“Mga Gawa 10–15,” Manwal ng Titser sa Institute para sa Bagong Tipan (2025)
Mga Gawa 10–15
Nahikayat sa kanyang karanasan sa isang Gentil na nagngangalang Cornelio, tumanggap si Pedro ng isang paghahayag na nag-utos sa kanya na tanggapin ang mga Gentil sa Simbahan. Ang pangitaing ito ay nauna sa unang paglalakbay ni Pablo bilang missionary na “binuksan … para sa mga [G]entil ang pinto ng pananampalataya” (Mga Gawa 14:27). Nagkaroon ng pagtatalu-talo ang mga Banal nang dumami ang mga convert na Gentil. Iginiit ng ilang Judiong Kristiyano na kailangang tuliin ang mga convert na Gentil para maligtas. Itinuro ng iba na ang kaligtasan ay dumarating sa pamamagitan ni Jesucristo at hindi sa pamamagitan ng pagtutuli o pagsunod sa batas ni Moises. Ang pagtatalong ito ang naging tuon ng isang kumperensya ng mga pinuno ng Simbahan sa Jerusalem.
Karagdagang Resources
Scripture Helps: New Testament [Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan], “Acts 10–15 [Mga Gawa 10–15]”
Ang “Pambungad sa Kurso” ay nagbibigay ng patnubay kung paano gamitin ang apat na sumusunod na pamantayang elemento ng lesson.
Paghihikayat ng Personal na Pag-aaral
Bago magklase, isiping magpadala sa mga estudyante ng isa o mahigit pa sa sumusunod na mga mensahe o ng ilan sa sarili mong mga mensahe:
-
Naisip mo na ba kung bakit nagbabago ang mga patakaran ng Simbahan? Sa pag-aaral mo ng Mga Gawa 10 at 15, ano ang natutuhan mo tungkol sa paraan ng paggabay ng Panginoon sa Kanyang Simbahan?
-
Nadarama ng ilang miyembro ng Simbahan na tila hindi sila kabilang o angkop dito. Nadama mo na ba ang ganito o may kilala ka ba na nakadama ng ganito? Isipin ang natutuhan mo mula sa Mga Gawa 10 tungkol sa pagtanggap sa lahat ng tao.
-
Naranasan mo na ba na salungatin sa iyong pagsisikap na ipamuhay at ibahagi ang ebanghelyo? Ano ang natutuhan mo sa Mga Gawa 12–14 tungkol sa pagharap sa oposisyon nang may pananampalataya kay Jesucristo?
Mga Tanong at Pagbabahagi
Bigyan ng oras ang mga estudyante na magtanong at magbahagi ng mga kabatiran at katotohanang natuklasan nila sa kanilang personal na pag-aaral ng Mga Gawa 10–15.
Pagsasanay sa Kasanayan
Ang Mga Gawa 10 at 15 ay maaaring magandang paggamitan ng kasanayang “Understanding the Scriptures in Context” sa Scripture Study Skills.
Mga Opsyon sa Aktibidad sa Pag-aaral
Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral
Maging flexible sa pagsasanay ng mga kasanayan sa pag-aaral ng banal na kasulatan. Kabilang sa mga aktibidad sa pag-aaral ng bawat lesson ang mga mungkahi para sa mga estudyante na matuto, magrebyu, o magsanay ng mga partikular na kasanayan sa pag-aaral ng banal na kasulatan. Huwag mag-atubiling gamitin ang mga mungkahing ito o magsanay ng iba pang mga kasanayan, depende sa mga pangangailangan ng iyong mga estudyante. Tandaan na isa sa mga pangunahing layunin ng kursong ito ay tulungan ang mga estudyante na mapahusay ang kanilang kakayahan na maunawaan ang mga banal na kasulatan.
Mga Gawa 10–11
Paano ko matutulungan ang mga tao mula sa iba’t ibang kultura at pinagmulan na madama na mas tinatanggap sila sa Simbahan ng Panginoon?
Ipakita ang sumusunod na pahayag: “Hindi ako nababagay sa mga tao sa Simbahan ninyo.”
-
Bakit maaaring ganito ang nadarama ng isang tao?
Ipaliwanag na sa aktibidad na ito sa pag-aaral, matututuhan ng mga estudyante mula sa karanasan nina Cornelio at Pedro ang kahalagahan ng pagtanggap at pagsuporta sa mga taong mula sa iba’t ibang kultura at pinagmulan.
Isulat ang pangalang Cornelio sa pisara. Anyayahan ang mga estudyante na alamin ang lahat ng kaya nilang malaman tungkol kay Cornelio sa pamamagitan ng pagbasa sa Mga Gawa 10:1–8 at “Mga Gawa 10:1–8. What was important about Cornelius’s conversion to Christianity? [Ano ang mahalaga tungkol sa pagbabalik-loob ni Cornelio sa Kristiyanismo?]” sa Scripture Helps: New Testament [Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan].
-
Ano kayang mga hadlang sa kultura ang naranasan ni Cornelio nang hangarin niyang magbalik-loob sa Kristiyanismo?
Ipaliwanag na nagkaroon ng pangitain si Pedro na tumulong na ihanda ang daan para maging lubos na kabahagi ng Simbahan ng Tagapagligtas ang mga convert na Gentil na tulad ni Cornelio. Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang pangitain ni Pedro, bigyan sila ng handout na “Pag-unawa sa Pangitain ni Pedro.” Maaaring makipagtulungan ang mga estudyante sa isang partner o sa maliliit na grupo.
Matapos maglaan ng oras para sa pag-aaral at talakayan, anyayahan ang mga estudyante na ibahagi kung paano nila sinagot ang mga tanong sa handout. Tiyaking matukoy nila ang isang katotohanang tulad ng sumusunod mula sa Mga Gawa 10:34–35: Dahil ang Diyos ay walang kinikilingan, nag-aalok Siya ng kaligtasan sa lahat ng Kanyang mga anak. Para mapalalim ng mga estudyante ang kanilang pag-unawa sa katotohanang ito, isiping itanong ang mga sumusunod:
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng walang kinikilingan ang Diyos? (Maaari mong basahin ang 2 Nephi 26:33.)
-
Anong mga katangian ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ang inilalarawan ng katotohanang ito? Paano nakakaimpluwensya ang mga katangiang ito sa damdamin ninyo para sa Kanila?
-
Paano makakaimpluwensya ang pagkaalam sa katotohanang ito sa pagtrato ninyo sa mga taong iba-iba ang kultura at pinagmulan?
Isiping basahin at talakayin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, na miyembro noon ng Unang Panguluhan:
“Maaaring sabihin ng ilan, ‘Hindi ako nababagay sa mga tao sa Simbahan ninyo.’ …
Ang inyong pinagmulan o kinalakhan ay maaaring iba sa nakikita ninyo sa maraming Banal sa mga Huling Araw, ngunit iyan ay maaaring maging pagpapala. Mga kapatid, mahal naming mga kaibigan, kailangan namin ang natatangi ninyong talento at pananaw. Ang pagkakaiba-iba ng mga indibiduwal at grupo sa iba’t ibang panig ng mundo ay lakas ng Simbahang ito. (“Halina, Sumama sa Amin,” Liahona, Nob. 2013, 23)
Maaari mong ipabahagi sa mga estudyante ang mga pagkakataon na sila o ang ibang tao na iba ang kultura o pinagmulan ay malugod na tinanggap sa Simbahan ng Panginoon.
Ipakita ang sumusunod na tanong, at anyayahan ang mga estudyante na pagnilayan at itala ang kanilang mga naiisip at nadarama:
-
Ano ang maaari kong gawin para mas matanggap at masuportahan ang mga taong iba-iba ang kultura at pinagmulan?
Kung sa palagay mo ay makakatulong ito, maaaring panoorin ng klase ang “Is There a Place for Me?” (3:59).
Mga Gawa 10; 15
Paano ko mapapalakas ang tiwala ko na ginagabayan ng Panginoon ang Kanyang Simbahan?
Maaari kang magsimula sa pagbabahagi ng sumusunod na pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson:
“Dahil patuloy ang Pagpapanumbalik, tiyak na magpapatuloy ang mga pagbabago sa patakaran.” (“The Love and Laws of God” [Brigham Young University devotional, Set. 17, 2019], 4, speeches.byu.edu)
Bilang bahagi ng patuloy na Pagpapanumbalik, kung minsa’y nagpapahayag ng mga pagbabago sa Simbahan ang mga pinuno ng Simbahan ng Panginoon. Bilang klase, mag-isip ng ilang halimbawa ng mga pagbabagong ito kamakailan, tulad ng mga pagbabago sa gawi o patakaran ng Simbahan.
-
Bakit kaya nahihirapan ang ilang miyembro kapag may mga pagbabago sa Simbahan?
Ipaliwanag na sa Mga Gawa 10, nagkaroon ng isang pangitain si Pedro mula sa Panginoon na naghanda ng daan para sa isang malaking pagbabago sa Simbahan tungkol sa mga Gentil. Para maipaunawa sa mga estudyante kung paano nangyari ang pagbabago, bigyan sila ng handout na “Maaari bang Maging Bahagi ng Simbahan ng Tagapagligtas ang mga Gentil?” Bago simulan ng mga estudyante ang handout, maaari mong rebyuhin nang bahagya ang kasanayang “Understanding the Scriptures in Context” sa Scripture Study Skills.
Matapos magkaroon ng oras ang mga grupo na talakayin kung paano nangyari ang pagbabago, isiping itanong ang mga sumusunod:
-
Anong katotohanan ang inihayag ng Panginoon kay Pedro na naghanda ng daan para sa isang pagbabago tungkol sa mga Gentil? (Maaari mong bigyang-diin ang Mga Gawa 10:34–35.)
-
Ano ang maaaring ituro sa atin ng salaysay na ito kung paano ginagabayan ng Panginoon ang Kanyang Simbahan? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang isang katotohanang tulad ng sumusunod: Pinamamahalaan ni Jesucristo ang Kanyang Simbahan sa paghahayag sa pamamagitan ng mga buhay na propeta.)
-
Bakit mahalaga na magtamo ang bawat isa sa atin ng ating sariling patotoo na ang Simbahan ng Tagapagligtas ay pinamumunuan sa pamamagitan ng patuloy na paghahayag? (Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na magbahagi ng mga personal na karanasan kung paano sila nagkaroon ng tiwala na ang Simbahan ni Jesucristo ay pinamumunuan sa pamamagitan ng paghahayag.)
Ituro na kahit natanggap na ni Pedro ang paghahayag na nag-uutos sa kanya na tanggapin ang mga Gentil sa Simbahan, nahirapan ang ilang miyembro na tanggapin ang pagbabagong ito (tingnan sa Mga Gawa 15:1–5). Isang kapulungan sa Simbahan ang idinaos para tugunan ang mga alalahaning ito (tingnan sa Mga Gawa 15:6–31). Kahit matapos magbigay ng karagdagang paglilinaw, tinutulan pa rin ng ilang miyembro ang pagbabagong ito (tingnan sa Galacia 5:2–10; 6:13).
Anyayahan ang mga estudyante na pumili ng isang turo, gawi, o patakaran ng Simbahan na nahihirapan sila o ang isang kakilala nila na tanggapin. Pagkatapos ay bigyan ng handout ang mga estudyante at anyayahan silang isipin kung paano magagamit ang mga hakbang sa handout na ito sa sitwasyong iniisip nila.
Mga Gawa 12–14
Paano ko maisasagawa ang gawain ng Tagapagligtas kapag nahaharap sa oposisyon?
Anyayahan ang mga estudyante na magbahagi ng mga halimbawa kung paanong sila o ang isang kakilala nila ay nakaranas ng oposisyon habang sinisikap nilang ibahagi ang ebanghelyo. Pagkatapos ay maaari mong isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Kapag sumampalataya tayo kay Jesucristo, tatanggap tayo ng lakas na gawin ang Kanyang gawain.
Isulat sa pisara ang sumusunod na mga sipi. Anyayahan ang mga estudyante na pumili ng isang sipi at basahin iyon, na hinahanap ang mga sumusunod tungkol sa mga tao sa salaysay: (1) ang oposisyong naranasan nila, (2) paano sila sumampalataya kay Jesucristo, at (3) paano sila pinalakas ng Tagapagligtas.
-
Ibinilanggo si Pedro: Mga Gawa 12:1–11
-
Hinarap nina Pablo at Bernabe ang isang salamangkero: Mga Gawa 13:1–13
-
Buong katapangang nagsalita sina Pablo at Bernabe: Mga Gawa 13:42–52
-
Nag-udyok ng oposisyon ang hindi nananampalatayang mga Judio: Mga Gawa 14:1–7
-
Binato ng ilang Judio mula sa Antioquia at Iconio si Pablo: Mga Gawa 14:19–28
Matapos bigyan ng oras ang mga estudyante na pag-aralan ang napili nilang sipi, anyayahan silang bumuo ng maliliit na grupo kasama ang mga nag-aral ng ibang sipi at ibahagi ang natutuhan nila.
Isiping sama-samang basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Jeffrey R. Holland o panoorin ang “Defend Your Beliefs” (0:57):
Maging matatag. Tapat na ipamuhay ang ebanghelyo kahit hindi ito ginagawa ng ibang nasa paligid ninyo. Ipagtanggol ang inyong mga paniniwala nang may paggalang at habag, ngunit ipagtanggol pa rin ito. … Sa matapang na pagtahak sa gayong landas, makasusumpong kayo ng matatag na pananampalataya, kaligtasan laban sa malalakas na hangin, maging mga palaso sa buhawi, at mararamdaman ninyo ang matinding lakas ng ating Manunubos kung saan kung magiging tapat kayo bilang disipulo, kayo ay hindi maaaring bumagsak. (“Ang Halaga—at mga Pagpapala—ng Pagkadisipulo,” Liahona, Mayo 2014, 9)
Maaaring magbahagi ng mga halimbawa ang mga estudyante kung paano sila natulungan ng Tagapagligtas o ang isang taong kilala nila na ipagtanggol ang kanilang mga paniniwala nang may tapang at habag. Maaaring ito ay mga karanasan nila sa social media, bilang missionary, o sa pakikipag-usap nang harapan sa mga katrabaho, kaibigan, o kapamilya.
Anyayahan ang mga estudyante na pagnilayan at itala kung paano sila maaaring mas manampalataya sa Tagapagligtas kapag naharap sila sa oposisyon.