“Daigdig ng mga Espiritu,” Mga Paksa at Mga Tanong (2025)
Buod
Daigdig ng mga Espiritu
Ang daigdig ng mga espiritu sa kabilang-buhay ay isang lugar kung saan nananahan ang mga espiritu ng mga pumanaw bago ang Pagkabuhay na Mag-uli. Ang daigdig ng mga espiritu ay binubuo ng paraiso, kung saan nananahan ang mabubuti, at ng bilangguan ng mga espiritu, kung saan nananahan ang mga hindi nalaman ang ebanghelyo o masasama sa mortalidad. Ang daigdig ng mga espiritu ay nasa mundo, sa paligid natin.
Paraiso
Ang paraiso ay lugar kung saan naghihintay ng Pagkabuhay na Mag-uli ang mabubuting espiritu ng mga taong lumisan sa buhay na ito. Ito ay isang kalagayan ng kaligayahan at kapayapaan.
Itinuro ng propetang si Alma na ang mabubuting espiritu ay nagkaroon ng kapahingahan mula sa mga alalahanin at kalungkutan sa mundo. Gayunman, sila ay abala sa paggawa ng gawain ng Panginoon. Nakita ni Pangulong Joseph F. Smith sa isang pangitain na pagkatapos ng Pagkakapako sa Krus ni Jesucristo, dinalaw Niya kaagad ang mabubuting espiritu sa daigdig ng mga espiritu. Siya ay pumili ng mga sugo upang mangaral ng ebanghelyo, nagkaloob sa kanila ng kapangyarihan at awtoridad, at nag-atas sa kanila na “dalhin ang liwanag ng ebanghelyo sa kanila na nasa kadiliman, maging sa lahat ng espiritu ng tao.”
Ang mga responsibilidad sa priesthood ay nagpapatuloy rin sa daigdig ng mga espiritu. Itinuro ni Pangulong Wilford Woodruff: “Ang Priesthood ding iyon ay umiiral sa kabilang panig ng tabing. … Bawat Apostol, bawat Pitumpu, bawat Elder, atbp., na namatay sa pananampalataya ay pumapasok sa gawain ng ministeryo sa sandaling dumating siya sa kabilang panig ng tabing.”
Itinuro ni Pangulong Joseph F. Smith na ang matatapat at matwid na kababaihan ay “bibigyan din ng pahintulot at lakas na ipangaral ang ebanghelyo at maglingkod” sa daigdig ng mga espiritu.
Ang mga ugnayan ng pamilya ay mahalaga rin sa daigdig ng mga espiritu. Ang matatapat at tumutupad sa kanilang mga tipan sa mortalidad ay makakasama ang kanilang mga pamilya roon.
Bilangguan ng mga Espiritu
Ang mga espiritu ng mga namatay nang hindi nagsisisi sa kanilang mga kasalanan ay nasa lugar na tinawag ni Apostol Pedro na bilangguan ng mga espiritu. Sa matalinghagang kahulugan, ito ay isang bilangguan para sa mga taong hindi pa nakatanggap ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo.
Ang mga espiritung ito ay may kalayaang pumili at maaaring maimpluwensiyahan ng kapwa mabuti at masama. Sila ay maaaring umunlad habang natututuhan nila ang mga alituntunin ng ebanghelyo at sinusunod ang mga ito. Kung tatanggapin nila ang ebanghelyo at ang mga ordenansang isinagawa para sa kanila sa mga templo, maaari na silang lumisan sa bilangguan ng mga espiritu at manahan sa paraiso.
Nasa bilangguan din ng mga espiritu ang mga indibidwal na sa huli ay piniling tanggihan ang ebanghelyo ni Jesucristo matapos itong ituro sa kanila. Ang mga espiritung ito ay nagdurusa sa isang kalagayan na isang uri ng impiyerno. Inalis nila ang kanilang sarili sa awa ni Jesucristo, na nagsabing:
“Sapagkat masdan, ako, ang Diyos, ay pinagdusahan ang mga bagay na ito para sa lahat, upang hindi sila magdusa kung sila ay magsisisi;
“Subalit kung hindi sila magsisisi sila ay kinakailangang magdusa na katulad ko;
“Kung aling pagdurusa ay dahilan upang ang aking sarili, maging ang Diyos, ang pinakamakapangyarihan sa lahat, na manginig dahil sa sakit, at labasan ng dugo sa bawat pinakamaliit na butas ng balat, at magdusa kapwa sa katawan at sa espiritu.”
Ang mga taong ito ay dadalhin sa kalagayan ng pagsisisi sa pamamagitan ng sarili nilang pagdurusa. Pagkatapos, kikilalanin nila ang Tagapagligtas bilang kanilang Manunubos at sa pamamagitan ng Kanyang kapangyarihan ay mabubuhay na muli at pagkatapos ay magmamana ng kahariang telestiyal ng kaluwalhatian.