Library
Ikalawang Pagparito ni Jesucristo


“Ikalawang Pagparito ni Jesucristo,” Mga Paksa at Tanong (2023)

nabuhay na mag-muling si Jesucristo

Gabay sa Pag-aaral ng Ebanghelyo

Ikalawang Pagparito ni Jesucristo

Si Jesucristo ay paparitong muli sa dakilang kapangyarihan at kaluwalhatian

May naiisip ka bang pagkakataon na sabik na inabangan mo ang pagbisita ng isang kamag-anak o kaibigang nakatira sa malayo? Ano ang ginawa mo para makapaghanda sa pagbisitang iyon? Isipin ang oras at pagsisikap na ginugol mo sa paghahanda at ang kaligayahang naramdaman mo habang sabik mong hinihintay ang pagdating nito.

Maraming tao rin ang sabik na nag-aabang sa Ikalawang Pagparito ng ating Tagapagligtas. Ang Kanyang pagbabalik ay magiging hudyat ng pagtatapos ng digmaan at alitan sa mundo at tanda ng pagsisimula ng 1,000 taong kapayapaan at katwiran. Dahil inaasam natin ang pagbabalik ng Tagapagligtas, maaari tayong magkaroon ng pag-asa at kagalakan. Alam natin na kapag Siya ay dumating, itutuwid ni Jesucristo ang lahat ng pagkakamali at “papahirin ang bawat luha” (Apocalipsis 21:4).

Sa pag-aaral mo ng mga kaganapan sa Ikalawang Pagparito, maaari mong isipin kung ano ang ginagawa mo at ano pa ang magagawa mo para makapaghanda sa kahanga-hangang kaganapang iyon.

Ano ang Ikalawang Pagparito?

Ang Ikalawang Pagparito ay kung kailan babalik si Jesucristo sa mundo upang mamahala at maghari. Itinuro ni Jesus at ng maraming propeta, sinauna at ngayon, na paparito sa mundo si Jesus ikalawang pagkakataon (tingnan sa Isaias 66:14–15; Mateo 24:42–44, 50; Mga Gawa 1:11). Kapag bumalik na Siya na isa nang nabuhay na mag-uling nilalang na nagtataglay ng dakilang kapangyarihan at kaluwalhatian, babaguhin nito ang mundo magpakailanman. Sa panahong iyon, aangkinin ng Tagapagligtas ang mundo na Kanyang kaharian at magtatatag ng kapayapaan sa buong daigdig.

Buod ng paksa: Ikalawang Pagparito

Mga kaugnay na gabay sa pag-aaral ng ebanghelyo: Jesucristo, Pagkabuhay na Mag-uli, Pagsisisi

Bahagi 1

Babalik si Jesucristo sa Mundo na Nabibihisan ng Kaluwalhatian at Kapangyarihan

si Cristo na nakasuot ng pulang bata

Noong dumating si Jesus sa mundo sa unang pagkakataon, karamihan sa mga tao ay hindi alam na nangyari ito. Isinilang Siya sa isang hamak na babae, malayo sa tahanan, at inihiga sa sabsaban. Pagdating Niya sa ikalawang pagkakataon, sinabi ni Jesus sa Kanyang mga disipulo, “darating ang Anak ng tao na kasama ang kanyang mga anghel sa kaluwalhatian ng kanyang Ama” (Mateo 16:27).

Madalas ding banggitin ng mga propeta ang tungkol sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo. Si Pangulong Russell M. Nelson ay tinawag itong “pinakamahalagang bahagi ng huling dispensasyong ito.” At sinabi ni Elder D. Todd Christofferson, “Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay ang katangi-tanging binigyang-kapangyarihan at inatasan na gawin ang mga kinakailangang paghahanda para sa Ikalawang Pagparito ng Panginoon; tunay ngang ito ay ipinanumbalik para sa layuning iyon.”

Kapag bumalik na si Cristo, malalaman ito ng lahat ng tao (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 101:23). Ipinahayag ni propetang Isaias, “At ang kaluwalhatian ng Panginoon ay mahahayag, at sama-samang makikita ng laman” (Isaias 40:5). Ang napakahalagang pangyayaring ito ang magiging tanda ng pagsisimula ng maluwalhating 1,000 taon, na kilala bilang Milenyo, kung kailan si Jesus ay personal na maghahari sa lupa, si Satanas ay mawawalan ng kapangyarihan (tingnan sa Apocalipsis 20:1–3; Doktrina at mga Tipan 45:55), at lahat ng tao ay mamumuhay nang payapa at masaya.

Mga bagay na pag-iisipan

  • Sa pagbabalik ni Jesucristo, magwawakas ang lahat ng kasamaan sa mundo. Bakit magiging kakila-kilabot ang panahong iyon para sa ilang tao? (Maaari mong basahin at pagnilayan ang Doktrina at mga Tipan 29:17.) Bakit hindi nakatatakot na panahon ang Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas sa mga matwid? (Maaari mong basahin at pagnilayan ang 1 Nephi 22:17, 22.)

Mga aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba

  • Sa muling pagparito ni Jesus bilang Panginoon ng mga panginoon, maraming mahahalagang kaganapan ang mangyayari. Maaari ninyong pag-aralan ang isa o higit pa sa mga sumusunod na talata at ibahagi ang natutuhan ninyo tungkol sa mga darating na kaganapang ito: Mateo 25:31–46; Doktrina at mga Tipan 29:9–11; 63:53–54; 76:50–54, 63; 88:96–98; 101:24–25; 133:19, 25; at Mga Saligan ng Pananampalataya 1:10. Ano ang itinuturo sa atin ng mga kaganapang ito tungkol kay Jesucristo?

  • Tingnan ang isang larawan ng sanggol na si Jesus, at ihambing ito sa larawan ng Kanyang Ikalawang Pagparito. Maaari ninyong basahin o awitin ang “Jesus, Hamak nang Isilang para matulungan kayong pag-usapan ang ilan sa mga pagkakaiba ng dalawang larawan. Ano ang naitutulong sa atin ng mga larawang at awiting ito para maunawaan ang tungkol kay Jesucristo?

  • Panoorin ang “The Second Coming of Jesus Christ” (3:02), at pag-usapan ang mga bagay na binanggit sa video na magiging tanda ng pagbabalik ng Tagapagligtas. Anong mga salita ang ginamit sa video para ilarawan si Jesucristo sa Kanyang muling pagparito? Ano ang itinuturo sa atin ng mga salitang ito tungkol sa Kanya? Maaari ninyong sabay-sabay na kantahin o basahin ang mga titik ng isang awitin o himno tungkol sa Ikalawang Pagparito, tulad ng “Manunubos ng Israel o “Sa Kanyang Pagbabalik,” at pag-usapan ang itinuturo nito tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang pagbabalik sa mundo.

Alamin ang iba pa

Bahagi 2

Dapat Tayong Maghanda para sa Pagbabalik ng Tagapagligtas

lalaki at batang babae na nagbabasa ng mga banal na kasulatan

Sinabi ni Jesus, “Tungkol sa araw at oras na yaon ay walang nakakaalam, kahit ang mga anghel sa langit, … kundi ang Ama lamang” (Mateo 24:36; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 49:7). Ang panahon ng Ikalawang Pagparito ni Cristo ay ikagugulat ng marami (tingnan sa 2 Pedro 3:10; Doktrina at mga Tipan 106:4). Ngunit hindi mabibigla ang mga tunay na disipulo ni Jesucristo. Sinabi ng Panginoon na ang Kanyang mga alagad ay “magiging mga anak ng liwanag, at nang ang araw na yaon ay hindi umabot sa inyo gaya ng isang magnanakaw” (Doktrina at mga Tipan 106:5).

Sinabi ng Tagapagligtas sa mga Banal na nauna sa panahon ng dispensasyong ito, “Maghanda kayo, maghanda kayo para sa yaong paparito, sapagkat ang Panginoon ay nalalapit na” (Doktrina at mga Tipan 1:12). Paulit-ulit ding binanggit ng mga propeta ang pangangailangang maghanda para sa pagbabalik ng Tagapagligtas. Ipinayo ni Pangulong Dallin H. Oaks, “Bagama’t wala tayong kapangyarihang baguhin ang katotohanan ng Ikalawang Pagparito at di natin alam ang mismong oras, mapapabilis natin ang sarili nating paghahanda at mapagsisikapang impluwensyahan ang paghahanda ng mga nasa paligid natin.” Naglaan ng mga palatandaan ang Panginoon na magpapahiwatig na malapit na Siyang pumarito, at maaari nating saliksikin at pag-aralan ang mga palatandaang ito (tingnan, halimbawa, sa Joseph Smith—Mateo 1).

Mga bagay na pag-iisipan

  • Ang pagsisikap na mamalagi sa mga lugar na madarama natin ang Kanyang Espiritu ay isang paraan para makapaghanda tayo sa pagbabalik ng Tagapagligtas. Itinuro ng Panginoon sa mga naunang Banal, “Dahil dito, tumayo kayo sa mga banal na lugar, at huwag matinag, hanggang sa ang araw ng Panginoon ay dumating; sapagkat masdan, ito ay dagling darating” (Doktrina at mga Tipan 87:8). Sa iyong palagay, bakit magandang paraan ang mamalagi sa mga banal na lugar bilang paghahanda sa pagbabalik ng Tagapagligtas? Ipinaliwanag ni Pangulong Oaks: “Ano ang mga ‘banal na lugar’ na iyon? Tiyak na kasama rito ang templo at mga tipan dito na tapat na sinusunod. Tiyak na kasama rito ang tahanan kung saan ang mga anak ay minamahal at nirerespeto ang mga magulang. Tiyak na kasama [sa mga banal na lugar na ito] ang tungkuling itinalaga sa atin ng mga awtoridad ng priesthood, pati na ang mga misyon at tungkuling tapat na ginagampanan sa mga branch, ward, at stake.” Isipin kung paano ka pinagpapala kapag ginugugol mo ang iyong oras sa paggawa ng mga aktibidad na nakasentro kay Cristo sa mga banal na lugar. Paano ka inihahanda ng mga aktibidad na ito para sa pagbabalik ng Panginoon?

  • Basahin ang Joseph Smith—Mateo 1, hanapin ang mga palatandaang mangyayari bago ang Ikalawang Pagparito. Paano ka matutulungan ng mga nalalaman mo tungkol sa mga kaganapang ito sa iyong paghahanda para sa mga ito? Paano mo matutulungan ang iyong pamilya o mga kaibigan na maging handa para sa Ikalawang Pagparito at sa mga hamon sa hinaharap bago ito maganap? Paano mo maihahanda ang iyong puso sa buhay pagkaraan ng Ikalawang Pagparito, kung saan wala nang pagtatalo, kahirapan, at kasamaan? Sa iyong palagay, anong mga katangian ang mahalagang taglay mo sa pagbabalik ng Tagapagligtas? Paano mo malilinang ang mga katangiang iyon? Isulat at kumilos ayon sa mga impresyong natatanggap mo.

  • Isipin ang pangalan ng ipinanumbalik na Simbahan ng Panginoon. Ano ang ibig sabihin sa iyo na maging “Banal sa mga Huling Araw”? Paano mo mas mababanggit ang pangalan ng Simbahan sa iyong pananalita sa araw-araw upang ipaalam sa ibang tao ang iyong paniniwala sa Tagapagligtas, at ang iyong pananampalataya at pag-asa sa Kanyang pagbabalik?

Mga aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba

  • Ibinahagi ng Tagapagligtas ang talinghaga tungkol sa sampung [dalaga] upang ituro sa atin ang kahalagahan ng pagiging handa sa lahat ng oras para sa Kanyang pagbabalik (tingnan sa Mateo 25:1–13; Doktrina at mga Tipan 45:56–57). Tungkol sa langis na inilarawan sa talinghagang ito, itinuro ni Elder David A. Bednar: “Ang mahalagang langis na ito ay nakukuha sa paisa-isang patak—‘taludtod sa taludtod [at] tuntunin sa tuntunin’ (2 Nephi 28:30), nang buong tiyaga at sigasig. Walang shortcut dito; walang huling-sandaling paghahanda ang maaaring magawa.” Isiping punuin ng paisa-isang patak ng langis ang isang lalagyan habang pinag-uusapan ninyo ang mga bagay na maaari nating gawin bilang mga indibiduwal, sa ating mga pamilya, at sa ating mga ward upang maghanda para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo.

  • Bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, may natatangi at banal na tungkuling ibinigay sa atin ang Diyos upang tumulong na tipunin ang “mga tao sa mundo na handang tumanggap sa Kanya sa Kanyang pagdating.” Rebyuhin ang artikulo ni Pangulong Nelson na “Ang Kinabukasan ng Simbahan: Paghahanda sa Mundo para sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas.” Pagkatapos ay talakayin ang ibig sabihin ng ihanda ang mundo na tanggapin ang ating Tagapagligtas. Sa inyong palagay, bakit inatasan ng Tagapagligtas ang mga Banal sa mga Huling Araw na ihanda ang mundo sa Kanyang pagdating? Paano natin gagawin iyan?

  • Maaaring mag-alala o matakot ang ilang tao kapag iniisip nila ang mga kaganapang mangyayaring bago ang Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas. Maaari ninyong basahin nang sabay-sabay ang sumusunod na pahayag: “Ang pinakamabuting paraan upang maging handa tayo sa pagdating ng Tagapagligtas ay sa pagtanggap ng mga turo ng ebanghelyo at gawing bahagi ng ating buhay ang mga ito. Dapat tayong mamuhay nang mabuti sa bawat araw sa abot ng ating makakaya, tulad ng itinuro ni Jesus noong narito Siya sa lupa. Makakaasa tayo sa patnubay ng propeta at sa pagsunod sa Kanyang mga payo. Maaari tayong mamuhay nang karapat-dapat upang magabayan tayo ng Espiritu Santo. Sa gayon aasamin natin ang pagparito ng Tagapagligtas nang may kaligayahan at nang walang takot.” Pagkatapos ay pag-usapan kung paano makatutulong sa atin ang bawat isa sa mga mungkahing ito na mas maipamuhay ang ebanghelyo para makadama tayo ng kapayapaan at katahimikan kapag iniisip natin ang mga kaganapan sa paligid sa pagbabalik ng Tagapagligtas.

Alamin ang iba pa