Mga Kurso Tungkol sa mga Banal na Kasulatan
Mateo 6–7


“Mateo 6–7,” Manwal ng Titser ng Institute para sa Bagong Tipan (2025)

itinuturo ni Jesucristo ang Sermon sa Bundok

Mateo 6–7

Habang patuloy na itinuturo ng Tagapagligtas ang Sermon sa Bundok, itinuro Niya ang kahalagahan ng paggawa ng mabubuting gawa upang bigyang-lugod ang ating Ama sa Langit at huwag maghangad ng papuri sa iba. Itinuro din Niya sa Kanyang mga disipulo na hanapin muna “ang kaharian ng Diyos” (Mateo 6:33) at humatol nang makatarungan, at itinuro Niya sa kanila kung paano matutukoy ang mga bulaang propeta. Hinikayat ng Tagapagligtas ang Kanyang mga tagapakinig na itayo ang kanilang buhay sa Kanyang tiyak at tunay na saligan sa pamamagitan ng pakikinig at pagsunod sa Kanyang mga turo (tingnan sa Mateo 7:24–27).

Karagdagang Resources

Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan, “Mateo 6–7

Paalala: Ang “Pambungad sa Kurso” ay nagbibigay ng patnubay kung paano gamitin ang sumusunod na apat na pamantayang elemento ng lesson.

icon ng pag-aaral
Paghihikayat ng Personal na Pag-aaral

Bago magklase, maaari mong ipadala sa mga estudyante ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod na mensahe o ang ilan sa sarili mong mga mensahe:

  • Bakit mo pinaglilingkuran ang iba? Ano ang nasa puso mo kapag ikaw ay nag-aayuno at nananalangin? Pagnilayan ang mga tanong na ito habang pinag-aaralan mo ang Mateo 6:1–8, 16–18.

  • Ano ang pinakamahalaga para sa iyo? Basahin ang Mateo 6:25–34, at isipin kung gaano kahalaga ang Diyos sa iyong buhay.

  • Mag-isip ng mga paraan na maaaring hinatulan mo ang iba sa nakaraang linggo, at pagkatapos ay basahin ang Mateo 7:1–5. Maaari mong panoorin ang video na “Looking through Windows” (2:19).

    2:19
  • Mayroon ka bang mga tanong? Basahin at pagnilayan ang Mateo 7:7–11 para malaman kung paano mahahanap ang mga sagot.

icon ng talakayan
Mga Tanong at Pagbabahagi

Bigyan ng oras ang mga estudyante na magtanong at magbahagi ng mga ideya at katotohanang natuklasan nila sa kanilang personal na pag-aaral ng Mateo 6–7.

icon ng pagsasanay sa kasanayan
Pagsasanay sa Kasanayan

Ang Mateo 6: 1–8, 16–18 ay maaaring magandang paggamitan ng kasanayang “Paghahanap ng mga Tema sa mga Banal na Kasulatan” sa Mga Kasanayan sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan. Ang Mateo 7:1–2 ay maaaring magandang paggamitan ng kasanayang “Paggamit ng mga Banal na Kasulatan ng Panunumbalik upang Maunawaan ang Biblia” sa Mga Kasanayan sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan.

icon ng mga opsiyon sa aktibidad sa pag-aaral
Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral

Maraming opsiyon sa pag-aaral ang inilaan para sa iyo at sa iyong mga estudyante. Mapanalanging piliin kung aling opsiyon o mga opsiyon ang magiging pinakamakabuluhan para sa klase mo.

Mateo 6:1–8, 16–18

Ano ang mga motibasyon ko sa paglilingkod at pagiging tapat sa Diyos?

Bigyan ang mga estudyante ng sumusunod na pagsusuri sa sarili, at sabihin sa kanila na bilugan ang pinakatapat na sagot nila para sa bawat pahayag:

handout ng Pagsusuri sa Sarili para sa Paglilingkod

Ipakita ang sumusunod na talahanayan at sabihin sa mga estudyante na basahin ang bawat scripture passage, na hinahanap ang karaniwang tema. Ipaliwanag na ang tema ay isang paulit-uli at nag-uugnay na ideya (tingnan sa “Paghahanap ng mga Tema sa mga Banal na Kasulatan” sa Mga Kasanayan sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan).

Karaniwang Tema

Mateo 6:1–4

Karaniwang Tema

Mateo 6:5–8

Karaniwang Tema

Mateo 6:16–18

Karaniwang Tema

Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang karaniwang tema na natuklasan nila at ang kanilang mga ideya at kaalaman tungkol dito. Maaari nilang matukoy ang isang tema o katotohanan na tulad ng sumusunod: Ang pinakamalaking mga gantimpala ng Ama sa Langit ay darating sa mga naglilingkod at sumasamba sa Kanya nang hindi naghihintay ng papuri, pagkilala, o gantimpala mula sa sanlibutan. (Kung makatutulong, maaari ninyong rebyuhin ang “Mateo 6:1–4. Paano nakaapekto ang kultura sa panahon ng Bagong Tipan sa paraan ng paglilimos ng mga tao?” sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan.)

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na talakayin ang mga sumusunod na tanong sa maliliit na grupo:

  • Bakit mahalaga ang ating mga motibo sa paglilingkod at pagsamba sa Panginoon? Paano nakakaimpluwensya sa ating karanasan ang ating mga motibo sa paglilingkod at pagsamba sa Kanya?

  • Ano ang matututuhan natin mula sa halimbawa ng Tagapagligtas tungkol sa pagkakaroon ng mabubuting motibo kapag naglilingkod tayo sa Diyos at sa iba?

Upang mahikayat ang mga estudyante na maghangad ng personal na inspirasyon, maaari mo silang anyayahang isulat ang kanilang mga naiisip tungkol sa isa sa mga sumusunod na tanong:

  • Ano ang malalaman mo tungkol sa iyong sarili sa pamamagitan ng pagsuri sa motibo mo kung bakit ka naglilingkod at sumasamba?

  • Ano ang magagawa mo para maging mas taos-puso at katulad ng kay Cristo ang iyong personal na katapatan?

Balikan ang “Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral.”

Mateo 6:5–15; 7:7–8

Paano ko magagawang mas taimtim ang mga panalangin ko?

Maaari mong ipakita ang mga sumusunod na tanong ni Elder Joseph B. Wirthlin:

Elder Joseph B. Wirthlin

Para bang tulad pa rin ng dati ang mga dasal ninyo? Naging awtomatiko na ba ang pagdarasal ninyo, na para bang lumalabas lamang mula sa isang makina ang mga salita? Naiinip ba kayo minsan kapag nagdarasal? (“Improving Our Prayers,” Ensign, Mar. 2004, 26)

Sabihin sa mga estudyante na isiping mabuti kung paano nila sasagutin ang mga tanong ni Elder Wirthlin.

  • Ano ang matututuhan natin tungkol sa panalangin mula sa buhay at halimbawa ni Jesucristo?

Maaari mong ipakita ang sumusunod na hindi kumpletong pahayag: Magagawa kong mas katulad kay Cristo at makabuluhan ang aking mga panalangin sa pamamagitan ng …

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Mateo 6:5–13; 7:7–8, na inaalam ang iba’t ibang paraan na makukumpleto nila ang pahayag sa pisara.

Matapos bigyan ng oras ang mga estudyante na mag-aral, sabihin sa kanila na magbahagi ng iba’t ibang paraan na makukumpleto nila ang pahayag. (Maaaring kabilang dito ang ilan sa mga sumusunod na alituntunin at gawain: Magagawa kong mas katulad ng kay Cristo at makabuluhan ang aking mga panalangin sa pamamagitan ng pagdarasal sa isang pribadong lugar; pag-iwas sa mga walang kabuluhang paulit-ulit; pagpapakita ng pagpipitagan sa Ama sa Langit; paghahangad na malaman ang kalooban ng Panginoon; paghingi ng mga bagay na kailangan ko; paghingi ng tawad; paghingi ng tulong na madaig ang tukso.)

Maaaring pumili ang mga estudyante ng isang pahayag at ibahagi sa klase o sa maliliit na grupo kung paano nakatulong sa kanila ang pagsasagawa ng katotohanang ito para magkaroon sila ng mas makabuluhang mga panalangin sa Ama sa Langit.

Bilang bahagi ng inyong talakayan, maaaring mahalagang pag-usapan kung paano natin maipapakita ang pagpipitagan sa Ama sa Langit sa ating mga panalangin. Maaari mong itanong ang mga sumusunod:

  • Ano ang matututuhan natin tungkol sa pagpipitagan mula sa panalangin ng Tagapagligtas?

  • Paano tayo makapagpapakita ng higit na pagpipitagan sa Ama sa Langit sa ating mga panalangin? (Maaari mong panoorin ang “Face to Face with President Eyring and Elder Holland” mula sa time code na 37:45 hanggang 44:35 para sa mga ideya.)

    96:16

Maaaring makatulong na ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Dallin H. Oaks:

Pangulong Dallin H. Oaks

Sa pag-aalay ng mga panalangin, hindi tinatawag ng mga miyembro ng ating Simbahan ang ating Ama sa Langit sa parehong mga salitang ginagamit natin sa pakikipag-usap sa isang kapwa manggagawa, sa isang employer, o sa isang mangangalakal sa palengke. Gumagamit tayo ng mga espesyal na salitang pinabanal sa pamamagitan ng paggamit ng mga inspiradong komunikasyon. …

Sabi ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985), “Sa lahat ng ating panalangin, makabubuting gamitin ninyo ang mga panghalip na inyo, kayo, at ninyo, sa halip na iyo, ikaw, at mo yamang ang mga ito ay nagpapakita ng paggalang.” (“The Special Language of Prayer,” New Era, Ene. 2006, 3)

Bilang bahagi ng inyong talakayan, sabihin sa mga estudyante na pumili ng isang alituntunin o gawi na sa pakiramdam nila ay lubos na makatutulong sa kanila na magawang mas mataimtim ang kanilang mga panalangin sa Ama sa Langit. Bigyan ng oras ang mga estudyante na maisulat kung ano ang gagawin nila para mas masunod ang alituntuning iyon.

Balikan ang “Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral.”

Mateo 6:19–34

Paano ko uunahin ang Panginoon sa buhay ko?

Ipaliwanag na kapag matibay na naipasiya natin ang ating mga prayoridad, ginagabayan nito ang paggawa natin ng desisyon. Pagkatapos ay maaari mong ipakita ang mga sumusunod na sitwasyon o ang ilan na maaaring mas may kaugnayan sa iyong mga estudyante. Talakayin nang maikli kung paano maaaring makaimpluwensya ang mga prayoridad ng isang tao sa pagtugon niya sa mga sitwasyong ito.

  • Dapat ba akong magmisyon? Marami pa akong ibang mabubuting bagay na magagawa.

  • Hindi ako sigurado kung dapat akong mag-asawa bago ako makatapos ng pag-aaral.

  • Dapat ko bang tanggapin ang isang tungkulin gayong pakiramdam ko ay napakahirap o nakakatakot ito?

  • Naniniwala ako na mahalaga ang mga banal na kasulatan, ngunit mahirap maghanap ng oras para sa makabuluhang pag-aaral ng ebanghelyo.

Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Mateo 6:19–24, 31–34, at alamin ang itinuro ng Tagapagligtas tungkol sa mga prayoridad. Bigyan ng oras ang pag-aaral at talakayan. Pagkatapos, sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. Maaari mong itanong ang ilan sa mga sumusunod upang makatulong na mapalalim ang pag-unawa ng mga estudyante:

  • Sa paanong paraan inihahayag ng mga pinahahalagahan ng ating puso ang ating mga prayoridad? Paano natin matutukoy kung ano ang pinakapinahahalagahan natin? (Maaari mong bigyan ng oras ang mga estudyante na magmuni-muni tungkol sa kanilang sarili.)

  • Ano ang ibig sabihin ng “matang nakatuon sa kaluwalhatian ng Diyos”? (Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 6:22). (Maaaring makatulong na rebyuhin ang “Mateo 6:22. Ano ang ibig sabihin ng ‘kung tapat nga ang iyong mata’?” sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan.) Ano ang matututuhan natin mula sa buhay ng Tagapagligtas tungkol sa pagkakaroon ng matang “nakatuon sa kaluwalhatian ng Diyos”?

  • Ano ang itinuro ni Jesus na dapat nating pinakaunang prayoridad? Paano tayo pagpapalain kung susundin natin ang payong ito? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang alituntuning tulad ng sumusunod: Kapag hinangad muna nating itayo ang kaharian ng Diyos, bibiyayaan Niya tayo ng kailangan natin.)

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng hangarin munang itayo ang kaharian ng Diyos?

Maaari mong ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Ezra Taft Benson:

Pangulong Ezra Taft Benson

Dapat nating unahin ang Diyos sa lahat ng iba pang bagay sa ating buhay. …

Kapag inuna natin ang Diyos, lahat ng iba pang bagay ay nalalagay sa tamang lugar o naglalaho sa ating buhay. Ang pagmamahal natin sa Panginoon ang magiging batayan ng mga bagay na ating kinagigiliwan, ng ating panahon, ng mga hangaring ating inaasam, at ng pagkakasunud-sunod ng ating mga priyoridad.

Dapat nating unahin ang Diyos kaysa sa lahat ng iba pa sa ating buhay. (“The Great Commandment—Love the Lord,” Ensign, Mayo 1988, 4)

  • Bakit maaaring mag-alala ang isang tao sa pag-una sa Diyos sa kanilang buhay? Paano natin madaraig ang pag-aalalang ito? (Paalala: Maaaring makatulong na ipaliwanag na sa Mateo 6:25–34, ang pariralang “huwag kayong mabalisa”, o ang kahalintulad nito, ay nabanggit nang ilang beses. Ang ibig sabihin ng mga katagang ito ay huwag masyadong mag-alala [tingnan sa “Mateo 6:25, 34. Ano ang ibig sabihin ng ‘huwag kayong mabalisa’?” sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan].)

  • Anong mga pagpapala ang naranasan o mararanasan ninyo sa pagsisikap na unahin ang Diyos sa inyong buhay?

Isiping rebyuhin ang mga sitwasyong ipinakita mo sa simula ng aktibidad sa pag-aaral na ito. Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na ibahagi kung paano makatutulong sa mga estudyante ang mga turo ng Tagapagligtas at ni Pangulong Benson na unahin ang Diyos. Maaari mo ring sabihin sa mga estudyante na tukuyin ang karagdagang pagsisikap na magagawa nila para unahin ang Diyos sa kanilang buhay.

Balikan ang “Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral.”

Mateo 7:1–5

OK lang ba na hatulan ang iba?

Maaari mong isulat sa pisara ang mga sumusunod na tanong:

  • Anong mga bagay ang dapat nating hatulan?

  • Anong mga bagay ang hindi natin dapat hatulan?

Pagpartner-partnerin o hatiin sa mga grupo ang klase. Magtalaga sa bawat magkapartner o grupo ng isang tanong na tatalakayin at anyayahan silang ilista sa pisara ang ilan sa kanilang mga sagot.

Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Mateo 7:1–2 at pag-isipan ang kahulugan ng mga turo ng Tagapagligtas. Ipaalala sa mga estudyante na ang mga banal na kasulatan ng Panunumbalik ay kadalasang makatutulong na linawin ang mga turo sa Biblia. Sabihin sa mga estudyante na magpraktis gamit ang mga banal na kasulatan ng Panunumbalik upang mas maunawaan ang Mateo 7:1–2. Kung kinakailangan, ituro ang mga estudyante sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 7:1–2 (Gospel Library) at sa Alma 41:14–15.

  • Anong mga karagdagang kaalaman ang natatamo natin mula sa mga scripture passage na ito ng Panunumbalik?

  • Ano ang iniutos ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo na ituro sa mga tao? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang mga katotohanan na tulad ng sumusunod: Kung iiwasan natin ang paghatol nang hindi makatarungan, bibigyan din tayo ng Diyos ng awa at katarungan. Inuutos sa atin na gumawa ng makatarungang paghatol.)

  • Ano ang ilang halimbawa ng hindi makatarungang paghatol na maaaring nagagawa natin? Paano tayo naaapektuhan at ang iba kapag humahatol tayo nang hindi makatarungan?

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral

Alamin ang ibig sabihin ng mahihirap na salita at parirala. Habang pinag-aaralan ng mga estudyante ang mga banal na kasulatan, maaaring makakita sila ng mga salita at parirala na hindi pamilyar o mahirap maunawaan. Matutulungan mo ang mga estudyante na maunawaan ang mahihirap na salita o parirala sa mga banal na kasulatan sa pamamagitan ng pagsasabi sa kanila na tingnan ang mga diksyunaryo, manwal ng estudyante, mga footnote, at mga tulong sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan.

Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang pagkakaiba ng makatarungan at hindi makatarungang paghatol, maaari kang magpakita ng makapal na piraso ng kahoy (troso) at ng isang maliit na tinik o speck (puwing). O maaari mong ipakita ang mga sumusunod na larawan ng isang troso at puwing. (Paalala: Ang pagbanggit ng Tagapagligtas sa troso at puwing ay isang halimbawa ng hyperbole, isang tayutay na gumagamit ng eksaherasyon para mabigyang-diin ang isang bagay na mahalaga.)

troso
puwing

Ipabasa sa mga estudyante ang Mateo 7:3–5 at ipahanap sa kanila ang mensahe ng Panginoon tungkol sa paghatol.

  • Ano sa palagay ninyo ang itinuturo sa atin ng analohiya ng Tagapagligtas tungkol sa paghatol?

Maaari ninyong basahin at talakayin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Dieter F Uchtdorf, na noon ay nasa Unang Panguluhan:

Pangulong Dieter F. Uchtdorf

Ang pagpansin na ito sa mga tahilan [o troso] at puwing ay tila may kaugnayan sa kawalan natin ng kakayahan na makitang mabuti ang ating sarili. Hindi ko tiyak kung bakit nasusuri at nalulunasan natin ang mga kahinaan ng iba, samantalang madalas ay hirap tayong makita ang sarili nating kahinaan. (“Ako Baga, Panginoon?,” Liahona, Nob. 2014, 56)

Sabihin sa mga estudyante na rebyuhin ang mga bagay na dapat nating hatulan at huwag hatulan na inilista nila sa pisara at talakayin nang maikli ang anumang pagbabagong maaaring gawin nila.

Tulungan ang mga estudyante na patuloy na pag-isipan kung ano ang ibig sabihin ng humatol nang makatarungan. Maaari mong gawin ito sa pamamagitan ng pag-anyaya sa kanila na pag-aralan ang pahayag ni Pangulong Dallin H. Oaks na matatagpuan sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan sa ilalim ng pamagat na “Mateo 7:1. Ano ang ibig sabihin ng ‘huwag humatol’?” Sabihin sa mga estudyante na maaari nilang markahan ang anumang pariralang makatutulong sa kanila.

Anyayahan ang mga estudyante na gumawa ng sarili nilang simpleng pahayag kung paano nila nais na ipamuhay nang mas mabuti ang alituntunin ng makatarungang paghatol. Maaari mo silang hikayatin na ilagay ang kanilang pahayag, pati na ang anumang makatutulong sa kanila, sa kanilang device, salamin, o sa isang papel na maaari nilang dalhin sa kanilang bulsa bilang paalala sa araw-araw.

Balikan ang “Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral.”

Mateo 7:13–29

Paano ako mas mahusay na kikilos ayon sa mga katotohanang natututuhan ko mula sa Tagapagligtas?

Isiping magdispley ng ilang prutas o ipakita ang kalakip na mga larawan ng prutas. Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi kung paano nila matutukoy ang pagkakaiba ng sariwa at bulok na prutas.

prutas na may amag
prutas

Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Mateo 7:15–20, na inaalam ang katotohanang itinuro ng Tagapagligtas gamit ang analohiya ng bunga.

  • Paano tayo tinuruan ng Tagapagligtas na protektahan ang ating sarili mula sa mga taong tila hindi nakapipinsala (mga tupa) ngunit sa katunayan ay mapanganib (mga lobo)? (Kung kinakailangan, ipaliwanag na ang “mga bunga” ay maaaring kumatawan sa mga turo, kilos, at ideya ng isang tao.)

  • Paano nakatutulong sa atin ang mga bunga ng isang tao na malaman kung sino siya talaga? (Itinuro ni Pangulong M. Russell Ballard na ang mga bunga “ay mga resulta” na dulot ng “uri ng pamumuhay” [“Pananampalataya, Pamilya, mga Katotohanan, at mga Bunga,” Liahona, Nob. 2007, 26].)

  • Paano maiaangkop ang katotohanang ito sa ating mga pakikipagkaibigan, sa paghahanap natin ng mapapangasawa, sa ating trabaho, resources sa internet, o social media?

Ipaliwanag na ang pagkakaroon ng mabuting bunga ay hindi lamang nangangailangan ng pagbanggit natin ng tungkol sa ebanghelyo kundi pagpapamuhay rin nito (tingnan sa Mateo 7:21–23; Lucas 6:46). Ipabasa sa mga estudyante ang Mateo 7:21, 24–27 at ipabahagi ang nalaman nila. Maaari mong isulat sa pisara ang mga sinabi nila. (Maaaring ibahagi ng mga estudyante ang mga katotohanan na tulad ng sumusunod: Itinatayo natin ang ating saligan kay Jesucristo kapag kapwa natin pinakikinggan at ginagawa ang iniuutos Niya. Ang pagtatayo sa bato ni Cristo ay nagtutulot sa atin na mapaglabanan ang mga unos ng buhay at makapasok sa Kanyang kaharian.)

  • Paano makatutulong sa inyo ang pakikinig at pamumuhay ng mga turo ng Panginoon para magawa ninyong saligan si Cristo?

  • Paano ninyo mapagbubuti hindi lamang ang inyong pagdinig o pag-alam sa nais ng Panginoon na gawin ninyo kundi pati na rin ang taos-pusong pagkilos ayon sa kaalamang iyan? (Maaari mong bigyan ng oras ang mga estudyante na magsulat ng isang bagay na mas mapagbubuti nila.)

  • Paano makatutulong sa inyo ang pagtatayo sa bato ni Cristo para makayanan ang mga unos ng buhay? (Maaari mong ipabasa sa mga estudyante ang Helaman 5:12 at ipanood ang “Mga Espirituwal na Buhawi” [2:25].)

2:25

Balikan ang “Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral.”