Library
Mga Propeta


“Mga Propeta,” Mga Paksa at Tanong (2023)

Si Pangulong Russell M. Nelson habang nagsasalita sa pangkalahatang kumperensya

Gabay sa Pag-aaral ng Ebanghelyo

Mga propeta

Tinawag na dakilang mga saksi ni Jesucristo

Noong sinaunang panahon, tumawag ang Diyos ng mga ordinaryo, tapat na kalalakihan bilang mga propeta at pinahintulutan silang kumatawan sa Kanya. Binigyang-inspirasyon Niya ang mga lingkod na iyon, kinausap sila, at binigyan sila ng Kanyang kapangyarihan upang isakatuparan ang Kanyang gawain. Isa sa mahahalagang mensahe ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo ay ang mayroon tayong mga buhay na propeta sa mundo ngayon.

Dahil inatasan ang mga propeta ng Panginoon na turuan ang mga anak ng Diyos at pamahalaan ang Kanyang gawain, kailangang sundin natin ang kanilang mga salita. Ang pag-aaral tungkol sa tungkulin ng mga propeta ay magpapalakas sa tiwala mo sa kanilang banal na tungkulin bilang mga lingkod ng Panginoon at magpapalalim sa iyong hangaring magtiwala sa kanilang payo at patnubay. Sa kanila na mga sumusunod sa buhay na propeta, ipinapangako ng Diyos ang kaligtasan, proteksyon, at maging ang kaligtasan at buhay na walang hanggan.

Sino ang mga Propeta?

Ang propeta ay isang tao na tinawag ng Diyos na magsalita para sa Kanya (tingnan sa Jeremias 1:4–5; Amos 3:7; Juan 15:16; Doktrina at mga Tipan 1:37–38). Ang mga propeta ay nagpapatotoo tungkol kay Jesucristo at nagtuturo ng Kanyang ebanghelyo. Ipinapaalam nila ang kalooban at tunay na pagkatao ng Diyos. Tinutuligsa nila ang kasalanan, nagbababala sila tungkol sa mga ibubunga nito, at tinutulungan nila tayong iwasan ang panlilinlang (tingnan sa Ezekiel 3:16–17; Efeso 4:11–14). Kung minsan, nagpopropesiya sila tungkol sa mga magaganap sa hinaharap. Nagagampanan ng mga propeta ang mga tungkuling ito dahil tumatanggap sila ng awtoridad, mga susi, at paghahayag mula sa Diyos.

Buod ng paksa: Mga Propeta

Mga kaugnay na gabay sa pag-aaral ng ebanghelyo: Paghahayag, Joseph Smith, Mga Susi ng Priesthood, Simbahan ni Jesucristo

Bahagi 1

Tumatawag si Jesucristo ng mga Propeta at Apostol sa Ating Panahon

Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol

Mula pa noong panahon ni Adan, nagsugo na ang Diyos ng mga propeta sa Kanyang mga anak. Sa Kanyang ministeryo sa lupa, inorganisa ng Panginoong Jesucristo ang Kanyang Simbahan sa pundasyon ng mga apostol at propeta (tingnan sa Efeso 2:19–20). Sinunod din ng Diyos ang huwarang ito sa mga huling araw nang tawagin Niya si Propetang Joseph Smith, ipinanumbalik ang Kanyang Simbahan, at itinatag ang Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol.

Ang Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang propeta ng Diyos sa lahat ng tao sa mundo ngayon. Sinasang-ayunan natin ang Pangulo ng Simbahan bilang propeta, tagakita, at tagapaghayag at ang tanging tao sa mundo na may awtoridad ng Diyos na gamitin ang lahat ng susi ng priesthood. Sinasang-ayunan din natin ang mga tagapayo sa Unang Panguluhan at ang mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol bilang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag.

Tungkol sa kahalagahan ng mga apostol at propeta, napuna ni Propetang Joseph Smith: “Ang mga pangunahing alituntunin ng ating relihiyon ay ang patotoo ng mga Apostol at Propeta, tungkol kay Jesucristo, na Siya’y namatay, inilibing, at muling nagbangon sa ikatlong araw, at umakyat sa langit; at ang lahat ng iba pang bagay na may kaugnayan sa ating relihiyon ay mga kalakip lamang dito.”

Mga bagay na pag-iisipan

  • Tinawag ng Diyos si Propetang Joseph Smith na ipangaral ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo at tulungan ang mga anak ng Diyos na matanggap ang mga ordenansa ng priesthood na kailangan para sa kaligtasan at kadakilaan. Natanggap ng kanyang mga kahalili, kabilang na ang Pangulo ng Simbahan ngayon, ang magkatulad na awtoridad at responsibilidad na magpatuloy bilang mga kinatawan ng Panginoon. Basahin ang Doktrina at mga Tipan 107:91–92. Ano ang ipinahihiwatig sa iyo ng talatang ito tungkol sa mahalagang papel ng propeta ng Panginoon sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw?

Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba

  • Ang mga miyembro ng Simbahan na nagsisikap sundin ang mga piniling lingkod ng Panginoon ay pinagpapala. Sabihin sa mga miyembro ng iyong grupo na ihambing ang mga katotohanang itinuro sa Helaman 13:24–28 at sa 3 Nephi 12:1–2. Bakit iginagalang ng ilang indibiduwal ang mga propeta noon ngunit tinatanggihan ang mga buhay na propeta? Anong mga pagpapala ang nakikita ninyo dahil mayroon tayong mga buhay na propeta at apostol sa mundo ngayon?

Alamin ang iba pa

Bahagi 2

Sinusunod Natin si Jesucristo Kapag Nakikinig Tayo sa Kanyang mga Propeta

pamilyang nagbabasa ng isyu ng magasin ng pangkalahating kumperensiya

Binigyang-diin ng Panginoong Jesucristo kung gaano kahalagang tanggapin ang Kanyang mga buhay na propeta at apostol. Ginagawa natin ito kapag nakikinig at sinusunod natin ang kanilang payo. “Siya na tumatanggap sa aking mga tagapaglingkod ay tinatanggap ako; at siya na tumatanggap sa akin ay tinatanggap ang aking Ama; at siya na tumatanggap sa aking Ama ay tinatanggap ang kaharian ng aking Ama; kaya nga lahat ng mayroon ang aking Ama ay ibibigay sa kanya” (Doktrina at mga Tipan 84:36–38).

Inuutusan tayo ng Diyos na ituring ang mga salita ng Kanyang mga tagapaglingkod na sarili Niyang mga salita. Ipinahayag Niya, “Maging sa pamamagitan ng sarili kong tinig o sa tinig man ng aking mga tagapaglingkod, ito ay iisa” (Doktrina at mga Tipan 1:38). Dahil isinusugo ng Diyos ang Kanyang mga propeta upang turuan at gabayan ang Kanyang mga anak at ihanda sila para sa buhay na walang hanggan at kadakilaan, tayo ay poprotektahan at pagpapalain kapag sinusunod natin si Jesucristo at ang Kanyang mga piniling tagapaglingkod (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 124:45–46).

Mga bagay na pag-iisipan

  • Ipinaliwanag ni Pangulong Russell M. Nelson: “Dahil sa malalim na minamahal [ng mga lider ng Simbahan ng Panginoon] ang lahat ng anak ng Diyos kung kaya’t ipinapahayag namin ang Kanyang katotohanan. Maaaring hindi namin palaging sinasabi sa mga tao kung ano ang gusto nilang marinig. Ang mga propeta ay bihirang maging popular. Ngunit palagi naming ituturo ang katotohanan!” Kailan ka natulungan ng iyong pagiging handang magtiwala sa propeta ng Panginoon para malaman ang katotohanan ng kanyang mensahe?

  • Nagbabala ang mga banal na kasulatan tungkol sa mga bulaang propeta na babangon sa mga huling araw at magtatangkang linlangin ang mga anak ng Diyos (tingnan sa Mateo 24:24). Ipinaliwanag ng Panginoon na lagi Siyang magbabangon ng Kanyang mga propeta sa pamamagitan ng itinakdang huwaran na kinikilala sa Simbahan. Basahin ang Juan 10:1–2 at Doktrina at mga Tipan 43:7. Ano ang ibig sabihin ng pumapasok ang tagapaglingkod ng Panginoon sa pintuan? Paano nakatutulong sa iyo ang kaalaman na ang paghahayag mula sa Diyos ay laging nagmumula sa mga pamamaraan ng priesthood upang maiwasang malinlang ka?

Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba

  • Basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson kasama ang mga kagrupo: “Ang pagsang-ayon natin sa mga propeta ay isang personal na pangako na gagawin natin ang lahat upang sundin ang kanilang mga ipinag-uutos. Ang pagsang-ayon natin ay parang pagsumpa na kinikilala natin na ang kanilang tungkulin bilang propeta ay lehitimo at tinatanggap natin.” Basahin ang Doktrina at mga Tipan 107:22. Sa anong mga paraan natin itinataguyod ang Unang Panguluhan sa “pagtitiwala, pananampalataya, at [mga] panalangin” natin para sa kanila?

Alamin ang iba pa

Bahagi 3

Ang Ginagampanang Tungkulin ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol

pagsang-ayon sa pangkalahatang kumperensya

Hawak ng mga miyembro ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol ang mga susi ng priesthood na kailangan upang isaayos at pamahalaan ang mga gawain ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw (tingnan sa Mateo 16:16–19; Doktrina at mga Tipan 81:1–2). Nangangako ang Panginoon na sasamahan ng Kanyang kapangyarihan ang mga desisyong ginawa ng nagkakaisang tinig ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol. Nasasaad sa Pangkalahatang Hanbuk na: “Ang lahat ng miyembro ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol ay mga propeta, tagakita, at tagapaghayag. Binubuo nila ang Kapulungan ng Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol. Sa ilalim ng pamamahala ng Panginoon at sa pamamagitan ng nagkakaisang tinig, ang kapulungang ito ay mayroong awtoridad na magpahayag at magpaliwanag ng doktrina at magtatag ng mga patakaran para sa Simbahan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 1:38; 107:27–31).”

Tinutukoy ang Unang Panguluhan, itinuro ni Propetang Joseph Smith: “Ang mga Pangulo o [Unang] Panguluhan ang namamahala sa Simbahan; at ang mga paghahayag ng isipan at kalooban ng Diyos sa Simbahan, ay ipararating sa pamamagitan ng Panguluhan. Ito ang kaayusan ng langit, at ang kapangyarihan at pribilehiyo ng [Melchizedek] Priesthood.”

Bagama’t nagbibigay ng paghahayag ang Diyos sa pamamagitan ng mga propeta at apostol para gabayan ang Kanyang mga anak, bawat tao ay makatatanggap ng sariling paghahayag para tulungan sila sa kanilang partikular na mga pangangailangan, responsibilidad, at mga tanong at mapalakas ang kanilang patotoo. Ang personal na inspirasyon mula sa Panginoon ay hindi kailanman sasalungat sa paghahayag na ibinibigay ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta.

Mga bagay na pag-iisipan

  • Ipinaliwanag ni Apostol Pablo na ang mga apostol at propeta ang pundasyon ng Simbahan (tingnan sa Efeso 2:19–20). Basahin ang Efeso 4:11–14. Paano pinipigilan ng mga apostol at propeta ng Panginoon na tayo ay huwag “tangay-tangayin ng mga alon, at dinadala-dala ng bawat hangin ng aral, sa pamamagitan ng pandaraya ng mga tao, at … katusuhan”? (talata 14).

Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba

  • Basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Neil L. Andersen kasama ang mga miyembro ng iyong grupo:

    “Pinagdududahan ng ilan ang kanilang pananampalataya kapag nakakakita sila ng pahayag ng isang pinuno ng Simbahan noong araw na tila hindi tugma sa ating doktrina. May mahalagang alituntuning sumasaklaw sa doktrina ng Simbahan. Ang doktrina ay itinuturo ng lahat ng 15 miyembro ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawa. Hindi ito nakatago sa malabong talata ng isang mensahe. Ang tunay na mga alituntunin ay itinuturo nang madalas at ng maraming tao. Ang ating doktrina ay hindi mahirap hanapin.”

    Sabihin sa mga miyembro ng grupo na talakayin kung paano natin makikilala ang tunay na mga alituntunin ng ebanghelyo at opisyal na doktrina ng Simbahan.

Alamin ang iba pa

Bahagi 4

Maaari Tayong Humingi ng Espirituwal na Pagpapatibay Tungkol sa Tungkulin at mga Salita ng Propeta

pamilyang nanonood ng pangkalahatang kumperensya sa telebisyon

Sa Lumang Tipan, inihalintulad ng Panginoon ang ginagampanang tungkulin ng Kanyang mga propeta sa isang “bantay” na may responsibilidad na bigyang-babala ang mga tao sa papalapit na panganib (tingnan sa Ezekiel 33:1–7). Sa Kanyang ministeryo sa lupa, binigyang-diin ni Jesucristo ang pangangailangang magsisi (tingnan sa Mateo 4:17; 7:13–14; Lucas 5:32). Ang mga propeta ay may responsibilidad na ipahayag ang katulad na mensahe—binabalaan ang mga tao ng Diyos tungkol sa mga ibubunga ng kasalanan at kasamaan at itinuturo ang pangangailangang magsisi (tingnan sa Mga Gawa 10:43; Doktrina at mga Tipan 1:4–5).

Itinuro ni Pangulong Russell M.Nelson: “Maaaring hindi ninyo laging mauunawaan ang lahat ng pahayag ng isang buhay na propeta. Ngunit kapag alam ninyo na ang isang propeta ay isang propeta, maaari kayong manalangin sa Panginoon nang may pagpapakumbaba at pananampalataya at humingi ng sarili ninyong patotoo tungkol sa anumang naipahayag ng Kanyang propeta.”

Sa araw na itinatag ang Simbahan ni Jesucristo, inutusan ng Panginoon ang Kanyang mga tao na tanggapin ang mga salita ng Kanyang propeta “na parang mula sa [Kanyang] sariling bibig, nang buong pagtitiis at pananampalataya” (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 21:4–5). Nagpapahiwatig ang banal na tagubiling ito na hindi laging magiging madali ang pagtanggap sa mga salita o turo ng isang propeta. Maaaring hindi natin agad madama ang espirituwal na pagpapatibay sa kahalagahan ng mga ito. Kaya naman ipinapaalala sa atin ng Panginoon na maging mapagtiis at manampalataya habang naghihintay tayo ng mas malinaw na pang-unawa. Nangako ang Panginoon ng malalaking pagpapala sa mga magtitiwala sa Kanyang mga propeta nang buong pagtitiis at pananampalataya (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 21:6).

Mga bagay na pag-iisipan

  • Sa Lumang Tipan, mababasa natin ang tungkol kay Naaman—isang kapitan ng hukbo ng hari ng Siria. Nagdusa siya sa sakit na tinatawag na ketong. Nalaman niya na may isang propeta sa Israel na may kapangyarihang magpagaling, at si Naaman ay naglakbay upang puntahan siya (tingnan sa 2 Mga Hari 5:1–9). Pag-aralan ang 2 Mga Hari 5:10–14. Bakit nadismaya si Naaman sa mga tagubiling ibinigay ng propeta ng Panginoon? Ano ang nangyari sa dakong huli na nagbunsod kay Naaman na sundin ang mga salita ng propeta at gumaling? Paano mo maihahalintulad ang kwentong ito sa sarili mong buhay?

Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba

  • Ang piliing sundin ang payo ng mga propeta ng Panginoon ay naghahatid ng kaligtasan. Kasama ang mga kagrupo mo, basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Henry B. Eyring:

    “Ang pagpiling huwag pakinggan ang payo ng propeta ay nagpapabago sa mismong lugar kung saan tayo nakatayo. Ito ay nagiging mas mapanganib. Ang kabiguang sundin ang payo ng propeta ay nagpapahina sa kakayahan nating sundin ang inspiradong payo sa hinaharap. …

    “Sa bawat pagkakataon sa buhay ko na pinili kong ipagpaliban ang pagsunod sa inspiradong payo o ipinasiya na hindi ako kasali roon, napag-alaman ko na nailagay ko ang sarili ko sa panganib. Tuwing pinakikinggan ko ang payo ng mga propeta, nadamang napagtibay ito sa panalangin, at pagkatapos ay sinunod ito, natuklasang kong napunta ako sa ligtas na lugar. Habang tinatahak ko ang daan, natuklasan ko na ang daan ay inihanda na para sa akin at ang mga baku-bakong lugar ay ipinatag. Inakay ako ng Diyos sa kaligtasan sa daan na inihanda nang buong pagmamahal, na kung minsan ay matagal nang inihanda.”

    Sabihin sa mga miyembro ng grupo na magbahagi ng mga paraan na maaaring nakatanggap sila ng higit na kaligtasan at proteksyon dahil pinili nilang sundin ang payo ng isang propeta.

Alamin ang iba pa

Iba pang Resources tungkol sa Mga Propeta

Mga Tala

  1. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2011), 57–58.

  2. Russell M. Nelson, “The Love and Laws of God” (debosyonal sa Brigham Young University, Set. 17, 2019), 3, speeches.byu.edu.

  3. Russell M. Nelson, “Pagsang-ayon sa mga Propeta,” Liahona, Nob. 2014, 75.

  4. Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 5.1.1.1, Gospel Library.

  5. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2011), 239.

  6. Neil L. Andersen, “Pagsubok sa Inyong Pananampalataya,” Liahona, Nob. 2012, 41.

  7. Russell M. Nelson, “Manindigan Bilang mga Tunay na Isinilang sa Milenyong Ito,” Liahona, Okt. 2016, 31.

  8. Henry B. Eyring, “Kaligtasan sa Payo,” Liahona, Nob. 2001.