“Santiago,” Manwal ng Guro ng Institute para sa Bagong Tipan (2025)
Joseph Praying [Si Joseph ay Nananalangin], ni Brian Call
Santiago
Binibigyang-diin sa sulat ni Santiago ang praktikal na pamumuhay ayon sa ebanghelyo. Itinuro ni Santiago na kabilang sa “dalisay na relihiyon” (Santiago 1:27) ang pangangalaga sa mga maralita, ulila, at balo. Itinuro niya na nagpapakita tayo ng pananampalataya sa pamamagitan ng mga gawa ng katuwiran. Binalaan niya ang mga Banal na ang pakikipagkaibigan sa mundo ay pakikipag-away sa Diyos at ang maling paggamit ng kayamanan ay nagdudulot ng kapighatian.
Karagdagang Resources
Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan, “Santiago”
Paalala: Ang “Pambungad sa Kurso” ay nagbibigay ng gabay kung paano gamitin ang sumusunod na apat na pamantayang elemento ng lesson.
Paghihikayat ng Personal na Pag-aaral
Bago magklase, maaaring magpadala sa mga estudyante ng isa o mahigit pa sa mga sumusunod na mensahe o ng ilan sa sarili mong mga mensahe:
-
Anong karunungan ang hinahanap ninyo? Pag-aralan nang mabuti ang Santiago 1:5–8, at panoorin ang video na “Origin” (4:57). Pagkatapos ay pagnilayan kung paano kayo matutulungan ng Diyos.
4:58 -
Gusto ba ninyong magkaroon ng mas malakas na pananampalataya kay Jesucristo? Basahin ang Santiago 2:14–26, na inaalam kung ano ang magagawa ninyo para mapalakas ang inyong pananampalataya.
-
May kapangyarihan ang mga salita! Kailan ninyo naranasan ang kapangyarihan ng inyong mga salita—para sa kabutihan man o kasamaan? Basahin ang Santiago 1:26; 3:1–12 para malaman pa ang tungkol sa kapangyarihan ng mga salita.
Mga Tanong at Pagbabahagi
Bigyan ng oras ang mga estudyante na magtanong at magbahagi ng mga nalaman at katotohanang natuklasan nila sa kanilang personal na pag-aaral ng Santiago.
Pagsasanay sa Kasanayan
Ang Santiago 1:5–8 ay maaaring magandang paggamitan ng kasanayang “Using Teachings of Church Leaders to Understand the Scriptures” sa Scripture Study Skills.
Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral
Maraming opsiyon sa pag-aaral ang inilaan para sa iyo at sa iyong mga estudyante. Mapanalanging piliin kung aling opsiyon o mga opsiyon ang magiging pinakamakabuluhan para sa klase mo.
Santiago 1:5–8
Anong karunungan ang kulang sa akin?
Maaari kang magsimula sa pagdispley ng mga sumusunod na tanong ni Pangulong Russell M. Nelson. Pagkatapos ay papunan sa mga estudyante ang mga patlang sa pahayag.
Anong karunungan ang kulang sa inyo? Ano sa palagay ninyo ang kailangan ninyong malaman o maunawaan kaagad? (“Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay,” Liahona, Mayo 2018, 95)
Kailangan ko ng karunungan tungkol sa para ko .
Ipaliwanag na itinuro ni Santiago, na kapatid ni Jesus, sa mga Banal sa kanyang panahon kung paano maghangad ng karunungan mula sa Diyos. Anyayahan ang mga estudyante na pag-aralan ang Santiago 1:5–6, na inaalam ang itinuro ni Santiago tungkol sa kung paano tayo magtatamo ng karunungan.
-
Ano ang itinuturo sa inyo ng mga talatang ito tungkol sa karunungan? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang isang katotohanan na tulad ng sumusunod: Ang Ama sa Langit ay bukas-palad na nagbibigay ng karunungan sa mga humihingi sa Kanya nang may pananampalataya.)
-
Anong mga karanasan ang nakatulong sa inyo na malaman na ang pangako sa Santiago 1:5–6 ay totoo?
Bigyan ang mga estudyante ng ilang sandali para pag-aralan ang Santiago 1:6–8, na inaalam ang itinuro ni Santiago tungkol sa paraan kung paano tayo dudulog sa Ama sa Langit kapag humihingi tayo ng karunungan. Para mapalalim ang pag-unawa ng mga estudyante, maaaring itanong:
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng humingi nang may pananampalataya?
-
Ano ang higit na tumutulong sa inyo para maiwasan ang pag-aalinlangan sa inyong pananampalataya?
-
Paano nakahahadlang sa inyo ang “[p]agdadalawang-isip” (talata 8) sa pagtatamo ng karunungan? (Para sa karagdagang kaalaman maaari ninyong basahin ang 1 Mga Hari 18:21; Mateo 6:24; 1 Corinto 10:21).
Para tulungan ang mga estudyante na pag-isipan pa ang kahalagahan ng mga turo ni Santiago, idispley ang mga sumusunod na opsiyon sa pag-aaral. Bigyan ng oras ang mga estudyante na kumpletuhin ang isa o lahat:
-
Gamitin ang Gospel Library para hanapin ang mga turo mula sa mga lider ng Simbahan o mga banal na kasulatan na may kaugnayan sa Santiago 1:5–6. Maaari kayong gumamit ng mga search term na tulad ng “James 1:5” o “Ask of God” sa search bar ng Gospel Library. Maaaring iugnay ang nahanap ninyong resources sa Santiago 1:5–6. Isulat ang mga naisip ninyo kung paano mapapalakas ng mga turong ito ang inyong tiwala na makatatamo kayo ng karunungan mula sa Diyos.
-
Pag-aralan ang paghahanap ni Joseph Smith ng katotohanan sa Joseph Smith–Kasaysayan 1:10–17. Isulat kung ano ang pinakanapansin ninyo tungkol sa karanasan ni Joseph Smith, kabilang na ang natutuhan o nadarama ninyo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.
Pagkatapos ng mga estudyante, anyayahan silang ibahagi ang ilan sa kanilang mga natutuhan sa maliliit na grupo o bilang isang klase.
Maaaring magtapos sa pagtalakay sa iba pang bahagi ng pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson:
Anong karunungan ang kulang sa inyo? Ano sa palagay ninyo ang kailangan ninyong malaman o maunawaan kaagad? Tularan ang halimbawa ni Propetang Joseph. Humanap ng tahimik na lugar na palagi ninyong mapupuntahan. Magpakumbaba sa harapan ng Diyos. Ibuhos ang inyong puso sa inyong Ama sa Langit. Humiling sa Kanya ng kasagutan at kapanatagan.
Ipanalangin sa pangalan ni Jesucristo ang inyong mga alalahanin, ang inyong mga takot, ang inyong mga kahinaan—oo, ang pinakainaasam ng inyong puso. At makinig! Isulat ang mga naiisip ninyo. Itala ang inyong nadama at isagawa ang mga bagay na ipinahiwatig sa inyong gawin. (“Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay,” Liahona, Mayo 2018, 95)
Sabihin sa mga estudyante na rebyuhin ang isinulat nila sa simula ng aktibidad na ito sa pag-aaral. Bigyan sila ng panahong pagnilayan kung paano nila maipamumuhay ang natutuhan at nadama nila ngayon para tulungan sila na maghangad ng patnubay ng Panginoon. Hikayatin sila na isulat ang kanilang mga naiisip at espirituwal na mga impresyon.
Santiago 2:14–26
Paano ako mas mapapalakas ng pagkilos nang may pananampalataya kay Jesucristo?
Magsimula sa pagpapakita ng sumusunod na larawan at itanong:
-
Anong kapangyarihan o potensyal ang nakikita ninyo rito?
Ipakita ang kasunod na dalawang larawan at itanong:
-
Kung ang salansan ng mga kahoy ay sumasagisag sa mga pagpapala ng Diyos para sa atin, ano kaya ang isinasagisag ng posporo? Ano naman ang apoy?
-
Paano maihahambing ang analohiyang ito sa pananampalataya at mga gawa?
Bigyang-diin na itinuro ni Santiago ang mahahalagang aral tungkol sa kaugnayan ng pananampalataya at mga gawa (mga pagsisikap at kilos). Anyayahan ang mga estudyante na pag-aralan ang Santiago 2:14–26, na inaalam kung paano maiaangkop ang mga turo ni Santiago sa analohiya ng isang salansan ng mga kahoy, posporo, at nagniningas na apoy. (Para tulungan ang mga estudyante na maunawaan ang mga talatang ito, isangguni sila sa “Santiago 2:14–26. Ano ang itinuro ni Santiago tungkol sa pananampalataya at mga gawa?” sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan.)
Para tulungan ang mga estudyante na mapalalim ang kanilang pag-unawa sa mga talatang ito, maaaring magtanong ng tulad ng mga sumusunod:
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng pariralang “ang pananampalataya na walang mga gawa ay patay” (talata 26)?
-
Paano nauugnay ang mabubuting gawa (mga kilos at pagsisikap) sa ating pananampalataya kay Jesucristo? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang isang katotohanan na tulad ng sumusunod: Ang tunay na pananampalataya kay Jesucristo ay ipinapakita sa pamamagitan ng ating mabubuting gawa.)
-
Paano naimpluwensyahan ng pananampalataya ninyo kay Jesucristo ang inyong mga kilos at pagsisikap?
-
Paano naimpluwensyahan ng inyong mga pagsisikap at kilos ang pananampalataya ninyo kay Jesucristo?
Maaari mong idispley at basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Dale G. Renlund, o maaari ninyong panoorin ang simula ng “Mananagana sa Pagpapala” (time code 1:15 hanggang 3:27) na tumatalakay sa analohiya na ginamit kanina sa klase.
Karamihan sa mga pagpapala na nais ibigay sa atin ng Diyos ay nangangailangan ng pagkilos natin—pagkilos na batay sa ating pananampalataya kay Jesucristo. Ang pananampalataya sa Tagapagligtas ay alituntunin ng pagkilos at ng kapangyarihan. Una tayo ay kumikilos nang may pananampalataya; pagkatapos ay darating ang kapangyarihan—ayon sa kalooban at panahon ng Diyos. Ang pagkakasunud-sunod ay napakahalaga. Ang ipinagagawa sa atin, gayunpaman, ay palaging maliit kung ikukumpara sa mga pagpapala na matatanggap natin sa huli. (“Mananagana sa Pagpapala,” Liahona, Mayo 2019, 70)
-
Paano napagpala ang buhay ninyo sa pagkilos nang may pananampalataya?
Para tulungan ang mga estudyante na maipamuhay ang natututuhan nila, maaaring hatiin ang klase sa maliliit na grupo. Idispley ang mga sumusunod na sitwasyon, at anyayahan ang mga grupo na pumili ng isa o mahigit pa para talakayin. Para sa bawat sitwasyong pinili nila, anyayahan sila na talakayin kung anong mga pagkilos ang maaaring gawin ng isang tao kung siya ay (1) nagtuon sa mga gawa at binalewala ang pananampalataya kay Jesucristo, (2) nagtuon sa pananampalataya at binalewala ang mga gawa, o (3) nagpakita ng kanyang pananampalataya kay Jesucristo sa pamamagitan ng kanyang mabubuting gawa.
-
Dinadaig ang isang adiksyon
-
Tumatanggap ng patnubay ng Panginoon tungkol sa isang mahalagang desisyon sa buhay
-
Nagtatamo ng patotoo
-
Naglilingkod sa misyon
-
Hinaharap ang mga hamon sa kalusugan ng pag-iisip
-
Anyayahan ang mga estudyante na magbahagi ng mga natutuhan nila mula sa kanilang mga talakayan sa grupo.
Bilang pagtatapos, anyayahan ang mga estudyante na mag-isip ng mga paraan na mas maipapakita nila ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo sa pamamagitan ng kanilang mga gawa. Bigyan sila ng oras na isulat ang mga pahiwatig na natanggap nila mula sa Espiritu Santo at magtakda ng mithiin. Hikayatin sila na kumilos ayon sa kanilang mga plano.
Santiago 1:26; 3:2–12
Paano naiimpluwensyahan ng mga salita ko ang aking sarili at ang iba?
Ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Elder Ronald A. Rasband:
Napakahalaga ng mga salita. Sasabihin ko iyang muli. Mahalaga ang mga salita! Ang mga ito ang ginagamit sa pakikipag-ugnayan natin; inilalarawan nito ang ating mga paniniwala, moralidad, at pananaw. Kung minsa’y sumasambit tayo ng mga salita; kung minsan ay nakikinig tayo. Ang mga salita ay nakaiimpluwensya sa saloobin. Ang mga ito ay nagpapahayag ng ating mga iniisip, nadarama, at nararanasan, mabuti o masama man ang idulot nito. (“Mahalaga ang mga Salita,” Liahona, Mayo 2024, 70)
Anyayahan ang mga estudyante na isipin ang mga salitang ginamit nila sa araw na ito.
-
Ano ang naging epekto ng mga salita ninyo sa iba? Ano naman ang epekto nito sa inyong sarili? (Maaari mong anyayahan ang ilang estudyante na magbahagi ng mga karanasan na hindi masyadong personal.)
Bigyang-diin na gumamit si Santiago ng simbolikong paglalarawan para balaan ang mga Banal tungkol sa kanilang mga salita. Anyayahan ang mga estudyante na pag-aralan ang Santiago 1:26; 3:2–12, na hinahanap ang matalinghagang paglalarawan na ginamit ni Santiago. Ipabasa sa kanila ang “Santiago 3:1–12. Ano ang itinuro ni Santiago tungkol sa bibig at dila?” sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan upang mas maunawaan ang matalinghagang paglalarawang ito.
Maaari mong idispley at ipatalakay sa mga estudyante ang mga sumusunod na tanong nang may kapartner o sa maliliit na grupo:
-
Alin sa mga simbolong ginamit ni Santiago sa pagtuturo tungkol sa ating mga salita ang lubos na nauugnay sa inyo? Bakit?
-
Ano ang natutuhan ninyo mula sa mga simbolong ito na maaaring makaapekto sa paraan ng pakikipag-ugnayan ninyo sa iba?
Anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi sa klase ang ilan sa mga katotohanang natuklasan nila mula sa mga turo ni Santiago. (Gamit ang kanilang sariling mga salita, maaari nilang matukoy ang mga katotohanan na tulad ng sumusunod: Kapag natutuhan nating kontrolin ang ating pananalita, matututuhan nating kontrolin ang iba pang mga kilos natin [tingnan sa Santiago 3:2]. Ang mga salitang ginagamit natin ay maaaring magkaroon ng malaking epekto, sa mabuti man o masama [tingnan sa Santiago 3:3–8]. Sinisikap ng mga tagasunod ng Diyos na gamitin ang kanilang mga salita para sa mabubuting layunin, hindi upang magpalaganap ng masama [tingnan sa Santiago 3:8–12].)
Maaaring talakayin ang mga tanong na tulad ng mga sumusunod upang tulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang mga katotohanang ito:
-
Bakit maaaring maimpluwensyahan ng sinasabi ninyo ang mga ikikilos ninyo?
-
Paano maaaring maging tulad ng apoy ang ating mga salita (tingnan sa Santiago 3:6) at magdulot ng problema, pasakit, at pagdurusa?
-
Ano ang matututuhan natin mula sa Tagapagligtas kung paano makipag-usap sa iba? (Kung makatutulong, maaari mong anyayahan ang mga estudyante na maghanap ng mga scripture passage na nagsasaad kung paano pinagpala ng Tagapagligtas ang isang tao sa pamamagitan ng Kanyang mga salita. Ang mga sumusunod ay maaaring gamitin bilang mga halimbawa: Mateo 16:21–27; Lucas 23:34; Juan 8:1–11; Juan 11:5, 23–26, 40–43; Juan 14:27; 3 Nephi 17:15–17; Doktrina at mga Tipan 121:7–9.)
Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral
Bigyang-diin ang halimbawa ni Jesucristo. Ang isang paraan para magtuon kay Jesucristo anuman ang itinuturo mo ay ang pagbibigay-diin kung paanong Siya ang perpektong halimbawa ng lahat ng alituntunin ng ebanghelyo. Kahit hindi tuwirang tinutukoy ang halimbawa ng Tagapagligtas sa isang scripture passage, matutulungan mo ang mga estudyante na maiugnay ang mga katotohanan sa salaysay sa banal na kasulatan at sa halimbawa ng Tagapagligtas.
Maaaring ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson. Anyayahan ang mga estudyante na bigyang-pansin ang mga paraan na maaari tayong maging higit na katulad ni Cristo sa ating pakikipag-usap o pakikipag-ugnayan sa iba.
Napakahalaga kung paano natin pakitunguhan ang isa’t isa! Napakahalaga kung paano natin kinakausap at pinag-uusapan ang ibang tao sa tahanan, sa simbahan, sa trabaho, at online. Ngayon, hinihiling ko sa atin na makipag-ugnayan sa iba sa mas dakila at mas banal na paraan. … “Kung may anumang bagay na marangal, kaaya-aya, o magandang balita, o maipagkakapuri” na masasabi natin tungkol sa ibang tao—siya man ay nakaharap o nakatalikod—iyan dapat ang ating maging pamantayan sa pakikipag-usap. (“Kailangan ng mga Tagapamayapa,” Liahona, Mayo 2023, 99–100)
Para tulungan ang mga estudyante na mapag-isipan ang tungkol sa mas dakila at mas banal na paraan kung paano natin kinakausap at pinag-uusapan ang iba, idispley ang mga sumusunod na salita bilang mga heading sa pisara:
-
Nagpapasigla
-
Nagpapagaling
-
Nakasasakit
-
Namimintas
Anyayahan ang mga estudyante na pag-isipan ang ilan sa kanilang sariling mga salita na ginamit nila noon na maaaring nauugnay sa bawat heading. (Maaari mo silang anyayahan na mag-scroll sa ilan sa kanilang mga digital na komunikasyon kamakailan para maghanap ng mga halimbawa.) Pagkatapos ng sapat na oras, anyayahan sila na mapanalanging pagnilayan at itala ang mga paraan na sisikapin nila na maging higit na katulad ng Tagapagligtas sa kung paano natin kinakausap at pinag-uusapan ang iba. Maaari mong hilingin sa ilang handang estudyante na magbahagi sa klase ng mga plano na hindi masyadong personal.
Patotohanan ang mga katotohanang tinalakay ninyo. Hikayatin ang mga estudyante na maging higit na katulad ng Tagapagligtas sa kanilang pakikipag-usap o pakikipag-ugnayan sa iba.