“Pinili si Jesucristo na Maging Tagapagligtas,” Mga Paksa at mga Tanong (2023)
Buod
Pinili si Jesucristo bilang Tagapagligtas
Nang ilahad sa atin ang plano para sa ating kaligtasan sa premortal na daigdig, napakasaya natin kaya’t “naghiyawan tayo sa galak.” Naunawaan natin na kailangan nating lisanin sa loob ng ilang panahon ang ating tahanan sa langit. Habang malayo tayo, lahat tayo ay magkakasala at ilan sa atin ay maliligaw ng landas. Alam ng ating Ama sa Langit na mangangailangan tayo ng tulong, kaya nagplano Siya ng paraan para tulungan tayo.
Kinailangan natin ng isang Tagapagligtas para magbayad ng ating mga kasalanan at magturo sa atin kung paano bumalik sa ating Ama sa Langit. Sinabi ng ating Ama, “Sino ang isusugo ko?” Sinabi ni Jesucristo, na tinawag na Jehova, “Narito ako, isugo mo ako.”
Si Jesucristo ay handang pumarito sa mundo, ibigay ang Kanyang buhay para sa atin, at akuin sa Kanyang sarili ang ating mga kasalanan. Nais Niya, tulad ng ating Ama sa Langit, na mamili tayo kung susundin natin ang mga kautusan ng Ama sa Langit. Alam Niya na kailangan tayong maging malaya sa pagpili para mapatunayan na karapat-dapat ang ating sarili sa kadakilaan. Sinabi ni Jesus, “Ama, masusunod ang inyong kalooban, at ang kaluwalhatian ay mapasainyo magpasawalang hanggan.”
Si Satanas, na tinawag na Lucifer, ay sumagot din, at nagsabing, “Masdan, naririto ako, isugo ninyo ako, ako ang magiging inyong anak, at aking tutubusin ang buong sangkatauhan, upang wala ni isa mang katao ang mawala, at tiyak na akin itong magagawa; kaya nga, ibigay ninyo sa akin ang inyong karangalan.” Sa plano ni Satanas, hindi tayo papayagang makapili. Aalisin niya ang kalayaang pumili na ibinigay sa atin ng ating Ama. Gusto ni Satanas na mapasakanya ang lahat ng karangalan para sa ating kaligtasan. Sa ilalim ng kanyang panukala, ang layunin natin sa pagparito sa mundo ay mabibigo.
Matapos marinig ang sinabi ng dalawang anak, sinabi ng Ama sa Langit, “Aking isusugo ang una.”
Kaugnay na Content
-
Mga Banal na Kasulatan