“Mateo 27; Marcos 15; Lucas 23; Juan 19,” Manwal ng Titser sa Institute para sa Bagong Tipan (2025)
Pagpapako sa Krus, ni Louise Parker
Mateo 27; Marcos 15; Lucas 23; Juan 19
Nilitis ni Pilato si Jesucristo, pinakawalan si Barabas, at hinatulang ipako sa krus si Jesucristo. Bilang katuparan ng propesiya, hinagupit, kinutya, at ipinako sa krus ang Tagapagligtas. Inilibing ni Jose na taga-Arimatea ang katawan ng Tagapagligtas sa isang libingan.
Karagdagang Resources
Scripture Helps: New Testament [Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan], “Mateo 27; Marcos 15; Lucas 23; Juan 19”
Ang “Pambungad sa Kurso” ay nagbibigay ng patnubay kung paano gamitin ang apat na sumusunod na pamantayang elemento ng lesson.
Paghihikayat ng Personal na Pag-aaral
Bago magklase, isiping magpadala sa mga estudyante ng isa o mahigit pa sa sumusunod na mga mensahe o ng ilan sa sarili mong mga mensahe:
-
Basahin ang Mateo 27:26–50, at isipin kung paano mo masasagot ang sumusunod na tanong: Bakit kinailangan ni Jesucristo na magdusa at mamatay? Maaari mo ring panoorin ang “Jesus Is Scourged and Crucified” (4:59).
-
Basahin ang Mateo 27:46–50 (tingnan din sa Joseph Smith Translation, Matthew 27:54 [sa Matthew 27:50, footnote a]); Lucas 23:34–46; Juan 19:25–30, at hanapin kung ano ang sinabi ni Jesucristo habang nagdurusa Siya sa krus. Ano ang itinuturo sa iyo ng mga pahayag na ito tungkol sa Kanyang katangian?
-
Habang pinag-aaralan mo ang mga pangyayaring humantong sa Pagpapako sa Krus sa Marcos 15:1–15; Lucas 23:1–25; at Juan 19:1–16, ihambing ang mga ginawa at pasiya ni Pilato sa mga ginawa at pasiya ng Tagapagligtas. Paano nagkaiba ang reaksyon nila sa oposisyon at mga hamong nakaharap ng bawat isa sa kanila?
Mga Tanong at Pagbabahagi
Bigyan ng oras ang mga estudyante na magtanong at magbahagi ng mga kabatiran at katotohanang natuklasan nila sa kanilang personal na pag-aaral ng Mateo 27; Marcos 15; Lucas 23; Juan 19.
Training sa Kasanayan
Ang Mateo 27; Marcos 15; Lucas 23; at Juan 19 ay maaaring magandang paggamitan ng mga kasanayang “Using Restoration Scripture to Understand the Bible” at “Looking for Contrasts in the Scriptures” sa Scripture Study Skills.
Mga Opsyon sa Aktibidad sa Pag-aaral
Maraming inilaang opsyon sa pag-aaral para sa iyo at sa iyong mga estudyante. Mapanalanging piliin kung aling opsyon o mga opsyon ang magiging pinakamakabuluhan para sa klase mo.
Mateo 27:26–50; Marcos 15:15–37; Lucas 23:33–46; Juan 19:16–30
Bakit kinailangan ng Tagapagligtas na magdusa at mamatay?
Maaari mong simulan ang klase sa pagpapakita ng ilang larawan ng pagdurusa ng Tagapagligtas na humantong sa Pagpapako sa Krus at nang Siya ay Ipako sa Krus. Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang kanilang naiisip at nadarama habang pinag-iisipan nila ang pinagdusahan Niya.
Christ and Pilate Behold the Man [Si Cristo at si Pilato Narito ang Tao], ni Marcus Vincent
Pagpapako sa Krus, ni Louise Parker
Isulat sa pisara ang sumusunod na mga reperensya sa banal na kasulatan: Mateo 27:26–50; Marcos 15:15–37; Lucas 23:33–46; Juan 19:16–30. Hatiin ang mga estudyante sa maliliit na grupo. Anyayahan ang bawat miyembro ng grupo na basahin ang isa o mahigit pa sa mga sipi.
Matapos bigyan ng oras ang mga estudyante na mag-aral, ipatalakay sa mga miyembro ng grupo sa isa’t isa ang naisip at nadama nila nang mabasa nila ang tungkol sa pagdurusa ng Tagapagligtas.
Isiping ibahagi at talakayin ang sumusunod na sitwasyon:
Kababasa pa lamang ng isang kaibigan sa Mga Ebanghelyo sa unang pagkakataon. Nabagabag siya sa nabasa niya tungkol sa pagdurusa ni Jesucristo at Pagpapako sa Kanya sa Krus. Nagtanong ang kaibigan mo, “Bakit kinailangan ni Jesus na magdusa at mamatay?”
-
Paano ninyo sasagutin ang tanong na ito?
-
Anong mga talata ang pinakahigit na makakatulong sa pagsagot sa tanong na ito?
Ipaliwanag na ang ilan sa mga sipi na pinakaraming itinuturo kung bakit nagdusa at namatay si Jesucristo ay matatagpuan sa mga talata tungkol sa Pagpapanumbalik (tingnan sa “Using Restoration Scripture to Understand the Bible” sa Scripture Study Skills). Isulat sa pisara ang sumusunod na mga reperensya sa banal na kasulatan: 2 Nephi 9:21–23; Alma 7:12–14; Helaman 14:15–18; 3 Nephi 11:11–14; Doktrina at mga Tipan 19:16–19.
Anyayahan ang mga miyembro ng grupo na basahin ang isa sa mga sipi, na inaalam ang itinuturo ng mga talata kung bakit kinailangan ni Jesucristo na magdusa at mamatay. Matapos bigyan ng oras ang mga estudyante na mag-aral, ipabahagi sa mga miyembro ng grupo sa isa’t isa ang natuklasan nila.
Isiping talakayin ang sumusunod na mga tanong sa klase:
-
Bakit mahalagang isama ang talata tungkol sa Pagpapanumbalik sa pag-aaral natin tungkol sa buhay ng Tagapagligtas?
-
Anong mga katotohanan ang natuklasan ninyo sa mga siping ito sa banal na kasulatan tungkol sa Pagpapanumbalik kung bakit kinailangan ni Jesucristo na magdusa at mamatay? (Maaaring kabilang sa mga sagot ang mga katotohanang tulad ng mga sumusunod: Si Jesucristo ay nagdanas ng lahat ng uri ng pasakit at paghihirap upang malaman Niya kung paano tayo tutulungan, pagagalingin, at palalakasin. Si Jesucristo ay nagdusa at namatay para isakatuparan ang Pagkabuhay na Mag-uli ng mga patay. Si Jesucristo ay nagdusa upang mapagsisihan natin ang ating mga kasalanan.)
-
Paano naiimpluwensyahan ng mga katotohanang ito ang paraan ng pag-iisip at ang nadarama ninyo tungkol sa pagdurusa ng Tagapagligtas at Pagpapako sa Kanya sa Krus?
Isiping ipakita ang sumusunod na pahayag ni Bishop Gérald Caussé:
Bagama’t walang katapusan at pangkalahatan ang saklaw nito, ang Pagbabayad-sala ng Panginoon ay isang kamangha-manghang personal at magiliw na kaloob, na akma para sa bawat isa sa atin. Tulad noong anyayahan ni Jesus ang bawat isa sa mga disipulong Nephita na damhin ang Kanyang mga sugat, namatay Siya para sa bawat isa sa atin, sa personal na paraan, na para bang ikaw o ako lamang ang tao sa mundo. Ipinaaabot Niya sa atin ang personal na paanyaya na lumapit sa Kanya at humugot sa kagila-gilalas na mga pagpapala ng Kanyang Pagbabayad-sala. (“Isang Buhay na Saksi ng Buhay na Cristo,” Liahona, Mayo 2020, 40)
-
Bakit mahalagang maunawaan na nagdusa at namatay si Jesucristo para sa inyo mismo?
-
Ano ang magagawa ninyo para ipakita ang inyong pasasalamat para sa pagdurusa ng Tagapagligtas para sa inyo? (Hikayatin ang mga estudyante na itala ang kanilang mga naiisip at impresyon.)
Mateo 27:46–50; Lucas 23:34–46; Juan 19:25–30
Ano ang matututuhan natin mula sa halimbawa ng Tagapagligtas nang Siya ay Ipako sa Krus?
Anyayahan ang mga estudyante na pag-isipan kung kailan sila huling nakaranas ng isang mahirap na sitwasyon. Pagkatapos ay sabihin sa kanila na pagnilayan kung ano ang matututuhan natin tungkol sa ating sariling pagkatao kapag nakararanas tayo ng paghihirap.
Isiping ipakita ang sumusunod na larawan ng Pagpapako sa Tagapagligtas sa Krus. Maaari mong ibahagi nang maikli kung ano ang pagpapako sa krus sa pamamagitan ng pagrerebyu ng “Matthew 27:22–50 [Mateo 27:22–50]. What do we know about crucifixion? [Ano ang alam natin tungkol sa pagpapako sa krus?]” sa Scripture Helps: New Testament [Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan].
Ang Pagpapako kay Cristo sa Krus, ni Louise Parker
Banggitin na ang mga kilos at salita ng Tagapagligtas habang dumaranas Siya ng di-mawaring hirap at dusa sa krus ay nagbibigay sa atin ng kabatiran tungkol sa Kanyang banal na pagkatao.
Isulat sa pisara ang sumusunod na mga reperensya sa banal na kasulatan (huwag isama ang mga salitang nasa loob ng panaklong). Anyayahan ang mga estudyante na saliksikin ang mga siping ito sa banal na kasulatan at tukuyin ang mga huling salita ng Tagapagligtas. Ipasulat sa pisara sa ilang estudyante ang mga salita ng Tagapagligtas sa tabi ng angkop na mga reperensya nito sa banal na kasulatan.
-
Lucas 23:34 (“Ama, patawarin mo sila, sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.”)
-
Lucas 23:43 (“Katotohanang sinasabi ko sa iyo, ngayon ikaw ay makakasama ko sa Paraiso.”)
-
Juan 19:26–27 (“Babae, narito ang iyong anak! … Narito ang iyong ina!”)
-
Mateo 27:46 (“Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?”)
-
Joseph Smith Translation, Matthew 27:54 (sa Matthew 27:50, footnote a) (“Father, it is finished, thy will is done [Ama, natupad na, nangyari ang iyong kalooban].”)
-
Juan 19:28 (“Nauuhaw ako.”)
-
Juan 19:30 (“Natupad na.”)
-
Lucas 23:46 (“Ama, sa mga kamay mo ay inihahabilin ko ang aking espiritu.”)
Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang matutuklasan nilang makabuluhan tungkol sa huling naitalang mga pahayag ng Tagapagligtas. (Maaaring makatulong ang sumusunod na mga entry sa Scripture Helps: New Testament [Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan] na mapagyaman ang inyong talakayan: “Mateo 27:46. Why did Jesus feel forsaken? [Bakit nadama ni Jesus na siya ay pinabayaan?]” at “John 19:30 [Juan 19:30]. What is significant about the Savior’s declaration, ‘It is finished’? [Ano ang makabuluhan sa pahayag ng Tagapagligtas na, ‘Natupad na’?]”)
-
Ano ang maituturo sa inyo ng mga salita ng Tagapagligtas tungkol sa Kanyang pagkatao habang Siya ay nagdurusa sa krus? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang mga katotohanang tulad ng mga sumusunod: Kahit noong dumanas ng matinding dusa si Jesucristo, inisip pa rin Niya ang mga pangangailangan ng iba. Sa harap ng paghihirap, nagtiis si Jesucristo hanggang sa wakas.)
-
Paano nakakaimpluwensya sa iyong damdamin para sa Tagapagligtas ang pagkaalam sa mga bagay na ito tungkol sa Kanya?
Para maipaunawa sa mga estudyante ang ibig sabihin ng magkaroon ng pagkatao o katangiang tulad ng kay Cristo kapag dumaranas ng paghihirap, basahin at talakayin ang sumusunod na pahayag ni Elder David A. Bednar.
Naipapakita ang tunay na pagkatao sa pagmamalasakit at pagtulong kahit ang natural at likas na reaksyon ay magtuon lamang sa sarili at sa sariling problema. … Sa buong panahon ng Kanyang ministeryo, at lalo na sa mga kaganapang humantong sa at kabilang ang nagbabayad-salang sakripisyo, ang Tagapagligtas ng sanlibutan ay nagtuon sa iba—samantalang ang likas na lalaki o babae sa karamihan sa atin ay nakatuon sa ating sarili. (sa Sarah Jane Weaver, “Elder Bednar Urges Mission Leaders to Seek to Develop ‘Essential Elements of a Christlike Character,’” Church News, Hulyo 9, 2019, newsroom.ChurchofJesusChrist.org)
Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na tumukoy ng mga paraan na maaari silang magtuon sa iba habang nararanasan nila ang mga hamon sa kanilang buhay.
Juan 19:1–16; Mateo 27:11–26; Marcos 15:1–15; Lucas 23:1–25
Paano ako magkakaroon ng mas matatag na paninindigan na gawin ang tama?
Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder Ulisses Soares:
Ang polyetong Para sa Lakas ng mga Kabataan ay naglalaman ng sumusunod na payo … : “Magkaroon ng matatag na paninindigan sa pagsunod sa kalooban o kagustuhan ng Diyos, kahit kailanganin ninyong gawin ito nang mag-isa” ([buklet, 2011], 2). (“Oo, Kaya at Mapagtatagumpayan Natin!,” Liahona, Mayo 2015, 75)
-
Bakit mahalagang mamuhay nang may matatag na paninindigan na gawin ang tama?
Ipaliwanag na matututo tayo ng mahahalagang aral tungkol sa matatag na paninindigan na gawin ang tama sa pamamagitan ng paghahambing ng mga ginawa ni Jesucristo sa mga ginawa ni Poncio Pilato (tingnan sa “Looking for Contrasts in the Scriptures” sa Scripture Study Skills). Bigyan ang mga estudyante ng kalakip na handout. Maaari silang makipagtulungan sa isang partner o sa isang maliit na grupo.
Ipakita ang sumusunod na katotohanan: Tinutularan natin ang halimbawa ng matatag na paninindigan ng Tagapagligtas na gawin ang tama kapag nagsisikap tayong gawin ang kalooban ng Diyos sa lahat ng sitwasyon.
Anyayahan ang mga estudyante na ipamuhay ang katotohanang ito sa pamamagitan ng paggawa ng isa o mahigit pa sa mga sumusunod nang mag-isa, sa maliliit na grupo, o bilang klase:
-
Gumawa ng listahan ng mga hamon sa pakikisama, kultura, o moralidad na kinakaharap mo na maaaring mangailangan ng matatag na paninindigan na gawin ang tama.
-
Talakayin kung paano mo matutularan ang halimbawa ng Tagapagligtas at magkaroon ng matatag na paninindigan na gawin ang tama kapag naharap sa mahihirap na sitwasyon.
-
Magbahagi ng mga karanasan na nakatulong sa iyo na magkaroon ng matatag na paninindigan na gawin ang tama kapag nahaharap sa mahihirap na sitwasyon.
-
Magbahagi ng mga halimbawa ng mga young adult na kilala mo na nagpakita ng matatag na paninindigan na gawin ang tama kapag naharap sa mahihirap na sitwasyon.
Para mahikayat ang mga estudyante na kumilos ayon sa natutuhan nila, maaari mo silang bigyan ng oras na pagnilayan at itala kung paano nila kukumpletuhin ang sumusunod na pahayag: Tutularan ko ang halimbawa ng matatag na paninindigan ng Tagapagligtas na gawin ang tama sa pamamagitan ng …