“Mga Ideya para sa Unang Araw ng Klase,” Manwal ng Titser ng Institute para sa Bagong Tipan (2025)
Light of the World [Ilaw ng Sanlibutan], ni Howard Lyon
Mga Ideya para sa Unang Araw ng Klase
Ang Bagong Tipan ay nagbibigay ng walang-hanggang salaysay tungkol sa mortal na ministeryo ni Jesucristo at ang pagsisimula ng sinaunang Simbahang Kristiyano. Sa Mga Ebanghelyo natututuhan natin mismo ang hindi mapapantayang buhay ng Panginoon. Naririnig natin Siyang nagtuturo, nasasaksihan ang Kanyang mga himala, at nadarama ang Kanyang pagmamahal habang nagmiministeryo Siya sa mga indibiduwal. Tumatayo tayo sa sagradong lugar habang binabasa natin ang Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo sa Getsemani at sa krus. Ang mga salaysay tungkol sa Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli ay nagbibigay sa atin ng malakas na katibayan na nadaig ni Jesucristo ang kamatayan. Sa pangalawang bahagi ng Bagong Tipan, namamangha tayo sa pananampalataya at katapangan ng mga disipulo na nagpalawak sa Kanyang Simbahan. Tunay ngang ang sagradong aklat na ito ay isang matibay na patotoo na si Jesus ang Cristo.
Karagdagang Resources
Paalala: Ang mga opsiyon sa pag-aaral sa lesson na ito ay magagamit sa pagsisimula mo ng iyong kurso na Bagong Tipan na naaayon sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin, kahit kailan man magsimula ang klase mo. Magagamit din ang mga ito kung nagtuturo ka ng Bagong Tipan 211 o 212.
Layunin ng Kurso
Ang pag-aaral ng Bagong Tipan ay maglalapit sa iyo at sa iyong mga estudyante sa Tagapagligtas sa makapangyarihang mga paraan. Mapapansin mo na ang manwal na ito ay nagbibigay ng maraming ideya na makatutulong sa iyo na lumikha ng mga karanasan na makatutulong sa iyong mga estudyante na mas mapalapit kay Jesucristo. Ang pag-aaral na humahantong sa pagbabalik-loob ay hindi maaaring madaliin. Huwag mag-atubiling magdahan-dahan para magkaroon ng oras ang mga estudyante na mapalalim ang kanilang pang-unawa. Bigyan ng oras ang mga estudyante na madama at matukoy ang Espiritu at pag-isipan kung paano ipamumuhay ang mga espirituwal na impresyong natatanggap nila. Ang pagtalakay sa lahat ng pangyayari at turo sa Bagong Tipan ay hindi ang mithiin.
Isaisip na mas malamang na buksan ng mga estudyante ang kanilang puso’t isipan sa pag-aaral kapag nadarama nila na ang mga banal na kasulatan ay madaling maunawaan at nauugnay sa kanilang buhay. Isipin kung paano makatutulong sa iyo ang mga sumusunod na elemento na matatagpuan sa bawat lesson para makalikha ka ng mga makabuluhang karanasan sa pagkatuto:
-
Paghihikayat ng Personal na Pag-aaral. Bawat lesson ay kinapapalooban ng mga halimbawa ng maiikling mensahe na maaari mong piliin at ipadala sa buong linggo para mahikayat ang mga estudyante na pag-aralan ang mga banal na kasulatan.
-
Mga Tanong at Pagbabahagi. Hinihikayat ka ng bahaging ito na bigyan ang mga estudyante ng mga pagkakataon sa simula ng klase na magbahagi ng mga ideya, katotohanan, at tanong nila mula sa mga naka-assign na babasahin.
-
Pagsasanay sa Kasanayan. Ang bahaging ito ay magpapabatid sa iyo ng mga aktibidad sa pag-aaral kung saan maaaring magpraktis ang mga estudyante ng partikular na mga kasanayan sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Matatagpuan ang mga training o pagsasanay na ito sa resource na Mga Kasanayan sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan sa Gospel Library at mahalaga sa pagtulong sa mga estudyante na maging mas self-reliant na mag-aaral.
-
Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral. Bawat lesson ay may dalawa hanggang limang opsiyon sa aktibidad sa pag-aaral. Hindi inaasahang gagamitin mo ang lahat ng aktibidad. Sa halip, dapat mong suriin ang mga pangangailangan ng iyong mga mag-aaral at piliin ang mga aktibidad na malamang na magpapalalim ng pagbabalik-loob at mas maglalapit sa kanila sa Tagapagligtas.
Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral
Para ma-orient ang mga estudyante sa kursong ito, maaari kang pumili ng isa o mahigit pa sa mga sumusunod na aktibidad na gagamitin sa unang araw ng klase. Dahil may mas maraming materyal dito kaysa malamang na talakayin sa isang klase, mapanalanging pag-isipan kung aling mga aktibidad sa pag-aaral ang lubos na makatutulong sa iyong mga estudyante na mapalalim ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo. Kung nais, maaari mong gamitin ang iba pa sa mga aktibidad na ito sa mga klase sa hinaharap.
Maghikayat ng Kapaligirang Nagtuturo ng Tulad ng Kay Cristo
Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral
Ipadama ang pagiging kabilang. Sa buong kursong ito, isipin kung ano ang magagawa mo para makalikha ng pagmamahal at tiwala sa loob ng klase para madama ng mga estudyante na kabilang sila. Madarama rin ng mga estudyante na kabilang sila kapag nag-aambag sila sa klase at sama-samang nakikibahagi sa pagbuo ng kanilang kaugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson, “Ang maging kaisa ng Ama, ng Anak, at ng Espiritu Santo ay walang alinlangang siyang pinakalubos na diwa ng pagiging kabilang” (“Ang Doktrina ng Pagiging Kabilang,” Liahona, Nob. 2022, 56). Kapag nadarama ng mga estudyante na kabilang sila, mas malamang na ibahagi nila ang kanilang mga espirituwal na impresyon, ipahayag ang kanilang damdamin, at magtanong.
Maaari mong idispley ang mga sumusunod na larawan ng Tagapagligtas (o mga katulad na larawan) at anyayahan ang mga estudyante na ibahagi kung ano kaya ang pakiramdam ng maturuan Niya.
Healer [Tagapagpagaling], ni Lightweave
The Savior’s Teaching on Discipleship [Ang Turo ng Tagapagligtas tungkol sa Pagiging Disipulo], ni Justin Kunz
Living Water [Tubig na Buhay], ni Simon Dewey
Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Juan 13:34–35 at 2 Nephi 26:33, na inaalam ang mga katotohanan na makatutulong sa klase na magkaroon ng kapaligirang nagtuturo ng tulad ng kay Cristo. Para mapalalim ang pang-unawa ng mga estudyante, maaari mong itanong:
-
Anong mga hamon ang maaaring maranasan ng isang tao kapag dumating siya sa institute sa unang pagkakataon? Ano ang lubos na nakatulong sa inyo na madama na tanggap kayo sa institute?
-
Paano nais ng Tagapagligtas na pakitunguhan natin ang mga taong pinipiling sumama sa ating klase? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang alituntuning tulad ng sumusunod: Dapat nating tanggapin ang lahat ng dumarating at mahalin sila tulad ng pagmamahal sa atin ng Tagapagligtas.)
-
Sino kaya ang gusto ng Tagapagligtas na anyayahan ninyong sumama sa klaseng ito? (Maaaring mag-text o mag-message ang mga estudyante sa isang tao habang nasa klase sila o pag-isipan kung paano nila sila makakausap bago ang susunod na klase.)
Maaaring makatulong sa bawat estudyante na pagnilayan at isulat ang isang partikular na gagawin nila para makatulong sa paglikha ng kapaligirang makapagpapadama ng paggalang, pagiging kabilang, at pagmamahal na tulad ng kay Cristo. Maaari din ninyong talakayin kung ano ang maaari ninyong gawin bilang isang klase para makahikayat ng magiliw at malugod na pagtanggap para sa lahat ng mag-aaral.
Maghikayat ng Masigasig na Pag-aaral
Maaari mong anyayahan ang dalawang estudyante na basahin ang sumusunod na dialogue:
Maria: “Ano ang masasabi mo sa ating institute class kay Sister Franco?”
Elena: “Gustung-gusto ko talaga! Inspirado. Inaasam ko na makadalo bawat linggo.”
Maria: “Hindi ko maintindihan. Pareho tayo ng titser at klase, pero para sa akin, nakakabagot ito. Masasabi ko na mabait siya, pero kung mas marami sana siyang alam, mas gaganda ang klase. Sana galingan pa niya ang kanyang pagtuturo para magkaroon ako ng mas magandang karanasan.”
-
Paano ninyo ilalarawan ang pamamaraan ni Maria sa pag-aaral?
Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Mateo 7:7–8, at talakayin kung paano makatutulong kay Maria ang pagsasabuhay ng mga salita ng Tagapagligtas para mapaganda pa niya ang kanyang karanasan sa institute. Maaari mong itanong:
-
Ano ang ibig sabihin para sa atin na tayo ay hihingi, hahanap, at tutuktok? Paano naging pagpapakita ng pananampalataya ang paghingi, paghanap, at pagtuktok?
-
Paano tayo mapagpapala kapag hinangad nating matuto sa pamamagitan ng pananampalataya? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang katotohanang tulad ng sumusunod: Makatatanggap tayo ng paghahayag kapag kumilos tayo nang may pananampalataya sa pamamagitan ng pagtatanong, paghahanap, at pagtuktok.)
-
Paano nakatulong sa inyo ang pagiging responsable sa sarili ninyong pagkatuto para makatanggap kayo ng personal na paghahayag? (Hikayatin ang mga estudyante na magbahagi ng ilang halimbawa, o magbahagi ng sarili mong halimbawa.)
Basahin nang sama-sama ang sumusunod na pahayag ni Elder David A. Bednar:
Ang isang mag-aaral na gumagamit ng kalayaang moral at kumikilos ayon sa tamang alituntunin ay binubuksan ang nilalaman ng kanyang puso sa Espiritu Santo—at sa gayo’y inaanyayahan ang Kanyang pagtuturo, kapangyarihang magpatotoo, at nagpapatunay na pagsaksi. Ang pagkatuto sa pamamagitan ng pananampalataya ay nangangailangan ng espirituwal, mental, at pisikal na pagsisikap at hindi sa pagtanggap lamang nang walang ginagawa. Sa katapatan at patuloy na paggawa nang may pananampalataya, naipapakita natin sa ating Ama sa Langit at sa Kanyang Anak na si Jesucristo na tayo ay handang matuto at tumanggap ng tagubilin mula sa Espiritu Santo. (“Pagkatuto sa Paraan ng Panginoon,” Liahona, Okt. 2018, 52)
Sabihin sa mga estudyante na sumulat ng ilang gagawin nila sa kursong ito na inspirado ng pananampalataya upang ipakita sa Panginoon ang kanilang hangaring matuto mula sa Kanya. (Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na itala ang kanilang mga ideya sa kanilang phone o sa isang notebook.)
Bigyan ang mga estudyante ng ilang minuto na magtakda ng sarili nilang mga mithiin sa pag-aaral para sa kursong ito batay sa naisip at nadama nila sa klase. Maaari mong anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi kung ano ang gagawin nila para makatulong sa paggawa ng iba’t ibang uri ng mithiin. Hikayatin ang mga estudyante na bumuo ng plano upang makamit ang kanilang mga mithiin. Isipin kung paano mo matutulungan ang mga estudyante na marebyu ang kanilang mga mithiin sa buong kurso.
Ang Mga Ebanghelyo ay Nagpapatotoo kay Jesucristo
Paalala: Maaari mong gamitin ang sumusunod na mungkahi sa pagtuturo kung sisimulan mo nang pag-aralan ang Mga Ebanghelyo. Kung sisimulan mo na ang pag-aaral ng Mga Gawa hanggang Apocalipsis, maaari mong gamitin ang susunod na mungkahi sa pagtuturo (tingnan sa “Ipinagpatuloy ng mga Disipulo ng Tagapagligtas ang Kanyang Gawain: Mga Gawa hanggang Apocalipsis”).
Anyayahan ang ilang estudyante na magbahagi ng ilang mabuting balita na natanggap nila kamakailan.
Sama-samang hanapin ang “Ebanghelyo, Mga” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan (Gospel Library), at talakayin kung ano ang Mga Ebanghelyo at kung ano ang nilalaman ng mga ito. Maaari mong itanong:
-
Ano ang mabuting balita ng ebanghelyo? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang katotohanang tulad ng sumusunod mula sa nabasa nila: Ang mabuting balita ng ebanghelyo ay isinakatuparan ni Jesucristo ang pagbabayad-sala na tutubos sa lahat ng tao mula sa kamatayan at gagantimpalaan ang bawat tao alinsunod sa kanilang mga gawa.)
-
Bakit ang mensaheng ito tungkol sa Tagapagligtas ay hindi lamang mabuting balita kundi ang talagang pinakamabuting balita?
Maaari ninyong panoorin ang “The Good News” (2:18) at talakayin ang mensaheng ibinabahagi nito.
Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral
Ipabatid sa mga estudyante ang Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan. Ang resource na ito ay makatutulong sa mga estudyante na mas maunawaan ang mga banal na kasulatan sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyon, mga tulong sa wika, at mga paliwanag tungkol sa mahihirap na scripture passage (tingnan sa “Pambungad,” sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan).
Upang matulungan ang mga estudyante na malaman ang natatanging pananaw ng bawat manunulat ng Ebanghelyo, maaari mong gawin ang sumusunod na aktibidad:
Isulat sa pisara ang mga pangalang Mateo, Marcos, Lucas, at Juan. Hatiin ang klase sa mga grupo na may tig-aapat na miyembro, at papiliin ang bawat miyembro ng grupo ng isang manunulat ng Ebanghelyo na pag-aaralan. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na buklatin ang Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan at hanapin ang mga sumusunod na tala: “Ano ang Mga Ebanghelyo,” “Ang Ebanghelyo Ayon kay Mateo,” “Ang Ebanghelyo Ayon kay Marcos,” “Ang Ebanghelyo Ayon kay Lucas,” at “Ang Ebanghelyo Ayon kay Juan.”
Ipakita ang mga sumusunod na tanong, at sabihin sa mga estudyante na gamitin ang Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan para masagot ang mga ito na nauugnay sa kanilang piniling manunulat ng Ebanghelyo:
-
Ano ang background o mga impormasyon tungkol sa manunulat na ito ng Ebanghelyo?
-
Para kanino ang kanyang isinulat?
-
Paano kaya nakaimpluwensya ang kanyang tagapakinig at mambabasa sa kanyang salaysay tungkol sa buhay ng Tagapagligtas?
-
Paano tayo mapagpapala sa pag-aaral ng salaysay na ito tungkol sa buhay ng Tagapagligtas?
Matapos bigyan ng oras ang pag-aaral, anyayahan ang bawat grupo na ibahagi ang natutuhan nila. Pagkatapos ay talakayin ng buong klase kung paano mapapalawak ng pananaw ng bawat manunulat ng Ebanghelyo ang ating pag-unawa sa buhay at misyon ni Jesucristo.
Maaari mong sabihin sa mga estudyante na buksan ang “Pagkakatugma ng Mga Ebanghelyo” na matatagpuan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan sa Mga Tulong sa Pag-aaral sa Gospel Library at tingnan ang mga nilalaman. Talakayin kung paano tayo matutulungan ng resource na ito sa ating pag-aaral ng buhay ng Tagapagligtas. (Paalala: Kung makatutulong, ibahagi sa mga estudyante na “sa kaalamang mayroon na ngayon, hindi posibleng makagawa ng perpektong pagkakatugma ng apat na Ebanghelyo dahil ang mga may-akda ng Mga Ebanghelyo mismo ay hindi palaging sumasang-ayon sa mga kronolohikal na bagay” [Bible Dictionary, “Gospels”]).
Para tapusin ang klase, bigyan ng oras ang mga estudyante na pag-isipan o ibahagi ang inaasam nilang matutuhan habang hinahangad nilang mas mapalapit sa Tagapagligtas sa pamamagitan ng pag-aaral ng Mga Ebanghelyo.
Ipinagpatuloy ng mga Disipulo ng Tagapagligtas ang Kanyang Gawain: Mula sa Mga Gawa hanggang Apocalipsis
Para maiugnay ang Mga Ebanghelyo sa Mga Gawa hanggang Apocalipsis, maaari mong ipakita ang iba’t ibang larawan ng mortal na ministeryo ng Tagapagligtas, kamatayan, Pagkabuhay na Mag-uli, at Pag-akyat sa Langit at talakayin kung ano ang inilalarawan ng mga ito. Pagkatapos ay maaari mong itanong:
-
Paano nakaapekto ang mga turo, himala, at Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas sa Kanyang mga tagasunod?
Ipaliwanag na ang pangalawang bahagi ng Bagong Tipan (Mga Gawa hanggang Apocalipsis) ay tala tungkol sa ginawa ng mga disipulo ng Tagapagligtas upang ipagpatuloy ang Kanyang gawain matapos ang Kanyang kamatayan at Pagkabuhay na Mag-uli. Ipabasa sa mga estudyante ang Mateo 28:19–20 at Mga Gawa 1:8, at talakayin ang inaasahan ni Jesucristo sa Kanyang mga tagapaglingkod.
Maaari mong idispley ang sumusunod na graphic para maipakita ang ginawa ng mga Apostol ng Panginoon para dalhin ang ebanghelyo sa Judea, Samaria, at lampas pa rito.
Ipaliwanag na nakasaad sa Mga Gawa 1:8 ang pangkalahatang balangkas para sa aklat ng Mga Gawa at mga isinulat ng mga Apostol. Inilalarawan sa Mga Gawa 1–7 ang paglago ng Simbahan sa Jerusalem; ang Mga Gawa 8–9 ay nagtatampok sa mga gawain ng mga Apostol sa Judea at Samaria; at ang Mga Gawa 10–28, pati na ang mga sulat at Apocalipsis, ay nauugnay sa ministeryo ng mga Apostol sa mga Gentil.
Ipaliwanag na sina Apostol Pedro, Pablo, at Juan ang tatlong pangunahing manunulat sa pangalawang bahaging ito ng Bagong Tipan. Maaari mong isulat sa pisara ang mga sumusunod na scripture reference at ipabasa sa mga estudyante ang mga ito, na inaalam kung paano nagpatotoo ang mga Apostol na ito tungkol sa Tagapagligtas: Pedro: Mga Gawa: 2:22–24, 32–33, 36; Pablo: 1 Corinto 15:3–8, 19–22; Juan: 1 Juan 1:7; 2:1–2; 3:5, 16.
-
Ano ang napansin ninyo sa mga patotoong ito? Sa inyong palagay, paano naimpluwensyahan ng mga patotoo ng mga lalaking ito ang kanilang mga isinulat? (Bilang bahagi ng inyong talakayan, maaari mong ibahagi sa mga estudyante ang katotohanang tulad ng sumusunod: Ang mga aklat na isinulat ng mga naunang Apostol ay naglalaman ng kanilang mga turo at patotoo tungkol kay Jesucristo.)
-
Paano nakakaimpluwensya sa atin bilang mga mambabasa ang pagkaalam na itinuon ng mga lalaking ito ang kanilang mga isinulat kay Jesucristo? Ano ang magagawa ninyo para maging mambasasa na mas nakasentro kay Cristo sa inyong pag-aaral ng Bagong Tipan?
Para tapusin ang klase, bigyan ng oras ang mga estudyante na pagnilayan o ibahagi kung ano ang gagawin nila para mas mapalapit sa Tagapagligtas habang binabasa nila ang Mga Gawa hanggang Apocalipsis.