“1 Corinto 14–16,” Manwal ng Guro ng Institute para sa Bagong Tipan (2025)
The Resurrected Christ [Nabuhay na Mag-uling Cristo], ni Wilson J. Ong
1 Corinto 14–16
Itinuro ni Apostol Pablo na ang kaloob na propesiya ay makapagpapalakas sa espirituwalidad ng iba. Bilang isa sa maraming saksi sa nabuhay na mag-uling Panginoon, itinuro ni Pablo ang katotohanan ng Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo at ng buong sangkatauhan. Itinuro din ni Pablo na may tatlong kaharian ng kaluwalhatian, na inihambing niya sa araw, buwan, at mga bituin.
Karagdagang Resources
Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan, “1 Corinto 14–16”
Paalala: Ang “Pambungad sa Kurso” ay nagbibigay ng gabay kung paano gamitin ang sumusunod na apat na pamantayang elemento ng lesson.
Paghihikayat ng Personal na Pag-aaral
Bago magklase, maaari mong ipadala sa mga estudyante ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod na mensahe o ang ilan sa sarili mong mga mensahe:
-
Gusto mo ba ng kaloob na propesiya? Pag-aralan ang 1 Corinto 14:1–6, 22–26, 39, at tingnan kung ano ang itinuturo ni Pablo tungkol sa espirituwal na kaloob na ito.
-
Sa pag-aaral mo ng 1 Corinto 15:12–19, isipin kung paano maaaring mag-iba ang buhay mo kung walang Pagkabuhay na Mag-uli.
-
Habang naghahanda kang pag-aralan ang 1 Corinto 15, panoorin ang “Pagkakaroon ng Pag-asa sa Pamamagitan ng Pagkabuhay na Mag-uli,” at isipin kung bakit mahalaga sa iyo ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo.
4:42
Mga Tanong at Pagbabahagi
Bigyan ng oras ang mga estudyante na magtanong at magbahagi ng mga kabatiran at katotohanang natuklasan nila sa kanilang personal na pag-aaral ng 1 Corinto 14–16.
Pagsasanay sa Kasanayan
Ang 1 Corinto 14:34–35 ay maaaring magandang paggamitan ng kasanayang “Approaching Difficult or Confusing Scripture Passages” sa Scripture Study Skills.
Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral
Magtakda ng inaasahan na araw-araw na pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Ipinahayag ni Pangulong Russell M. Nelson: “Sa nakagugulat na bilis, ang patotoo na hindi napangangalagaan sa araw-araw ‘ng mabuting salita ng Diyos’ [Moroni 6:4] ay maaaring gumuho. Kaya nga, ang panlunas sa mga pakana ni Satanas ay malinaw: kailangan natin ng araw-araw na mga karanasan ng pagsamba sa Panginoon at pag-aaral ng Kanyang ebanghelyo. Nakikiusap ako sa inyo na hayaang manaig ang Diyos sa inyong buhay. Bigyan Siya ng makatarungang bahagi ng inyong oras” (“Ang Kapangyarihan ng Espirituwal na Momentum,” Liahona, Mayo 2022, 99). Hikayatin ang mga estudyante na ugaliin ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan araw-araw.
Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral
Maraming opsiyon sa pag-aaral ang inilaan para sa iyo at sa iyong mga estudyante. Mapanalanging piliin kung aling opsiyon o mga opsiyon ang magiging pinakamakabuluhan para sa klase mo.
1 Corinto 14:1–6, 22–26, 39
Dapat ko bang hangarin ang kaloob na propesiya?
Maaari mong simulan ang klase sa pagbabahagi ng sumusunod na pahayag ni Pangulong Joseph Fielding Smith:
Lahat ng miyembro ng Simbahan ay dapat maghangad ng kaloob na propesiya. (Church History and Modern Revelation [1953], 1:201)
-
Sa palagay ninyo, bakit dapat nating hangarin ang kaloob na propesiya?
Ipaliwanag na sa 1 Corinto 14, tinalakay ni Pablo ang kahalagahan ng kaloob na propesiya sa pamamagitan ng paghahambing nito sa kaloob na mga wika. Ipabasa sa mga estudyante ang “1 Corinto 14:1–6. Ano ang kaloob na propesiya?” at “1 Corinto 14:2–22. Ano ang kaloob na mga wika?” sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan. Sabihin sa kanila na ipaliwanag sa sarili nilang mga salita ang bawat kaloob na ito sa isang kapartner.
-
Ano ang nilinaw o naitama ng mga entry na ito sa inyong pag-unawa sa mga kaloob na ito?
Tiyaking nauunawaan ng mga estudyante na bagama’t ang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag ng Panginoon ang tanging mga taong makatatanggap ng paghahayag para sa buong Simbahan, maaaring maranasan ng mga tao ang kaloob na propesiya para sa kanilang sariling kapakanan (tingnan sa Dallin H. Oaks, “Spiritual Gifts,” Ensign, Set. 1986, 71).
Ipabasa sa mga estudyante ang 1 Corinto 14:1–6, 22–26, 39, na inaalam kung bakit dapat nating hangarin ang kaloob na propesiya:
-
Bakit ang kaloob na propesiya ay higit na dakila kaysa kaloob na mga wika?
-
Ayon kay Pablo, paano mapagpapala ng kaloob na propesiya ang inyong buhay? (Maaaring tukuyin ng mga estudyante ang isang katotohanan na tulad ng sumusunod: Ang kaloob na propesiya ay maaaring magdulot ng pagpapatibay, kasiglahan, at kaaliwan [tingnan sa talata 3].)
-
Bakit maaaring mahalaga sa inyo na matinding naisin (masigasig na hangarin) ang kaloob na propesiya?
Maaari mong ibahagi ang sumusunod na kabatiran mula kay Pangulong Dallin H. Oaks tungkol sa kaloob na propesiya:
Tulad ng mababasa natin sa Aklat ng Apocalipsis, “Ang patotoo ni Jesus ang espiritu ng propesiya.” (Apoc. 19:10.) Umasa si Propetang Joseph Smith sa talatang ito sa pagtuturo na “bawat iba pang tao na may patotoo kay Jesus” ay propeta [sa Elders’ Journal, July 1838, 43]. Gayundin, sinabi ni Apostol Pablo na “ang nagsasalita ng propesiya ay nagsasalita sa mga tao para sa kanilang ikatitibay, ikasisigla, at ikaaaliw.” (1 Cor. 14:3.) Samakatwid, sa konteksto na ginamit sa pagsasalita tungkol sa mga espirituwal na kaloob, ang isang propeta ay ang siyang nagpapatotoo kay Jesucristo, nagtuturo sa salita ng Diyos, at naghihikayat sa mga tao ng Diyos. …
… Sa ating panahon, ipinahayag ni Elder Joseph Fielding Smith na “lahat ng miyembro ng Simbahan ay dapat maghangad ng kaloob na propesiya, para sa kanilang sariling patnubay, na siyang diwa kung saan nauunawaan ang salita ng Panginoon at ipinapaalam ang kanyang layunin.” (Church History and Modern Revelation, 3 tomo, Salt Lake City, Deseret Book Co., 1953, 1:201.) (“Spiritual Gifts,” 71)
-
Ano ang natutuhan ninyo kina Pangulong Oaks at Pangulong Smith tungkol sa kaloob na propesiya?
-
Paano kayo at ang mga taong naiimpluwensyahan ninyo mapapalapit sa Tagapagligtas sa paghahangad ng kaloob na propesiya?
Ipaisip sa mga estudyante ang mga pagkakataong nadama nila ang Espiritu Santo at nagpatotoo tungkol kay Jesucristo, itinuro ang ebanghelyo, hinikayat ang iba, o mas naunawaan ang mga layunin ng Panginoon. Anyayahan ang mga estudyante na handang magbahagi ng kanilang mga karanasan tungkol sa kaloob na propesiya.
Sabihin sa mga estudyante na sundin ang payo ni Pablo at hanapin at gamitin ang kaloob na propesiya sa kanilang buhay.
1 Corinto 14:34–35
Bakit sinabihan ni Pablo ang kababaihan na tumahimik sa simbahan?
Kung may mga tanong ang mga estudyante tungkol sa 1 Corinto 14:34–35, ipabasa sa kanila ang “Approaching Difficult or Confusing Passages” sa Scripture Study Skills at sabay-sabay na basahin ang bahaging “Define”. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na bumuo ng maliliit na grupo at gawin ang sumusunod na aktibidad:
-
Basahin ang “Questions to Ask When You Find Confusing or Difficult Passages” sa “Approaching Difficult or Confusing Passages” (Scripture Study Skills). Maaaring talakayin ng mga estudyante kung paano nila sasagutin ang isa o mahigit pang mga tanong.
-
Basahin ang “1 Corinto 14:34–35. Bakit sinabi ni Pablo na dapat tumahimik ang kababaihan sa simbahan?” sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan para sa karagdagang tulong sa talata.
Pagkatapos ng oras para sa pag-aaral, sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang natutuhan nila tungkol sa kung paano unawain ang isang mahirap na talata.
Ipaalala sa mga estudyante na ang tinutukoy ni Pablo ay isang kultura at sitwasyon na labis na kakaiba sa atin. Maaaring mahalagang maglaan ng ilang minuto at talakayin ang tinig ng kababaihan sa Simbahan ng Panginoon sa ating panahon. Maaari mong ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson:
Mahal kong kababaihan, anuman ang inyong tungkulin, anuman ang inyong kalagayan, kailangan namin ang inyong mga impresyon, ideya, at inspirasyon. Kailangan namin kayong tuwiran at hayagang magsalita sa mga ward at stake council. Kailangan namin ang bawat babaeng may asawa na magsalita bilang “isang tumutulong at ganap na katuwang” [Spencer W. Kimball, “Privileges and Responsibilities of Sisters,” Ensign, Nob. 1978, 106] sa pakikiisa ninyo sa inyong asawa sa pamumuno sa inyong pamilya. May asawa man o wala, taglay ninyong kababaihan ang naiibang mga kakayahan at natatanging intuwisyon na ipinagkaloob sa inyo ng Diyos. Hindi namin matutularang mga kalalakihan ang inyong kakaibang impluwensya. (“Isang Pakiusap sa Aking mga Kapatid na Babae,” Liahona, Nob. 2015, 97)
-
Ano ang itinuturo ni Pangulong Nelson tungkol sa tinig ng kababaihan? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang katotohanan na ang mga kontribusyon at tinig ng kababaihan ay mahalaga sa bawat aspeto ng gawain ng Tagapagligtas.)
-
Paano pinatatag ng mga tinig ng kababaihan ang inyong pananampalataya kay Jesucristo? Paano kayo mas inilapit ng mga ito sa Tagapagligtas?
Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na isipin ang isang mensahe, lesson, o patotoo ng isang sister kamakailan na nagpalakas ng kanilang pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang Ebanghelyo. Maaari nilang ibahagi ang kanilang mga saloobin sa isa’t isa o sa maliliit na grupo.
Hikayatin ang kababaihan sa inyong klase na magtiwala sa Espiritu kapag nahikayat at magsalita sa kanilang pamilya, ward, at iba pang mga lugar. Maaari kang magtapos sa pagpapanood ng “Mga Tinig ng Kababaihan” ni Pangulong Camille N. Johnson, Relief Society General President (1:39).
1 Corinto 15:3–28, 51–58
Paano ako matutulungan ng pananampalataya sa Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas na mamuhay nang may pag-asa?
Sabihin sa mga estudyante na tukuyin ang mga hamong kinakaharap natin dahil mayroon tayong mortal na katawan. Maaari mong isulat sa pisara ang kanilang mga sagot. (Tiyaking matukoy nila ang kamatayan bilang isa sa mga hamon.) Sabihin sa mga estudyante na isipin na kunwari ay nangyayari ang lahat ng hamong ito nang hindi nabuhay na mag-uli si Jesucristo.
-
Ano ang magiging kahulugan nito para sa mundo at para sa inyo mismo?
Ipaliwanag na iniulat kay Pablo na may ilang tao sa Corinto na nagtuturo na walang Pagkabuhay na Mag-uli ng mga patay. Tumugon si Pablo gamit ang mga katotohanang makatutulong sa atin na malaman at madama ang katotohanan at kahalagahan ng Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas.
Isulat sa pisara ang sumusunod na hindi kumpletong parirala:
-
Kung si Jesus ay hindi nabuhay na mag-uli, kung gayon …
-
Dahil si Jesus ay nagbangon mula sa mga patay, kung gayon …
Ipabasa sa kalahati ng klase ang 1 Corinto 15:12–19, na inaalam ang posibleng mangyari kung hindi nabuhay na mag-uli si Jesucristo. Ipabasa sa natitirang kalahati ang 1 Corinto 15:20–28, na inaalam ang mga pagpapalang dumarating dahil nadaig ni Jesucristo ang kamatayan. Matapos ang sapat na oras, anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
-
Ayon kay Pablo, ano ang magiging resulta kung hindi nabuhay na mag-uli si Jesucristo?
-
Anong doktrina ang itinuturo ni Pablo sa mga talatang ito? (Maaaring tukuyin ng mga estudyante ang isang katotohanan na tulad ng sumusunod: Dahil nabuhay na mag-uli si Jesucristo, lahat ay mabubuhay na mag-uli.)
-
Ano ang nadarama ninyo para kay Jesucristo, batid na inihanda Niya ang daan para madaig ninyo ang kamatayan at lahat ng pisikal na karamdaman na mayroon kayo o mararanasan ninyo?
Ituon ang pansin ng mga estudyante sa listahan ng mga hamon sa pisara. Sa pagninilay sa mga hamong ito, sama-samang basahin ang 1 Corinto 15:51–58 at ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Jeffrey R. Holland:
Pinatototohanan ko ang banal na Pagkabuhay na Mag-uli, ang di-masambit na kaloob na bato sa panulok sa Pagbabayad-sala ng Panginoong Jesucristo! Kasama si Apostol Pablo, pinatototohanan ko na ang itinanim na may kasiraan ay ibabangon balang-araw na walang kasiraan at ang itinanim na may kahinaan ay ibabangon sa huli na may kapangyarihan. Pinatototohanan ko ang araw na iyon kung saan ang ating mga mahal sa buhay na alam nating may mga kapansanan sa mortalidad ay tatayo sa ating harapan na niluwalhati at maringal, sakdal-ganda sa katawan at isipan. Napakasaya ng sandaling iyon! Hindi ko alam kung magiging mas masaya tayo para sa ating sarili na nasaksihan natin ang gayong himala o mas masaya tayo para sa kanila na ganap na perpekto at “malaya na rin sa wakas.” Hanggang sa oras na iyon na makita nating lahat ang lubos na kaloob ni Cristo, nawa’y mamuhay tayo sa pananampalataya, mahigpit na nakakapit sa pag-asa, at magpakita ng “[pagdamay sa isa’t isa]” [1 Pedro 3:8]. (“Parang Basag na Sisidlan,” Liahona, Nob. 2013, 42)
-
Paano makatutulong sa inyo ang pananampalataya sa Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas na mamuhay nang may pag-asa habang nahaharap kayo sa mga hamon na kaugnay ng pisikal na katawan?
Maaari mo ring panoorin ang “Ang Magandang Balita” (2:18) at hayaang pagnilayan at isulat ng mga estudyante ang kanilang nadarama tungkol sa mga pagpapalang matatanggap nila dahil sa Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo.
1 Corinto 15:40–44
Ano ang magiging kaanyuan ng katawan ko kapag nabuhay akong muli?
Maaari mong simulan sa pagpapakita ng sumusunod na larawan at sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang maaaring itinuturo nito tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli.
Ipaliwanag na sa 1 Corinto 15, itinuro ni Pablo ang mahahalagang katotohanan tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli. Basahin nang sama-sama ang 1 Corinto 15:40–44, at ipahanap sa mga estudyante ang kinalaman ng larawan sa mga turo ni Pablo tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli.
-
Anong mga katotohanan ang itinuturo ni Pablo tungkol sa katangian ng mga nabuhay na mag-uling katawan? (Maaaring tukuyin ng mga estudyante ang mga katotohanan na tulad ng sumusunod: Ang mga nabuhay na mag-uling katawan ay magiging maluwalhati at hindi masisira. Ang mga nabuhay na mag-uling katawan ay magkakaroon ng iba’t ibang antas ng kaluwalhatian.)
-
Sa palagay ninyo bakit magkakaroon ng mga pagkakaiba sa kaluwalhatian ang mga nabuhay na mag-uling nilalang?
Ituro na mayroon tayong ilang talata sa banal na kasulatan na naglalarawan ng nabuhay na mag-uling katawan mula sa isa sa mga kaharian na ito. Maaaring basahin ng mga estudyante ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:17 at Doktrina at mga Tipan 110:2–4 para mabasa ang tungkol sa niluwalhati at nabuhay na mag-uling katawan ng Tagapagligtas.
-
Ano ang nagbibigay-inspirasyon sa inyo habang binabasa ninyo ang tungkol sa nabuhay na mag-uling Cristo?
Para matulungan ang mga estudyante na palalimin ang kanilang pag-unawa kung bakit may mga pagkakaiba sa kaluwalhatian ng mga nabuhay na mag-uling katawan, anyayahan silang makipagtulungan sa isang kapartner at tingnan kung ano ang matututuhan nila mula sa Doktrina at mga Tipan 88:22–31.
-
Ano ang itinuturo sa atin ng mga talatang ito tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli? (Maaaring tukuyin ng mga estudyante ang isang katotohanan na tulad ng sumusunod: Sa Pagkabuhay na Mag-uli, tatanggap tayo ng niluwalhating katawan ayon sa banal na batas na pinili nating sundin.)
-
Paano maiimpluwensiyahan ng kaalamang ito ang mga desisyong ginagawa ninyo ngayon?
Maaari ninyong magkakasamang basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson:
Dahil sa walang-hanggang Pagbabayad-sala ni Jesucristo, ang plano ng ating Ama sa Langit ay isang perpektong plano! Ang pag-unawa sa kamangha-manghang plano ng Diyos ay nag-aalis ng kahiwagaan sa buhay at ng kawalang-katiyakan sa ating hinaharap. Tinutulutan nito ang bawat isa sa atin na piliin kung paano tayo mamumuhay dito sa lupa at saan tayo mananahanan magpakailanman. …
… Ang mga pagpili ninyo ngayon ang magtatakda ng tatlong bagay: ang lugar kung saan kayo mananahanan sa buong kawalang-hanggan, ang uri ng katawan na tataglayin ninyo sa muling pagkabuhay, at ang mga taong makakasama ninyo magpakailanman. …
Kaya nga, kung pinipili natin nang di-matalino na ipamuhay ang mga batas ng telestiyal ngayon, pinipili nating mabuhay na mag-uli na may katawang telestiyal. Pinipili nating hindi mamuhay kasama ang ating pamilya magpakailanman.
Kaya, mahal kong mga kapatid, paano at saan at sino ang gusto ninyong makasama sa buhay magpakailanman? Kayo ang pipili o magpapasiya. (“Isipin ang Kahariang Selestiyal!,” Liahona, Nob. 2023, 117–18)
Bigyan ng panahon ang mga estudyante na itala ang kanilang mga saloobin tungkol sa tanong ni Pangulong Nelson: “Paano at saan at sino ang gusto ninyong makasama sa buhay magpakailanman?” Hikayatin silang pag-isipan ang mga pagpili na ginagawa nila at kung ang mga pagpiling iyon ay patungo sa kaluwalhatiang selestiyal. Maaari ding itala ng mga estudyante ang kanilang mga iniisip at nadarama tungkol sa walang-hanggang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas at sa perpektong plano ng kaligtasan ng Ama para maging posibleng matamo angkaluwalhatiang selestiyal.