“Mga Gawa 6–9,” Manwal ng Titser sa Institute para sa Bagong Tipan (2025)
Mga Gawa 6–9
Tumawag ang mga Apostol ng pitong lalaki para tulungan sila sa gawain ng Panginoon. Si Esteban, na isa sa pitong lalaking ito, ay pinatay dahil sa kanyang patotoo kay Jesucristo. Sina Pedro, Juan, at Felipe ay naglingkod, nangaral, at nagsagawa ng mga himala. Si Saulo ay inusig ang Simbahan. Nagpakita si Jesus kay Saulo, at siya ay naging isang matapat na disipulo at walang-pagod na missionary.
Karagdagang Resources
Scripture Helps: New Testament, “Acts 6–9 [Mga Gawa 6–9]”
Ang “Pambungad sa Kurso” ay nagbibigay ng patnubay kung paano gamitin ang apat na sumusunod na pamantayang elemento ng lesson.
Paghihikayat ng Personal na Pag-aaral
Bago magklase, isiping magpadala sa mga estudyante ng isa o mahigit pa sa sumusunod na mga mensahe o ng ilan sa sarili mong mga mensahe:
-
Habang nagbabasa ka tungkol sa karanasan ni Esteban (tingnan sa Mga Gawa 7:51–60), pag-isipan mo kung paano ka tumugon sa mga turo ng mga pinuno ng Simbahan na maaaring mahirap pakinggan.
-
Nadarama mo ba na parang nakabilanggo ka sa mga dati mong pagkakamali? Isipin kung paano ka maaaring turuan ng karanasan ni Pablo sa daan papuntang Damasco sa Mga Gawa 9:1–22 na makasumpong ng kalayaan mula sa mga dati mong pagkakamali.
-
Paano mo mas maa-access ang kapangyarihan ng Diyos? Isipin ang natututuhan mo habang pinag-aaralan mo ang Mga Gawa 8:9–24, 27–40; 9:32–43.
Mga Tanong at Pagbabahagi
Bigyan ng oras ang mga estudyante na magtanong at magbahagi ng mga kabatiran at katotohanang natuklasan nila sa kanilang personal na pag-aaral ng Mga Gawa 6–9.
Training sa Kasanayan
Ang Mga Gawa 6:8–15; 7:51–60 ay magandang paggamitan ng kasanayang “Understanding the Scriptures in Context” sa Scripture Study Skills.
Mga Opsyon sa Aktibidad sa Pag-aaral
Maraming inilaang opsyon sa pag-aaral para sa iyo at sa iyong mga estudyante. Mapanalanging piliin kung aling opsyon o mga opsyon ang magiging pinakamakabuluhan para sa klase mo.
Mga Gawa 6–7
Paano ako magiging mas handang tanggapin ang impluwensya ng Espiritu Santo?
Anyayahan ang mga estudyante na mag-isip ng isang mensahe mula sa propeta na nakita nila na mahirap tanggapin sa una. Ipakita ang mga sumusunod na sagot, at anyayahan ang mga estudyante na piliin ang pinakatugma sa nadama nila.
-
Handa akong tanggapin ang mensahe.
-
Nakaramdam ako ng pagtutol sa mensahe.
-
Nakaramdam ako ng galit at pagtutol sa mensahe.
Ipaliwanag na sa Mga Gawa 6–7, nalaman natin ang tungkol sa isang lider ng Simbahan na nagngangalang Esteban. Nagbigay siya ng isang sermon na hindi nagustuhan ng ilang pinunong Judio. Habang pinag-aaralan ng mga estudyante ang salaysay na ito, anyayahan silang pag-isipan kung ano ang maaari nilang matutuhan mula kay Esteban at sa mga pinunong Judio.
Ipakita ang mga sumusunod na tanong at resources. Anyayahan ang mga estudyante na pag-aralan ang mga sipi upang mas maunawaan nila ang konteksto at nilalaman ng mensahe ni Esteban (tingnan ang kasanayang “Understanding the Scriptures in Context” sa Scripture Study Skills).
-
Ano ang alam natin tungkol sa tungkulin ni Esteban sa Simbahan? (Basahin ang Mga Gawa 6:1-8.)
-
Ano ang alam natin tungkol sa mga taong tinuruan ni Esteban? (Basahin ang Mga Gawa 6:9–15.)
-
Basahin ang “Acts 7:1–53 [Mga Gawa 7:1–53]. How did Stephen use biblical history to defend himself? [Paano ginamit ni Esteban ang kasaysayan sa Biblia para ipagtanggol ang kanyang sarili?]” sa Scripture Helps: New Testament [Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan].
Matapos magbigay ng oras para mag-aral, anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang natutuhan nila tungkol kay Esteban, sa kanyang mga tagapakinig, at sa kanyang mensahe.
Sama-samang basahin ang Mga Gawa 7:51–60 o panoorin ang “The Martyrdom of Stephen” (mula sa time code na 3:00 hanggang 5:43). Maaari mong itanong ang isa o mahigit pa sa sumusunod na mga tanong:
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng labanan ang Espiritu Santo?
-
Ano ang nangyari sa mga tao noong nilabanan nila ang Espiritu Santo? (Ipaunawa sa mga estudyante na kapag nilalabanan natin ang Espiritu Santo, mas malamang na tanggihan natin ang Panginoon at ang Kanyang mga awtorisadong lingkod.)
-
Ano ang nangyari kay Esteban nang tanggapin niya sa kanyang puso ang Espiritu Santo? (Ipaunawa sa mga estudyante na kapag tinanggap natin ang Espiritu Santo, mas napapalapit tayo kay Jesucristo at sa Ama sa Langit.)
-
Ano ang ilang halimbawa kung paano natin nilalabanan ang Espiritu Santo sa ating panahon?
Anyayahan ang mga estudyante na mag-isip ng isang pagkakataon na natukso silang labanan ang Espiritu Santo. Pagkatapos ay maaari nilang ihambing ang karanasang ito sa isang pagkakataon na tinanggap nila sa kanilang puso ang Espiritu Santo. Habang ikinukumpara ng mga estudyante ang mga karanasang ito, ipatala sa kanila ang mga salita o parirala na inilalarawan ang pagkakaiba. Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga kabatiran. Para makatulong sa talakayang ito, maaari ninyong panoorin ang “Feeling the Holy Ghost” (3:17).
Maaari mong tapusin ang aktibidad sa pag-aaral sa sama-samang pagbabasa sa sumusunod na pahayag ni Elder Ronald A. Rasband:
Alam ng ating Ama sa Langit na mahaharap tayo sa mga pagsubok, paghihirap, at kaguluhan sa mortalidad; alam Niyang mahihirapan tayong paglabanan ang mga pag-aalinlangan, kabiguan, tukso, at kahinaan. Upang mabigyan tayo ng lakas sa buhay at banal na patnubay, ibinigay Niya ang Banal na Espiritu, isa pang pangalan ng Espiritu Santo.
Ang Espiritu Santo ang nagbibigkis sa atin sa Panginoon. Ayon sa banal na pagtatalaga, Siya ay nagbibigay-inspirasyon, nagpapatotoo, nagtuturo, at naghihikayat sa atin na lumakad sa liwanag ng Panginoon. (“Hayaang Patnubayan ng Espiritu Santo,” Liahona, Mayo 2017, 93)
Bigyan ng oras ang mga estudyante na pagnilayan at itala kung ano ang magagawa nila para maging mas handang tanggapin ang impluwensya ng Espiritu Santo.
Mga Gawa 7:58; 8:1–4; 9:1–31
Ano ang nakikita ng Tagapagligtas sa akin?
Maaari mong simulan ang aktibidad sa pagpapakita ng sumusunod na mga larawan at pahayag:
“Sa ginawang pagpapalaki sa akin, hindi ko tiyak kung marami akong maiaambag sa Simbahan ng Panginoon.”
“Gusto kong magmisyon, pero dahil sa kakaibang personalidad ko hindi ko tiyak kung talagang ako ay magiging ang uri ng missionary na hinahanap ng Simbahan.”
“Napakarami kong nagawang pagkakamali sa loob ng napakaraming taon. Paano pa ako tatanggapin ng Diyos?”
-
Anong karaniwang problema ang nakikita ninyo sa mga pagsusuring ito sa sarili?
Hikayatin ang mga estudyante na pagnilayan ang mga pahayag na ito habang mas marami pa silang nalalaman tungkol kay Saulo.
Anyayahan ang mga estudyante na basahin ang Mga Gawa 8:1–4; 9:1–2 at itala ang isang maikling talambuhay ni Saulo batay sa mga talatang ito. Ipabasa sa ilang estudyante ang kanilang isinulat.
-
Kung ito lang ang alam ninyo tungkol kay Saulo, anong klaseng tao ang magiging turing ninyo sa kanya? Ano ang madarama ninyo kung magpakita siya sa bahay ninyo o sa inyong sacrament meeting?
Anyayahan ang mga estudyante na basahin ang Mga Gawa 9:3–22 o panoorin ang “The Road to Damascus” (5:23), na inaalam kung ano ang itinuturo sa atin ng karanasang ito tungkol kay Saulo at sa Panginoon. Matapos basahin ang mga talatang ito o panoorin ang video, maaari mong bigyan ng oras ang mga estudyante na talakayin ang natutuhan nila. Maaari nilang matukoy ang mga katotohanang tulad ng mga sumusunod: Nakikita ni Jesucristo ang ating potensyal para sa kabutihan at binibigyan tayo ng mga oportunidad na magbago. Sa kabila ng ating nakaraan, maaari nating piliin na baguhin tayo ni Jesucristo at maging kasangkapan sa Kanyang mga kamay.
Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral
Tulungan ang mga mag-aaral na madama ang pagmamahal, kapangyarihan, at awa ng Panginoon sa kanilang buhay. Makabubuting malaman ang tungkol sa pagmamahal, kapangyarihan, at awa ng Tagapagligtas, ngunit kinakailangan din nating maranasan ito. Maghanap ng mga oportunidad na tulungan ang mga estudyante na maalala kung kailan nila naranasan ang pagmamahal, kapangyarihan, at awa ni Jesucristo. Kung sa pakiramdam ng mga estudyante ay hindi nila naranasan ang mga bagay na ito, anyayahan silang ipagdasal na magkaroon ng gayong mga karanasan.
Maaari mong ipakita ang sumusunod na mga tanong. Anyayahan ang mga estudyante na pagnilayan at itala ang kanilang mga sagot tungkol sa mga tanong na pinaka-akma sa kanila:
-
Ano ang maaaring makita ni Jesucristo sa inyo na hindi nakikita ng iba? Paano ninyo malalaman kung ano ang nakikita Niya sa inyo? (Maaari ninyong panoorin ang “Our True Identity” [3:39].)
3:44 -
Paano kayo maaaring mapigilan ng mga dati ninyong pagkakamali o kasalanan? Anong mga pagpili ang magagawa ninyo para mapalaya kayo ng Panginoon sa inyong nakaraan?
-
Sino kaya ang napipigilan ninyo dahil ang nakikita lamang ninyo sa kanila ay ang mga dati nilang pagkakamali? Paano mababago ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ang tingin ninyo sa inyong sarili at sa iba?
Isiping sama-samang basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Kevin S. Hamilton. Anyayahan ang mga estudyante na magbahagi ng mga halimbawa ng mga tao na sa kabila ng mga dating pagkakamali ay naging matatapat na disipulo ni Jesucristo. Hikayatin ang mga estudyante na mag-isip ng isang tao (maaaring ang sarili nila mismo) na pagsisikapan nilang tingnan nang mas malinaw ayon sa paningin ng Tagapagligtas. O maaari ninyong panoorin ang “His Grace—Am I Beyond Saving?” (6:25).
Isinagawa ng Tagapagligtas ang Kanyang walang katapusan at walang hanggang Pagbabayad-sala upang tayo ay talagang magbago, magsisi, at maging mas mabuti. … Bilang mga anak ng mapagmahal na Ama sa Langit, nasa atin ang kakayahang magbago.
Ang mga banal na kasulatan ay puno ng mga halimbawa ng kalalakihan at kababaihan na nagbago.
Si Saulo, isang Fariseo at aktibong tagausig noon ng simbahang Kristiyano, ay naging si Pablo, na Apostol ng Panginoong Jesucristo. (“Sa Gayon ay Gagawin Ko ang Mahihinang Bagay na Maging Malalakas,” Liahona, Mayo 2022, 52)
Mga Gawa 8:9–24, 27–40; 9:32–43
Paano ko mas maa-access ang kapangyarihan ng Diyos?
Isiping idispley ang sumusunod o katulad na mga pahayag:
-
“Hindi ako madalas magbahagi ng aking mga paniniwala dahil hindi talaga ako mahusay magsalita tungkol sa aking pananampalataya.”
-
“Iniiwasan kong magbigay ng mga priesthood blessing dahil nag-aalala ako na baka hindi ko masabi ang mga tamang bagay.”
-
“Hindi ko tinanggap ang isang calling dahil sa pakiramdam ko ay wala akong kakayahang gawin iyon nang maayos.”
-
Ano ang iba pang mga paraan na wala tayong tiwala o pakiramdam natin ay wala tayong kakayahang gawin ang gawain ng Diyos?
Idispley ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson o panoorin ang “Increase Our Access to His Power” (0:29).
Kung mapagpakumbaba tayong lalapit sa Panginoon at hihiling sa Kanya na turuan tayo, ipapakita Niya sa atin kung paano natin higit na matatamo ang Kanyang kapangyarihan. (“Ang Halaga ng Kapangyarihan ng Priesthood,” Liahona, Mayo 2016, 69)
Ipaliwanag na sa Mga Gawa 8 at 9, may tatlong salaysay na maaaring magturo sa atin tungkol sa pag-access sa kapangyarihan ng Diyos. Anyayahan ang mga estudyante na basahin ang isa o mahigit pa sa mga salaysay na ito, na inaalam ang mga alituntunin tungkol sa pag-access sa kapangyarihan ng Diyos.
-
Mga Gawa 8:9–24: Tinangka ni Simon na bilhin ang kapangyarihan ng priesthood.
-
Mga Gawa 8:27–40: Tinuruan at bininyagan ni Felipe ang isang opisyal na taga-Etiopia.
-
Mga Gawa 9:32–43: Pinagaling ni Pedro ang isang lalaki at muling binuhay si Tabita.
Matapos magbigay ng sapat na oras para mag-aral, anyayahan ang mga estudyante na ibahagi kung ano ang nalaman nila. Maaari silang magbahagi ng mga katotohanang tulad ng sumusunod: Hindi natin magagamit ang makamundong paraan para ma-access ang kapangyarihan ng Diyos. Dinaragdagan natin ang ating kapangyarihan na magawa ang gawain ng Diyos kapag mabilis tayong tumutugon sa mga pahiwatig ng Espiritu Santo. Dinaragdagan natin ang ating access sa kapangyarihan ng Diyos kapag nagturo tayo tungkol kay Jesucristo mula sa mga banal na kasulatan. Kapag lumuhod tayo sa harap ng Diyos sa mapagpakumbabang panalangin, mas lalo nating naa-access ang Kanyang kapangyarihan.
Kapag ibinabahagi ng mga estudyante ang mga katotohanang natuklasan nila, maaari mo silang tanungin ng mga follow-up na tanong na batay sa kanilang karanasan. Halimbawa, maaari mong itanong ang sumusunod:
-
Kailan ninyo nakitang umepekto ang katotohanang ito sa inyong buhay o sa buhay ng isang kakilala ninyo?
Para matulungan ang mga estudyante na madama ang katotohanan at kahalagahan ng kanilang natututuhan, maaari mong ipakitang muli ang pahayag ni Pangulong Nelson. Anyayahan ang mga estudyante na mapagpakumbabang itanong sa Panginoon kung ano kaya ang nais Niyang ituro sa kanila kung paano nila mas maa-access ang Kanyang kapangyarihan.
Para matulungan ang mga estudyante na maipamuhay ang kanilang natututuhan at nadarama, anyayahan silang isipin kung paano nila maituturo ang natutuhan nila sa iba pa sa klase. Halimbawa, ang mga estudyante ay maaaring lumikha ng isang meme, magbahagi ng personal na karanasan, maghanap ng kaugnay na sipi, o gumamit ng iba pang pamamaraan sa pagtuturo. Pagkatapos ng oras nilang maghanda, anyayahan ang mga estudyante na ibahagi sa isang kapartner ang natutuhan nila tungkol sa pag-access sa kapangyarihan ng Diyos sa kanilang buhay.
Isiping anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang kanilang mensahe sa isang tao sa labas ng klase, tulad sa kaibigan, kapamilya, o isang taong pinaglilingkuran nila. Maaari nilang ibahagi ang mensaheng ito nang personal o sa social media.