“Apocalipsis 15–22,” Manwal ng Guro ng Institute para sa Bagong Tipan (2025)
The Last Judgement [Ang Huling Paghuhukom], ni John Scott
Apocalipsis 15–22
Sa kanyang pangitain, nakita ni Juan ang pagbagsak ng espirituwal na Babilonia. Nakita niya ang kaluwalhatian ng Ikalawang Pagparito ni Jesucristo. Bukod dito, nakita ni Juan ang mga pagpapala ng kadakilaan para sa mga sumusunod sa mga kautusan ng Diyos. Nakita rin ni Juan na ang mga taong matuwid sa lupa at yaong mga kasama sa Unang Pagkabuhay na Mag-uli ay magtatamasa ng isang libong taon ng kapayapaan sa Milenyo. Tatanggapin ng mundo ang kaluwalhatiang selestiyal at magiging walang-hanggang tahanan ito para sa mga matuwid.
Karagdagang Resources
Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan, “Apocalipsis 15–22”
Paalala: Ang “Pambungad sa Kurso” ay nagbibigay ng gabay kung paano gamitin ang sumusunod na apat na pamantayang elemento ng lesson.
Paghihikayat ng Personal na Pag-aaral
Bago magklase, maaaring magpadala sa mga estudyante ng isa o mahigit pa sa mga sumusunod na mensahe o ng ilan sa sarili mong mga mensahe:
-
Naisip mo na ba kung bakit sinabihan tayo na umalis sa Babilonia, isang sinaunang lungsod na hindi na umiiral? Basahin ang Apocalipsis 17:1–7, 12–14; 18:1–4 para matuto nang higit pa tungkol sa Babilonia.
-
Ano sa palagay ninyo ang mangyayari sa Huling Paghuhukom? Pag-aralan ang Apocalipsis 20:11–15, na inaalam kung paano tayo hahatulan ng Tagapagligtas.
-
Nag-aalala ba kayo tungkol sa hinaharap? Basahin ang Apocalipsis 21–22, na inaalam ang tiyak na magaganap sa hinaharap.
Mga Tanong at Pagbabahagi
Bigyan ng oras ang mga estudyante na magtanong at magbahagi ng mga nalaman at katotohanang natuklasan nila sa kanilang personal na pag-aaral ng Apocalipsis 15–22.
Pagsasanay sa Kasanayan
Ang Apocalipsis 17:1–7 ay maaaring magandang paggamitan ng kasanayang “Understanding the Scriptures in Context” sa Scripture Study Skills. Maaari din ninyong gamitin ang kasanayang “Maintaining Doctrinal Balance” sa Scripture Study Skills kapag pinag-aaralan ang Apocalipsis 20:11–15.
Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral
Maraming opsiyon sa pag-aaral ang inilaan para sa iyo at sa iyong mga estudyante. Mapanalanging piliin kung aling opsiyon o mga opsiyon ang magiging pinakamakabuluhan para sa klase mo.
Apocalipsis 17:1–7, 12–14; 18:1–4
Paano ko madaraig ang impluwensya ng Babilonia sa aking buhay?
Maaari ninyong awitin, pakinggan, o basahin ang talata 1 ng “Israel, Diyos ay Tumatawag” (Mga Himno, blg. 6) at talata 1 ng “Mga Elder ng Israel” (Mga Himno, blg. 198). Pagkatapos ay ipabasa sa mga estudyante ang Apocalipsis 18:1–4 at Doktrina at mga Tipan 133:5.
-
Bakit binabanggit sa mga talatang ito ang tungkol sa mga tao sa ating panahon na lumalabas sa Babilonia, gayong nawasak na ang lungsod ng Babilonia libu-libong taon na ang nakararaan?
Ipaliwanag na upang maunawaan ang simbolismo ng Babilonia sa apocalipsis ni Juan at sa iba pang mga banal na kasulatan, nakatutulong na maunawaan ang konteksto ng kasaysayan ng Babilonia noong sinaunang panahon (tingnan sa kasanayang “Understanding the Scriptures in Context” sa Scripture Study Skills). Maaaring basahin ng mga estudyante ang “Apocalipsis 17–18. Bakit simbolo ng kasamaan ang Babilonia?” sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan upang mas maunawaan ang konteksto ng kasaysayan ng Babilonia.
Isinasaisip ang kontekstong ito, anyayahan ang mga estudyante na basahin ang Apocalipsis 17:1–7, 12–14 at tukuyin ang mga simbolong nagpapahiwatig ng kasamaan ng Babilonia.
-
Ano ang natutuhan ninyo tungkol sa Babilonia mula sa mga simbolong ito? (Kung kailangan ng mga estudyante ng tulong sa paglalarawan sa Babilonia bilang isang mahalay na babae, maaari nilang basahin ang “Apocalipsis 17:4–5. Bakit inilarawan ni Juan ang Babilonia bilang ‘ina ng mga mahalay na babae’?” sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan.)
Anyayahan ang mga estudyante na isipin ang mga halimbawa ng Babilonia na laganap sa ating panahon o karaniwang nakikita nila sa araw-araw.
-
Ano ang matututuhan ninyo tungkol sa Tagapagligtas mula sa mga titulong isinulat ni Juan sa talata 14? (Mula sa talatang ito, maaaring matukoy ng mga estudyante ang isang katotohanan na tulad ng sumusunod: Si Jesucristo—ang Kordero ng Diyos, ang Panginoon ng mga panginoon, ang Hari ng mga hari—ay nanaig sa lahat ng kasamaang isinasagisag ng Babilonia.)
-
Sa inyong palagay, paano makatutulong sa inyo ang katotohanang ito na manaig sa kasamaaang kinakaharap ninyo?
Ipaalala sa mga estudyante ang mga himno at talatang binasa ninyo sa simula ng klase tungkol sa pag-alis sa Babilonia at pagpunta sa Sion. (Kung kinakailangan, maaari mong ipaliwanag na ang Sion ay kasalungat ng Babilonia sa banal na kasulatan. Ang Sion ay tumutukoy sa mga taong “may dalisay na puso” [Doktrina at mga Tipan 97:21] gayundin sa heyograpikong lugar.)
Para tulungan ang mga estudyante na pag-aralan at mas maunawaan ang utos ng Tagapagligtas na lisanin ang Babilonia (tingnan sa Apocalipsis 18:4; Doktrina at mga Tipan 133:5), maaaring ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Elder D. Todd Christofferson. Maaari mong hatiin sa maliliit na grupo ang mga estudyante para basahin ang pahayag at talakayin ang sumusunod na tanong.
Para makatungo sa Sion, hindi sapat na mas masama ang iba kaysa sa inyo o sa akin. Hindi lang tayo dapat magpakabait kundi maging mga banal na lalaki at babae. Sabi nga ni Elder Neal A. Maxwell, para sa ating kabutihan manirahan tayo sa Sion at isuko natin ang ating bahay-bakasyunan sa Babilonia. (“Sa Sion ay Magsitungo,” Liahona, Nob. 2008, 39)
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ni Elder Maxwell nang banggitin niya ang pagtatatag ng ating tirahan sa Sion at pag-iwan sa “bahay-bakasyunan sa Babilonia”?
Matapos magtalakayan ang mga estudyante, maaari mo silang bigyan ng oras na pag-isipan nang mag-isa kung paano nila maaaring napapanatili ang isang bahay-bakasyunan sa Babilonia—sa madaling salita, kung paano sila maaaring masyadong nakatuon sa mga bagay na makamundo.
Matapos bigyan ng oras ang mga estudyante na mag-isip, maaari mo silang anyayahan na mapitagang pag-isipan kung paano nila mas lubos na maitatatag ang kanilang tirahan sa Sion.
Apocalipsis 20:11–15
Paano ako hahatulan ng Diyos?
Maaari kang magsimula sa pagdispley ng sumusunod na sitwasyon:
Kunwari ay may kaibigan kayo na nagngangalang Joel na labis na nag-iisip tungkol sa kabilang-buhay mula nang mamatay sa aksidente ang isang malapit na kapamilya. Sa pagbaling sa Biblia para magkaroon ng kapanatagan, nabasa niya ang Apocalipsis 20:11–15. Ang talatang ito tungkol sa Huling Paghuhukom ay labis na nagpalungkot sa kanya. Nang tanungin ninyo kung bakit siya nalulungkot, sinabi niya, “Napakarami kong problema. Kung hahatulan ako ng Diyos ngayon sa pamamagitan ng aking mga gawa, talagang mapupunta ako sa impiyerno. Talagang nakagawa ako ng ilang masasamang bagay. Hindi ko yata kayang gumawa ng sapat na kabutihan para makarating sa langit.”
-
Ano kaya ang mga maling pagkaunawa ni Joel tungkol sa Huling Paghuhukom?
Anyayahan ang mga estudyante na gamitin ang handout na “Pag-unawa sa Huling Paghuhukom” para mas maunawaan ang Huling Paghuhukom. Ang aktibidad na ito ay tutulong sa mga estudyante na magamit ang kasanayang “Maintaining Doctrinal Balance” sa Scripture Study Skills.
Matapos bigyan ng oras ang mga estudyante para mag-aral, anyayahan sila na maghanda ng maikling mensahe na makapagbibigay kay Joel ng mas kumpleto, balanse, at pag-asa na maunawaan ang Huling Paghuhukom. Pagkatapos ay anyayahan sila na magsalitan sa pagbabahagi ng mensaheng inihanda nila para kay Joel. Maaari nilang gawin ito sa maliliit na grupo o bilang isang buong klase.
Pagkatapos ibahagi ng mga estudyante ang kanilang mga mensahe, maaaring talakayin ng buong klase ninyo ang mga sumusunod na tanong:
-
Anong mga katotohanan ng ebanghelyo ang nakatulong sa inyo na mas maunawaan ang Huling Paghuhukom? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang mga katotohanan na tulad ng sumusunod: Bawat isa sa atin ay hahatulan ni Jesucristo. Hahatulan tayo ayon sa ating mga gawa at sa mga hangarin ng ating puso. Ang Huling Paghuhukom ay maghahayag ng epekto ng ating mga gawa at pag-iisip—kung ano ang kinahinatnan natin. Si Jesucristo ay isang matuwid na hukom.)
-
Bakit mapagkakatiwalaan ninyo si Jesucristo na maging hukom ninyo?
-
Paanong ang pagkakaroon ng mas kumpleto at balanseng pag-unawa sa Huling Paghuhukom ay makapagbibigay sa inyo ng inspirasyon na magsisi at gumawa nang mas mahusay?
Maaari mong bigyan ng oras ang mga estudyante para pag-isipan kung anong uri ng tao ba ang kahihinatnan nila. Maaaring mag-isip ang mga estudyante ng isang bagay na maaari nilang simulan o itigil gawin para maging uri sila ng tao na nais ng Panginoon na maging sila.
Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral
Paglikha ng mga oportunidad para makatanggap ng paghahayag ang mga estudyante. Para espirituwal na mabuhay, kakailanganin ng mga tinuturuan mo ang personal na paghahayag sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Maghanap ng mga paraan para tulungan ang mga estudyante na matutuhan kung paano nakikipag-ugnayan ang Espiritu sa kanila. Bigyan sila ng maraming oras para pagnilayan at isulat ang itinuturo sa kanila ng Espiritu Santo.
Apocalipsis 21–22
Paano ko haharapin ang bukas nang may pananampalataya?
Maaari mong idispley ang sumusunod na larawan:
-
Paano maaaring maging metapora ng buhay ninyo ang larawang ito?
-
Ano ang hindi ninyo alam tungkol sa inyong hinaharap?
-
Paano makaiimpluwensya sa buhay ninyo sa araw-araw ang pag-aalala tungkol sa hinaharap?
Ipaliwanag na nakita ni Juan sa pangitain ang matagumpay na tadhana ng kaharian ng Diyos. Maaari mong idispley ang sumusunod na buod at magbigay ng maikling pambungad tungkol sa mga pangyayaring ito.
Anyayahan ang mga estudyante na basahin ang Apocalipsis 21; 22:1–5 nang mag-isa o kasama ang isang kapartner, na pahintu-hinto sandali para talakayin ang mga talatang interesado sila. Ipamarka sa mga estudyante ang mga parirala, kaganapan, o katotohanan na nagtuturo ng maaaring malaman natin nang may katiyakan tungkol sa hinaharap.
Matapos bigyan ng oras ang mga estudyante para magsaliksik, anyayahan sila na ibahagi kung ano ang natuklasan nila. Matapos ibahagi ng mga estudyante ang kanilang mga natuklasan, maaaring itanong:
-
Batay sa pangitain ni Juan, ano ang nais ng Panginoon na malaman ninyo tungkol sa inyong hinaharap? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang isang katotohanan na tulad ng sumusunod: Kung ako ay masunurin at tapat kay Jesucristo, pagpapalain ako ng kaluwalhatiang selestiyal.)
-
Paano makaiimpluwensya sa nadarama ninyo tungkol sa hinaharap ang pagkaalam sa katotohanang ito?
-
Paano kayo matutulungan ni Jesucristo na maging tapat habang hinaharap ninyo ang bukas?
Maaaring ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Jeffrey R. Holland:
Ang hinaharap ng mundong ito ay matagal nang inihayag; ang kahihinatnan sa huli ng mabuti at masama ay batid na. Talagang walang duda kung sino ang mananalo dahil nailagay na sa scoreboard ang panalo. Ang talagang sadyang kakatwa sa lahat ng ito ay nasa field pa rin tayo na sinusubukang magpasiya kung kaninong team jersey ang gusto nating isuot! (sa John Bytheway, When Times Are Tough: 5 Scriptures That Will Help You Get through Almost Anything [2004], 30–31, sinipi sa Amy Carlin, “Put On the Jersey,” The Daily [podcast], Ago. 13, 2024, ChurchofJesusChrist.org)
-
Ano kaya ang ibig sabihin ni Pangulong Holland sa mga team jersey? (Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang jersey na isinusuot natin ay maaaring sumasagisag sa ating mga pangako at priyoridad.)
-
Ano ang ilang halimbawa ng mga team jersey na maaaring isuot ng mga young adult?
-
Paano ninyo malalaman kung ginagawa ninyong pinakamataas na priyoridad ang pagsama sa team ng Panginoon?
Anyayahan ang mga estudyante na pag-isipan kung paano nila gagawing pinakamataas na priyoridad ang Tagapagligtas. Maaari silang magbahagi ng mga pagpapala at hamon na dulot ng pagpili na maging disipulo ni Jesucristo. Maaari mong patotohanan na makakamit natin ang kaluwalhatiang selestiyal kung sisikapin nating maging tapat kay Jesucristo.