Mga Kurso Tungkol sa mga Banal na Kasulatan
Mga Taga Efeso


“Mga Taga Efeso,” Manwal ng Titser ng Institute para sa Bagong Tipan (2025)

isang tao na nakasuot ng baluti at may hawak na espada at kalasag

Mga Taga Efeso

Itinuro ni Pablo na inililigtas ng dugo ni Jesucristo kapwa ang mga Judio at Gentil. Itinuro niya na ang Simbahan ng Panginoon ay nakatayo sa pundasyon ng mga apostol at propeta at na si Jesucristo ang pangunahing batong panulok. Pinayuhan ni Pablo ang mga mag-asawa na mahalin at igalang ang isa’t isa sa pamamagitan ng pagtulad sa halimbawa ng Tagapagligtas. Pinayuhan din ni Pablo ang mga Banal na isuot ang buong baluti ng Diyos.

Karagdagang Resources

Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan, “Mga Taga Efeso

Paalala: Ang “Pambungad sa Kurso” ay nagbibigay ng gabay kung paano gamitin ang sumusunod na apat na pamantayang elemento ng lesson.

icon ng pag-aaral
Paghihikayat ng Personal na Pag-aaral

Bago magklase, isiping magpadala sa mga estudyante ng isa o higit pa sa mga sumusunod na mensahe o ng ilan sa sarili mong mga mensahe:

  • Panoorin ang “Welcome” (1:05). Habang binabasa mo ang Mga Taga Efeso 2:11–22, isipin kung ano ang magagawa mo para matulungan ang lahat ng tao na madama na kabilang sila sa Simbahan ng Tagapagligtas.

    1:17
  • Sa pag-aaral mo ng Mga Taga Efeso 2:19–20; 4:11–16, hanapin ang mga posibleng dahilan kung bakit nais ng Tagapagligtas na magsimba ka.

  • May mga ugnayan ba sa pamilya na gusto mong pagbutihin pa? Basahin ang Mga Taga Efeso 5:21–33; 6:1–4 para malaman ang itinuturo ni Pablo tungkol sa mga pamilya.

  • Anong mga espirituwal na digmaan ang kinakaharap mo ngayon? Basahin ang Mga Taga Efeso 6:10–18 para sa patnubay kung paano mananalo sa mga digmaang ito.

icon ng talakayan
Mga Tanong at Pagbabahagi

Bigyan ng oras ang mga estudyante na magtanong at magbahagi ng mga ideya at katotohanang natuklasan nila sa kanilang personal na pag-aaral ng Mga Taga Efeso.

icon ng pagsasanay sa kasanayan
Pagsasanay sa Kasanayan

Ang Mga Taga Efeso 6:10–18 ay maaaring magandang paggamitan ng kasanayang “Understanding Symbolism in the Scriptures” sa Scripture Study Skills.

icon ng mga opsiyon sa aktibidad sa pag-aaral
Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral

Maraming opsiyon sa pag-aaral ang inilaan para sa iyo at sa iyong mga estudyante. Mapanalanging piliin kung aling opsiyon o mga opsiyon ang magiging pinakamakabuluhan para sa klase mo.

Mga Taga Efeso 2:11–22

Paano natin lalong mararamdaman na kabilang tayo sa Simbahan ni Jesucristo kapag nagtuon tayo sa Kanya?

Anyayahan ang mga estudyante na isipin ang mga pagkakataon na nadama nila o ng isang kakilala nila na hindi sila kabilang sa simbahan.

  • Ano ang maipapayo ninyo sa taong nakadarama ng ganito?

Bigyang-diin na sa kanyang sulat sa mga taga-Efeso, sinabi ni Pablo na nadama ng ilang miyembro ng Simbahan na sila ay “mga dayuhan at banyaga” sa kalipunan ng mga Banal na Judio (Mga Taga Efeso 2:19). Ang mga miyembro ng Simbahang ito ay maaaring mga Banal na Gentil na nakadarama na parang hindi sila kabilang dahil sa kanilang nakaraan (tingnan sa Mga Taga Efeso 2:1–3).

Anyayahan ang mga estudyante na gumawa nang may kapartner o sa maliliit na grupo. Ipabasa sa kanila ang Mga Taga Efeso 2:11–22, na hinahanap ang mga katotohanang itinuro ni Pablo na makatutulong sa atin na lalo pang madama na kabilang tayo kasama ang iba pang mga Banal.

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng maging “mga kapwa mamamayan” (Mga Taga Efeso 2:19) sa Simbahan ng Panginoon?

  • Anong mga katotohanan ang itinuro ni Pablo na makatutulong para lalo pa ninyong madama na kabilang kayo sa simbahan? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang mga katotohanang tulad ng sumusunod: Dahil sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, lahat ng tao ay maaaring maging mga Banal sa sambahayan ng Diyos. Tayo ay nagiging “mga kapwa mamamayan” ng mga Banal kapag itinatayo natin ang ating pundasyon sa mga turo ng mga apostol at propeta at kay Jesucristo, na siyang pangunahing batong panulok.)

Kung makatutulong, maaari mong ipakita ang sumusunod na larawan ng isang batong panulok at pundasyon at anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang nakita nila na makabuluhan tungkol sa analohiyang ito.

isang batong panulok

Isiping itanong ang mga sumusunod:

  • Sa inyong palagay, bakit lalo pa nating nadarama na kabilang tayo kapag sinusunod natin ang mga turo ng mga apostol at propeta ng Panginoon?

  • Paano napapawi ang tila mga balakid sa pagitan ninyo at ng iba pang mga miyembro ng Simbahan kapag isinalig ninyo kay Jesucristo ang inyong buhay? (Kung makatutulong, rebyuhin ang “Mga Taga Efeso 2:20–21. Ano ang kahalagahan ng batong panulok?” sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan.)

Maaari mong idispley at basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Christophe G. Giraud-Carrier:

Elder Christophe G. Giraud-Carrier

Natanto ko na ang ebanghelyo ni Jesucristo ang dakilang tagabalanse. Kung talagang yayakapin natin ito, … tayo, gayundin ang iba, ay “hindi na … mga dayuhan at banyaga, kundi … mga kapwa mamamayan ng mga banal at mga kaanib ng sambahayan ng Diyos” [Mga Taga Efeso 2:19].

Narinig ko kamakailan na tinawag ito ng branch president ng isa sa aming mga multicultural language unit, tulad ni Elder Gerrit W. Gong, na pagiging kabilang sa tipan. … Kabilang tayo sa isang grupo ng mga tao na nagsisikap na gawing sentro ng kanilang buhay ang Tagapagligtas at ang kanilang mga tipan at masayang ipamuhay ang ebanghelyo. … Sa paggawa nito, sinisimulan nating alisin ang ating mga maling palagay at pagkiling sa kapwa, na tumutulong sa kanila na bawasan ang kanilang mga maling palagay at pagkiling sa atin, sa isang napakaganda at mabuting cycle. (“Tayo ay Kanyang mga Anak,” Liahona, Nob. 2023, 115–16)

  • Paano nakatulong ang pagsentro ng inyong buhay sa tipang ginawa ninyo sa Ama sa Langit at kay Jesucristo para maalis ang inyong mga maling palagay o pagkiling sa ibang mga miyembro ng Simbahan?

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung ano ang magagawa nila para mapag-ibayo ang pakiramdam ng pagiging kabilang para sa kanilang sarili at sa iba pang mga miyembro ng kanilang ward.

Balikan ang “Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral.”

Mga Taga Efeso 2:19–22; 4:11–16

Paano tayo napagpapala sa pakikibahagi sa Simbahan ng Tagapagligtas?

Sabihin sa mga estudyante na isipin na kunwari ay nasa ward council sila at sinabi ng bishop na nag-aalala siya dahil hindi na gaanong lumalahok sa simbahan ang ilang miyembro ng ward. Pakiramdam ng ilan ay parang wala namang nababago sa buhay nila bilang miyembro ng Simbahan; pakiramdam naman ng iba na hindi nila talaga kailangang makibahagi sa simbahan para maging espirituwal; at pakiramdam ng iba pa na mas mainam na gugulin ang kanilang oras sa ibang bagay sa araw ng Linggo.

Sa miting, hiniling sa inyo ng bishop na maghanda ng isang lesson sa Sunday School para sa mga miyembro ng ward tungkol sa mga pagpapala ng pakikibahagi sa Simbahan ng Tagapagligtas.

Bigyang-diin na isinulat ni Pablo ang tungkol sa kahalagahan ng Simbahan ng Panginoon para sa lahat ng mga Banal. Bigyan ang mga estudyante ng handout na pinamagatang “Mga Pagpapala ng Pakikibahagi sa Simbahan ng Tagapagligtas,” at anyayahan sila na maghanda ng outline ng lesson.

handout na Mga Pagpapala ng Pakikibahagi sa Simbahan ng Tagapagligtas

Matapos bigyan ng oras ang mga estudyante na gawin ang kanilang outline, sabihin sa kanila na magsalitan ang magkakapartner sa pagbabahagi ng kanilang tatlo hanggang limang minutong lesson. Maaari mong tapusin ang aktibidad na ito sa pag-anyaya sa ilang estudyante na ibahagi ang natutuhan nila mula sa lesson ng isa’t isa. Maaari mo ring anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang kanilang lesson sa isang kakilala nila.

Balikan ang “Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral.”

Mga Taga Efeso 5:21–33; 6:1–4

Paano makatutulong sa akin ang pagsunod sa halimbawa ng Tagapagligtas para mapatibay ang ugnayan at pagsasamahan ng pamilya?

Maaari mong anyayahan ang ilang estudyante na magbahagi ng magandang karanasan nila kamakailan kasama ang isang kapamilya. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng isang ugnayan at pagsasamahan na gusto nilang mas patibayin pa.

Ipaliwanag na sa sulat ni Pablo sa mga taga-Efeso, binigyang-diin niya kung paano tayo gagabayan ng halimbawa ng Tagapagligtas sa mga ugnayan natin sa pamilya. Ipabasa sa mga estudyante ang Mga Taga Efeso 5:21–33; 6:1–4, na naghahanap ng mga alituntuning makatutulong para tumibay ang ugnayan at pagsasamahan ng pamilya.

  • Anong mga alituntunin ang itinuro ni Pablo na magpapatibay sa ugnayan at pagsasamahan ng inyong pamilya? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang mga katotohanang tulad ng sumusunod: Ang mga mag-asawa ay dapat magmahalan tulad ng pagmamahal sa atin ng Tagapagligtas. Pinagpapala tayo ng Panginoon kapag iginagalang at sinusunod natin ang ating mga magulang. Dapat palakihin ng mga magulang ang mga anak sa pangangalaga at panghihikayat ng Panginoon.)

Habang nagbabahagi ang mga estudyante, maaari mong gamitin ang isa sa mga sumusunod na ideya sa pagtuturo na pinakaangkop sa inyong talakayan:

Anyayahan ang mga estudyante na magbahagi ng mga halimbawa mula sa buhay ng Tagapagligtas na nagpapakita ng Kanyang pagmamahal sa kapwa. Talakayin kung ano ang itinuturo sa atin ng mga halimbawang ito tungkol sa kung paano dapat tratuhin ng mga mag-asawa at mga miyembro ng pamilya ang isa’t isa.

Sabihin sa mga estudyante na talakayin ang mga paraan kung paano iginalang at sinunod ni Jesucristo ang Kanyang inang si Maria at ang Kanyang Ama sa Langit. Kung kinakailangan, maaaring saliksikin ng mga estudyante ang ilan sa mga sumusunod na talata: Moises 4:2; Lucas 2:42–51; 22:39–42; Juan 5:30; 8:29; 11:41–42; 19:26–27.

Para tapusin ang aktibidad, sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga ugnayan sa pamilya na gusto nilang pagbutihin pa. Anyayahan sila na pagnilayan ang natutuhan nila mula sa halimbawa ng Tagapagligtas at tukuyin kung ano ang gagawin nila para mapabuti ang ugnayan at pagsasamahan ng kanilang pamilya.

Tandaan: Kung nagpahayag ng pag-aalala ang mga estudyante tungkol sa wikang ginamit ni Pablo para ilarawan ang dapat na pakikitungo ng babae sa kanyang asawa, maaari ninyong sabay-sabay na basahin ang “Mga Taga Efeso 5:21–33. Ano ang mensahe ni Pablo tungkol sa pagpapasakop sa asawa?” sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan. Maaari din ninyong basahin ang “Kasal” sa Mga Paksa at Mga Tanong (Gospel Library) upang makahanap ng mga turo mula sa mga lider ng Simbahan sa mga huling araw tungkol sa pagiging pantay na magkatuwang ng kalalakihan at kababaihan sa kanilang pagsasama bilang mag-asawa.

Balikan ang “Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral.”

Mga Taga Efeso 6:10–18

Paano ako mapoprotektahan ng Tagapagligtas mula sa kasamaan ng mundong ito?

Maaari kang magsimula sa pagbabasa ng sumusunod na pahayag ni Elder Ulisses Soares:

Elder Ulisses Soares

Ang pakikidigma ng kabutihan laban sa kasamaan ay magpapatuloy habang nabubuhay tayo dahil layunin ng kaaway na gawing kaaba-abang katulad niya ang lahat ng tao. Tatangkain ni Satanas at ng kanyang mga anghel na lituhin ang ating isipan at kontrolin tayo sa pamamagitan ng panunukso sa atin na magkasala. Kung magagawa nila ito, wawasakin nila ang lahat ng mabuti. Magkagayunman, mahalagang maunawaan na magkakaroon lamang sila ng kapangyarihan sa atin kung tutulutan natin ito. (“Oo, Kaya at Mapagtatagumpayan Natin!,” Liahona, Mayo 2015, 75)

  • Sa anong mga paraan sinisikap ni Satanas na tuksuhin ang mga young adult?

  • Anong mensahe ng pag-asa ang ibinigay ni Elder Soares?

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Mga Taga Efeso 6:10–18, na inaalam kung paano tayo magkakaroon ng kapangyarihan laban sa kaaway.

  • Ayon kay Pablo, paano ninyo malalabanan ang masasamang impluwensya na nakapaligid sa atin sa ating panahon? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang isang katotohanan na tulad ng sumusunod: Kung isusuot natin ang buong baluti ng Diyos, poprotektahan Niya tayo laban sa kasamaan.)

Paano ninyo naipapakita ang inyong pananampalataya kay Jesucristo sa pagsusuot ng baluti ng Diyos?

  • Sa inyong palagay, bakit mahalagang magsuot ng buong baluti ng Diyos at hindi lamang ang ilang bahagi nito? (Maaari ninyong panoorin nang magkakasama ang “The Armor of God” [2:06]).

2:6

Para matulungan ang mga estudyante na mapalalim ang kanilang pag-unawa sa simbolismo ng baluti ng Diyos, bigyan sila ng handout na “Isuot ang Baluti ng Diyos.” (Para sa karagdagang pag-aaral, tingnan sa “Understanding Symbolism in the Scriptures” sa Scripture Study Skills.) Maaaring makipagtulungan ang mga estudyante sa kapartner o sa maliliit na grupo.

handout na Isuot ang Baluti ng Diyos

Matapos ang oras na nakumpleto ng mga estudyante ang handout, anyayahan sila na ibahagi ang natutuhan nila tungkol sa baluti ng Diyos. Bilang bahagi ng inyong talakayan, maaari mong itanong:

Paano kayo naprotektahan ng pagsusuot ng baluti ng Diyos laban sa kasamaan?

Para matulungan ang mga estudyante na maipamuhay ang kanilang natutuhan, maaari mong idispley ang mga sumusunod na tanong at sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang mga ito. Maaaring isulat ng mga estudyante ang anumang impresyon na matatanggap nila.

  • Sa iyong palagay, alin sa mga bahagi o piraso na ito ng espirituwal na baluti ang nagamit mo nang napakahusay?

  • Alin dito ang pinakamahinang bahagi ng iyong baluti?

  • Ano ang maaari mong gawin para matiyak na naisusuot mo ang buong baluti ng Diyos sa bawat araw?

Balikan ang “Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral.”

Mga handout

handout na Mga Pagpapala ng Pakikibahagi sa Simbahan ng Tagapagligtas
handout na Isuot ang Baluti ng Diyos