“2 Corinto 8–13,” Manwal ng Guro ng Institute para sa Bagong Tipan (2025)
2 Corinto 8–13
Pinayuhan ni Pablo ang mga Banal sa Corinto na tularan ang halimbawa ng Tagapagligtas at masayang magbigay sa mga nangangailangan. Itinuro niya na ang biyaya ng Diyos ay sagana kapag naglilingkod tayo sa iba. Itinuro din ni Pablo na sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos ay makatatanggap tayo ng kapangyarihang umiwas sa mga panlilinlang ni Satanas, madaig ang ating mga kahinaan, at makahanap ng layunin sa ating mga pagsubok.
Karagdagang Resources
Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan, “2 Corinto 8–13”
Paalala: Ang “Pambungad sa Kurso” ay nagbibigay ng gabay kung paano gamitin ang sumusunod na apat na pamantayang elemento ng lesson.
Paghihikayat ng Personal na Pag-aaral
Bago magklase, maaari mong ipadala sa mga estudyante ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod na mensahe o ang ilan sa sarili mong mga mensahe:
-
Mahirap ba para sa iyo na magbigay sa mga nangangailangan? Sa pag-aaral mo ng 2 Corinto 8–9, isipin kung ano ang makatutulong sa iyo na maging mas mapagbigay.
-
Anong mga panlilinlang ang maaaring maglayo sa iyo kay Jesucristo? Sa pag-aaral mo ng 2 Corinto 11:1–15, tingnan ang natutuhan mo tungkol sa kung paano tayo tinutulungan ng Diyos na maiwasan ang panlilinlang.
-
Nakadama ka ba ng panlulumo sa iyong mga kahinaan? Habang binabasa mo ang 2 Corinto 12:7–10, hanapin ang panlulumong nadama ni Pablo.
Mga Tanong at Pagbabahagi
Bigyan ng oras ang mga estudyante na magtanong at magbahagi ng mga kabatiran at katotohanang natuklasan nila sa kanilang personal na pag-aaral ng 2 Corinto 8–13.
Pagsasanay sa Kasanayan
Ang 2 Corinto 12:7–10 ay maaaring magandang paggamitan ng kasanayang “Taking Meaningful Notes” sa Scripture Study Skills.
Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral
Maraming opsiyon sa pag-aaral ang inilaan para sa iyo at sa iyong mga estudyante. Mapanalanging piliin kung aling opsiyon o mga opsiyon ang magiging pinakamakabuluhan para sa klase mo.
Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral
Lumikha ng kapaligiran na angkop sa espirituwal na pag-aaral. Isaisip ang kapaligirang nililikha mo sa iyong klase. Ang paraan ba ng pagbati at pakikipag-ugnayan mo sa mga estudyante ay nag-aanyaya sa Espiritu? Ipinaaalala mo ba sa mga estudyante ang kanilang responsibilidad sa paglikha ng espirituwal na kapaligiran ng klase? Naghahanap ka ba ng mga pagkakataong tulungan ang mga mag-aaral na matuklasan kung paano nakikipag-ugnayan ang Espiritu sa kanila? Binibigyan mo ba sila ng maraming oras para pagnilayan at isulat ang natututuhan nila mula sa Espiritu Santo?
2 Corinto 8:1–15; 9:6–15
Ano ang ipagagawa sa akin ng Panginoon para sa mga maralita at sa iba pang mga taong nangangailangan?
Maaari kang magsimula sa isang sitwasyon tulad ng sumusunod:
Isang araw habang nasa grocery, napansin mo na ang taong nasa harapan mo sa checkout ay walang sapat na pera para bayaran ang kanyang pagkain. Ano ang gagawin mo?
-
Bakit kung minsan ay mahirap malaman kung paano tumulong sa mga nangangailangan?
Sa talakayang ito, sabihin sa mga estudyante na humingi ng inspirasyon kung paano nila mabibigyan ng tulong ang mga nakapaligid sa kanila.
Ipaliwanag na sa 2 Corinto 8–9, pinayuhan ni Pablo ang mga Banal sa Corinto tungkol sa pangangalaga sa mga maralita at sa iba pang mga taong nangangailangan. Ipakita ang mga sumusunod na tanong at scripture passage. Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang mga talata sa maliliit na grupo at hanapin ang mga katotohanang sumasagot sa mga kaugnay na tanong:
-
Ano ang matututuhan ko mula sa Tagapagligtas tungkol sa pagbibigay sa mga maralita? Basahin ang 2 Corinto 8:1, 9–5.
-
Gaano kalaki ang dapat kong ibigay? Basahin ang 2 Corinto 9:6 (tingnan din sa Alma 1:30).
-
Ano ang dapat kong maging saloobin kapag nagbibigay sa mga nangangailangan? Basahin ang 2 Corinto 8:12; 9:7 (tingnan din sa Moroni 7:6–8).
-
Paano nauugnay ang pagbibigay sa pasasalamat? Basahin ang 2 Corinto 9:11–15.
Matapos maglaan ng oras para makapag-aral bilang grupo, sabihin sa mga estudyante na isulat sa pisara ang mga katotohanang natagpuan nila na tumutulong sa pagsagot sa mga tanong. (Maaari nilang matukoy ang mga katotohanan na tulad ng sumusunod: Ang pag-unawa sa ibinigay sa atin ng Tagapagligtas ay makatutulong sa atin na maging mas handang magbigay sa iba. Nais ng Diyos na maging handa tayong magbigay kahit na maaaring wala tayong maibibigay. Kung bukas-palad tayong magbibigay sa mga nangangailangan, bukas-palad tayong pagpapalain ng Diyos. Mahal ng Diyos ang masayang nagbibigay. Ang pagtugon sa mga pangangailangan ng iba ay isang paraan ng pagpapasalamat sa Diyos.)
Maaari mong talakayin ang ilan sa mga sumusunod upang matulungan ang mga estudyante na mas mapalalim ang kanilang pag-unawa tungkol sa mga katotohanang ito.
-
Paano kayo mahihikayat ng pagninilay sa buhay at misyon ng Tagapagligtas na magbigay sa iba?
-
Paano kayo magiging mapagbigay sa iba kung wala kayong masyadong maibibigay?
-
Ano ang tumutulong sa inyo na maging masayang nagbibigay? Paano kayo napagpala ng isang taong masayang nagbibigay?
-
Sa anong paraan nakapagpapakita ng pasasalamat sa Diyos ang pagbibigay sa iba?
Maaari ninyong pag-usapan nang sama-sama ang mga partikular na paraan na masusunod natin ang utos ng Panginoon na pangalagaan ang mga nangangailangan. Bilang bahagi ng talakayang ito, maaari mong anyayahan ang mga estudyante na magbahagi ng mga halimbawa na nakita nila sa kanilang sariling buhay.
Maaari mong tapusin ang aktibidad na ito sa pamamagitan ng pagbahagi ng sumusunod na pahayag ni Pangulong Jeffrey R. Holland:
Hindi ko alam kung paano dapat tuparin ng bawat isa sa inyo ang inyong obligasyon sa mga taong hindi tinutulungan o hindi kayang tulungan palagi ang kanilang sarili. Ngunit alam ko na alam ng Diyos, at tutulungan at gagabayan Niya kayo sa mahabaging paglilingkod bilang disipulo kung taimtim kayong maghahangad at magdarasal at hahanap ng mga paraan na masunod ang isang utos na paulit-ulit Niyang ibinigay sa atin. (“Hindi Ba’t Tayong Lahat ay mga Pulubi?,” Liahona, Nob. 2014, 41)
Bigyan ng oras ang mga estudyante na pag-isipan kung ano ang personal nilang magagawa para matulungan ang isang taong nangangailangan. Hikayatin ang mga estudyante na itala ang kanilang plano.
2 Corinto 11:1–15
Paano ako mapapanatiling nakatuon kay Jesucristo ng mga propeta at apostol ng Panginoon?
Maaari kang magsimula sa sumusunod na sitwasyon:
Si Mary ay pinalaki sa Simbahan. Bagama’t may patotoo siya tungkol sa Tagapagligtas, may mga tanong din siya tungkol sa Kanyang pagka-diyos. Para matugunan ang kanyang mga alalahanin, nakikinig at nagbabasa siya ng mga source na karamihan ay pinapatunay na hindi Diyos si Jesus. Pagkaraan ng ilang linggo, mas nalilito siya ngayon kaysa noon.
-
Anong mga problema ang nakikita ninyo sa pamamaraang ito ni Mary?
-
Paano hahantong sa pagkalinlang ang ganitong pamamaraan?
Ipaliwanag na noong panahon ni Pablo, ang ilan sa mga Banal sa Corinto ay nakatagpo ng mga bulaang apostol na nanlilinlang sa mga tao.
Ipabasa sa mga estudyante ang 2 Corinto 11:3–4, 13–15, na inaalam kung paano hinahangad ni Satanas na linlangin tayo.
-
Ayon kay Pablo, paano tayo malilinlang? (Maaaring tukuyin ng mga estudyante ang isang katotohanan na tulad ng sumusunod: Ginagamit ni Satanas ang mga huwad na guro at mapanlinlang na gawain para ilayo tayo kay Jesucristo.)
-
Paano tayo mapoprotektahan ng mga Apostol ng Panginoon, tulad ni Pablo, mula sa panlilinlang?
-
Paano nakatulong sa inyo ang mga buhay na propeta at apostol ng Panginoon para makaiwas sa panlilinlang? Paano nila kayo natulungang tumuon kay Jesucristo?
Sabihin sa mga estudyante na isipin kunwari na sila si Mary, at sa halip na pakinggan at basahin ang karamihan sa mga antagonistikong materyal, ay bumaling sila sa mga propeta at apostol ng Panginoon. Maaari mong patingnan sa mga estudyante ang Gospel Library at saliksikin ang isa sa sumusunod na mga source para makita ang itinuturo ng mga propeta at apostol tungkol kay Jesucristo:
-
Ang paksang “Jesucristo” sa Pangkalahatang Kumperensya
Pagkatapos ng sapat na oras, anyayahan ang mga estudyante na ibahagi sa kapartner o sa klase ang nalaman nila. Maaari mong itanong ang tulad ng mga sumusunod:
-
Ano ang itinuro sa inyo ng mensaheng pinag-aralan ninyo tungkol kay Jesucristo?
-
Paano naimpluwensyahan ng binasa ninyo ang inyong mga iniisip o nadarama tungkol sa Tagapagligtas?
-
Paano nakatulong sa inyo ang pag-aaral ng mga salita ng mga propeta at apostol ng Panginoon na maunawaan ang katotohanan tungkol kay Jesucristo? Paano kayo nito naprotektahan mula sa panlilinlang?
Bilang pagtatapos, maaari mong ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson:
Walang katapusan ang mga panlilinlang ng kaaway. Mangyaring maging handa. Huwag humingi ng payo sa mga taong hindi naniniwala. Humingi ng patnubay mula sa mga tinig na mapagkakatiwalaan ninyo—mula sa mga propeta, tagakita, at tagapaghayag at mula sa mga bulong ng Espiritu Santo, na “magbibigay-alam sa inyo ng lahat ng bagay na nararapat ninyong gawin” [2 Nephi 32:5; idinagdag ang pagbibigay-diin]. (“Isipin ang Kahariang Selestiyal!,” Liahona, Nob. 2023, 119)
Hikayatin ang mga estudyante na isipin kung ano ang magagawa nila para gawing mas mahalagang bahagi ng kanilang buhay ang mga salita ng mga propeta at apostol.
2 Corinto 12:1–10
Paano ako pinalalakas ng Tagapagligtas kapag mahina ako?
Sabihin sa mga estudyante na magbahagi ng mga hamon o kahinaan na kinakaharap ng mga young adult. Isulat sa pisara ang kanilang mga sagot. Pagkatapos ay bigyan ng oras ang mga estudyante na mag-isip ng personal na hamon o kahinaan na sinisikap nilang pagtagumpayan. Sabihin sa kanila na isaisip ang kanilang personal na hamon o kahinaan habang ginagawa ang aktibidad na ito sa pag-aaral at itala ang anumang pahiwatig na natatanggap nila.
Ipaliwanag na sa 2 Corinto 12:1–6, binanggit ni Apostol Pablo ang isang pambihirang pangitain na nakita niya. Matapos ikuwento ang pangitaing ito, nagsalita siya tungkol sa isang kahinaan na kanyang dinanas. Ipabasa sa klase ang 2 Corinto 12:7–10, na inaalam kung paano inilarawan ni Pablo ang kanyang kahinaan. Habang ibinabahagi ng mga estudyante ang natuklasan nila, isiping magpakita ng larawan ng mga tinik na tulad ng sumusunod:
-
Ano ang nakikita ninyong makabuluhan sa paghahambing ni Pablo sa kanyang hamon o kahinaan sa “tinik sa laman”? (talata 7). (Paalala: Maaaring makatulong na bigyang-kahulugan ang mahihirap na salita at ibahagi ang entry na “2 Corinto 12:7–9: Ano ang tinik na nagpahirap kay Pablo?” sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan.)
Ipabasa sa mga estudyante ang 2 Corinto 12:8–10, na inaalam ang natutuhan ni Pablo nang humingi siya ng tulong sa Panginoon.
-
Ano ang natutuhan ninyo tungkol sa paghihirap ni Pablo?
-
Anong mga parirala ang pinakatumimo sa inyo? Bakit? (Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na pumili ng isang parirala na pinakanakaantig sa kanila at mag-ukol ng ilang minuto sa pagsasaulo nito. Ito ay maaaring magandang paggamitan ng kasanayang “Memorizing Scripture Passages” sa Scripture Study Skills).
-
Anong mga katotohanan ang natutuhan ninyo tungkol sa Tagapagligtas mula sa karanasan ni Pablo? (Maaaring tukuyin ng mga estudyante ang mga katotohanan na tulad ng sumusunod: Ang biyaya ni Jesucristo ay sapat na upang palakasin tayo sa ating mga kahinaan. Hindi laging inaalis ng Panginoon ang ating mga hamon, ngunit palalakasin Niya tayo kapag tapat nating tinitiis ang mga ito.)
-
Paano makakaapekto ang pag-alam sa mga katotohanang ito sa paraan ng pagtugon ninyo sa inyong mga kahinaan o kakulangan?
Maaaring bumuo ng maliliit na grupo ang mga estudyante at pag-aralan ang “Biyaya” sa Mga Paksa at Mga Tanong (Gospel Library). Sabihin sa kanila na alamin ang mga dahilan kung bakit sapat na ang biyaya ng Tagapagligtas para sa kanila. Matapos ibahagi ng mga estudyante ang nalaman nila, isiping talakayin sa klase ang mga sumusunod na tanong:
-
Ano ang natutuhan ninyo tungkol sa Tagapagligtas ngayon na naghihikayat o tumutulong sa inyo?
-
Kailan ninyo nadama na pinalakas kayo ni Jesucristo sa pamamagitan ng inyong mga kahinaan? (Bilang bahagi ng iyong pagtalakay sa tanong na ito, isiping panoorin ang video na “Let God Guide You: From Weakness to Strength” [6:06]. Sabihin sa mga estudyante na alamin at talakayin kung paano ipinakita ang mga turo ni Pablo mula sa 2 Corinto 12 sa video na ito.)
6:7
Maaari kang magsimula sa pagbabahagi ng sumusunod na pahayag ni Bishop Gérald Caussé:
Ang Diyos ay hindi Diyos ng mga superhero, ni ng mga taong walang kahinaan. Ang gayong mga nilalang ay hindi umiiral! Tinutulungan ng Diyos ang mga taong katulad ko at ninyo, ang mga taong kinikilala ang kanilang mga limitasyon at ang kahinaan ng kanilang kalagayan at humihingi ng Kanyang tulong at patnubay. …
… Kapag inyong … inilagay ang inyong tiwala sa Panginoon, makikita ninyo na ang inyong mga kahinaan ay magiging kalakasan sa pamamagitan ng kapangyarihan at biyaya ng Kanyang Pagbabayad-sala. (“For When I Am Weak, Then Am I Strong” [Brigham Young University devotional, Dis. 3, 2013], 3, 6–7, speeches.byu.edu)
Bigyan ng oras ang mga estudyante na isipin kung paano nila maipapamuhay ang mga katotohanang natutuhan nila sa kanilang personal na kalagayan. Hikayatin silang itala ang kanilang plano at ang mga espirituwal na nadama nila.