Mga Kurso Tungkol sa mga Banal na Kasulatan
Lucas 22; Juan 18


“Lucas 22; Juan 18,” Manwal ng Titser ng Institute para sa Bagong Tipan (2025)

ang Tagapagligtas ay nananalangin sa Getsemani

Christ Praying in the Garden of Gethsemane [Si Cristo ay Nananalangin sa Halamanan ng Getsemani], ni Hermann Clementz

Lucas 22; Juan 18

Pagkatapos ng Huling Hapunan, nagdusa si Jesucristo sa Getsemani. Siya ay ipinagkanulo at dinakip. Si Jesus ay hinampas, nilibak, at siniyasat sa harap ng mga pinunong Judio. Siya ay ikinaila ni Pedro. Si Jesus ay inakusahan sa harap ni Pilato, na walang nakitang kasalanan sa Kanya. Hiniling ng mga pinunong Judio na palayain si Barabas sa halip na si Jesus. Sinunod ni Pilato ang kanilang mga hinihiling at hinatulan si Jesus ng kamatayan.

Karagdagang Resources

Scripture Helps: New Testament [Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan], “Luke 22; John 18 [Lucas 22; Juan 18]

Paalala: Ang “Pambungad sa Kurso” ay nagbibigay ng patnubay kung paano gamitin ang sumusunod na apat na pamantayang elemento ng lesson.

icon ng pag-aaral
Paghihikayat ng Personal na Pag-aaral

Bago magklase, maaari mong ipadala sa mga estudyante ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod na mensahe o ang ilan sa sarili mong mga mensahe:

  • Sino ang nakatulong sa iyo na mapalakas ang iyong pananampalataya kay Jesucristo? Isinasaisip ang taong ito, basahin ang Lucas 22:31–32. Isipin kung paano makakaimpluwensya sa iba ang pagbabalik-loob ng isang tao.

  • Habang binabasa mo ang Lucas 22:39–46, itala ang ilang tanong mo tungkol sa pagdurusa ng Tagapagligtas sa Halamanan ng Getsemani at sa krus. Maghandang talakayin ang iyong mga tanong sa klase.

  • Paano ka tumutugon sa pagdurusa? Habang binabasa mo ang Lucas 22:63–71, isipin kung ano ang matututuhan mo mula sa halimbawa ng Tagapagligtas tungkol sa pagdurusa.

icon ng talakayan
Mga Tanong at Pagbabahagi

Bigyan ng oras ang mga estudyante na magtanong at magbahagi ng mga ideya at katotohanang natuklasan nila sa kanilang personal na pag-aaral ng Lucas 22; Juan 18.

icon ng pagsasanay sa kasanayan
Pagsasanay sa Kasanayan

Ang Lucas 22:39–46 ay maaaring magandang paggamitan ng kasanayang “Using Restoration Scripture to Understand the Bible” sa Scripture Study Skills.

icon ng mga opsiyon sa aktibidad sa pag-aaral
Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral

Maraming opsiyon sa pag-aaral ang inilaan para sa iyo at sa iyong mga estudyante. Mapanalanging piliin kung aling opsiyon o mga opsiyon ang magiging pinakamakabuluhan para sa klase mo.

Lucas 22:31–32

Paano mapagpapala ng pagbabalik-loob ko kay Jesucristo ang aking sarili at ang iba?

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral

Tulungan ang mga mag-aaral na madama ang pagmamahal, kapangyarihan, at awa ng Panginoon sa kanilang buhay. Makabubuting malaman ang tungkol sa pagmamahal, kapangyarihan, at awa ng Tagapagligtas, ngunit kinakailangan din nating maranasan ito. Pag-isipang mabuti ang mga paraan para matulungan ang mga estudyante na matukoy ang impluwensya ng Tagapagligtas sa kanilang buhay. Kung may ilang estudyante na hindi sigurado kung nadama nila ang Kanyang impluwensya, bigyan sila ng oras na pagnilayan at talakayin ang ibig sabihin ng madama ang pagmamahal, kapangyarihan, at awa ng Panginoon. Sabihin sa mga estudyante na ipagdasal ang mga ganitong uri ng karanasan.

Idispley ang sumusunod na mga larawan, at anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang ilang mahahalagang karanasan ni Pedro sa Tagapagligtas.

  • Ano ang nalaman ni Pedro tungkol sa Tagapagligtas sa pamamagitan ng mga karanasang ito?

Inaanyayahan ni Cristo ang Kanyang mga disipulo na lulan ng bangka na sumunod sa Kanya

Christ Calling Peter and Andrew [Tinatawag ni Cristo sina Pedro at Andres], ni James T. Harwood

si Jesucristo na naglalakad sa tubig at sinagip si Pedro

Finisher of Faith [Tagapagsakdal ng Pananampalataya], ni J. Alan Barrett

Sina Pedro, Santiago, at Juan na nakatingin habang nagbabagong-anyo si Cristo

Ang Pagbabagong-anyo, ni Greg K. Olsen

Basahin nang sabay-sabay ang Lucas 22:31–32, na inaalam kung ano pa ang kailangang mangyari sa buhay ni Pedro bago niya mapalakas ang iba. Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na katotohanan: Kapag tunay tayong nagbalik-loob, dinadagdagan natin ang ating kakayahan na palakasin ang iba sa kanilang pananampalataya kay Jesucristo. (Kung kailangan ng mga estudyante ng tulong sa pag-unawa sa talata 31, ipabasa sa kanila ang “Luke 22:31 [Lucas 22:31]. What does it mean to be sifted as wheat by Satan? [Ano ang ibig sabihin ng ‘ligligin [ni Satanas na] gaya ng trigo’?]” sa Scripture Helps: New Testament [Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan.)

  • Bakit mahalagang malaman na ipinagdasal ng Tagapagligtas ang pananampalataya ni Pedro? Ano ang nadarama ninyo dahil alam ninyong ipinagdasal din kayo ng Tagapagligtas? (tingnan sa Juan 17:20).

  • Sa anong mga paraan maaaring makaapekto ang personal na pagbabalik-loob sa kakayahan ninyong palakasin ang iba?

Isiping ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Dallin H. Oaks o panoorin ang “Strengthen Thy Brethren” (1:48).

1:48
Pangulong Dallin H. Oaks

Upang mapalakas ang kanyang mga kapatid—upang pangalagaan at pamunuan ang kawan ng Diyos—ang lalaking ito [si Pedro] na sumunod kay Jesus sa loob ng tatlong taon, na binigyan ng awtoridad ng banal na pagkaapostol, na naging magiting na guro at tagapagpatotoo ng ebanghelyong Kristiyano, at na ang patotoo ay naging dahilan para ipahayag ng Panginoon na siyang pinagpala ay kailangan pa ring “magbalik-loob.”

Ang hamon ni Jesus ay nagpapakita na ang pagbabalik-loob na hinihingi Niya sa mga yaong papasok sa kaharian ng langit (tingnan sa Mat. 18:3) ay higit pa sa pagbabalik-loob lamang sa katotohanan ng ebanghelyo. Ang magpatotoo ay ang malaman at ang magpahayag. Ang hamon ng ebanghelyo sa atin na “magbalik-loob,” na nag-uutos sa atin na gumawa at maging nais ng Diyos na kahinatnan natin. Kung umaasa lang ang sinuman sa atin sa kaalaman at patotoo natin sa ebanghelyo, tayo ay nasa katayuan din ng mga Apostol na mapapalad ngunit may kakulangan pa rin na hinamon ni Jesus na “magbalik-loob.” Lahat tayo ay may kilala na may malakas na patotoo ngunit hindi kumikilos ayon dito upang mapabalik-loob. (“The Challenge to Become,” Ensign, Nob. 2000, 33)

  • Bakit mahalagang maunawaan ang pagkakaiba ng nalalaman ang tungkol kay Cristo at ng nagbalik-loob sa Kanya?

  • Ano ang mga ginagawa ninyo na nakatulong sa inyo na mas magbalik-loob sa Tagapagligtas? (Ipaalala sa mga estudyante na huwag balewalain ang maliliit at karaniwang mga bagay na naghihikayat ng pagbabalik-loob.)

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na isipin ang isang taong kilala nila na tunay na nagbalik-loob sa Panginoon. Pagpartnerin ang mga estudyante o hatiin sa maliliit na grupo, at sabihin sa bawat estudyante na magsalita tungkol sa taong natukoy niya. Maaari nilang talakayin kung paano sila naimpluwensyahan ng pagbabalik-loob ng taong iyon sa Tagapagligtas.

Hikayatin ang mga estudyante na itala kung paano nila mapapalalim ang kanilang pagbabalik-loob kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo upang mas maging handa sila na palakasin ang iba.

Balikan ang “Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral.”

Lucas 22:39–46; Mateo 26:36–41; Marcos 14:32–38

Ano ang ginawa ng Tagapagligtas para sa akin sa Halamanan ng Getsemani?

Isiping ipakita sa mga miyembro ng klase ang isa o mahigit pa sa sumusunod na mga larawan ni Jesucristo na nananalangin sa Halamanan ng Getsemani. Ipaliwanag na sa Getsemani, at kalaunan sa Kalbaryo, nakaranas si Jesucristo ng di-mawaring pagdurusa bilang bahagi ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo. Anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang nakikita at nadarama nila kapag tinitingnan nila ang mga paglalarawang ito tungkol sa pagdurusa ng Tagapagligtas.

si Jesus na nananalangin sa Getsemani
si Cristo na nananalangin sa Getsemani

Jesus Praying in Gethsemane [Si Jesus ay Nananalangin sa Getsemani], ni Harry Anderson

isang anghel na pinapalakas ang loob ng nagdurusang si Jesus

Christ in Gethsemane [Si Cristo sa Getsemani], ni Carl Heinrich Bloch

Sabihin sa mga estudyante na bumuo ng maliliit na grupo na may kahit tig-tatatlong katao. Ipabasa sa bawat miyembro ng grupo ang Lucas 22:39–46; Mateo 26:36–41; o Marcos 14:32–38, na inaalam ang matututuhan natin tungkol sa karanasan ng Tagapagligtas. Anyayahan sila na ibahagi sa isa’t isa ang kanilang nalaman. Maaaring matukoy ng mga estudyante ang mga kaalamang tulad ng sumusunod: Si Jesus ay pinalakas ng isang anghel nang Siya ay magdusa. Noong nagdurusa nang matindi si Jesucristo, nanalangin Siya nang mas taimtim. Ang pagdurusa ng Tagapagligtas ay napakatindi kaya nagpawis Siya ng maraming patak ng dugo. Si Jesus ay lubos na nagpasakop sa kalooban ng Diyos, kahit nahirapan Siya sa matinding pagdurusa.

Ipaliwanag na bagama’t itinuturo sa atin ng mga scripture passage na ito ang tungkol sa nangyari sa Getsemani, inihahayag ng banal na kasulatan ng Pagpapanumbalik ang mahahalagang katotohanan tungkol sa naisakatuparan ng Tagapagligtas. Para matuklasan ang mga katotohanang ito, sabihin sa mga estudyante na sanayin ang kasanayang “Using Restoration Scripture to Understand the Bible” sa Scripture Study Skills. Maaaring gamitin ng mga estudyante ang mga footnote, ang search feature sa Gospel Library, o ang Gabay sa mga Banal na Kasulatan (tingnan ang “Dugo,”Bayad-sala, Pagbabayad-sala,” o “Getsemani”). O maaari mong imungkahi sa mga estudyante na pag-aralan ang Mosias 3:7; 15:9; Alma 7:11–13; at Doktrina at mga Tipan 19:16–19. Sabihin sa mga estudyante na alamin kung ano ang idinagdag ng mga banal na kasulatan na ito sa kanilang pang-unawa tungkol sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas.

Matapos bigyan ng oras na mag-aral ang mga estudyante, sabihin sa kanila na isulat sa pisara ang mga katotohanang nalaman nila. Maaaring matukoy ng mga estudyante ang mga katotohanang tulad ng sumusunod: Si Jesucristo ay nagdusa ng di-mawaring sakit dahil sa aking mga kasalanan para ako ay makapagsisi (tingnan sa Mosias 15:9; Doktrina at mga Tipan 19:16–19). Si Jesucristo ay nagdusa ng lahat ng uri ng sakit upang maunawaan Niya ako at tulungan ako sa aking mga kahinaan (tingnan sa Mosias 3:7; Alma 7:11–13).

Maaari mong talakayin ang mga sumusunod na tanong:

  • Paano naiimpluwensyahan ng mga katotohanang ito mula sa mga banal na kasulatan ng Pagpapanumbalik ang pagtingin ninyo sa Tagapagligtas?

  • Ano ang kahulugan sa inyo ng karanasan ng Tagapagligtas sa Halamanan ng Getsemani, at kalaunan sa krus?

  • Paano makakaimpluwensya sa nadarama ninyo sa Tagapagligtas ang pag-unawa at pagninilay sa Kanyang pinagdusahan?

Maaari mo ring ipakita at talakayin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson:

Pangulong Russell M. Nelson

Habang tinitiis ko ang matinding sakit na dulot ng aking pinsala kamakailan, nakadama ako ng mas malalim na pagpapahalaga kay Jesucristo at sa di-maunawaang kaloob ng Kanyang Pagbabayad-sala. Isipin ninyo ito! Dumanas ang Tagapagligtas ng “mga pasakit at hirap at lahat ng uri ng tukso” [Alma 7:11] upang tayo ay Kanyang mapanatag, mapagaling, masagip sa oras ng mga pangangailangan. (“Isipin ang Kahariang Selestiyal!,” Liahona, Nob. 2023, 117)

Sabihin sa mga estudyante na pagnilayan kung paano nila maipapakita ang pasasalamat para sa pagdurusa ng Tagapagligtas para sa kanila. Maaari nilang isulat ang maiisip nila. Hikayatin sila na kumilos ayon sa mga pahiwatig sa kanila. (Maaari mong patugtugin ang himnong “Ako ay Namangha” [Mga Himno, blg. 115] habang nagninilay o nagsusulat sila.)

Balikan ang “Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral.”

Juan 18:1–12, 33–40; Mateo 26:47–50; Lucas 22:47–48, 63–71

Ano ang matututuhan ko mula sa Tagapagligtas tungkol sa pananatiling tapat kapag nakararanas ako ng pagdurusa?

Sabihin sa mga estudyante na magbahagi ng mga halimbawa ng pagdurusa na naranasan nila o ng mga taong kilala nila.

  • Paano makakaimpluwensya sa ating buhay ang pagdurusa?

  • Paano makakaapekto ang pagdurusa sa ating kahandaang gawin ang kalooban ng Diyos?

Ipaliwanag na sa mga oras sa pagitan ng Kanyang pagdurusa sa Halamanan ng Getsemani at ng Pagpapako sa Kanya sa Krus, pinagmalupitan at inusig si Jesus ng Kanyang mga kaaway. Maaari mong ipakita ang ilang larawan ng mga pangyayaring ito. (Tingnan ang mga larawan sa bahaging “Media” ng “Luke 22; John 18 [Lucas 22; Juan 18]” sa Scripture Helps: New Testament [Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan].)

Ipakita ang mga sumusunod na pangyayari, scripture passage, at tanong. Sabihin sa mga estudyante na bumuo ng maliliit na grupo, pumili ng isa o mahigit pa sa sumusunod na mga pangyayari, basahin ang mga kaugnay na talata, at pagkatapos ay talakayin ang mga tanong sa ibaba:

  • Si Jesus ay dinakip: Mateo 26:47–50; Lucas 22:47–48; Juan 18:1–12

  • Si Jesus ay nilitis sa harap ng mga punong pari: Lucas 22:63–71

  • Si Jesus ay hinatulan ni Pilato: Juan 18:33–40

  • Ano ang mga naisip at nadama ninyo habang pinagninilayan ninyo ang naranasan ng Tagapagligtas?

  • Ano ang hinangaan ninyo sa paraan ng pagtugon ng Tagapagligtas sa mga umuusig sa Kanya?

  • Ano ang matututuhan ninyo mula sa Tagapagligtas tungkol sa pagharap sa paghihirap?

Matapos basahin at talakayin ng mga estudyante ang mga tanong, maaari mong ipakita ang sumusunod na katotohanan: Nang maharap sa matinding paghihirap, nanatiling tapat si Jesucristo sa Kanyang banal na misyon at tungkulin. Bilang klase, maaari ninyong talakayin ang sumusunod na mga tanong:

  • Sa palagay ninyo, bakit nanatiling nakatuon si Jesucristo sa Kanyang banal na misyon sa kabila ng paghihirap na dinanas Niya? (Bilang bahagi ng talakayang ito, maaari mong anyayahan ang mga estudyante na pag-aralan ang 1 Nephi 19:8–9. Maaari nilang alamin ang itinuro ni Nephi kung bakit handa ang Tagapagligtas na tiisin ang gayong malupit at di-makatarungang pagtrato.)

  • Ano ang makatutulong sa inyo na manatiling nakatuon sa mga layunin ng Diyos para sa inyo?

  • Paano kayo napagpala sa pagpiling sundin ang kalooban ng Ama sa Langit, kahit na dumaranas kayo ng pagdurusa?

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung paano nila matutularan ang halimbawa ng Tagapagligtas sa pagsasakatuparan ng mga layunin ng Ama sa Langit kahit dumaranas sila ng paghihirap. Maaari mong bigyan ng oras ang mga estudyante na isulat ang tungkol sa kanilang mga espirituwal na impresyon at ang mga mithiin nila para sa kanilang sarili.

Balikan ang “Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral.”