“Mga Hebreo 1–6,” Manwal ng Guro ng Institute para sa Bagong Tipan (2025)
Mga Hebreo 1–6
Sa kanyang liham sa mga Hebreo, binigyang-diin ni Pablo na ang Tagapagligtas ang Lumikha ng mundong ito at tagapagmana ng lahat ng mayroon ang Ama sa Langit. Dahil nakaranas si Jesucristo ng mga pagsubok at tukso sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, matutulungan o masasaklolohan Niya tayo sa ating mga paghihirap. Itinuro din ni Pablo na kapag nagtiis tayo nang may pananampalataya tulad ni Abraham, magkakaroon tayo ng pag-asa sa mga ipinangakong pagpapala na dulot ng pagtupad sa ating mga tipan.
Karagdagang Resources
Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan, “Mga Hebreo 1–6”
Paalala: Ang “Pambungad sa Kurso” ay nagbibigay ng gabay kung paano gamitin ang sumusunod na apat na pamantayang elemento ng lesson.
Paghihikayat ng Personal na Pag-aaral
Bago magklase, maaari mong ipadala sa mga estudyante ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod na mensahe o ang ilan sa sarili mong mga mensahe:
-
Paano mo mapapalakas ang iyong pagtitiwala kay Jesucristo? Pag-aralan ang mga sumusunod na talata at bigyang-pansin ang naitutulong nito sa iyo para malaman mo ang tungkol sa Tagapagligtas: Mga Hebreo 1:1–3, 10–12; 2:8–11, 17; 5:8–9.
-
Ang ang ibig sabihin ng pagsaklolo ay pagbibigay ng ginhawa o pagtulong. Habang binabasa mo ang Mga Hebreo 2:13–18; 4:14–16, mag-isip ng isang karanasan na tinulungan ka ng Tagapagligtas.
-
Nadarama mo ba kung minsan na nabibigatan ka o napapagod sa mga hamon ng buhay? Sa pag-aaral mo ng Mga Hebreo 3:7–19, alamin kung ano ang magagawa mo para maranasan ang kapahingahan ng Panginoon.
Mga Tanong at Pagbabahagi
Bigyan ng oras ang mga estudyante na magtanong at magbahagi ng mga kabatiran at katotohanang natuklasan nila sa kanilang personal na pag-aaral ng Mga Hebreo 1–6.
Pagsasanay sa Kasanayan
Ang Mga Hebreo 1–6 ay magandang paggamitan ng kasanayang “Linking Scriptures,” “Adding Notes to Scriptures,” o “Searching in the Scriptures and in Gospel Library” sa Scripture Study Skills.
Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral
Maraming opsiyon sa pag-aaral ang inilaan para sa iyo at sa iyong mga estudyante. Mapanalanging piliin kung aling opsiyon o mga opsiyon ang magiging pinakamakabuluhan para sa klase mo.
Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral
Laging maging handang tumugon sa mga espirituwal na pahiwatig tungkol sa mga pangangailangan ng mga mag-aaral. Ihanda ang iyong sarili na maging bukas sa mga espirituwal na pahiwatig. Patuloy na manalangin sa iyong puso na mahiwatigan mo ang mga pangangailangan ng mga tinuturuan mo. Kapag nagsabi ka na maaari silang magtanong tungkol sa mga banal na kasulatan, maging handang maglaan ng oras para matugunan ang mga alalahanin na may kaugnayan sa buhay ng mga estudyante. Magtiwala na ang Espiritu Santo ay “magbibigay-alam sa inyo ng lahat ng bagay na nararapat ninyong gawin” (2 Nephi 32:5).
Mga Hebreo 1–6
Paano ko mapapalakas ang aking pananampalataya kay Jesucristo?
Maaari kang magpakita ng larawan ng isang pangyayari mula sa buhay ng Tagapagligtas, tulad ng nasa simula ng lesson na ito. Anyayahan ang mga estudyante na rebyuhin nang maikli ang ipinakitang pangyayari. Pagkatapos ay itanong:
-
Ano ang matututuhan natin tungkol sa mga katangian ni Jesucristo mula sa pangyayaring ito?
-
Paano mapapalakas ng pag-aaral pa tungkol sa mga tungkulin, titulo, at katangian ni Jesucristo ang ating pananampalataya sa Kanya?
Ipaliwanag na sa kanyang liham sa mga Hebreo, inilarawan ni Pablo ang maraming titulo at tungkulin ng Tagapagligtas. Isiping anyayahan ang mga estudyante na gumawa ng listahan ng mga tungkulin, titulo, at katangiang natukoy nila sa aktibidad na ito sa pag-aaral. Anyayahan ang mga estudyante na bigyang-pansin ang itinuturo sa kanila ng Espiritu Santo tungkol kay Jesucristo habang nag-aaral sila.
Upang matulungan ang mga estudyante sa kanilang pag-aaral, maaari mong ipakita ang mga sumusunod na tagubilin:
-
Pag-aralan ang ilan sa mga sumusunod na talata, na inaalam ang mga titulo, tungkulin, at katangian ni Jesucristo: Mga Hebreo 1:1–6, 9–12; 2:7–10, 17–18; 3:1–2; 5:8–10.
-
Hanapin ang mga paraan na maaari mong kumpletuhin ang sumusunod na parirala: “Maaari akong manampalataya kay Jesucristo dahil…” (Halimbawa, maaari akong manampalataya kay Jesucristo dahil itinataguyod Niya ang lahat ng bagay sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Kanyang salita [tingnan sa Mga Hebreo 1:3].)
-
Pumili ng isa o dalawang tungkulin, titulo, o katangian ng Tagapagligtas na pag-aaralan nang mas malalim. Gumamit ng mga footnote, Gabay sa mga Banal na Kasulatan, o ng search feature sa Gospel Library para makahanap ng mga talata sa banal na kasulatan, mga turo ng mga lider ng Simbahan, at iba pang kapaki-pakinabang na nilalaman.
Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi sa kapartner o sa maliit na grupo ang natutuhan nila tungkol sa Tagapagligtas. Maaari mo rin silang anyayahan na talakayin ang mga sumusunod na tanong:
-
Paano mapapalakas ng pag-unawa sa tungkulin, titulo, o katangiang ito ang iyong pananampalataya kay Jesucristo?
-
Ano ang ipinahihiwatig ng titulo, tungkulin, o katangiang ito tungkol sa kung paano ka matutulungan ng Tagapagligtas?
Tapusin ang aktibidad sa pag-aaral sa pagbabahagi ng iyong patotoo tungkol kay Jesucristo. Maaari mo ring anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mga patotoo. Hikayatin ang mga estudyante na patuloy na alamin sa kanilang personal na pag-aaral ang itinuturo ng mga banal na kasulatan tungkol sa Tagapagligtas.
Mga Hebreo 2:7–18; 4:14–16
Paano ako matutulungan ng Tagapagligtas sa aking mga hamon sa buhay?
Isiping simulan ang aktibidad na ito sa pamamagitan ng sama-samang pagtalakay sa mga sumusunod na tanong bilang klase.
-
Ano ang ilan sa mga pinakakaraniwang hamon na kinakaharap ng mga young adult? (Maaari mong isulat sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante.)
-
Saan bumabaling ang mga tao kapag sinisikap nilang harapin ang mga hamong ito?
Anyayahan ang isang estudyante na basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson:
Anuman ang mga tanong o problema ninyo, ang sagot ay laging matatagpuan sa buhay at mga turo ni Jesucristo. Pag-aralan pa ang tungkol sa Kanyang Pagbabayad-sala, Kanyang pagmamahal, Kanyang awa, Kanyang doktrina, at Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo ng pagpapagaling at pag-unlad. Bumaling sa Kanya! Sumunod sa Kanya! (“Ang Sagot ay Laging si Jesucristo,” Liahona, Mayo 2023, 127)
-
Sa palagay ninyo, bakit laging matatagpuan ang mga sagot sa ating mga hamon o tanong sa buhay at mga turo ni Jesucristo?
Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung gaano kadalas sila bumaling sa Tagapagligtas kapag nahaharap sila sa mga hamon o tanong. Hikayatin sila habang nag-aaral sila na bigyang-pansin ang mga espirituwal na pahiwatig na makatutulong sa kanila na magkaroon ng mas matibay na pananampalataya kay Jesucristo.
Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang Mga Hebreo 2:7–18; 4:14–16, na naghahanap ng mga turo tungkol sa Tagapagligtas na makapagpapalakas ng ating hangaring bumaling sa Kanya. (Para matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang kontekstong may kaugnayan sa mga turong ito, isiping anyayahan silang basahin din ang “Mga Hebreo 1:4–2:10. Bakit ikinumpara si Jesucristo sa mga anghel?” sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan.)
Maaari mong ipakita ang mga sumusunod na tanong. Sabihin sa mga estudyante na talakayin ang mga ito sa isang kapartner o maliit na grupo.
-
Anong mga turo mula sa mga talatang ito ang nadama ninyong pinakamakabuluhan? Bakit?
-
Paano makakaapekto ang pag-unawa sa mga turong ito sa hangarin nating bumaling kay Jesucristo kapag nahaharap tayo sa mga hamon?
Kapag tapos na ang mga estudyante sa kanilang talakayan, anyayahan ang ilan sa kanila na ibahagi sa klase ang mga natutuhan nila. Kung hindi binanggit ng mga estudyante ang mga turo mula sa Mga Hebreo 2:18, isiping ituon ang kanilang pansin sa talatang iyon at itanong ang sumusunod:
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin na si Jesucristo ay “makasasaklolo sa mga tinutukso”? (Kung makatutulong, sabay-sabay na basahin ang “Mga Hebreo 2:18. Paano tayo masasaklolohan o matutulungan ni Jesucristo kapag natutukso tayo?”sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan.)
Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang isang katotohanan na natutuhan nila tungkol kay Jesucristo mula sa talata 18. Maaari silang magbahagi ng tulad ng sumusunod: Dahil nagdusa at tinukso si Jesucristo sa lahat ng bagay, masasakolohan o matutulungan Niya tayo sa panahon ng pangangailangan. (Itinuro din ng propetang si Alma sa Aklat ni Mormon ang katotohanang ito. Maaari mong ipabasa sa mga estudyante ang Alma 7:11–12 at, kung gumagamit ng mga digital na banal na kasulatan, i-link ito sa Mga Hebreo 2:18.)
-
Paano makatutulong sa inyo ang pag-unawa sa katotohanang ito na magtiwala sa Tagapagligtas? (Bilang bahagi ng inyong talakayan sa tanong na ito, maaari mong ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Elder Ulisses Soares.)
Ang Tagapagligtas ay nag-aalok sa atin ng kaginhawahan at kapanatagan kapag nahaharap tayo sa ating mga paghihirap, tukso, at kahinaan sa buhay. … Matitiyak ko sa inyo na palaging nababatid ni Cristo ang mga pagsubok na nararanasan natin sa buhay na ito. Kanyang nauunawaan ang lahat ng kapaitan, pagdurusa, at pisikal na sakit gayundin ang mga emosyonal at espirituwal na hamon na kinakaharap natin. Ang mga sisidlan ng Tagapagligtas ay puspos ng awa, at palagi Siyang handang tulungan tayo. Posible ito dahil personal Niyang naranasan at inako sa Kanyang Sarili noong nabubuhay Siya sa mundo ang hapdi ng ating kahinaan at mga sakit. (“Jesucristo: Ang Tagapag-alaga ng Ating Kaluluwa,” Liahona, Mayo 2021, 83)
Sabihin sa mga estudyante na mag-isip at magbahagi ng mga halimbawa na naglalarawan sa kakayahan ng Tagapagligtas na tulungan ang Kanyang mga tao. Maaaring mga halimbawa ito mula sa kanilang sariling buhay, buhay ng mga taong kilala nila, o mga tao sa mga banal na kasulatan. Kung kailangan ng mga estudyante ng tulong sa pag-iisip ng halimbawa, maaari nilang pag-aralan ang Juan 11:21–27, 32–36; Mosias 24:11–15; o Doktrina at mga Tipan 122:5–9.
Sabihin sa mga estudyante na pagnilayan ang natutuhan at nadama nila sa aktibidad na ito sa pag-aaral. Hikayatin silang pag-isipan at itala ang mga hinikayat ng Espiritu Santo na gawin nila. Magpatotoo sa pagmamahal ng Tagapagligtas sa atin at sa Kanyang kakayahang saklolohan o tulungan tayo.
Mga Hebreo 3–4
Paano binibigyan ng Panginoon ng kapahingahan ang Kanyang mga tagasunod?
Isiping simulan ang aktibidad na ito sa pag-aaral sa pamamagitan ng pagtalakay sa sumusunod na sitwasyon:
Si Jeremy ay dalawang taon nang miyembro ng Simbahan. Kamakailan, iniisip niyang bumalik sa dati niyang pamumuhay dahil sa pakiramdam niya ay napakarami ang kailangan sa pagiging miyembro ng Simbahan.
-
Ano ang mga naiisip ninyo tungkol sa sitwasyon na ito?
-
Bakit maaaring mahirapan ang mga tao na maging miyembro ng Simbahan ng Tagapagligtas?
Sabihin sa mga estudyante na isipin kung may mga kakilala sila na nasa kalagayan na katulad ng inilarawan sa sitwasyon. Maaari mo ring anyayahan ang mga estudyante na mag-isip ng iba pang mga sitwasyong kinakaharap nila na nagpapadama sa kanila ng labis na hirap o pagod. Hikayatin ang mga estudyante habang nag-aaral sila na hanapin ang mga katotohanang makatutulong sa kanila sa mga sitwasyong ito.
Para maihanda ang mga estudyante na pag-aralan ang Mga Hebreo 3–4, ipaliwanag na noong panahon ni Pablo, nakaranas ng pag-uusig ang mga Kristiyanong Judio dahil sa kanilang mga paniniwala. Marami ang nag-isip na bumalik sa dati nilang pamumuhay para maiwasan ang karagdagang pag-uusig. Isa sa mga layunin ni Pablo sa pagsulat ng aklat ng Mga Hebreo ay tulungan ang mga taong ito na manatiling matatag sa kanilang katapatan kay Jesucristo. (Para sa karagdagang impormasyon, tingnan sa “Para kanino isinulat ang aklat ng Mga Hebreo at bakit?” sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan.)
Ibinahagi ni Pablo ang salaysay tungkol kay Moises at sa mga anak ni Israel upang matulungan ang mga Kristiyanong Judio na maunawaan ang panganib ng pagbalik sa pamumuhay na puno ng paghihimagsik at kawalan ng pananampalataya. Anyayahan ang mga estudyante na pag-aralan ang Mga Hebreo 3:7–19 at tukuyin ang mensahe ni Pablo.
-
Anong mga turo ang nahanap ninyo na maaaring nakatulong sa mga Kristiyanong Judio na nag-iisip na talikuran ang kanilang mga paniniwala?
Ipaliwanag na isa sa mga bunga na kinaharap ng mga Israelita ay ang hindi pagpapahintulot sa kanila na pumasok sa lupang pangako o sa kapahingahan ng Panginoon (tingnan sa Mga Hebreo 3:11, 18). Ipabasa sa mga estudyante ang Mga Hebreo 4:11, na inaalam ang paanyaya ni Pablo sa mga Kristiyanong Judio.
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng pumasok sa kapahingahan ng Panginoon? (Para matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang pariralang ito, maaari mong ipabasa sa kanila ang “Mga Hebreo 3:7–4:16. Ano ang ibig sabihin ng pumasok sa kapahingahan ng Panginoon?” sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan.)
-
Ano ang natutuhan ninyo mula sa mga turo ni Pablo tungkol sa kung paano tayo makakapasok sa kapahingahan ng Panginoon? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang isang katotohanan na tulad ng sumusunod: Kung mananatili tayong tapat sa Tagapagligtas at hindi patitigasin ang ating puso, papasok tayo sa kapahingahan ng Panginoon [tingnan din sa Alma 12:34–37].)
-
Sa inyong palagay, bakit sulit na patuloy na hangaring matamo ang kapahingahan ng Panginoon?
Bilang bahagi ng inyong talakayan sa mga tanong na ito, isiping ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson:
Mahal na mga kapatid, nagdadalamhati ako para sa mga yaong tumatalikod sa Simbahan dahil pakiramdam nila ay napakaraming ipinagagawa sa kanila bilang miyembro. Hindi pa nila natutuklasan na ang paggawa at pagtupad ng mga tipan ay talagang nagpapadali sa buhay! Ang bawat taong nakikipagtipan sa mga bautismuhan at sa mga templo—at tumutupad sa mga iyon—ay mas higit na nakatatamo ng kapangyarihan ni Jesucristo. Pagnilayan sana ninyo ang kagila-gilalas na katotohanang iyon!
Ang gantimpala sa pagtupad ng mga tipan sa Diyos ay kapangyarihang nagmumula sa langit—kapangyarihang nagpapalakas sa atin upang mas makayanan ang ating mga pagsubok, tukso, at dalamhati. Pinadadali ng kapangyarihang ito ang ating buhay. Ang mga taong nagsasabuhay ng mga nakatataas na batas ni Jesucristo ay nakatatamo ng Kanyang nakatataas na kapangyarihan. Sa gayon, ang mga tumutupad sa tipan ay nagiging karapat-dapat sa isang espesyal na uri ng kapahingahan na dumarating sa kanila sa pamamagitan ng kanilang kaugnayan dala ng pakikipagtipan sa Diyos. …
… Sa kabila ng mga kalituhan at pagbabaluktot ng katotohanan sa ating paligid, makasusumpong kayo ng tunay na kapahingahan—ibig sabihi’y ginhawa at kapayapaan—maging sa gitna ng inyong mga pinakanakayayamot na problema. (“Daigin ang Mundo at Makasumpong ng Kapahingahan,” Liahona, Nob. 2022, 96)
Anyayahan ang mga estudyante na pag-isipang mabuti kung paano nila naranasan ang kapahingahan ng Panginoon at kung ano ang mga partikular na ginawa nila na nakatulong sa kanila na maranasan ang kapahingahan ng Panginoon. Maaari mong anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mga karanasan. Maaari ka ring magbahagi ng sarili mong karanasan.
Hikayatin ang mga estudyante na isipin kung ano ang magagawa nila para mas maranasan ang kapahingahan ng Panginoon sa kanilang buhay. Sabihin sa kanila na itala ang mga espirituwal na impresyong natatanggap nila mula sa Espiritu Santo. Patotohanan ang mga katotohanang tinalakay ninyo ngayon.