“1 at 2 Tesalonica,” Manwal ng Guro ng Institute para sa Bagong Tipan (2025)
He Comes Again to Rule and Reign [Siya ay Paparitong Muli upang Mamuno at Maghari], ni Mary R. Sauer
1 at 2 Tesalonica
Sa kanyang mga sulat sa mga taga-Tesalonica, pinagtibay ni Pablo kung paano niya ipinangaral sa kanila ang ebanghelyo nang taimtim at may pagmamahal. Tumugon siya sa mga alalahanin tungkol sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo, itinuturo na mauuna ang apostasiya sa dakilang araw na iyon. Itinuro Niya sa mga Banal sa Tesalonica na magtrabaho, maglaan ng kanilang sariling mga pangangailangan, at huwag mapagod sa paggawa ng mabuti.
Karagdagang Resources
Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan, “1 at 2 Tesalonica”
Paalala: Ang “Pambungad sa Kurso” ay nagbibigay ng gabay kung paano gamitin ang sumusunod na apat na pamantayang elemento ng lesson.
Paghihikayat ng Personal na Pag-aaral
Bago magklase, maaari mong ipadala sa mga estudyante ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod na mensahe o ang ilan sa sarili mong mga mensahe:
-
Paano ka makapaglilingkod sa iba na tulad ng ginawa ng Tagapagligtas? Habang pinag-aaralan mo ang 1 Tesalonica 2:7–12; 3:9–13, alamin kung paano naglingkod si Pablo sa mga Banal sa Tesalonica sa paraang tulad ng kay Cristo.
-
Anong mga tanong o ideya ang maiisip mo kapag iniisip mo ang tungkol sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo? Sa pag-aaral mo ng 1 Tesalonica 4–5, alamin ang itinuro ni Pablo na magagawa natin para maging handa sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas. Maaari mo ring panoorin ang “Prepare Today for the Second Coming” (1:07).
1:7 -
Ano ang sasabihin mo sa isang nagtanong kung bakit kailangan ang Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ng Tagapagligtas? Isipin kung paano mo magagamit ang mga propesiya ni Pablo sa 2 Tesalonica 2:1–4 para tumugon. Maaari mo ring panoorin ang“The Apostasy and Restoration” (1:51).
1:51
Mga Tanong at Pagbabahagi
Bigyan ng oras ang mga estudyante na magtanong at magbahagi ng mga kabatiran at katotohanang nalaman nila sa kanilang personal na pag-aaral ng 1 at 2 Tesalonica.
Pagsasanay sa Kasanayan
Ang 1 Tesalonica 5:1–6 ay maaaring magandang paggamitan ng kasanayang “Understanding Symbolism in the Scriptures” sa Scripture Study Skills. Ang 2 Tesalonica 2:1–4 ay maaaring magandang paggamitan ng mga kasanayang “Searching in the Scriptures and in Gospel Library” at “Tagging Scriptures and Other Gospel Teachings” sa Scripture Study Skills.
Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral
Maraming opsiyon sa pag-aaral ang inilaan para sa iyo at sa iyong mga estudyante. Mapanalanging piliin kung aling opsiyon o mga opsiyon ang magiging pinakamakabuluhan para sa klase mo.
1 Tesalonica 1–3
Paano ko matutularan ang halimbawa ng Tagapagligtas sa paglilingkod sa iba?
Maaari mong simulan ang klase sa pamamagitan ng pagbabahagi ng sumusunod na pahayag ni Elder Gerrit W. Gong:
Bilang mga tagasunod ni Jesucristo, hangad nating maglingkod sa iba gaya ng gagawin Niya dahil may mga buhay na naghihintay na mabago. (“Ministering,” Liahona, Mayo 2023, 16)
Sabihin sa mga estudyante na isipin ang kanilang mga pagsisikap ngayon na maglingkod sa iba. Maaari din nilang pag-isipan ang mga tanong o alalahanin nila tungkol sa paglilingkod. Hikayatin sila sa pag-aaral nila na bigyang-pansin ang maituturo sa kanila ng Espiritu tungkol sa paglilingkod sa iba tulad ng gagawin ng Tagapagligtas.
Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang konteksto ng mga turo ni Pablo sa 1 Tesalonica, isiping ibahagi ang sumusunod na buod:
Sa ikalawang paglalakbay ni Pablo bilang misyonero, sapilitang pinaalis ng mga pinunong Judio si Pablo at ang kanyang mga kasamahan sa Tesalonica matapos magbalik-loob ang marami sa lunsod (tingnan sa Mga Gawa 17:1–9). Kalaunan ay pinabalik ni Pablo si Timoteo sa Tesalonica para alamin ang kalagayan ng mga bagong binyag (tingnan sa 1 Tesalonica 3:1–2). Nagpasalamat si Pablo nang malaman na nanatiling tapat ang mga Banal (tingnan sa 1 Tesalonica 3:6–7). Sumulat siya sa kanila ng isang liham upang iparating ang kanyang pagmamahal at payo. (Para sa karagdagang impormasyon, tingnan sa “Para kanino isinulat ang 1 at 2 Tesalonica at bakit?” sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan.)
Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang 1 Tesalonica 2:7–14; 3:6–13. Hikayatin silang tukuyin at markahan ang mga pariralang nagpapakita ng paglilingkod na tulad ng kay Cristo. Para matulungan ang mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila, maaari mong itanong ang tulad ng sumusunod:
-
Ano ang ilang halimbawa ng paglilingkod na tulad ng kay Cristo na natagpuan ninyo sa mga talatang ito?
-
Ano ang natutuhan ninyo mula sa mga talatang ito tungkol sa epekto ng paglilingkod na tulad ng kay Cristo sa iba? (Kung kinakailangan, maaari mong pabalikan sa mga estudyante ang 1 Tesalonica 2:13–14. Maaaring tukuyin ng mga estudyante ang isang katotohanan na tulad ng sumusunod: Kapag naglingkod tayo sa iba nang may pagmamahal, matutulungan natin sila na maging mas mabuting tagasunod ni Jesucristo.)
Ituro na bukod sa mga atas na kailangan nating maglingkod sa ating mga ward o branch, marami pa tayong pagkakataong maglingkod sa araw-araw ng ating buhay.
-
Ano ang ilang partikular na paraan na mapaglilingkuran natin ang iba tulad ng gagawin ng Tagapagligtas? (Bilang bahagi ng inyong talakayan, isiping anyayahan ang isang estudyante na basahin ang sumusunod na pahayag ni Sister Jean B. Bingham):
Ang mga simpleng paglilingkod ay maaaring magkaroon ng malaking epekto sa iba—pati na rin sa ating sarili. Ano ang ginawa ng Tagapagligtas? Sa pamamagitan ng dakilang kaloob ng Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli … “walang sinuman ang nakapagbigay ng gayong makahulugang impluwensiya sa lahat ng nabuhay na at sa lahat ng mabubuhay pa sa mundo” [“Ang Buhay na Cristo,” Gospel Library]. Pero Siya rin ay ngumiti, nakipag-usap, naglakad kasama, nakinig, nag-ukol ng oras, naghikayat, nagturo, nagpakain at nagpatawad. Naglingkod Siya sa pamilya at mga kaibigan, kapitbahay at mga dayuhan, at inanyayahan ang mga kakilala Niya at mga mahal sa buhay upang tamasahin ang saganang mga pagpapala ng Kanyang ebanghelyo. Ang mga “simpleng” paglilingkod at pagmamahal na iyon ay huwaran para sa ating ministering ngayon. (“Paglilingkod na Tulad ng Ginagawa ng Tagapagligtas,” Liahona, Mayo 2018, 104)
-
Ano ang ilang pagkakataon na mapagmahal na naglingkod ang Tagapagligtas sa iba? (Isiping bigyan ng oras ang mga estudyante na saliksikin ang mga banal na kasulatan para makakita ng mga halimbawa. Maaari kang magpakita ng ilang reperensyang banal na kasulatan para sa mga estudyanteng nangangailangan ng tulong, tulad ng Marcos 2:14–17; Juan 8:1–11; 3 Nephi 17:1–9. Maaaring talakayin ng mga estudyante sa isang maliit na grupo ang nalaman nila.)
Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga pagkakataon na mapagmahal silang pinaglingkuran ng iba. Maaari mong hilingin sa ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mga karanasan at kung paano nakatulong ang mga karanasang iyon sa kanila na maging mas mabuting tagasunod ni Jesucristo.
Magtapos sa pag-anyaya sa mga estudyante na mapanalanging humingi ng tulong sa Ama sa Langit para malaman kung sino ang gusto Niyang paglingkuran nila at kung paano. Anyayahan sila na itala ang kanilang mga espirituwal na impresyon.
1 Tesalonica 4–5
Paano ako magiging handa para sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas?
Magpakita ng isang larawan na nagpapakita ng Ikalawang Pagparito ni Jesucristo, tulad ng nasa simula ng lesson. Pagkatapos, anyayahan ang mga estudyante na talakayin ang sumusunod na tanong kasama ng kapartner o sa maliit na grupo:
-
Anong mga saloobin, tanong, o mga alalahanin ang naiisip ninyo kapag pinagninilayan ninyo ang tungkol sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo?
Ipaliwanag na, tulad ng marami sa ating panahon, ang mga Banal sa Tesalonica ay may mga tanong at alalahanin tungkol sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas. Batay sa mga turo ni Pablo sa mga kabanatang ito, maaaring itinanong nila ang tulad ng mga nakalista sa sumusunod na aktibidad sa pag-aaral. Isiping ipakita ang mga tanong na ito at ang mga reperensyang banal na kasulatan.
Sabihin sa mga estudyante na pumili ng isa o mahigit pang opsiyon na pag-aaralan. Bilang alternatibo, maaari mong hatiin ang mga estudyante sa mga grupo na may tigtatatlong miyembro at mag-assign sa bawat estudyante ng isa sa mga opsiyon na pag-aaralan. Pagkatapos ay maaari nilang ibuod para sa kanilang grupo ang natutuhan nila.
Ano ang mangyayari sa mga buhay at sa mga patay sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo?
-
Mga turo ni Pablo: 1 Tesalonica 4:13–18
-
Kaugnay na banal na kasulatan: Doktrina at mga Tipan 88:96–98
Kailan magaganap ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo?
-
Mga turo ni Pablo: 1 Tesalonica 5:1–6
-
Kaugnay na banal na kasulatan Doktrina at mga Tipan 106:4–5
Paano ko maihahanda ang aking sarili na salubungin ang Tagapagligtas sa Kanyang muling pagparito?
-
Mga turo ni Pablo: 1 Tesalonica 5:14–22
-
Kaugnay na banal na kasulatan: Doktrina at mga Tipan 87:8
Kapag natapos na ang pag-aaral ng mga estudyante, sabihin sa kanila na ibuod ang natutuhan nila, sa kagrupo nila o nang magkakasama bilang klase. Maaari mo rin silang anyayahan na ibahagi ang mga katotohanang nalaman nila mula sa kanilang pag-aaral. Gamit ang sarili nilang mga salita, maaari nilang matukoy ang mga katotohanan na tulad ng sumusunod:
-
Ang matatapat na Banal na namatay bago ang Ikalawang Pagparito ay mabubuhay na mag-uli kapag muling dumating si Cristo (tingnan sa 1 Tesalonica 4:13–14).
-
Ang matatapat na Banal na buhay sa Ikalawang Pagparito ay sasalubungin si Jesucristo kapag Siya ay dumating (tingnan sa 1 Tesalonica 4:16–17).
-
Kung sisikapin nating maging “mga anak ng liwanag” sa pamamagitan ng pagsunod kay Jesucristo, magiging handa tayo sa Kanyang muling pagparito (tingnan sa 1 Tesalonica 5:4–6; Doktrina at mga Tipan 106:4–5).
Isiping itanong ang tulad ng mga sumusunod para matulungan ang mga estudyante na mapalalim ang kanilang pag-unawa sa mga katotohanang ito:
-
Paano makapagbibigay ng kapanatagan ang pag-alaala sa mga katotohanang ito sa mga taong may mga alalahanin o takot na may kaugnayan sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas?
-
Ano ang pakiramdam na alam ninyong nais ng Tagapagligtas na sumama sa Kanya ang Kanyang mga matwid na tagasunod kapag pumarito na Siyang muli?
-
Ano ang magagawa natin para lalong mapasaatin ang liwanag ng Tagapagligtas upang tayo ay maging “mga anak ng liwanag”? (1 Tesalonica 5:5). (Bilang bahagi ng inyong talakayan, maaari mong anyayahan ang mga estudyante na magbahagi ng mga bagay na gagawin mula sa 1 Tesalonica 5:14–22 na sa palagay nila ay lalong makatutulong. Maaari mo ring ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Elder Craig C. Christensen:
Ang ibig sabihin ng maging mga anak ng liwanag ay tanggihan ang kapangyarihan ng kaaway at piliing sundin araw-araw ang Liwanag ni Cristo.
Ang mga katagang “mga anak ng liwanag” ay naglalarawan ng mga tao na kung kanino ang liwanag ng ebanghelyo ay nagniningning nang maliwanag. Inilalarawan nito ang mga taong naghahanap ng liwanag at naaakit sa yaong marangal, malinis, at dalisay. Inaasahan na ang mga anak ng liwanag ay alisto at mapagmasid—hindi natutulog, sa espirituwal na pang-unawa, kapag kailangan na sila ay gising (tingnan sa 2 Nephi 1:13; 1 Tesalonica 5:5–8). Ang mga anak ng liwanag ay hindi nakaupo nang walang kibo sa kadiliman; may lakas ng loob silang manindigan at mamukod-tangi. Kapag dumating ang kaaway na nakaamba, alam ng mga anak ng liwanag kung kailan lalaban, kailan tatanggi, at kailan simple lang na lalayo. (“Becoming Children of Light,” Ensign, Ago. 2014, 67)
Tapusin ang klase sa pag-anyaya sa mga estudyante na pag-isipan ang mga bagay nahikayat silang gawin na tutulong sa kanila na maging mas handa na muling makita ang Tagapagligtas. Hikayatin sila na isulat ang kanilang mga naisip at impresyon.
2 Tesalonica 2
Bakit mahalagang malaman na nagkaroon ng Malawakang Apostasiya?
Isiping simulan ang aktibidad na ito sa pag-aaral sa pamamagitan ng pagbabahagi ng sumusunod na sitwasyon:
Kunwari ay nakatanggap ka ng isang text message mula sa kaibigan mo na nagsasabing, “Napakaraming simbahan. Ano ang ipinagkaiba ng simbahan ninyo?”
Sabihin sa mga estudyante na isipin kung gaano sila kahanda sa pagsagot sa tanong na ito.
Ipaliwanag na ang mga turo ni Pablo sa mga Banal sa Tesalonica ay tumutulong sa atin na maunawaan kung bakit kailangang ipanumbalik ang Simbahan ng Tagapagligtas sa mundo ngayon. Ipaalala sa mga estudyante na inisip ng ilan sa mga Banal sa Tesalonica na ang araw ng Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas ay “malapit na” (2 Tesalonica 2:2).
Sabihin sa mga estudyante na saliksikin ang 2 Tesalonica 2:1–9, na inaalam ang ipinropesiya ni Pablo na mangyayari bago ang Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas. (Maaaring makatulong na ituro ang Pagsasalin ni Joseph Smith ng 2 Tesalonica 2:2–3 at ng 2 Tesalonica 2:7–9 [Gospel Library]. Para sa karagdagang tulong sa mga talatang ito, patingnan sa mga estudyante ang “2 Tesalonica 2:1–4. Ano ang itinuro ni Pablo tungkol sa Apostasiya?” at “2 Tesalonica 2:3–9. Sino ang ‘anak ng kapahamakan?’” sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan.)
-
Ano ang itinuro ni Pablo na mangyayari bago ang Ikalawang Pagparito ni Cristo? (Maaaring tukuyin ng mga estudyante ang isang katotohanan na tulad ng sumusunod: Ipinropesiya noong unang panahon na bago ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo, isang apostasiya mula sa Kanyang Simbahan ang magaganap. Kung kailangan, ipaliwanag na ang “pagtalikod” na ito na inilarawan ni Pablo ay ang Malawakang Apostasiya, na naganap pagkamatay ng mga Apostol ni Jesucristo.)
Ipaliwanag na dahil alam ng Ama sa Langit ang lahat ng bagay (tingnan sa 2 Nephi 9:20), hindi Niya ikinagulat ang Malawakang Apostasiya. Sa Kanyang pagmamahal at karunungan, naglaan Siya ng paraan para madaig ang Malawakang Apostasiyang ito sa pamamagitan ng Pagpapanumbalik ng Simbahan ni Jesucristo (tingnan sa Mga Gawa 3:19–21; Efeso 1:10).
Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral
Pagtulong sa mga estudyante na magawa ang kanilang responsibilidad sa pag-aaral. Kinakailangan sa espirituwal na pagkatuto ang pagsusumikap at paggamit ng kalayaang pumili ng mga estudyante. Kapag aktibong nakikibahagi ang mga estudyante sa mga aktibidad sa klase, tinatanggap nila ang impluwensya ng Espiritu Santo. Maghanap ng mga paraan na maanyayahan ang lahat ng estudyante na makilahok ayon sa kanilang mga pangangailangan at kakayahan.
Isiping gamitin ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod na ideya sa pagtuturo para tulungan ang mga estudyante na palalimin ang kanilang pag-unawa sa Malawakang Apostasiya at sa Panunumbalik:
-
Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang “Ang Pagpapanumbalik ng Kabuuan ng Ebanghelyo ni Jesucristo: Isang Proklamasyon sa Mundo para sa Ika-200 Taong Anibersaryo” (Gospel Library), o panoorin ang video ni Pangulong Russell M. Nelson na binabasa ang proklamasyon. Maaaring talakayin ng mga estudyante sa isang kapartner o sa maliit na grupo ang mga natutuhan nila.
9:21 -
Anyayahan ang mga estudyante na maghanap ng karagdagang mga talata sa banal na kasulatan na nagpopropesiya tungkol sa Malawakang Apostasiya at Pagpapanumbalik. Maaaring gamitin ng mga estudyante ang search feature ng Gospel Library o pag-aralan ang mga entry para sa “Apostasiya” at “Panunumbalik ng Ebanghelyo” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan. Maaari mong imungkahi na gamitin nila ang tagging feature sa Gospel Library para i-tag ang mga talata sa banal na kasulatan na nakita nila. Sabihin sa mga estudyante na magpartner-partner o magsama-sama sa maliliit na grupo upang ibahagi ang mga banal na kasulatan na nakita nila.
-
Ipanood ang video na “Mga Dispensasyon: Ang Pattern ng Apostasiya at Pagpapanumbalik” (6:52) o “Jesus Christ’s Church” (1:27). Sabihin sa mga estudyante na talakayin kung ano ang mas ipinauunawa o ipinadarama sa kanila ng mga videong ito tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.
6:551:28
Maaari din ninyong talakayin ang mga tanong na tulad ng sumusunod:
-
Paano nakatulong sa inyo ang pag-unawa sa Malawakang Apostasiya para maunawaan na kailangan ang Pagpapanumbalik?
-
Paano naaapektuhan ang buhay ninyo ng kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo na narito sa lupa?
Magtapos sa pagbabahagi ng iyong patotoo tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo.