“1 Corinto 8–13,” Manwal ng Guro ng Institute para sa Bagong Tipan (2025)
Portrait of Christ, the Savior [Larawan ni Cristo na Tagapagligtas], ni Heinrich Hofmann
1 Corinto 8–13
Sa mga kabanatang ito, nagsalita si Pablo sa pagkain ng karne na inihandog sa mga diyus-diyusan ng mga pagano, pagdisiplina sa sarili, pagdaig sa tukso, at mga pamantayan sa pananamit at pag-aayos. Binanggit din niya ang ibig sabihin ng marapat na pagtanggap ng sakramento. Ipinaliwanag ni Pablo ang papel na ginagampanan ng mga espirituwal na kaloob at ang kahalagahan ng pag-ibig sa kapwa-tao, ang dalisay na pag-ibig ni Jesucristo.
Karagdagang Resources
Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan, “1 Corinto 8–13”
Paalala: Ang “Pambungad sa Kurso” ay nagbibigay ng gabay kung paano gamitin ang sumusunod na apat na pamantayang elemento ng lesson.
Paghihikayat ng Personal na Pag-aaral
Bago magklase, maaari mong ipadala sa mga estudyante ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod na mensahe o ang ilan sa sarili mong mga mensahe:
-
Habang binabasa mo ang 1 Corinto 10:1–14, hanapin ang mga katotohanang makatutulong sa iyo na labanan ang tukso. Video: “Temptation Fades as We Seek Christ in Every Thought” (2:57).
2:58 -
Anong mga espirituwal na kaloob ang mayroon ka o gusto mong magkaroon ka? Basahin ang 1 Corinto 12:7–11, at pagnilayan kung paano ka mapapalakas ng mga kaloob na ito at matutulungan kang maglingkod sa Panginoon at sa iba.
-
Ano ang maidudulot na kaibhan sa buhay mo ng ibayong pagmamahal sa iba? Habang binabasa mo ang 1 Corinto 13:1–8, ano ang natutuhan mo tungkol sa pag-ibig sa kapwa-tao, ang dalisay na pag-ibig ni Cristo?
Mga Tanong at Pagbabahagi
Bigyan ng oras ang mga estudyante na magtanong at magbahagi ng mga kabatiran at katotohanang natuklasan nila sa kanilang personal na pag-aaral ng 1 Corinto 8–13.
Pagsasanay sa Kasanayan
Ang 1 Corinto 10:1–14 ay magandang paggamitan ng kasanayang “Searching in the Scriptures and in Gospel Library” sa Scripture Study Skills.
Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral
Maraming opsiyon sa pag-aaral ang inilaan para sa iyo at sa iyong mga estudyante. Mapanalanging piliin kung aling opsiyon o mga opsiyon ang magiging pinakamakabuluhan para sa klase mo.
Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral
Bigyang-diin ang halimbawa ni Jesucristo. Ang isang paraan para magtuon kay Jesucristo anuman ang itinuturo mo ay ang pagbibigay-diin kung paanong Siya ang perpektong halimbawa ng lahat ng alituntunin ng ebanghelyo. Kahit hindi direktang tinutukoy ang Tagapagligtas sa isang talata sa banal na kasulatan, matutulungan mo ang mga estudyante na magkaroon ng koneksyon sa halimbawa ng Tagapagligtas.
1 Corinto 10:1–14
Paano ako matutulungan ng Diyos na mapalakas ang kakayahan kong labanan ang tukso?
Maaari kang magsimula sa pagbabahagi ng sumusunod na sitwasyon:
Malungkot si Maurice. Pakiramdam niya ay paulit-ulit siyang natatangay ng iyon at iyon ding mga tukso. Nag-aalala siya na hindi siya kailanman magiging sapat na malakas para labanan ang mga tuksong ito.
-
Ano ang makatutulong kay Maurice na mas maunawaan ang ibig sabihin ng paglabanan at daigin ang tukso?
Ipaliwanag na sa 1 Corinto 10:1–14, binanggit ni Pablo ang ilan sa mga karanasan ng sinaunang Israel para ituro sa mga Banal sa Corinto ang mahahalagang aral tungkol sa paglaban sa tukso. Para malaman pa ang konteksto ng mga talatang ito, maaaring basahin ng mga estudyante ang “1 Corinto 10:1–11. Ano ang gusto ni Pablo na malaman ng mga Banal sa Corinto sa kuwento tungkol sa Exodo?” sa Mga Tulong sa Pag-aaral: Bagong Tipan.
Basahin nang sama-sama ang 1 Corinto 10:1–4, at itanong:
-
Ano ang natututuhan ninyo tungkol kay Jesucristo mula sa mga talatang ito?
-
Paano nagbibigay sa inyo ng pag-asa ang kaalamang si Jesucristo ang inyong “batong espirituwal” para mapaglabanan ang tukso?
Maaaring magpartner-partner ang mga estudyante at magkakasamang basahin ang talata 5–14, na inaalam ang matututuhan nila tungkol sa kung paano daigin ang tukso.
-
Ano ang natutuhan ninyo mula sa talata 13 tungkol sa pagdaig sa tukso?
Matapos sagutin ng mga estudyante ang tanong, maaari mong ipaliwanag na ang Alma 13:28 ay kaakibat na talata ng 1 Corinto 10:13. Ipabasa sa mga estudyante ang Alma 13:28 at isiping i-cross-reference ang dalawang talatang ito.
-
Anong mga alituntunin ng ebanghelyo ang matutukoy ninyo sa dalawang talatang ito? (Maaaring may matukoy na mga katotohanan ang mga estudyante na tulad ng sumusunod: Maglalaan ang Diyos ng paraan upang makaiwas tayo sa tukso, ngunit dapat nating piliing ilayo ang sarili natin sa tukso. Kapag nagpakumbaba tayo at patuloy na nagbantay at nanalangin, hindi tayo matutukso nang higit pa sa ating kakayanin.)
-
Ano ang ilang paraan na maaaring maglaan ang Diyos ng paraan para maiwasan natin ang tukso?
-
Kung may oras pa, maaaring sumangguni ang mga estudyante sa entry na “Tukso, Panunukso” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan (Gospel Library) para makahanap ng karagdagang mga talata sa banal na kasulatan tungkol sa pagdaig o paglaban sa tukso (tingnan sa “Searching in the Scriptures and in Gospel Library” sa Scripture Study Skills). Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi sa kapartner ang kanilang nalaman.
Bigyan ng ilang minuto ang mga estudyante na itala ang mga partikular na hakbang na gagawin nila para mapalakas ang kanilang kakayahan na labanan ang tukso.
1 Corinto 10:16–17; 11:23–29
Paano ako tinutulungan ng pagtanggap ng sakramento na mas mapalapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?
Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Dallin H. Oaks:
Ang ordenansa ng sakrament ang nagpapabanal at nagpapahalaga nang lubos sa sakrament miting sa Simbahan. (“Ang Sakrament Miting at ang Sakrament,” Liahona, Nov. 2008, 17)
Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang mga sumusunod:
-
Itinuturing ba ninyo ang sacrament meeting na pinakasagrado at pinakamahalagang miting sa Simbahan?
-
Paano kayo naghahanda para sa sacrament meeting?
Ipabasa sa mga estudyante ang 1 Corinto 11:23–29, na inaalam ang payo ni Pablo na makatutulong sa kanila na maghanda para sa sakramento:
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng siyasatin o suriin ang sarili?
-
Bakit maaaring mahalagang suriin ang inyong sarili habang naghahanda kayong tumanggap ng sakramento?
Isiping ibahagi ang sumusunod na mga pahayag nina Elder Larry R. Lawrence, emeritus General Authority Seventy, at Brother Milton Camargo, Unang Tagapayo sa Sunday School General Presidency:
Ang tamang panahon para itanong, “Ano pa ang kulang sa akin?” ay kapag tumatanggap tayo ng sakramento. Itinuro ni Apostol Pablo na ito ang panahon para suriin ng bawat isa sa atin ang ating sarili. Sa mapitagang kapaligiran na ito, habang ang ating isipan ay nakatuon sa langit, marahang masasabi sa atin ng Panginoon ang susunod nating gagawin. (“Ano pa ang Kulang sa Akin?,” Liahona, Nob. 2015, 34)
Ang pagpapanibago ng ating mga tipan sa oras ng sakramento bawat Linggo ay isang magandang pagkakataon para suriin ang ating sarili at muling ituon ang ating buhay kay Jesucristo. Sa pagtanggap ng sakramento, ipinapahayag natin na “lagi [natin] siyang aalalahanin” [Moroni 4:3; 5:2]. (“Magtuon kay Jesucristo,” Liahona, Mayo 2023, 65)
-
Paano mapagyayaman ng pagsusuri sa ating sarili ang ating karanasan sa sakramento? (Maaaring tukuyin ng mga estudyante ang isang katotohanan na tulad ng sumusunod: Sa pagsusuri sa ating sarili bilang paghahanda sa sakramento maitutuon nating muli ang ating buhay kay Jesucristo at magagabayan kung paano pa ito mapagbubuti.)
-
Ano ang nararamdaman ninyo sa pagtanggap ng sakramento kapag nakatuon kayo sa Tagapagligtas?
-
Ano ang makatutulong sa inyo na maghanda para sa sakramento?
Sabihin sa mga estudyante na gumawa ng simpleng plano kung ano ang gagawin nila para suriin ang kanilang sarili bilang paghahanda sa sakramento sa darating na Linggo.
Kung may mga tanong ang mga estudyante tungkol sa ibig sabihin ng marapat na pagtanggap ng sakramento, maaari mong ibahagi at talakayin ang sumusunod na pahayag ni Elder John H. Groberg, emeritus General Authority Seventy:
Kung hangad nating magpakabuti (na ibig sabihin ay magsisi) at [hindi tayo sumasailalim sa restriksyon ng priesthood o tinanggal sa pagiging miyembro], sa aking opinyon, tayo ay karapat-dapat. Gayunpaman, kung wala tayong layunin na magpakabuti, kung wala tayong hangaring sundin ang patnubay ng Espiritu, dapat nating itanong: Karapat-dapat ba tayong tumanggap ng sakramento, o kinukutya natin ang pinakalayunin ng sakramento, na siyang paraan upang matanggap ang kapatawaran at pag-unlad? (“The Beauty and Importance of the Sacrament,” Ensign, Mayo 1989, 38)
1 Corinto 12:4–27
Paano ako pinagpapala ng Panginoon at ang iba sa pamamagitan ng aking mga espirituwal na kaloob?
Maaari mong ipakita ang sumusunod na pahayag ni Sister Michelle D. Craig, dating Unang Tagapayo sa Young Women General Presidency:
Binigyan ng Ama sa Langit ng mga regalo ang bawat isa sa atin. Maaaring pakiramdam ninyo ay wala kayo nito pero may mga espirituwal na kaloob kayo mula sa Diyos para mapagpala ninyo ang iba at mas mapalapit sa Kanya.
Ano ang mga kaloob na ibinigay sa inyo ng Diyos? (“Mga Kaloob na Hindi Gaanong Napapansin” [Pamaskong Debosyonal ng Unang Panguluhan, Dis. 5, 2021], Gospel Library)
Sabihin sa mga estudyante na itala kung anong mga kaloob ang sa palagay nila ay ibinigay sa kanila ng Diyos.
Ipaliwanag na itinuro ni Pablo sa mga taga-Corinto ang kahalagahan at layunin ng mga espirituwal na kaloob. Ipabasa sa mga estudyante ang 1 Corinto 12:4–11 at ipa-highlight ang mga kaloob na nakita nila. Maaari mong isulat sa pisara ang mga kaloob na nakita nila at itanong:
-
Ano ang pinakamahalagang mga kaloob para sa inyo? Bakit?
-
Bakit tayo binibigyan ng Panginoon ng mga espirituwal na kaloob? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang isang katotohanan na tulad ng sumusunod: Ang Panginoon ay nagbibigay ng mga espirituwal na kaloob sa bawat miyembro ng Kanyang Simbahan upang mapagpala nila ang iba.)
Ipaliwanag na hindi nauubos ang listahan ng mga kaloob ni Pablo. Para makahanap ng karagdagang mga kaloob, anyayahan ang ilang estudyante na saliksikin ang Moroni 10:8–18; ang iba ay maaaring magsaliksik sa Doktrina at mga Tipan 46:11–26, at ang iba ay maaaring magsaliksik sa handout na “Mga Kaloob na Hindi Gaanong Napapansin.” Anyayahan ang mga estudyante na isulat sa pisara ang anumang mga karagdagang kaloob na nahanap nila.
-
Bakit mahalagang kilalanin at pahalagahan ang lahat ng espirituwal na kaloob, pati na ang mga hindi gaanong napapansin?
-
Kailan mo naranasan ang isa sa mga kaloob na ito para sa iyong sarili o kailan ka pinagpala ng isang taong taglay ang isa sa mga kaloob na ito?
-
Ano ang nadarama mo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo nang malaman mong binigyan Nila tayo ng mga espirituwal na kaloob?
Sabihin sa mga estudyante na itala kung paano nila sasagutin ngayon ang tanong ni Sister Craig, “Anong mga kaloob ang ibinigay sa inyo ng Diyos?” Para matulungan ang mga estudyante na matukoy ang kanilang mga kaloob, maaari ninyong sabay-sabay na basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder John C. Pingree Jr.:
Paano natin malalaman kung ano ang ating mga kaloob? Basahin natin ang ating patriarchal blessing, magtanong sa mga taong nakakikilala sa atin nang lubos, at alamin kung saan tayo mahusay at ano ang gustung-gusto nating gawin. Pinakamahalaga, maaari tayong magtanong sa Diyos (tingnan sa Santiago 1:5; D&Tipan 112:10). Alam Niya ang ating mga kaloob, dahil Siya ang nagbigay ng mga ito sa atin (tingnan sa D&T 46:26). (“Ako ay May Gawain Para sa Iyo,” Liahona, Nob. 2017, 33)
Para matulungan ang mga estudyante na makita kung bakit kailangan sa Simbahan ng Panginoon ang bawat isa sa atin at ang ating mga espirituwal na kaloob, sama-samang basahin ang 1 Corinto 12:12–27.
-
Ano ang pinakatumimo sa inyo sa mensahe ni Pablo?
-
Paano maiaangkop ang mensahe ni Pablo sa mga sumusunod na pahayag?
-
“Wala akong maitutulong sa ward ko; Hindi ako ganoon kahusay.”
-
“Napakagaling na lider ni Sister Brown; hindi ko kailanman mapapantayan ang ginagawa niya.”
-
“Bago pa lang ako sa Simbahan at walang karanasan kaya wala akong gaanong maiaambag sa ward ko.”
-
Kung makatutulong, maaari ninyong panoorin ang “Is There a Place for Me?” (3:59). Pagkatapos ay maaari mong anyayahan ang mga estudyante na pag-isipan ang sumusunod na tanong:
-
Paano kaya nais ng Panginoon na gamitin mo ang iyong mga espirituwal na kaloob at talento para pagpalain ang mga tao sa inyong ward, branch, o pamilya?
1 Corinto 13:1–8
Paano mababago ng kaloob na pag-ibig sa kapwa-tao ang buhay ko at ng iba?
Maaari kang magsimula sa pag-anyaya sa mga estudyante na magbahagi ng ilang halimbawa kung paano nagpakita ng pagmamahal si Jesucristo sa panahon ng Kanyang ministeryo sa lupa. Kung makatutulong, maaari kang magpakita ng ilang larawan ng Tagapagligtas na nagpapakita ng Kanyang pagmamahal.
-
Paano nakaapekto ang pagmamahal ng Tagapagligtas sa mga pinaglingkuran Niya?
-
Paano naapekto sa inyo ang Kanyang pagmamahal?
Ipaliwanag na sa mga banal na kasulatan ang pariralang pag-ibig sa kapwa-tao ay madalas gamitin upang ilarawan ang “dalisay na pag-ibig ni Cristo” (Moroni 7:47). Ipabasa sa mga estudyante ang 1 Corinto 13:1–3, na inaalam kung gaano pinahahalagahan ni Pablo ang pag-ibig sa kapwa-tao.
-
Ano ang mensahe ni Pablo tungkol sa pag-ibig sa kapwa-tao?
Isiping basahin nang sabay-sabay ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, na miyembro noon ng Unang Panguluhan:
Ang tunay na pagmamahal ay nangangailangan ng pagkilos. Maaari nating pag-usapan ang pagmamahal sa buong maghapon—makakasulat tayo ng maiikling liham o tula na nagpapahayag nito, makakanta natin ang mga awit na pumupuri dito, at maaari tayong mangaral para maghikayat nito—ngunit hangga’t hindi natin ipinapakita ang pagmamahal na iyon sa ating pagkilos, ang ating mga salita ay puro “tanso na tumutunog, o batingaw na umaalingawngaw” [1 Mga Taga Corinto 13:1].
Hindi lamang nangusap si Cristo tungkol sa pagmamahal; ipinakita Niya ito sa bawat araw ng Kanyang buhay. (“Kayo ang Aking mga Kamay,” Liahona, Mayo 2010, 70)
Ipaliwanag na sa 1 Corinto 13:4–7, nagbigay si Pablo ng mahahalagang kaalaman tungkol sa likas na katangian ng pag-ibig sa kapwa-tao. Maaaring gamitin ng mga estudyante ang handout na “Pag-ibig sa Kapwa-tao: Ang Dalisay na Pag-ibig ni Cristo” para palalimin ang kanilang pag-unawa sa pag-ibig sa kapwa-tao. Sabihin sa mga estudyante na pumili ng dalawa o tatlong aspeto ng pag-ibig sa kapwa-tao na gusto nilang mas maunawaan. Bigyang-diin na ang pinakamainam na paraan para maunawaan ang pag-ibig sa kapwa-tao ay matuto mula sa halimbawa ni Jesucristo.
Matapos bigyan ng oras ang mga estudyante na mag-aral, sabihin sa kanila na igrupo ang mga sarili sa maliliit na grupo. Sabihin sa bawat estudyante na pumili ng isang salita o parirala na pinagtuunan nila ng pansin at ibahagi ang natutuhan nila sa kanilang pag-aaral. Hikayatin silang magtuon sa natutuhan nila mula sa halimbawa ni Jesucristo.
Maaari mong tapusin ang klase sa pag-anyaya sa mga estudyante na magbahagi ng mga halimbawa kung paano nila naranasan ang pagmamahal na tulad ng kay Cristo. Maaari din ninyong panoorin ang “Dalisay na Pag-ibig ni Cristo” (2:07).
Sabihin sa mga estudyante na sundin ang anumang pahiwatig na natanggap nila.
Mga handout