucristo
Ang Tagapagligtas at Manunubos ng sanlibutan
Maraming tao sa mundong ito ang nakarinig ng tungkol kay Jesucristo, ngunit hindi nila alam ang Kanyang ginawa para sa kanila. Ang mensahe ng ipinanumbalik na ebanghelyo ay tumutulong na maunawaan natin na si Jesucristo ay hindi lamang isang nilalang na bahagi ng kasaysayan ng tao. Siya ang Bugtong na Anak ng Diyos, na ginawa ang lahat upang maging posible ang kaligtasan at buhay na walang hanggan para sa lahat. Kapag nalaman mo ang Kanyang ginampanan bilang iyong Tagapagligtas at Manunubos, matutuklasan mo na kaya Niyang pagaanin ang iyong mga pasanin at baguhin ang iyong buhay magpakailanman. Kapag pinipili mong maniwala kay Jesucristo at magtiwala sa Kanyang walang-hanggang kapangyarihan, makatatanggap ka ng patnubay at tulong sa lahat ng posibleng hamon sa buhay na ito.
Sino si Jesucristo?
Si Jesucristo ang Panganay at Bugtong na Anak ng Ama sa Langit. Sa mundo bago tayo isinilang, si Jesucristo ang piniling maging Tagapagligtas ng mga anak ng Diyos (tingnan sa Abraham 3:27). Isinugo Siya ng Ama sa Langit sa mundong ito upang magdusa at mamatay para sa ating mga kasalanan (tingnan sa Juan 3:16–17). Sa kapangyarihan ng Diyos, napagtagumpayan ni Jesucristo ang kamatayan at nabuhay na mag-uli. Nabubuhay Siya ngayon. Nangako Siyang babalik balang-araw sa lupa (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 133:10–11, 25).
Buod ng paksa: Jesucristo
Mga kaugnay na gabay sa pag-aaral ng ebanghelyo: Panguluhang Diyos, Buhay Bago Isilang sa Mundo, Paglikha, Pagsilang ni Jesucristo, Mortal na Ministeryo ni Jesucristo, Pagbabayad-sala ni Jesucristo, Pagkabuhay na Mag-uli, Ikalawang Pagparito ni Jesucristo, Kaligtasan
Bahagi 1
Si Jesucristo ang Tagapagligtas at Manunubos ng Sanlibutan
Wala nang mas hahalaga pa sa malalaman natin tungkol kay Jesucristo—kung sino Siya, ano ang ginawa Niya para sa atin, at kung ano ang nais Niyang malaman at gawin natin. Tinutulungan tayo ng mga banal na kasulatan at mga turo ng mga propeta at apostol ngayong modernong panahon na malaman ang mahalagang papel na Kanyang ginampanan bilang ating Tagapagligtas at Manunubos.
Nalaman natin sa mga banal na kasulatan na sa mundo bago siya isinilang, si Jesucristo ang piniling maging Tagapagligtas ng lahat ng anak ng Ama sa Langit (tingnan sa 1 Pedro 1:19–20; Abraham 3:27). Sa simula pa lamang, si Jesucristo na ang pangunahing tauhan sa pagtupad sa plano ng Diyos para sa kaligtasan at kadakilaan ng Kanyang mga anak. Sa ilalim ng patnubay ng Ama, nilikha ni Jesucristo ang langit at ang lupa (tingnan sa Moses 1:32–33). Noong panahon ng Lumang Tipan, si Jesucristo ay kilala bilang ang dakilang Jehova. Ginabayan at pinatnubayan Niya ang mga sinaunang propeta at mga mananampalataya. Ang Kanyang pagmamahal at awa ang nagpatatag sa kanila sa panahon ng kanilang mga pagsubok.
Mahigit 2,000 taon na ang nakararaan, si Jesucristo ay pumarito sa lupa sa isang mahimalang pagsilang. Siya ay nanirahan at naglingkod sa mga tao sa lupain ng Israel. Gumawa Siya ng mga makapangyarihang himala, tulad ng pagpapagaling sa maysakit at pagbangon sa mga patay (tingnan sa Mateo 11:4–5). Itinatag Niya ang Kanyang Simbahan at itinuro ang doktrina ng pagsisisi, kapatawaran ng mga kasalanan, at buhay na walang hanggan sa lahat ng susunod sa Kanya. Si Jesucristo ay namuhay nang perpekto, na laging tumatalima sa pagsunod sa Kanyang Ama (tingnan sa 2 Nephi 31:7).
Dahil pumarito si Jesucristo sa lupa upang iligtas ang mga anak ng Ama, kusang-loob Niyang inako ng Kanyang sarili ang parusa para sa kanilang mga kasalanan. Ilang siglo na ang nakararaan, ipinropesiya ni Isaias: “Tunay na kanyang pinasan ang ating mga karamdaman, at dinala ang ating mga kalungkutan. … Siya’y nasugatan dahil sa ating mga pagsuway, siya’y binugbog dahil sa ating mga kasamaan” (Isaias 53:4–5). Nakaranas si Jesus ng napakatinding paghihirap, na naging dahilan upang labasan Siya ng dugo sa bawat butas ng balat (tingnan sa Lucas 22:44; Doktrina at mga Tipan 19:15–20). Siya ay dinakip at hinatulan batay sa mga maling paratang at pinarusahan ng kamatayan. Malupit Siyang ipinako sa krus, kung saan Siya nagdusa at nag-alay ng Kanyang buhay para sa atin (tingnan sa Mateo 27:50). Ngunit hindi nagwakas ang lahat sa Kanyang kamatayan. Si Jesucristo ay bumangon mula sa libingan at naglingkod sa Kanyang mga alagad bilang nabuhay na mag-uling nilalang (tingnan sa Lucas 24:36–40; 3 Nephi 11:8–15).
Ngayon, inaasahan ng mga miyembro ng Simbahan ni Jesucristo ang Kanyang ipinangakong pagbabalik sa lupa. Walang nakaaalam kung kailan ito magaganap (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 49:7), ngunit binabanggit sa mga banal na kasulatan ang mga palatandaan at kaganapang mangyayari bago ang Kanyang Ikalawang Pagparito. Mababago ang mundo sa pagbabalik ng Panginoon, at ihahayag Niya ang lahat ng bagay sa mga taong matwid (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 101:23–34).
Mga bagay na pag-iisipan
-
Si Jesucristo ay pinili ng Ama sa Langit upang isagawa ang Kanyang plano para sa ating kaligtasan at kadakilaan. Basahin ang Doktrina at mga Tipan 38:1–3 at isipin ang kaalaman at kapangyarihang taglay ni Jesucristo bago Siya isinilang sa mundo. Paano pinalalakas ang iyong pananampalataya at tiwala sa Kanya ngayon nang nabatid mo ang walang hanggang lawak ng Kanyang kaalaman at kapangyarihan?
-
Si Jesucristo ay kilala sa maraming pangalan at titulo. Basahin ang mga sumusunod na talata sa banal na kasulatan para mas maunawaan kung bakit tinawag na Tagapagligtas si Jesucristo (Mga Gawa 4:10–12; Helaman 14:15–16) at Manunubos (Tito 2:13–14; 2 Nephi 2:6–7, 26). Bakit mahalagang malaman mo para sa iyong sarili na si Jesucristo ay iyong Tagapagligtas at Manunubos?
Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba
-
Kasama ang mga miyembro ng iyong grupo, panoorin ang video na “Excerpts from ‘The Living Christ: The Testimony of the Apostles’” (2:45), na pinakikinggan ang mga paraan ng pagpapaalala sa inyo sa video upang palakasin ang inyong pananampalataya kay Jesucristo. Maaari mo ring anyayahan ang mga miyembro ng grupo na repasuhin ang buod na impormasyon na matatagpuan sa itaas ng entry na “Jesucristo” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan (Gospel Library). Paano makatutulong sa iyo ang impormasyong ito na isipin si Jesucristo bilang iyong Tagapagligtas at Manunubos?
Alamin ang iba pa
-
Juan 11:25–26; Mosias 3:5–13; Abraham 2:7–8
-
“Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol,” Gospel Library
-
“Jesus Christ Appears in the Ancient Americas” (video), youtube.com
Bahagi 2
Lumapit kay Jesucristo
Naghanda ang Ama sa Langit ng maraming pagpapala para sa mga tumatanggap sa Kanyang Anak na si Jesucristo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 84:37–38). Ipinahayag ni Jesucristo: “Kung lalapit kayo sa akin ay magkakaroon kayo ng buhay na walang hanggan. Masdan, ang aking bisig ng awa ay nakaunat sa inyo, at kung sinuman ang lalapit, siya ay tatanggapin ko” (3 Nephi 9:14). Ipinapakita natin ang hangarin nating tanggapin ang paanyaya ng Panginoon na lumapit sa Kanya kapag nananampalataya tayo sa Kanya, nagsisisi sa ating mga kasalanan, nagpapabinyag, sinusunod ang mga utos ng Diyos, at tumatanggap ng mga sagradong ordenansa sa templo.
Kapag mapagpakumbaba tayong bumabaling kay Jesucristo nang may pananampalataya at pagsisisi, makatatanggap tayo ng kapatawaran sa ating mga kasalanan (tingnan sa Mosias 4:2–3). Dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, posible rin na “makahugot tayo ng lakas sa Diyos—lakas na sapat sa pagharap sa mga pasanin, balakid, at tukso ng ating panahon.” Ang natatanggap nating pagmamahal, awa, at kapatawaran mula kay Jesucristo ay maaaring magdulot ng walang-hanggang pagbabago sa ating buhay at magbibigay sa atin ng lakas na sumulong sa paggawa ng kalooban ng Diyos (tingnan sa Mosias 5:2; Helaman 15:7–8).
Mga bagay na pag-iisipan
-
Inako ni Jesucristo ang ating mga sakit at karamdaman upang malaman Niya kung paano tayo susuportahan at tutulungan sa ating sariling mga kahinaan. Basahin ang Alma 7:11–13 at pag-isipan kung paano lubos na nauunawaan ni Jesucristo ang iyong mga pasakit at hamon, at alam Niya kung paano ka pagpapalain at aaliwin, lalo pa’t walang ibang taong gagawa nito. Kailan ka natulungan ng Tagapagligtas sa mga panahong sinusubukan o tinutukso ka? Paano ka makaaasa sa Kanya kapag kailangan mo ng tulong?
Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba
-
Si Jesucristo ay may walang hanggang banal na kapangyarihan na patawarin, pasiglahin, at palakasin tayo. Matutulungan tayo ng kaalamang iyon sa pagharap natin sa mga hamon [ng buhay] nang may higit na pag-asa. Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson:
“Anuman ang mga tanong o problema ninyo, ang sagot ay laging matatagpuan sa buhay at mga turo ni Jesucristo. Pag-aralan pa ang tungkol sa Kanyang Pagbabayad-sala, Kanyang pagmamahal, Kanyang awa, Kanyang doktrina, at Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo ng pagpapagaling at pag-unlad. Bumaling sa Kanya! Sumunod sa Kanya!”
Talakayin ang pahayag ni Pangulong Nelson. Sabihin sa mga miyembro ng grupo na tukuyin ang ilan sa mga tanong o hamong kinakaharap natin ngayon. Talakayin ang mga paraan na maaari tayong makahanap ng mga solusyon sa pamamagitan ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo.
Alamin ang iba pa
-
Mateo 11:28–30; Efeso 5:1–2; 2 Nephi 31:16; 3 Nephi 27:21; Moroni 10:32–33
-
Neil L. Andersen, “Naapuhap ng Aking Isipan ang Kaisipang Ito Tungkol kay Jesucristo,” Liahona, Mayo 2023, 91–94
-
Sharon Eubank, “Si Cristo: Ang Ilaw na Lumiliwanag sa Kadiliman,” Liahona, Mayo 2019, 73–76