Mga Kurso Tungkol sa mga Banal na Kasulatan
Mateo 2; Lucas 2


“Mateo 2; Lucas 2,” Manwal ng Titser ng Institute para sa Bagong Tipan (2025)

pagsilang ni Jesus

Behold the Lamb of God [Masdan ang Kordero ng Diyos], ni Walter Rane

Mateo 2; Lucas 2

Ipinropesiya ng mga sinaunang propeta ang pagsilang ni Jesucristo (tingnan sa Isaias 9:6–7; 1 Nephi 11:14–18). Siya ay pumarito sa daigdig bilang Bugtong na Anak ng Diyos, na nakatalagang maging ating Tagapagligtas at Manunubos. Sina Maria, Jose, mga pastol, sina Simeon, Ana, at ang mga Pantas na Lalaki ay mga saksi sa Kanyang pagsilang o nakita Siya noong Siya ay musmos pa. Bagama’t kakaunti lamang ang kaalaman natin tungkol sa Kanyang kabataan, alam natin na “lumago si Jesus sa karunungan, sa pangangatawan, at naging kalugud-lugod sa Diyos at sa mga tao” (Lucas 2:52).

Karagdagang Resources

Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan, “Mateo 2; Lucas 2

Paalala: Ang “Pambungad sa Kurso” ay nagbibigay ng patnubay kung paano gamitin ang sumusunod na apat na pamantayang elemento ng lesson.

icon ng pag-aaral
Paghihikayat ng Personal na Pag-aaral

Bago magklase, maaari mong ipadala sa mga estudyante ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod na mensahe o ang ilan sa sarili mong mga mensahe:

  • Panoorin ang “The Nativity” (2:58) o “The Christ Child: A Nativity Story” (17:56), at isipin kung ano kaya ang pakiramdam na masaksihan ang pagsilang ng Tagapagligtas.

    2:58
    17:56
  • Isiping basahin ang tungkol sa pagsilang ng Tagapagligtas sa Lucas 2:1–7, at pagnilayan kung bakit handa Siyang isilang sa gayong hamak na kalagayan.

  • Naisip mo na ba minsan kung ano kaya ang hitsura ni Jesus noong bata pa? Pag-aralan ang Lucas 2:40–52 at ang Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 3:24–26 (Gospel Library), at isipin kung ano ang matututuhan mo mula sa paglago at pag-unlad ng batang si Jesus. Bilang bahagi ng iyong pag-aaral, maaari mo ring panoorin ang “Young Jesus Teaches in the Temple” (2:29).

    2:30

icon ng talakayan
Mga Tanong at Pagbabahagi

Bigyan ng oras ang mga estudyante na magtanong at magbahagi ng mga ideya at katotohanang natuklasan nila sa kanilang personal na pag-aaral ng Mateo 2 at Lucas 2.

icon ng pagsasanay sa kasanayan
Pagsasanay sa Kasanayan

Ang Mateo 2:1–12 at Lucas 2:8–20, 25–38 ay maaaring magandang paggamitan ng kasanayang “Pagtukoy sa mga Katotohanan ng Ebanghelyo sa mga Banal na Kasulatan” sa Mga Kasanayan sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan.

icon ng mga opsiyon sa aktibidad sa pag-aaral
Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral

Maraming opsiyon sa pag-aaral ang inilaan para sa iyo at sa iyong mga estudyante. Mapanalanging piliin kung aling opsiyon o mga opsiyon ang magiging pinakamakabuluhan para sa klase mo.

Lucas 2:1–7

Ano ang matututuhan ko tungkol kay Jesucristo mula sa Kanyang hamak na pagsilang?

Idispley ang sumusunod na larawan ni Jesucristo bilang Tagapaglikha. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalalaman natin tungkol kay Jesucristo mula sa premortal na buhay at bilang si Jehova, ang Diyos ng Lumang Tipan.

Nilikha ni Jesucristo ang mundo

Christ the Creator [Si Cristo na Tagapaglikha], ni Robert T. Barrett

Pagkatapos ay magdispley ng larawan ni Jesus bilang isang sanggol, at ipabasa sa mga estudyante ang Lucas 2:1–7, na inaalam ang mga kalagayan ng Kanyang pagsilang.

Nakatingin si Maria sa sanggol na si Jesus

Kung makatutulong, maaari ninyong panoorin ang “The Christ Child” mula sa time code na 1:00 to 6:00 o rebyuhin ang “Lucas 2:1–7. Ano ang mga kalagayan ng pagsilang ng Tagapagligtas?” sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan.

17:56
  • Kung isasaalang-alang ang kapangyarihan, kadakilaan, at kaluwalhatian ni Jesucristo, ano ang nakikita ninyong mahalagang pansinin tungkol sa mga kalagayan ng Kanyang pagsilang?

Ipaliwanag na sa isang pangitain tungkol sa pagsilang ng Tagapagligtas, itinanong sa propetang si Nephi ng Aklat ni Mormon, “Nalalaman mo ba ang pagpapakababa ng Diyos?” (1 Nephi 11:16). (Paalala: Ang ibig sabihin ng salitang pagpapakababa sa kontekstong ito ay kusang pagbaba sa isang mas mababang katayuan o kalagayan mula sa mas mataas na katayuan.) Sabihin sa mga estudyante na basahin ang tungkol sa pangitain ni Nephi sa 1 Nephi 11:13–23, at alamin ang naunawaan ni Nephi tungkol sa pagpapakababa ng Diyos.

  • Ano kaya ang itinuturo sa atin ng pagpapakababa ni Jesucristo tungkol sa Kanyang pagkatao? Ano ang maaaring ihayag nito tungkol sa Kanyang nadarama para sa atin? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang katotohanang tulad ng sumusunod: Ang pagpapakababa ni Jesucristo ay nagpapakita ng Kanyang pagpapakumbaba at pagmamahal sa atin.)

  • Sa anong iba pang mga paraan nagpakababa si Jesucristo upang mapagpala Niya ang ating buhay? (Maaaring basahin ng mga estudyante ang 1 Nephi 11:26–33 para sa karagdagang kaalaman.)

  • Paano nakakaimpluwensya ang pag-unawa sa pagpapakababa ng Tagapagligtas sa pananaw at paraan ng pagharap ninyo sa inyong mga personal na hamon?

Upang matulungan ang mga estudyante na madama ang kahalagahan ng pagpapakababa ng Tagapagligtas, maaari ninyong sama-samang rebyuhin ang mga titik ng himnong “Jesus, Hamak Nang Isilang” (Mga Himno, blg. 118) o panoorin ang “Jesus, Once of Humble Birth” (5:37). Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang mensahe ng himno at isulat ang anumang ideya o impresyong natatanggap nila.

Balikan ang “Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral.”

Mateo 2:1–12; Lucas 2:8–20, 25–38

Paano ko mapapalakas ang aking patotoo tungkol kay Jesucristo?

Pag-isipang ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder Dieter F. Uchtdorf, na noon ay nasa Unang Panguluhan:

Pangulong Dieter F. Uchtdorf

Sa lahat ng naghahangad na maunawaan kung sino tayo bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, gusto kong mag-alay ng panimula na inilalarawan ng apat na salitang ito: Hinahanap Natin si Cristo. Hangad nating matuto sa Kanya. Sumunod sa Kanya. Maging higit na katulad Niya. Araw-araw sa buong taon, hinahanap natin Siya. (Dieter F. Uchtdorf, “Paghahanap kay Cristo sa Pasko,” Liahona, Dis. 2017, 4)

Bigyan ang mga estudyante ng ilang minuto na isipin at isulat ang nagawa nila sa linggong ito para hanapin si Cristo. Pagkatapos ay isulat sa pisara ang sumusunod na hindi kumpletong pahayag: Maaari kong hanapin si Jesucristo sa pamamagitan ng …

Ipaliwanag na makahahanap ang mga estudyante ng iba’t ibang paraan para makumpleto ang pahayag na ito sa pamamagitan ng paghahanap ng mga katotohanan na ipinahiwatig o inilarawan sa mga sumusunod na kuwento. Habang binabasa ng mga estudyante ang mga salaysay na ito, maaari nilang itanong: Ano ang matututuhan natin mula sa halimbawa ng tao o mga tao sa kuwentong ito? (Kung maaaring gumamit ang mga estudyante ng karagdagang pagsasanay tungkol sa kasanayang ito, maaari mong rebyuhin ang “Pagtukoy sa mga Katotohanan ng Ebanghelyo sa mga Banal na Kasulatan” sa Mga Kasanayan sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan.)

Sabihin sa mga estudyante na isulat kung paano nila tatapusin ang hindi kumpletong pahayag batay sa natutuhan nila mula sa bawat isa sa mga sumusunod na salaysay:

Matapos bigyan ng oras ang pag-aaral, sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang natutuhan nila mula sa mga nabasa nila. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na isulat sa pisara ang iba’t ibang paraan na nakumpleto nila ang pahayag. Ang mga nakumpletong pahayag ay maaaring katulad ng mga sumusunod na katotohanan: Maaari kong hanapin si Jesucristo sa pamamagitan ng pag-aaral tungkol sa Kanya at paghihintay sa mga palatandaan ng Kanyang pagparito. Maaari kong hanapin si Jesucristo sa pamamagitan ng pagsamba sa Kanya. Maaari kong hanapin si Jesucristo sa pamamagitan ng mabilis na paglapit sa Kanya. Maaari kong hanapin si Jesucristo sa pamamagitan ng kusang paglilingkod sa templo. Maaari kong hanapin si Jesucristo sa pamamagitan ng masigasig na pagsunod sa mga pahiwatig ng Espiritu. Maaari kong hanapin si Jesucristo sa pamamagitan ng taimtim na pag-aayuno at pagdarasal.

Habang ibinabahagi ng mga estudyante ang nakumpleto nilang mga pahayag, maaari mo ring anyayahan silang ibahagi kung paano sila dinala ng ganitong mga uri ng pagkilos, o ng isang taong kilala nila, palapit sa Tagapagligtas.

Sabihin sa mga estudyante na pumili ng isang pahayag mula sa pisara, o ng sarili nilang pahayag, at gumawa ng simpleng plano kung paano nila ito ipamumuhay para hanapin ang Tagapagligtas.

Paalala: Maaari mong anyayahan ang mga estudyante sa simula ng iyong susunod na klase na ibahagi ang ginawa nila para masunod ang kanilang plano.

Balikan ang “Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral.”

Mateo 2:1–12

Paano ko sasambahin ang Panginoon sa makabuluhang mga paraan?

Maaari mong isulat sa pisara ang mga salitang pagmamahal, pagsamba, pagpipitagan, paglilingkod, at katapatan. Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga pagkakataon na gusto nilang ipakita o ibigay ang mga bagay na ito sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Isulat ang salitang pagsamba sa itaas ng mga salita na nasa pisara, at ipaliwanag na ang mga salitang ito ang sentro ng tunay na pagsamba (tingnan sa Mga Paksa at Mga Tanong, “Pagsamba,” Gospel Library).

Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang tala tungkol sa mga Pantas na Lalaki sa Mateo 2:1–12 at alamin kung paano sinamba ng mga lalaking ito ang Panginoon. Maaaring makatulong na ipanood ang “The Christ Child” mula sa time code na 13:44 hanggang 17:16.

17:56
  • Ano ang sinabi at ginawa ng mga Pantas na Lalaki upang sambahin ang Panginoon?

  • Ano ang matututuhan natin tungkol sa kahulugan ng pagsamba mula sa mga Pantas na Lalaki? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang katotohanang tulad ng sumusunod: Sinasamba natin ang Panginoon sa pamamagitan ng pagpapakita ng pagmamahal at pagpipitagan sa Kanya sa ating mga salita at kilos.)

  • Paano tayo mas mapapalapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa pamamagitan ng maliliit at mga simpleng pagpapahayag ng taos-pusong pagsamba? (Maaari ninyong panoorin ang “Returning to Prayer” [4:43] para makatulong sa pagsagot sa tanong na ito.)

    4:43

Upang matulungan ang mga estudyante na gumawa ng epektibo at matwid na pagkilos, ipakita at basahin nang sabay-sabay ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, na noon ay nasa Unang Panguluhan:

Pangulong Dieter F. Uchtdorf

Ang Pasko at ang ilan sa mahahalagang tradisyon ng panahon ay nagpapaalala sa atin na tayo, tulad ng mga Pantas na Lalaki noong unang panahon, ay dapat hanapin ang Cristo at ilagay sa Kanyang harapan ang pinakanatatangi sa mga regalo: isang bagbag na puso at nagsisising espiritu. Dapat nating ialay sa Kanya ang ating pagmamahal. Dapat nating ibigay sa Kanya ang kahandaan nating taglayin ang Kanyang pangalan at tahakin ang landas ng pagiging disipulo. Dapat tayong mangako na aalalahanin Siya palagi, tutularan ang Kanyang halimbawa, at maglilibot na gagawa ng mabuti [tingnan sa Mga Gawa 10:38; Doktrina at mga Tipan 20:77, 79]. (“Of Curtains, Contentment, and Christmas” [First Presidency Christmas devotional, Dis. 4, 2011], Gospel Library)

Maaaring magbahagi ang mga estudyante ng iba’t ibang paraan ng pagsamba nila sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa pamamagitan ng pag-aalay sa Kanila ng kanilang bagbag na puso, pagmamahal, at kalooban. (Maaari mong isulat sa pisara ang mga halimbawa ng mga estudyante.)

Bigyan ang mga estudyante ng ilang minuto para sa tahimik na pagmumuni-muni. Hikayatin silang tukuyin at isulat ang isang bagay na magagawa nila sa linggong ito upang taos-pusong sambahin ang Panginoon.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral

Hikayatin ang mga estudyante na ipamuhay ang natutuhan nila. Ang pagpapalakas ng pananampalataya at pagiging higit na katulad ni Cristo ay hindi nangyayari nang biglaan. Ang pagkatuto na nagpapabago ng buhay ay nangangailangan ng pagsasagawa ng natututuhan natin. Kapag inanyayahan mo ang mga tinuturuan mo na kumilos ayon sa tunay na doktrina, tinutulungan mo sila na maipamuhay ang mga katotohanan na kanilang natututuhan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 43:8–10). Sabihin sa mga estudyante na kusang ipamuhay ang natututuhan nila at magtakda ng sarili nilang mga hakbang upang manatiling may pananagutan. Isipin ang mga angkop na paraan para mapaalalahanan sila at mag-follow up.

Balikan ang “Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral.”

Lucas 2:40–52; Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 3:24–26

Ano ang matututuhan ko mula sa Tagapagligtas tungkol sa personal na pag-unlad?

Maaari mong idispley ang sumusunod na larawan ni Jesus sa Kanyang kabataan.

Si Maria at si Jesus noong bata pa

Itanong sa mga estudyante kung ano sa palagay nila ang hitsura ni Jesus noong Siya ay bata. Maaari mo rin silang anyayahang isipin kung ano kaya ang pakiramdam ng palakihin Siya bilang anak o lumaki na kasama Niya bilang isang kapatid.

Sabihin sa mga estudyante na rebyuhin ang Lucas 2:40–52 at Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 3:24–26 (Gospel Library), at ibahagi ang mga detalye mula sa pagkabata at kabataan ni Jesus na pinakamahalaga sa kanila. Ipaliwanag na nakasaad sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng Lucas 2:46, “At sila ay nakikinig sa kanya, at nagtatanong sa kanya” (Gospel Library).

  • Ano ang inihahayag ng mga talatang ito tungkol sa pagkatao at mga katangian ni Jesus noong kabataan niya?

Kung hindi ito binanggit ng mga estudyante, maaari mong ipaliwanag na lumaki ang Tagapagligtas sa paglipas ng panahon (tingnan sa Lucas 2:40; Doktrina at mga Tipan 93:12–13) at sa balanseng paraan (tingnan sa Lucas 2:52). Kung nais mo, maaari mong talakayin kung anong mga bahagi ng pag-unlad ang ipinahihiwatig ng mga katagang “karunungan,” “pangangatawan,” at “kalugud-lugod sa Diyos at sa mga tao” (talata 52).

Maaari mong ipakita ang sumusunod na katotohanan o larawan: Matutularan natin ang halimbawa ni Jesus sa pamamagitan ng pag-unlad sa intelektuwal, pisikal, espirituwal, at sosyal.

chart ng Ang Huwaran ng Pag-unlad ng Tagapagligtas
  • Bakit maaaring mahalagang pagsikapang gawin ang bawat isa sa mga aspetong ito habang hinahangad nating maging katulad ng Tagapagligtas?

  • Ano ang maaaring mangyari kung balewalain natin ang alinman sa mga ito?

Sabihin sa mga estudyante na pumili ng isang aspeto na gusto nilang talakayin nang mas detalyado. Sabihin sa kanila na bumuo ng maliliit na grupo kasama ang mga kaklase na may gayon ding interes. Ipakita ang mga sumusunod na prompt o pahiwatig, at sabihin sa mga grupo na pumili ng isa o mahigit pa para talakayin.

  • Tukuyin ang mga paraan na umunlad kayo o ang iba pang kakilala ninyo sa aspetong ito.

  • Isipin kung paano makatutulong sa inyo ang pagpapaunlad sa aspetong ito na maging higit na katulad ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.

  • Alamin kung paano makatutulong sa inyo ang pagpapaunlad sa aspetong ito para makagawa kayo ng makabuluhang kontribusyon sa tahanan, sa trabaho, sa paaralan, sa simbahan, o sa komunidad.

  • Tukuyin ang mga balakid na maaaring makahadlang sa inyo sa pag-unlad sa aspetong ito at kung paano daigin ang mga ito.

Upang matulungan ang mga estudyante na magawa ang natutuhan nila, maaari mong ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson:

Pangulong Russell M. Nelson

Sumangguni sa Panginoon kung paano kayo uunlad sa balanseng paraan. … Kakailanganin ninyong humingi ng personal na paghahayag. Kakailanganin ninyong magpasiya para sa sarili ninyo kung paano ito gagawin. Kung minsan maaaring ipahiwatig sa inyo ng Espiritu na gumawa ng mahihirap na bagay. Palagay ko nakahanda kayo sa hamong ito. Magagawa ninyo ang mahihirap na bagay. (Sa “Ipinakilala ng mga Lider ang Bagong Inisyatibong Mga Bata at Kabataan,” Liahona, Nob. 2019, 124)

Bigyan ang mga estudyante ng ilang minuto na tumahimik at makinig sa Espiritu Santo. Hikayatin sila na isulat ang nadarama nila na dapat nilang gawin. Kung nahihirapan ang ilang estudyante na tanggapin ang hamong ito na gawin ang mahihirap na bagay, maaari ninyong panoorin at talakayin ang “Self-Care Made Simple” (3:40).

3:40

Balikan ang “Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral.”