“1–3 Juan; Judas,” Manwal ng Guro ng Institute para sa Bagong Tipan (2025)
1–3 Juan; Judas
Bilang mga saksi ng nabuhay na mag-uling Tagapagligtas, pinayuhan nina Juan at Judas ang matatapat kung paano nila mapaglalabanan ang mga maling aral o doktrina. Itinuon ni Juan ang kanyang mensahe sa liwanag at pag-ibig ng Diyos, na ipinakita sa pamamagitan ng nakapagliligtas na misyon ni Jesucristo. Itinuro din ni Juan kung paanong ang pag-ibig ng Diyos ay hindi lamang nagbibigay-inspirasyon sa atin na mahalin Siya at ang ating kapwa kundi hinihikayat din Niya ang pagsunod habang sinisikap nating lumakad sa katotohanan. Hinikayat ni Judas ang lahat na umasa kay Jesucristo at nagpatotoo tungkol sa “kanya na may kakayahang mag-ingat sa inyo mula sa pagkatisod” (Judas 1:24).
Karagdagang Resources
Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan, “1–3 Juan; Judas”
Paalala: Ang “Pambungad sa Kurso” ay nagbibigay ng gabay kung paano gamitin ang sumusunod na apat na pamantayang elemento ng lesson.
Paghihikayat ng Personal na Pag-aaral
Bago magklase, maaaring magpadala sa mga estudyante ng isa o mahigit pa sa mga sumusunod na mensahe o ng ilan sa sarili mong mga mensahe:
-
Lahat tayo ay nagkakasala sa ating buhay. Basahin ang 1 Juan 1:5–10; 2:1–6 para malaman kung paano kayo matutulungan ni Jesucristo.
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “ang Diyos ay pag-ibig”? (1 Juan 4:8). Paano dapat makaimpluwensya ang pag-ibig o pagmamahal ng Diyos sa atin—at ang pagmamahal natin sa Kanya—sa paraan ng pakikitungo natin sa ibang tao? Pag-isipan ang mga tanong na ito habang binabasa ninyo ang 1 Juan 2:7–11; 3:11–23; 4:7–21.
-
Paano natin maiiwasang malinlang ng mga maling turo na maaaring makasira sa ating pananampalataya? Basahin ang 1 Juan 1:1–3; 2:18–28; 4:1–6; 2 Juan 1:7–11 para malaman kung paano nagbabala si Juan laban sa mga maling turo at panlilinlang.
Mga Tanong at Pagbabahagi
Bigyan ng oras ang mga estudyante na magtanong at magbahagi ng mga nalaman at katotohanang natuklasan nila sa kanilang personal na pag-aaral ng 1–3 Juan at Judas.
Pagsasanay sa Kasanayan
Ang 1 Juan 2:7–11; 3:11–23; 4:7–21 ay maaaring magandang paggamitan ng kasanayang “Identifying Gospel Truths in the Scriptures” sa Scripture Study Skills.
Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral
Maraming opsiyon sa pag-aaral ang inilaan para sa iyo at sa iyong mga estudyante. Mapanalanging piliin kung aling opsiyon o mga opsiyon ang magiging pinakamakabuluhan para sa klase mo.
Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral
Mag-follow up sa mga kasanayan sa pag-aaral na ipinabatid mo. Ang mga estudyante ay mas malamang na magpatuloy sa paggamit ng mga kasanayan sa pag-aaral sa mahabang panahon kung regular mo silang sinasanay at pina-follow up. Kung nagbigay ka ng paanyaya na gumamit ng kasanayan sa pag-aaral sa labas ng klase, mag-follow up sa mga estudyante tungkol sa kanilang karanasan sa susunod na klase. Samantalahin ang pagkakataon sa mga susunod na lesson para rebyuhin at sanayin ang isang kasanayan sa pag-aaral na naipabatid na. Ang makabuluhang pag-uulit ay tutulong sa iyong mga estudyante na makagawian ang mga kasanayang iyon.
1 Juan 1:5–10; 2:1–6
Bakit ko kinakailangan si Jesucristo na maging Tagapagtanggol ko?
Idispley ang sumusunod na self-assessment o pagsusuri sa sarili at anyayahan ang mga estudyante na kumpletuhin ito nang mag-isa:
1 = Lubos na Sumasang-ayon; 2 = Sumasang-ayon; 3 = Neutral; 4 = Hindi Sumasang-ayon; 5 = Lubos na Hindi Sumasang-ayon
-
Minsan ay iniisip ko na hindi mabigat ang aking kasalanan o hindi ko pinapansin ang aking mga kasalanan.
-
May posibilidad na pagtakpan o itago ko ang aking mga kasalanan sa iba.
-
Ang kahihiyan ang pumipigil sa akin na ipagtapat ang aking mga kasalanan.
-
Kung minsan ay nagdadahilan ako sa mga kasalanang ginagawa ko.
-
Sinisikap kong daigin ang aking mga kasalanan nang walang tulong ng Tagapagligtas.
Matapos makumpleto ang self-assessment, anyayahan ang mga estudyante na pag-isipan ang sumusunod na tanong:
-
Ano ang inihahayag ng self-assessment na ito tungkol sa kung paano ninyo hinaharap ang inyong mga kasalanan?
Bigyang-diin na nagbigay si Juan ng isang mahalagang mensahe tungkol sa kasalanan at kung paano ito madaraig. Anyayahan ang mga estudyante na pag-aralan ang 1 Juan 1:5–10; 2:1–6, na hinahanap ang mga katotohanan tungkol sa paraan ng Panginoon para madaig ang kasalanan. Maaari mo ring hilingin sa mga estudyante na pag-isipan ang karagdagang kaalaman sa Pagsasalin ni Joseph Smith, 1 Juan 2:1. Pagkatapos ay maaari mong itanong ang tulad ng mga sumusunod:
-
Paano makatutulong sa atin ang paglalakad sa liwanag ng ebanghelyo ng Tagapagligtas na madaig ang kasalanan?
-
Bakit mahalagang hakbang ang pagtatapat para madaig ang kasalanan?
-
Ano ang natutuhan ninyo tungkol sa papel ng Tagapagligtas sa pagpapatawad ng ating mga kasalanan? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang mga alituntunin na tulad ng sumusunod: Dahil nagbayad-sala si Jesucristo para sa ating mga kasalanan, mapapatawad tayo kapag nagsisi tayo. Si Jesucristo ang ating Tagapagtanggol sa harap ng Ama.)
Maaaring mahalagang bigyan ng oras ang mga estudyante na palalimin ang kanilang pag-unawa sa papel na ginagampanan ng Tagapagligtas bilang ating Tagapagtanggol sa harap ng Ama sa Langit. Maaari nilang pag-aralan ang mga sumusunod na resources. Sa pag-aaral nila, sabihin sa kanila na maghanda ng maikling mensahe tungkol sa kung paano matutulungan ni Jesucristo, bilang ating Tagapagtanggol, ang isang taong pinanghihinaan ng loob dahil sa kanyang mga kasalanan.
-
Basahin ang ilan sa mga scripture passage na nakalista sa entry na “Advocate” sa Guide to the Scriptures (Gospel Library).
-
Basahin ang “1 Juan 2:1–2; 4:10. Ano ang ibig sabihin na si Jesus ang ating Tagapagtanggol?” sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan.
Pagkatapos ng oras para sa pag-aaral, anyayahan ang mga estudyante na maghanap ng kapartner at magsalitan sa pagbabahagi ng kanilang mensahe tungkol sa kung paano tayo matutulungan ni Jesucristo, bilang ating Tagapagtanggol, na madaig ang kasalanan.
Para tulungan ang mga estudyante na madama ang katotohanan at kahalagahan ni Jesucristo bilang ating Tagapagtanggol, maaari mong itanong:
-
Ano ang naiisip at nadarama ninyo tungkol kay Jesucristo, yamang nalalaman ninyo ang kabayarang itinumbas Niya upang Siya ay maging Tagapagtanggol ninyo?
-
Paano nabago ang pagkaunawa ninyo tungkol sa pagsisisi nang matanto ninyo na si Jesucristo ay inyong Tagapagtanggol? (Maaaring isulat ng mga estudyante ang kanilang mga naiisip at impresyon.)
Bilang pagtatapos, maaari mong ipatingin muli sa mga estudyante ang self-assessment na sinagutan nila sa simula ng klase. Ipasuri sa kanila ang kanilang mga sagot batay sa kanilang natutuhan o nadama ngayon.
1 Juan 2:7–11; 3:11–23; 4:7–21; 5:1–5
Paano mababago ng pagmamahal ang buhay ko?
Maaari mong idispley ang mga sumusunod na larawan ng Tagapagligtas. Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang mga naiisip o nadarama nila habang tinitingnan nila ang mga larawang ito.
-
Ano ang matututuhan natin mula kay Jesucristo tungkol sa pagmamahal? (Kung makatutulong, maaari ninyong basahin ang Juan 13:34–35.)
Ipaliwanag na ang isa sa mga pangunahing mensahe sa 1 Juan ay pag-ibig o pagmamahal. Ginamit ni Juan ang salitang pag-ibig nang mahigit 30 beses. Maaari mong isulat sa pisara ang mga sumusunod na header. Maaari ding isulat ng mga estudyante ang mga ito sa isang papel o digital.
|
Pinagmumulan ng Pagmamahal |
Bunga ng Pagmamahal |
Sino ang Mamahalin |
Depende sa laki ng iyong klase, ang mga estudyante ay maaaring gumawa nang mag-isa, nang may kapartner, o sa maliliit na grupo. Mag-assign sa mga indibidwal, magkakapartner, o mga grupo ng isa sa mga sumusunod na scripture passage. Ipahanap sa kanila ang mga salita, parirala, o ideya na maaaring ilagay sa ilalim ng bawat header. Ipasulat ang mga nalaman nila sa ilalim ng angkop na header sa kanilang sariling papel at pagkatapos ay sa pisara.
-
1 Juan 2:7–11
-
1 Juan 3:10–15
-
1 Juan 3:16–19, 23
-
1 Juan 4:7–16
-
1 Juan 4:17–21
-
1 Juan 5:1–5
Matapos isulat ng mga estudyante sa pisara ang kanilang mga nalaman, anyayahan silang tukuyin ang mga nakasaad, ipinahiwatig, o inilarawang katotohanan na nagmumula sa mga talatang ito (tingnan sa “Identify Gospel Truths in the Scriptures” sa Scripture Study Skills). Maaari nilang isulat sa pisara ang mga katotohanang natukoy nila, na maaaring kasama ang sumusunod: Ipinakikita natin ang ating pagmamahal sa Diyos kapag minamahal at pinaglilingkuran natin ang isa’t isa. Ang Diyos ay pag-ibig. Ipinakita ng Diyos ang Kanyang pag-ibig o pagmamahal sa atin sa pagsugo sa Kanyang Anak sa daigdig. Ang pag-ibig ng Diyos ay nag-aalis ng takot. Ipinakikita natin ang ating pagmamahal sa Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga kautusan.
Habang tinutukoy ng mga estudyante ang mga katotohanan, bigyan sila ng oras na pag-isipan ang kahalagahan ng mga katotohanang ito tungkol sa pag-ibig o pagmamahal. Maaari mong itanong ang tulad ng mga sumusunod:
-
Kailan ninyo nakita na naipakita ang katotohanang ito tungkol sa pagmamahal sa pamamagitan ng gawa?
-
Paano kayo naimpluwensyahan ng isang tao na ipinamumuhay ang katotohanang ito?
-
Paano mababago ang buhay ninyo kung tatanggapin ninyo ang katotohanang ito?
Maaaring ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Thomas S. Monson:
Pag-ibig ang pinakadiwa ng ebanghelyo, at si Jesucristo ang ating Huwaran. Ang Kanyang buhay ay pamana ng pag-ibig. …
Maraming katangiang nagpapamalas ng pag-ibig, tulad ng kabaitan, tiyaga, pagiging di-makasarili, pag-unawa, at pagpapatawad. Sa lahat ng ating pakikisalamuha, maipapakita ng mga ito at ng iba pang gayong mga katangian ang pagmamahal na nasa ating puso.
Karaniwang maipapakita ang ating pagmamahal sa araw-araw na pakikihalubilo natin sa isa’t isa. Ang pinakamahalaga ay ang kakayahan nating kilalanin ang pangangailangan ng isang tao at tugunan ito pagkatapos. (“Pag-ibig—ang Pinakadiwa ng Ebanghelyo,” Liahona, Mayo 2014, 91)
Idispley ang mga sumusunod na tanong, at anyayahan ang mga estudyante na tahimik na pag-isipan ang mga ito at isulat ang anumang impresyon nila:
-
Sino ang maaaring nangangailangan na madama ang pag-ibig o pagmamahal ng Tagapagligtas sa pamamagitan ko sa araw na ito?
-
Ano ang maaari kong sabihin o gawin para matulungan sila na madama ang pagmamahal ng Tagapagligtas?
Hikayatin ang mga estudyante na kumilos ayon sa anumang impresyon na natatanggap nila. Ipaalala sa kanila na kadalasan ay nagpapakita tayo ng pagmamahal sa maliliit at araw-araw na pakikipag-ugnayan. Maaari mong ipadala sa kanila ang pahayag ni Pangulong Monson sa linggong ito na may paalala na kumilos nang may pagmamahal.
1 Juan 1:1–3; 2:18–28; 4:1–6; 2 Juan 1:7–11
Ano ang magagawa ko para protektahan ang aking sarili mula sa mga maling turo at panlilinlang?
Maaari kang magsimula sa pamamagitan ng pagbabahagi ng sumusunod na pahayag ni Elder Gary E. Stevenson:
Nais ni Satanas, ang ama ng mga kasinungalingan at [pinakatusong] manlilinlang, na pagdudahan natin kung ano talaga ang mga bagay at balewalain ang mga walang-hanggang katotohanan o kung hindi ay baguhin ang mga ito para maging isang bagay na mukhang mas kasiya-siya. “Siya ay nakipagdigma sa mga banal ng Diyos” [Doktrina at mga Tipan 76:29] at gumugol siya ng isang milenya na nagkakalkula at nagsasanay ng kanyang kakayahan para hikayatin ang mga anak ng Diyos na maniwala na ang mabuti ay masama at ang masama ay mabuti. (“Huwag Mo Akong Linlangin,” Liahona, Nob. 2019, 94)
-
Ano ang ilang halimbawa ng mga maling turo at panlilinlang sa ating panahon?
Bigyang-diin na si Juan, isa sa mga Apostol ng Panginoon, ay sumulat ng mga liham para talakayin ang mga maling turo at panlilinlang sa gitna ng mga Banal. Ipinakikita ng kanyang halimbawa na ang mga apostol at propeta ng Panginoon ay nagbibigay ng proteksyon laban sa mga maling turo at panlilinlang. Ang isang maling turo na kanyang tinalakay ay ang Docetismo. Para mas maunawaan kung bakit malaking alalahanin ito kay Juan, sabihin sa mga estudyante na pumunta sa “1 Juan 4:1–3; 2 Juan 1:7. Bakit hindi ipinahayag ng ilan na si Jesucristo ay nagkatawang-tao?” sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan.
-
Paano maaaring magpahina ng pananampalataya kay Jesucristo ang maling turong ito?
Anyayahan ang mga estudyante na makipagtulungan sa isang kapartner o sa maliliit na grupo at basahin ang 1 Juan 1:1–3; 2:18–28; 4:1–6; 2 Juan 1:7–11, na hinahanap ang sumusunod: (1) mga babala tungkol sa mga maling turo at (2) mga paraan para maprotektahan. Pagkatapos ng oras para sa pag-aaral, maaari mong itanong:
-
Anong mga babala ang ibinigay ni Juan?
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng pagiging anti-Cristo?
-
Paano susubukan o susubukin ng isang tao ang mga espiritu? (Maaari ninyong sabay-sabay na basahin ang “1 Juan 4:1–3. Ano ang ibig sabihin ng ‘subukin ang mga espiritu,’ at bakit mahalaga ito?” sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan.)
-
Paano nakatulong ang mga salitang ito ni Juan sa mga Banal na ito noong unang panahon?
Ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson:
Kung minsan, kami bilang mga lider ng Simbahan ay pinupulaan dahil mahigpit naming sinusunod ang mga batas ng Diyos, ipinagtatangol ang doktrina ng Tagapagligtas, at pinaglalabanan ang pamimilit ng lipunan sa ating panahon. Ngunit ang aming tungkulin bilang mga inordenang apostol ay “humayo sa buong daigdig upang ipangaral ang [Kanyang] ebanghelyo sa bawat nilikha.” Ibig sabihin niyan ay iniuutos sa amin na ituro ang katotohanan. …
Kaya namin inihahayag ang Kanyang katotohanan ay dahil lubos na pinagmamalasakitan [ng mga apostol at propeta] ang lahat ng anak ng Diyos. Maaaring hindi namin palaging sinasabi sa mga tao kung ano ang gusto nilang marinig. Ang mga propeta ay bihirang maging popular. Ngunit palagi naming ituturo ang katotohanan! (“The Love and Laws of God” [Brigham Young University devotional, Set. 17, 2019], 3, speeches.byu.edu)
-
Bakit kung minsan ay mahirap tanggapin ang mga salita ng mga propeta at apostol ng Panginoon?
-
Paano naprotektahan ng kanilang mga turo ang inyong buhay?
Anyayahan ang mga estudyante na buksan ang koleksyong “Pangkalahatang Kumperensya” sa Gospel Library. Gamitin ang search tool sa “Speakers” section, at i-enter ang pangalan ng propeta ng Panginoon sa kasalukuyan. Saliksikin ang mga pamagat ng kanyang mga mensahe, na naghahanap ng mga mensaheng maaaring magsilbing babala laban sa mga maling turo at panlilinlang. Pumili ng isang mensahe, at maghanap ng payo na maaaring magprotekta sa inyo.
Matapos magkaroon ng oras ang mga estudyante na maghanap, hikayatin sila na ibahagi sa isang kaibigan o sa klase ang nahanap nila. Anyayahan sila na sundin ang payo na natagpuan nila at patuloy na maghanap ng mga mensahe mula sa buhay na propeta ng Panginoon na magpoprotekta sa kanila laban sa mga maling turo at panlilinlang.