“Mateo 18; Lucas 10,” Manwal ng Titser ng Institute para sa Bagong Tipan (2025)
Mabuting Samaritano, ni Annie Henrie Nader
Mateo 18; Lucas 10
Itinuro ni Jesucristo kung paano makapapasok sa kaharian ng langit. Ipinaliwanag Niya kung paano tutugon sa mga taong nakasakit sa atin at ibinahagi ang talinghaga ng lingkod na hindi nagpatawad upang ilarawan ang kahalagahan ng pagpapatawad. Bilang tugon sa tanong tungkol sa kung sino ang ating kapwa, ibinahagi ni Jesus ang talinghaga tungkol sa mabuting Samaritano. Itinuro Niya kay Marta ang kahalagahan ng pagbibigay-priyoridad sa mga bagay ng Diyos.
Karagdagang Resources
Scripture Helps: New Testament [Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan], “Matthew 18; Luke 10 [Mateo 18; Lucas 10]”
Ang “Pambungad sa Kurso” ay nagbibigay ng patnubay kung paano gamitin ang sumusunod na apat na pamantayang elemento ng lesson.
Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral
Hikayatin ang mga estudyante na gamitin ang Scripture Study Skills sa kanilang personal na pag-aaral. Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na gumamit ng isang partikular na kasanayan mula sa Scripture Study Skills para mapahusay ang kanilang personal na pag-aaral. Tiyaking i-follow up sa klase ang tungkol sa kanilang mga karanasan.
Paghihikayat ng Personal na Pag-aaral
Bago magklase, maaari mong ipadala sa mga estudyante ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod na mensahe o ang ilan sa sarili mong mga mensahe:
-
Basahin ang Mateo 18:1–5, at pagnilayan ang itinuturo ni Jesus nang anyayahan Niya tayong maging katulad ng maliliit na bata.
-
Isipin ang isang taong kailangan mong patawarin. Basahin ang Mateo 18:23–35 at gamitin ang kasanayang “Likening the Scriptures” sa Scripture Study Skills.
-
Gamitin ang kasanayang “Visualizing the Scriptures” sa Scripture Study Skills habang binabasa mo ang Lucas 10:25–37. Para maisalarawan mo sa isipan ang tala sa banal na kasulatan, maaari mong panoorin ang “A Good Samaritan” (5:44).
5:44
Mga Tanong at Pagbabahagi
Bigyan ng oras ang mga estudyante na magtanong at magbahagi ng mga ideya at katotohanang natuklasan nila sa kanilang personal na pag-aaral ng Mateo 18; Lucas 10.
Pagsasanay sa Kasanayan
Ang Mateo 18:21–35 at Lucas 10:30–37 ay maaaring magandang paggamitan ng kasanayang “Understanding the Scriptures in Context” sa Scripture Study Skills.
Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral
Maraming opsiyon sa pag-aaral ang inilaan para sa iyo at sa iyong mga estudyante. Mapanalanging piliin kung aling opsiyon o mga opsiyon ang magiging pinakamakabuluhan para sa klase mo.
Mateo 18:1–5
Bakit mahalagang maging katulad ng isang maliit na bata?
Maaari mong simulan sa pagpapaliwanag sa mga estudyante na sa salaysay na ito ay pinagtatalunan ng mga Apostol kung sino ang magiging pinakadakila (tingnan sa Marcos 9:33–34; Mateo 18:1).
-
Ano sa palagay ninyo ang pangunahing problema sa talakayang ito?
Ipabasa sa mga estudyante ang Mateo 18:1–5. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na talakayin ang itinuro ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo. (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang isang katotohanang tulad ng sumusunod: Nais ng Tagapagligtas na magbalik-loob ang Kanyang mga disipulo at maging katulad ng maliliit na bata.)
Maaari mong ipakita ang ilan sa sumusunod na mga larawan ni Jesus kasama ang mga bata. Talakayin ang mga katangiang dapat taglayin natin para maging katulad ng maliliit na bata.
Christ Blessing the Nephite Children [Binabasbasan ni Cristo ang mga Anak ng mga Nephita], ni Ted Henninger
-
Ano ang pagkakaiba ng isip-bata at katulad sa isang bata? (Maaari kang magsulat ng Isip-bata at Katulad ng Isang Bata sa pisara at pagkatapos ay isulat ang mga sagot ng mga estudyante sa ilalim ng angkop na pamagat.)
-
Sa inyong palagay, bakit kailangan nating maging katulad ng maliliit na bata upang makapasok sa kaharian ng Diyos?
Maaari mong ipabasa sa mga estudyante ang Mosias 3:19 at ipatalakay kung ano ang itinuro ni Haring Benjamin tungkol sa pagiging “tulad ng isang bata.” Bilang bahagi ng talakayan, maaari mong ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Henry B. Eyring::
Inilarawan ni Haring Benjamin ang pagbabagong iyon sa ating likas na pagkatao [sa pamamagitan ng Pababayad-sala ni Cristo] sa isang magandang metapora na laging umaantig sa puso ko. Ginamit ito ng mga propeta sa loob ng libu-libong taon at ng Panginoon mismo. Ito iyon: kailangan tayong maging tulad sa isang bata—isang batang munti.
Para sa ilan, hindi iyon magiging madaling tanggapin. Karamihan sa atin ay gustong maging malakas. Maaaring isipin natin na ang pagiging tulad sa isang bata ay pagiging mahina. Inaasam ng halos lahat ng magulang ang araw na hindi na gaanong isip-bata ang kanilang mga anak. Ngunit nilinaw si Haring Benjamin, na nakaunawa rin tulad ng sinumang mortal kung ano ang kahulugan ng maging isang lalaking malakas at matapang, na ang maging tulad sa isang bata ay hindi ang maging isip-bata. Iyon ay ang maging tulad ng Tagapagligtas, na ipinagdasal sa Kanyang Ama na bigyan Siya ng lakas na gawin ang kalooban ng Kanyang Ama at magbayad-sala para sa mga kasalanan ng lahat ng anak ng Kanyang Ama at pagkatapos ay ginawa Niya iyon. Kailangang mabago ang ating likas na pagkatao para maging tulad sa isang bata upang magtamo tayo ng lakas na kailangan natin para maging matatag at payapa sa mga panahon ng panganib. (“Matatag sa mga Unos,” Liahona, Mayo 2022, 28–29)
Hikayatin ang mga estudyante na magtala ng isang paraan para maging mas katulad sila ng maliliit na bata at pag-isipan kung paano sila matutulungan ng Tagapagligtas na matamo ang katangiang ito.
Mateo 18:21–35
Ano ang dapat kong gawin kung nahihirapan akong magpatawad sa isang tao?
Maaari kang magsimula sa pamamagitan ng pagsulat ng sumusunod na hindi kumpletong pahayag sa pisara: Ang pagpapatawad ay maaaring maging mahirap kapag … Sabihin sa mga estudyante na pumunta sa pisara at isulat ang iba’t ibang paraan para makumpleto ang pahayag na ito.
-
Bakit mahalagang huwag nating husgahan nang malupit ang ating sarili o ang iba kapag nahihirapan tayong magpatawad sa iba?
Ipabasa sa mga estudyante ang Mateo 18:21–22, na inaalam ang itinuro ni Jesucristo kay Pedro tungkol sa pagpapatawad.
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng Tagapagligtas nang sabihin Niya kay Pedro na magpatawad “hanggang sa makapitumpung pito”? (tingnan sa “Matthew 18:21–22 [Mateo 18:21–22]. What does it mean to forgive others ‘until seventy times seven’? [Ano ang ibig sabihin ng magpatawad ng kapwa ‘hanggang sa makapitumpung pito’?]” sa Scripture Helps: New Testament [Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan]).
Ipabasa sa mga estudyante ang Mateo 18:23–35. (Para malaman ang konteksto ng talinghaga, maaaring basahin ng mga estudyante ang “Matthew 18:23–35 [Mateo 18:23–35]. What is the difference between 10,000 talents and 100 pence? [Ano ang pagkakaiba ng 10,000 talento sa 100 denario?]” sa Scripture Helps: New Testament [Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan].)
-
Anong mga katotohanan tungkol sa pagpapatawad ang natutuhan ninyo mula sa talinghagang ito? (Maaaring tukuyin ng mga estudyante ang mga alituntuning tulad ng sumusunod: Sinusunod natin ang halimbawa ng Tagapagligtas kapag pinatawad natin ang iba tulad ng pagpapatawad Niya sa atin. Kailangan nating patawarin ang iba sa ating puso para matanggap ang kapatawaran ng Panginoon.)
-
Paano ipinakita ng panginoon ang katarungan sa pakikitungo niya sa lingkod na walang awa?
-
Bakit mahalagang patawarin natin ang iba sa ating puso? (Basahin ang Doktrina at mga Tipan 64:8–9.)
Maaari mong ibahagi at talakayin ang sumusunod na mga pahayag nina Pangulong Jeffrey R. Holland at Elder Neil L. Andersen:
Mahalaga para sa sinuman sa inyo na tunay na nagdadalamhati na pansinin ang hindi sinabi [ng Tagapagligtas]. Hindi Niya sinabing, “Hindi ka puwedeng makadama ng totoong sakit o kalungkutan sa masasakit na karanasan mo sa kamay ng iba.” Hindi rin Niya sinabing, “Para magpatawad nang lubusan kailangan mong magpatuloy sa di-kanais-nais na relasyon o bumalik sa mapang-abuso, at mapaminsalang kalagayan.” Ngunit kahit sa kabila ng pinakamabibigat na pagkakasalang maaaring mangyari sa atin, mapaglalabanan lamang natin ang sakit kapag tinahak natin ang landas tungo sa tunay na paggaling. Ang landas na iyan ay ang maging mapagpatawad na tulad ni Jesus ng Nazaret, na nananawagan sa bawat isa sa atin, “Sumunod ka sa akin” [Lucas 18:22]. (“Ang Ministeryo ng Pakikipagkasundo,” Liahona, Nob. 2018, 79)
Mas nauunawaan natin ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo kapag pinatawad natin ang isang tao na, sa ating isipan, ay hindi karapat-dapat na patawarin. (The Divine Gift of Forgiveness [Ang Banal na Kaloob na Pagpapatawad] [2019], 234)
-
Paano makatutulong ang mga pahayag na ito sa isang taong nahihirapang magpatawad?
Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na ibahagi kung paano sila tinulungan ng Tagapagligtas na patawarin ang kanilang sarili o ang iba. Maaari ding ibahagi ng mga estudyante kung paano sila napayapa ng pagpapatawad, o maaari ninyong panoorin ang “Principles of Peace: Forgiveness” (1:49).
Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung may isang tao na kailangan nilang patawarin. Hikayatin silang isulat ang anumang bagay na sa palagay nila ay nais ng Panginoon na malaman o gawin nila.
Lucas 10:25–37
Sino ang nais ng Tagapagligtas na mahalin at paglingkuran ko?
Ibahagi ang kasunod na pahayag ni Propetang Joseph Smith:
May susi ako kung paano ko nauunawaan ang mga banal na kasulatan. Itinatanong ko, ano ang tanong na nagbigay ng sagot o naging dahilan para sabihin ni Jesus ang talinghaga? (sa History, 1838–1856 [Manuscript History of the Church], volume D-1, 1459, josephsmithpapers.org; ginawang makabago ang pagbabantas at paggamit ng malaking titik)
Ipabasa ang Lucas 10:25–29 sa buong klase. Pagkatapos ay isulat sa pisara ang dalawang tanong na naghikayat sa Tagapagligtas na ituro ang talinghaga tungkol sa mabuting Samaritano.
Maaaring makipagtulungan ang mga estudyante sa isang kapartner o sa maliliit na grupo at basahin ang Lucas 10:30–37 para malaman kung paano sinasagot ng talinghaga ang mga tanong sa pisara. Bilang bahagi ng kanilang pag-aaral, hikayatin ang mga estudyante na pag-aralan ang konteksto ng talinghaga sa pamamagitan ng pagbabasa ng “Luke 10:31–36 [Lucas 10:31–36]. What is the significance of the priest, Levite, and Samaritan in the parable of the good Samaritan? [Ano ang kahalagahan ng saserdote, Levita, at Samaritano sa talinghaga ng mabuting Samaritano?]” sa Scripture Helps: New Testament [Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan].
Matapos maglaan ng oras para sa pag-aaral, sabihin sa mga estudyante na ibahagi kung paano nila sasagutin ang mga tanong sa pisara. (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang mga katotohanang tulad ng sumusunod: Upang magmana ng buhay na walang hanggan, dapat nating mahalin ang Diyos at ang ating kapwa. Upang maging katulad ng Tagapagligtas, dapat nating mahalin at paglingkuran ang ating kapwa.) Matapos ibahagi ng mga estudyante ang kanilang mga ideya, isipin kung mayroon man sa mga sumusunod na tanong ang makatutulong para mapalalim ang kanilang pang-unawa:
-
Paano tayo tinutulungan ng pagmamahal sa Diyos at sa kapwa na maghanda para sa buhay na walang hanggan?
-
Paano nakatulong sa inyo ang pagmamahal at paglilingkod sa ibang tao para mapalapit sa Diyos?
Maaari mong ipakita ang larawan ng mabuting Samaritano mula sa simula ng lesson. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang mga naiisip at nadarama nila habang tinitingnan nila ang larawang ito.
-
Paano kinakatawan ng mabuting Samaritano ang Tagapagligtas at ang ginagawa Niya para sa atin?
-
Paano naging katulad ng mabuting Samaritano ang Tagapagligtas para sa inyo?
-
Bakit mahalagang tularan ang halimbawa ng mabuting Samaritano at “humayo ka, at gayundin ang gawin”? (Lucas 10:37).
Sabihin sa mga estudyante na magbahagi ng mga halimbawang nakita nila sa mabubuting Samaritano sa makabagong panahon. O maaari ninyong panoorin ang “A Good Samaritan” (5:44).
Sabihin sa mga estudyante na humingi ng tulong sa Ama sa Langit para mas malaman kung sino ang maaari nilang paglingkuran. Hikayatin silang maghanap ng mga pagkakataong maging katulad ng mabuting Samaritano sa panahong ito.
Lucas 10:38–42
Ano ang karapat-dapat kong pagtuunan ng pansin?
Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na gumawa ng listahan ng mga responsibilidad at aktibidad na mapag-uukulan nila ng kanilang oras sa loob ng isang linggo.
-
Sa limitadong oras at lakas, paano kayo magpapasiya kung ano ang pinakamainam na pagtuunan ng pansin sa bawat araw?
Isiping magpakita ng larawan nina Maria at Marta kasama ang Tagapagligtas.
Nakinig si Maria sa Kanyang Salita [Mary Heard His Word], ni Walter Rane
Ipaalala sa mga estudyante na tumigil si Jesus sa isang nayon at binisita ang tahanan ni Marta. Ipabasa sa mga estudyante ang Lucas 10:38–42 at alamin kung ano ang pinagtuunan ng pansin nina Maria at Marta sa Kanyang pagbisita.
-
Paano maipapakita sa mga kilos ng bawat babae ang kanyang pagmamahal at katapatan kay Jesucristo? (Maaaring makatulong na rebyuhin ang “Luke 10:38–42 [Lucas 10:38–42]. What was expected of a hostess in New Testament times? [Ano ang inaasahan sa isang babaeng punong-abala sa Bagong Tipan?]” sa Scripture Helps: New Testament [Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan].)
-
Anong mga katotohanan ang matututuhan natin mula sa sagot ng Tagapagligtas kay Marta sa mga talata 41–42? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang isang katotohanan na tulad ng sumusunod: Dapat nating unahin ang mga pagpili na maglalapit sa atin kay Jesucristo.)
Para matulungan ang mga estudyante na pag-isipan kung paano nila uunahin ang Panginoon nang higit sa lahat ng iba pang mabubuting bagay, maaari mong ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Dallin H. Oaks:
Hindi sapat na dahilan ang pagiging maganda ng isang bagay para gawin ito. Ang magagandang bagay na magagawa natin ay higit pa ang dami kaysa libreng oras natin para magawa ang mga ito. May ilang bagay na mas maganda kaysa sa iba, at ito ang mga bagay na dapat nating unahin sa ating buhay. …
Marapat purihin si Marta na “naliligalig at nababagabag tungkol sa maraming bagay” (talata 41), ngunit ang matutuhan ang ebanghelyo mula sa Pinunong Titser ay higit na “kailangan.” …
… Dapat nating talikuran ang ilang magagandang bagay para mapili ang iba pang mas maganda o pinakamaganda dahil nagpapalakas ito ng pananampalataya sa Panginoong Jesucristo at nagpapatatag sa ating mga pamilya. (“Maganda, Mas Maganda, Pinakamaganda,” Liahona, Nob. 2007, 104, 107)
-
Ano ang ilang halimbawa ng magagandang bagay na maaaring maglayo sa atin sa mas maganda at pinakamagandang mga bagay?
-
Ano ang tumutulong sa inyo na manatiling nakatuon sa mas maganda at pinakamagandang mga bagay kapag napakaraming magagandang bagay na pipiliin?
Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang pagkakataon na inuna nila ang Tagapagligtas at ang Kanyang ebanghelyo kaysa iba pang magaganda o mabubuting bagay. Maaari nilang ibahagi ang kanilang mga karanasan at natutuhan mula sa mga ito. Bigyan ng oras ang mga estudyante na rebyuhin ang listahang ginawa nila sa simula ng aktibidad na ito sa pag-aaral. Anyayahan silang gumawa ng plano para mas unahin ang Tagapagligtas at ang Kanyang ebanghelyo sa darating na linggo.