“Mateo 26; Marcos 14; Juan 13,” Manwal ng Titser ng Institute para sa Bagong Tipan (2025)
In Remembrance of Me [Sa Pag-alaala sa Akin], ni Walter Rane
Mateo 26; Marcos 14; Juan 13
Sa Huling Hapunan, pinasimulan ni Jesucristo ang sakramento. Tinukoy Niya si Judas bilang magkakanulo sa Kanya, hinugasan ang mga paa ng Kanyang mga disipulo, at itinuo sa kanila na magmahalan. Itinuro ni Jesus na ang Ama at ang Anak ay niluwalhati sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala. Iniutos Niya sa Kanyang mga disipulo na tularan ang Kanyang halimbawa ng pagmamahal.
Karagdagang Resources
Scripture Helps: New Testament [Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan], “Matthew 26; Mark 14; John 13 [Mateo 26; Marcos 14; Juan 13]”
Paalala: Ang “Pambungad sa Kurso” ay nagbibigay ng patnubay kung paano gamitin ang sumusunod na apat na pamantayang elemento ng lesson.
Paghihikayat ng Personal na Pag-aaral
Bago magklase, maaari mong ipadala sa mga estudyante ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod na mensahe o ang ilan sa sarili mong mga mensahe:
-
Kapag nakakarinig ka ng payo ng mga lider ng Simbahan, una mo bang naiisip ang isang tao na sa palagay mo ay talagang nangangailangan ng mensahe? Basahin ang Mateo 26:17–25 para malaman kung paano tumugon ang mga disipulo ni Jesus matapos marinig na isa sa kanila ang magkakanulo sa Kanya.
-
Ano ang naranasan mo nitong huling tumanggap ka ng sakramento? Basahin ang Pagsasalin ni Joseph Smith, Marcos 14:20–25 (Gospel Library), at isipin kung ano ang magagawa mo para maging mas makabuluhang karanasan ang sakramento.
-
Paano nais ng Tagapagligtas na pakitunguhan natin ang iba, pati na ang mga tao na maaaring hindi natin gusto? Basahin ang Juan 13:34–35, at pagnilayan ang mensahe ng Tagapagligtas para sa iyo.
Mga Tanong at Pagbabahagi
Bigyan ng oras ang mga estudyante na magtanong at magbahagi ng mga ideya at katotohanang natuklasan nila sa kanilang personal na pag-aaral ng Mateo 26; Marcos 14; Juan 13.
Pagsasanay sa Kasanayan
Ang Juan 13:34–35 ay maaaring magandang paggamitan ng kasanayang “Tagging Scriptures and Other Gospel Teachings” sa Scripture Study Skills. Ang Mateo 26:17–30; Pagsasalin ni Joseph Smith, Marcos 14:20–26 ay maaaring maging magagandang paggamitan ng kasanayang “Understanding Symbolism in the Scriptures” sa Scripture Study Skills.
Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral
Maraming opsiyon sa pag-aaral ang inilaan para sa iyo at sa iyong mga estudyante. Mapanalanging piliin kung aling opsiyon o mga opsiyon ang magiging pinakamakabuluhan para sa klase mo.
Mateo 26:14–25
“Ako ba, Panginoon?”
Maaari mong ibahagi ang sumusunod na sitwasyon:
Sa pangkalahatang kumperensya, nakikinig nang mabuti si Rosa sa mensahe ng propeta tungkol sa pagiging tagapamayapa. Habang nakikinig siya, naisip niya ang kanyang kapatid at ang pagtatalong idinulot nito sa kanilang pamilya kamakailan. Inilabas niya ang kanyang telepono at ipinadala sa kanya ang sumusunod na mensahe: “Oy Bernardo, sana nakikinig ka sa mensahe ng propeta. May matututuhan ka talaga dito!”
-
Ano ang masasabi ninyo sa mensahe ni Rosa?
Sabihin sa mga estudyante na makipagtulungan sa isang kapartner at pag-aralan ang Mateo 26:14–25, na inaalam kung paano tumugon ang mga Apostol nang marinig nila na isa sa kanila ang magkakanulo sa Tagapagligtas.
-
Ano ang makabuluhan sa inyo sa tanong na “Ako ba, Panginoon?”
-
Ano ang itinuturo sa inyo ng karanasang ito tungkol sa pagsuri ng nilalaman ng kaibuturan ng sariling puso?
Isiping ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, na noon ay miyembro ng Unang Panguluhan:
Sa mga simpleng salita, “Ako baga, Panginoon?” nagsisimula ang karunungan at ang daan tungo sa sariling pagbabalik-loob at patuloy na pagbabago. (“’Ako Baga, Panginoon?,’,” Liahona, Nob. 2014, 56)
Sabihin sa mga estudyante na isiping isulat sa kanilang mga banal na kasulatan ang sumusunod na katotohanang itinuro ni Pangulong Uchtdorf: Ang pagtatanong sa ating sarili ng, ‘Ako baga, Panginoon?’ ay simula ng karunungan at ang daan tungo sa sariling pagbabalik-loob at patuloy na pagbabago.
-
Bakit ang mga simpleng salita na “Ako baga, Panginoon?” ay maaaring humantong sa karunungan, pagbabalik-loob, at patuloy na pagbabago?
Bigyan ang mga estudyante ng handout na “Ako baga, Panginoon?,” at anyayahan silang basahin nang mag-isa ang pahayag ni Pangulong Uchtdorf at pagnilayan kung paano ito maaaring isabuhay.
Isiping tapusin ang aktibidad na ito sa panonood ng “Reflections” (4:21). Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang natutuhan o nadama nila sa aktibidad na ito sa pag-aaral. Maaari kang magtapos sa iyong patotoo na ang taos-pusong pagtatanong sa ating sarili ng, “Ako baga, Panginoon?” ay simula ng karunungan at landas tungo sa personal na pagbabalik-loob at patuloy na pagbabago.
Mateo 26:17–30; Joseph Smith Translation, Mark 14:20–26
Paano ko gagawing mas makabuluhang karanasan ang sakramento?
Idispley ang kalakip na larawan ng tinapay at tubig na ginamit para sa sakramento. Sabihin sa mga estudyante na gamitin ang mga sumusunod na pahayag para suriin ang kanilang karanasan sa sakramento. Maaari nilang suriin ang kanilang sarili sa bawat pahayag gamit ang sukat na mula 1 hanggang 5, kung saan ang 1 = talagang hindi sumasang-ayon at 5 = talagang sumasang-ayon.
-
Inaasam ko ang pagtanggap ng sakramento.
-
Karaniwan akong nakatuon sa Tagapagligtas sa oras ng sakramento.
-
Madalas kong isipin ang aking mga tipan sa oras ng sakramento.
-
Ang mga simbolo ng sakramento ay makabuluhan sa akin.
-
Hindi ako nagte-text, naglalaro sa telepono, o gumagamit ng social media sa oras ng sakramento.
-
Karaniwang napapalakas ang espirituwalidad ko sa pagtanggap ng sakramento.
Anyayahan ang mga estudyante na isipin kung paano nila mapagbubuti ang kanilang karanasan sa pagtanggap ng sakramento habang pinag-aaralan nila kung paano pinasimulan ng Tagapagligtas ang sakramento.
Maaari mong ipaliwanag na pinasimulan ni Jesucristo ang sakramento nang kumain Siya ng pagkain ng Paskua kasama ang Kanyang mga disipulo (tingnan sa Mateo 26:17–20). Maaaring sama-samang rebyuhin ng mga estudyante ang “Matthew 26:17–30 [Mateo 26:17–30]. What is the connection between the Passover and the sacrament? [Ano ang koneksyon ng Paskua sa sakramento?]” sa Scripture Helps: New Testament [Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan].
Ipasaliksik sa ilang estudyante ang Mateo 26:26–30 at Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 26:22, 24–25 (Gospel Library), at ipasaliksik sa iba ang Joseph Smith Translation, Mark 14:20–26 (Gospel Library). Sabihin sa kanila na hanapin ang layunin ng sakramento.
-
Ano ang itinuro ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo tungkol sa layunin ng sakramento? (Maaaring tukuyin ng mga estudyante ang isang katotohanan na tulad ng sumusunod: Ang mga disipulo ni Jesucristo ay dapat tumanggap ng sakramento bilang pag-alaala sa Kanya at sa Kanyang Pagbabayad-sala.)
Sabihin sa mga estudyante na tukuyin ang isang simbolo mula sa mga talatang ito sa banal na kasulatan at pag-aralan kung paano ito nauugnay sa sakramento. Maaari mong ipakita ang mga sumusunod na bullet point para matulungan ang mga estudyante na sanayin ang kasanayan na “Understanding Symbolism in the Scriptures” sa Scripture Study Skills.
-
Sa ano maaaring ihambing ang simbolong ito?
-
Maghanap ng mga clue tungkol sa kahulugan ng mga simbolo sa teksto ng mga banal na kasulatan at sa mga footnote, chapter heading, Gabay sa mga Banal na Kasulatan, Scripture Helps: New Testament [Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan], o iba pang mga source.
-
Ano ang itinuturo sa atin ng simbolong ito tungkol sa sakramento? Paano ito nauugnay sa Tagapagligtas?
Matapos maglaan ng oras para sa pag-aaral, sabihin sa mga estudyante na bumuo ng maliliit na grupo at ibahagi ang natutuhan nila tungkol sa mga simbolong pinag-aralan nila. Hikayatin silang talakayin kung paano mas magiging makabuluhan ang ating karanasan sa sakramento dahil sa mas malalim na pag-unawa sa mga simbolong ito.
Bilang klase, maaari kayong manood ng “Always Remember Him” (5:27) o magkasamang umawit ng isang himno ng sakramento. Hikayatin ang mga estudyante na pag-isipan ang nadarama nila habang nanonood sila ng video o kumakanta ng himno. Isiping ipabahagi sa ilang estudyante ang kanilang nadarama tungkol sa Tagapagligtas at sa sakramento.
Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung paano naimpluwensyahan ang kanilang kaugnayan sa Tagapagligtas sa pamamagitan ng pagtanggap ng sakramento bilang pag-alaala sa Kanya at sa Kanyang Pagbabayad-sala. Maaari nilang itala ang isang bagay na magagawa nila para magkaroon ng mas makabuluhang karanasan sa sakramento ngayong darating na Sabbath.
Juan 13:3–17
Ano ang matututuhan ko mula sa Tagapagligtas tungkol sa paglilingkod?
Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang pagkakataon na napakumbaba sila dahil sa isang paglilingkod na ginawa para sa kanila.
-
Ano ang nadama ninyo tungkol sa taong naglingkod sa inyo?
-
Paano kayo pinagpala o binago ng kanilang paglilingkod?
Maaari mong ipaliwanag na noong panahon ng Bagong Tipan, karaniwang maalikabok ang mga paa ng mga tao dahil sa paglalakad nang naka-sandalyas sa mga hindi sementadong lansangan. Ang paghuhugas ng paa ng panauhin ay isang paglilingkod na karaniwang ginagawa ng isang alipin. Idispley ang kalakip na larawan, at ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 13:3–12. Pagkatapos ay talakayin ang mga sumusunod na tanong:
The Greatest in the Kingdom [Ang Pinakadakila sa Kaharian], ni J. Kirk Richards
-
Ano kaya ang madarama o magiging reaksyon ninyo kung sinabi ni Jesus na huhugasan Niya ang inyong mga paa?
-
Bakit mahalagang hayaan ni Pedro na hugasan ng Tagapagligtas ang kanyang mga paa? (Maaari mong ibahagi ang mga kaalamang matatagpuan sa “John 13:4–12 [Juan 13:4–12]. What is the significance of the Savior washing His disciples’ feet? [Ano ang kahalagahan ng paghuhugas ng Tagapagligtas sa mga paa ng Kanyang mga disipulo?]” sa Scripture Helps: New Testament [Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan].)
-
Ano ang natutuhan ninyo tungkol sa katangian ni Jesus mula sa paghuhugas Niya ng mga paa ng mga Apostol?
Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Juan 13:13–17 at ipahanap sa kanila ang mga aral na matututuhan natin mula sa mga salita ng Tagapagligtas. Sa pagbabahagi ng mga estudyante, maaari nilang matukoy ang isang katotohanan na tulad ng sumusunod: Mas magiging masaya tayo kapag tinularan natin ang halimbawa ng paglilingkod ng Tagapagligtas.
Hikayatin ang mga estudyante na ibahagi ang natutuhan nila tungkol sa paglilingkod mula sa halimbawa ng Tagapagligtas. Maaari din nilang ibahagi ang nadama nila noong maglingkod sila sa iba.
Kung may oras pa, maaari ding panoorin ng mga estudyante ang “Unselfish Service” (2:26). Sabihin sa kanila na isipin ang isang tao na maaari nilang paglingkuran sa darating na linggo. Isiping mag-follow-up sa susunod na klase para maiulat ng mga estudyante ang kanilang karanasan.
Juan 13:34–35
Paano ako magmamahal nang higit na katulad ng Tagapagligtas?
Isulat sa pisara ang sumusunod na mga talata, at sabihin sa mga estudyante na alamin kung ano ang pagkakatulad ng mga talatang ito at kung paano nagkakaiba ang mga ito: Levitico 19:18; Mateo 22:39; Juan 13:34–35.
-
Ano ang matututuhan natin tungkol sa pagmamahal mula sa mga talatang ito?
Ipakita at basahin nang sama-sama ang sumusunod na pahayag ni Elder Lynn G. Robbins, emeritus General Authority Seventy:
Alam natin na ang anumang utos ng Diyos ay may kinalaman sa kalayaang pumili. Maaari tayong sumunod o sumuway, ngunit laging may pagpipilian. … Nilinaw ng Tagapagligtas na ang pagmamahal ay utos na dapat sundin. … Ito ay isang utos na nangangailangan ng isang desisyon. …
Sa Mateo, sinabi ng Panginoon, “Ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili.” Sa Kanyang buhay sa lupa, nagpakita Siya ng perpektong uri ng pagmamahal, at pagkatapos ay sinabi, “Isang bagong utos ang sa inyo’y ibinibigay ko, na kayo’y magmahalan sa isa’t isa; kung paanong minahal ko kayo, magmahalan din kayo sa isa’t isa” (Juan 13:34; idinagdag ang pagbibigay-diin). Ang pagmamahal na katulad ng Kanyang pagmamahal ay isang mas mataas na uri ng pagmamahal kaysa sa pagmamahal na “gaya ng iyong sarili.” Ito ay isang dalisay na pagmamahal na mas nagpapahalaga sa iba kaysa sa sarili. (“Agency and Love in Marriage,” Ensign, Okt. 2000, 20–21)
-
Bakit mahalagang maunawaan na ang pagmamahal ay isang pagpili?
Ipakita ang sumusunod na katotohanan: Kapag pinili nating magmahal tulad ni Jesucristo, nagpapahayag tayo ng mas mataas na uri ng pagmamahal.
Para matulungan ang mga estudyante na palalimin ang kanilang pag-unawa sa ibig sabihin ng magmahal na tulad ng Tagapagligtas, idispley sa pisara ang sumusunod na mga talata Marcos 10:17–23; Juan 8:1–11; Juan 13:2–5; 3 Nephi 11:13–15; 3 Nephi 17:16–18, 20; 3 Nephi 19:17–25.
Sabihin sa mga estudyante na gamitin ang “tag” feature sa Gospel Library at i-highlight ang mga halimbawa ng pagmamahal na tulad ng kay Cristo sa mga nakadispley na scripture passage o sa iba pang maiisip nila. Maaari nilang gamitin ang pamagat na “Paano Nagmahal si Jesus,” “Mga Halimbawa ng Pagmamahal ni Jesus,” o iba pang pinili nila kapag itina-tag nila ang kanilang mga ini-highlight (tingnan sa “Tagging Scriptures and Other Gospel Teachings” sa Scripture Study Skills). Ang mga estudyanteng gumagamit ng nakalimbag na mga banal na kasulatan ay maaaring i-highlight ang halimbawa ng Tagapagligtas gamit ang isang marker.
Matapos maglaan ng oras para sa personal na pag-aaral, maaari mong anyayahan ang mga estudyante na magsulat sa pisara ng isang bagay na nagpahanga sa kanila sa paraan ng pagmamahal ng Tagapagligtas sa iba. Pagkatapos ay maaari mong ipakuwento sa mga estudyante ang mga karanasan nila o ng iba na nagmahal tulad ng ginawa ng Tagapagligtas.
Isiping anyayahan ang mga estudyante na isulat ang isang paraan na matutularan nila ang pagmamahal ng Tagapagligtas at kung paano nila ito mas maisasagawa sa buong linggo. Maaari ninyong tapusin ang klase sa pagkanta ng “Mahalin ang Bawat Isa” (Mga Himno, blg. 196) o panoorin ang “Love One Another” (1:51).