Library
Diyos Ama


“Diyos Ama,” Mga Paksa at Mga Tanong (2023)

ang Ama sa Langit at si Jesus

Buod

Diyos Ama

Ang Diyos Ama ang Kataas-taasang Nilalang na pinaniniwalaan, sinasamba, at dinadasalan natin. Siya ang pinakadakilang Tagapaglikha, Pinuno, at Tagapangalaga ng lahat ng bagay. Siya ay perpekto, nagtataglay ng lahat ng kapangyarihan, at nalalaman Niya ang lahat ng bagay. Ang Ama ay “may katawang may laman at mga buto na nahihipo gaya ng sa tao.”

Ang Ama ng Ating Espiritu

Ang isa sa mahahalagang tanong sa buhay ay “Sino ako?” Kahit maliliit na bata ay masasagot ang tanong na ito sa tulong ng isang paboritong awit sa Primary. Kinakanta natin, “Ako ay anak ng Diyos, dito’y isinilang.” Ang kaalamang tayo ay mga anak ng Diyos ay nagbibigay ng lakas, kapanatagan, at pag-asa.

Noon pa man, kinikilala na ng mga iskolar na malaki ang nabago sa pananaw ng mga pinakaunang Kristiyano tungkol sa Diyos sa paglipas ng mga siglo. Ang mga pananaw ng mga sinaunang Kristiyano tungkol sa Diyos ay mas personal, mas malapit sa anyo at katangian ng mga tao, at mas hindi mahirap unawain kaysa sa mga lumabas kalaunan sa doktrina ng Kristiyanismo. Ang malaking pagbabago sa ideolohiya na nagsimula noong ikalawang siglo, matapos mawala ang awtoridad ng pagkaapostol, ay bunga ng konseptuwal na paghahalo ng pilosopiya ng Griyego sa doktrina ng Kristiyanismo.

Naniniwala ang mga Banal sa mga Huling Araw na isang malaking pagkakamali ang paghahalo ng pilosopiya ng Griyego sa sinaunang teolohiya ng Kristiyanismo. Ang pinakamahalaga sa mga doktrinang nawala sa prosesong ito ay ang likas na katangian ng Panguluhang Diyos. Matibay ang paniniwala ng mga Banal sa mga Huling Araw na ang Diyos Ama ay isang nilalang na may katawan at mga katangiang inilarawan ng mga pinakaunang Kristiyano. Ang paniniwalang iyon ay naaayon sa pananaw ng mga sinaunang Kristiyano tungkol sa Diyos, pero naiiba sa mga doktrinang inihayag kalaunan.

Lahat tayo ay literal na mga anak ng Diyos, espirituwal na isinilang sa premortal na buhay. Bilang Kanyang mga anak, makatitiyak tayo na may banal at walang hanggang potensyal tayo at na tutulungan Niya tayo sa ating taos-pusong pagsisikap na maabot ang potensyal na iyon.

Ang Kataas-taasang Tagapaglikha

Ang Ama sa Langit ang Kataas-taasang Tagapaglikha. Sa pamamagitan ni Jesucristo, nilikha Niya ang langit at lupa at ang lahat ng bagay dito. Sinabi ni Alma, “Ang lahat ng bagay ay nagpapatunay na may Diyos; oo, maging ang mundo, at lahat ng bagay na nasa ibabaw nito, oo, at ang pag-inog nito, oo, at gayon din ang lahat ng planetang gumagalaw sa kanilang karaniwang ayos ay nagpapatunay na may Kataas-taasang Tagapaglikha.”

Ang May-akda ng Plano ng Kaligtasan

Nais ng ating Ama sa Langit na makapiling natin Siya magpasawalang-hanggan. Ang Kanyang gawain at kaluwalhatian ay “ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao.” Upang maisagawa ito, inihanda Niya ang plano ng kaligtasan. Isinugo Niya ang Kanyang Pinakamamahal na Anak, si Jesucristo, upang kalagin ang mga gapos ng kamatayan at magbayad-sala para sa mga kasalanan ng sanlibutan: “Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan na ibinigay niya ang kanyang tanging Anak, upang ang sinumang sa kanya’y sumampalataya ay huwag mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” Ang sakripisyong ito ang pinakadakilang pagpapahayag ng pagmamahal ng ating Ama sa atin.

Pagkilala sa Diyos Ama

Bilang mga anak ng Diyos, may natatanging kaugnayan tayo sa Kanya, na nagpapaiba sa atin sa lahat ng iba pa Niyang nilikha. Dapat hangarin nating makilala ang ating Ama sa Langit. Mahal Niya tayo, at binibigyan Niya tayo ng mahalagang pagkakataon na mapalapit sa Kanya kapag nananalangin tayo. Ang ating mga panalangin, na inusal nang may pagpapakumbaba at katapatan, ay dinirinig at sinasagot.

Makikilala rin natin ang ating Ama sa pamamagitan ng pag-alam ng tungkol sa Kanyang Pinakamamahal na Anak at pamumuhay ayon sa ebanghelyo. Itinuro ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo: “Kung ako’y kilala ninyo ay makikilala rin ninyo ang aking Ama. … Ang nakakita sa akin ay nakakita sa Ama.”

Napapalapit tayo sa Diyos Ama habang pinag-aaralan natin ang mga banal na kasulatan at ang mga salita ng mga propeta sa mga huling araw at habang naglilingkod tayo. Kapag sinusunod natin ang kalooban ng Diyos at namumuhay tayo ayon sa nais Niya, tayo ay nagiging higit na katulad Niya at ng Kanyang Anak. Inihahanda natin ang ating sarili na makabalik sa Kanilang piling.

Mga Kaugnay na Paksa

Kaugnay na Content