“Roma 7–16,” Manwal ng Titser sa Institute para sa Bagong Tipan (2025)
Paglalarawan ni Jen Tolman
Roma 7–16
Pinatotohanan ni Pablo na sinasagip tayo ni Jesucristo mula sa ating pakikibaka sa tawag ng laman at kasalanan. Dahil sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, posibleng mapasaatin ang Espiritu, na tumutulong sa atin na madaig ang kahinaan ng laman. Pinatototohanan ng Espiritu na tayo ay mga anak ng Diyos at sa pamamagitan ng tipan ay maaari tayong maging mga kasamang tagapagmana ni Cristo. Kung tapat nating sisikaping mamuhay na malapit sa Tagapagligtas, walang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos. Pinayuhan ni Pablo ang mga miyembro ng Simbahan na ipamuhay ang ebanghelyo para mag-ibayo ang kapayapaan at pagkakaisa ng Simbahan.
Karagdagang Resources
Scripture Helps: New Testament [Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan], “Romans 7–16 [Roma 7–16]”
Paunawa: Ang “Pambungad sa Kurso” ay nagbibigay ng patnubay kung paano gamitin ang apat na sumusunod na pamantayang elemento ng lesson.
Paghihikayat ng Personal na Pag-aaral
Bago magklase, isiping magpadala sa mga estudyante ng isa o mahigit pa sa sumusunod na mga mensahe o ng ilan sa sarili mong mga mensahe:
-
Ano ang maibabahagi mo sa isang tao na nag-iisip kung sulit ba na pagsikapang sundin ang mga utos ng Diyos? Hanapin ang mga katotohanan sa Roma 8:1–18.
-
Kailan mo huling nadama ang pag-ibig ng Diyos? Maghanap ng matututuhan mo tungkol sa lalim at sidhi ng pag-ibig ng Diyos habang binabasa mo ang Roma 8:31–39.
-
Naghahanap ka ba ng praktikal na payo kung paano maging isang tao na higit na katulad ni Cristo? Isiping pag-aralan ang ilan sa sumusunod na mga talata para sa mga ideya: Roma 12:1–6, 9–21; 13:8–14.
Mga Tanong at Pagbabahagi
Bigyan ng oras ang mga estudyante na magtanong at magbahagi ng mga kabatiran at katotohanang natuklasan nila sa kanilang personal na pag-aaral ng Roma 7–16.
Pagpapahusay ng ating Pagtuturo at Pag-aaral
Ihanda ang mga estudyante para sa Mga Tanong at Pagbabahagi. Isipin kung paano makakatulong ang sumusunod na mga pamamaraan para makibahagi ang iyong mga estudyante sa Mga Tanong at Pagbabahagi ng klase: (1) Ipabuod sa mga estudyante ang mahahalagang kaganapan o kuwento sa banal na kasulatan at ipabahagi ang pinaka-tumatak sa isipan nila. (2) Hilingin sa mga estudyante na tukuyin ang mga pangunahing tema mula sa mga babasahin at magbahagi ng mga komento at tanong na nauugnay sa mga iyon. (3) Bago magsimula ang klase, atasan ang ilang estudyante na pumasok sa klase na handang magbahagi ng isang bagay na pinaka-tumatak sa isipan nila mula sa mga babasahin.
Training sa Kasanayan
Ang Roma 8:31–39 ay maaaring magandang paggamitan ng kasanayang “Maintaining Doctrinal Balance” sa Scripture Study Skills.
Mga Opsyon sa Aktibidad sa Pag-aaral
Maraming inilaang opsyon sa pag-aaral para sa iyo at sa iyong mga estudyante. Mapanalanging piliin kung aling opsyon o mga opsyon ang magiging pinakamakabuluhan para sa klase mo.
Roma 8:1–18
Anong mga pagpapala ang matatanggap ko kapag pinipili kong sundin si Jesucristo?
Isiping simulan ang lesson sa pagbabahagi ng sumusunod na sitwasyon. Kung kailangan, maaari mong iakma ang mga detalye ng sitwasyon para mas umangkop sa mga pangangailangan at sitwasyon ng iyong mga estudyante.
May ilang kaibigan si Lucas na kung minsa’y pinagtatawanan siya dahil sa paraan ng pamumuhay niya. Napansin niya na tila masaya ang mga kaibigan niya kahit hindi malaking bahagi ng buhay nila ang Diyos. Nagsisimula nang mag-isip si Lucas kung sulit bang pagsikapang maging alagad ni Jesucristo.
Anyayahan ang mga estudyante na pag-isipan kung nadama na ba nila ang nadama ni Lucas. Ipaliwanag na sa kanyang liham sa mga Romano, nagbahagi ng mga katotohanan si Pablo na makakatulong sa atin na mapansin ang mga pagpapala ng pagsunod kay Jesucristo. Hikayatin ang mga estudyante habang nag-aaral sila na bigyang-pansin ang mga pahiwatig ng Espiritu Santo na makakatulong sa kanilang mga indibiduwal na sitwasyon.
Isiping ipakita ang sumusunod na mga tagubilin para matulungan ang mga estudyante na pag-aralan ang mga turo ni Pablo sa Roma 8. (Para sa step 1, maaari mong atasan ang kalahati ng mga estudyante na pag-aralan ang talata 1–9 at ang natitirang kalahati na pag-aralan ang talata 10–18.)
-
Basahin ang Roma 8:1–18, na inaalam ang mga katotohanang makakatulong sa isang tao na nahihirapang maging alagad ni Jesucristo.
-
Isulat ang dalawa o tatlong katotohanan na nakita mong pinakamakabuluhan.
-
Isulat kung bakit sa palagay mo ay makakatulong ang mga katotohanang iyon para maganyak tayong sundin si Jesucristo.
Matapos magkaroon ng oras ang mga estudyante na kumpletuhin ang aktibidad sa pag-aaral, bigyan sila ng pagkakataong ibahagi ang isinulat nila sa kapartner o sa maliit na grupo. Pagkatapos ay ipatalakay sa klase ang mga katotohanang nahanap ng mga estudyante. Maaaring nakatukoy na sila ng mga katotohanang tulad ng sumusunod: Ang makamundong pag-iisip ay humahantong sa espirituwal na kamatayan; ang espirituwal na pag-iisip ay humahantong sa buhay na walang hanggan at kapayapaan. Kung susundin natin ang impluwensya ng Banal na Espiritu, maaari tayong maging mga kasamang tagapagmana ni Jesucristo sa lahat ng mayroon ang Ama sa Langit.
Para matulungan ang mga estudyante na mapalalim ang pagkaunawa nila sa mga katotohanang ito, isiping talakayin ang ilan sa sumusunod na mga tanong:
-
Ano ang pinaka-nakatulong sa inyo na maging isang taong mas espirituwal ang pag-iisip? Paano kayo napagpala ng Diyos sa mga pagsisikap na ito?
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng maging “mga tagapagmana ng Diyos” at “mga kasamang tagapagmana ni Cristo”? (Kung kailangan ng tulong ng mga estudyante, isiping patingnan sa kanila ang entry na “Romans 8:17 [Roma 8:17]. What does it mean to be ‘heirs of God, and joint-heirs with Christ’? [Ano ang ibig sabihin ng maging ‘mga tagapagmana ng Diyos, at mga kasamang tagapagmana ni Cristo’?]” sa Scripture Helps: New Testament [Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan]. Maaari mo ring ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Elder Dieter F. Uchtdorf.)
Kapag ang pakiramdam natin ay hindi tayo mahalaga, itinakwil tayo, at kinalimutan, nalalaman natin na makatitiyak tayo na hindi tayo nalimutan ng Diyos—sa katunayan, na nag-aalok Siya sa lahat ng Kanyang mga anak ng isang bagay na mahirap isipin: ang maging “mga tagapagmana ng Diyos, at [mga kasamang] tagapagmana ni Cristo” [Roma 8:17; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 84:38].
Ano ang ibig sabihin nito?
Na mabubuhay tayo magpakailanman, tatanggap ng ganap na kagalakan, at may potensyal na “[magmana] ng mga trono, kaharian, pamunuan, at kapangyarihan” [Doktrina at mga Tipan 132:19].
Nakakaabang malaman na ang kamangha-mangha at makalangit na hinaharap na ito ay posible—hindi dahil sa kung sino tayo kundi dahil sa kung sino ang Diyos.
Nababatid ito, paano natin maaatim na magreklamo o manatiling galit? Paano natin napapanatiling nakababa ang ating tingin samantalang inaanyayahan tayo ng Hari ng mga hari na abutin ang ating mahirap-isiping hinaharap na banal na kaligayahan? (“Kasama Natin ang Diyos,” Liahona, Mayo 2021, 8)
-
Ano ang naipapaunawa sa inyo ng mga ipinangakong pagpapalang inilarawan sa Roma 8 tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?
Anyayahan ang mga estudyante na pagnilayan ang natutuhan at nadama nila mula sa Espiritu Santo na makakatulong sa kanila sa mga hamon o desisyon nila ngayon. Hikayatin sila na itala ang kanilang mga espirituwal na impresyon. Patotohanan ang mga katotohanang natalakay ninyo sa aktibidad na ito sa pag-aaral.
Roma 8:31–39
Ano ang nadarama ng Ama sa Langit at ni Jesucristo tungkol sa akin?
Para simulan ang aktibidad na ito sa pag-aaral, isiping ibahagi ang sumusunod na salaysay na ikinuwento ni Elder Brian K. Taylor:
Si Jen … noong tinedyer pa ay naging dahilan ng malagim na aksidente. Bagama’t malubha siyang nasaktan, naging napakasakit niyon sa kanya dahil namatay ang drayber ng kotseng nabangga niya. “May nawalan ng ina at kagagawan ko iyon,” sabi niya. Si Jen, na ilang araw lang ang nakalipas bago iyon ay tumayo at nagsabing, “Tayo ay mga anak ng ating Ama sa Langit, na nagmamahal sa atin,” ay nag-alinlangan na ngayon, “Paano pa Niya ako mamahalin?” (“Ako Ba ay Anak ng Diyos?,” Liahona, Mayo 2018, 12)
Hilingin sa mga estudyante na pag-isipan kung ano ang maaari nilang sabihin kay Jen kung kaibigan nila ito at inilapit sa kanila ang tanong na ito.
Ipaliwanag na ang liham ni Pablo sa mga Banal sa Roma ay naglalaman ng payo na magpapadama sa atin ng pag-ibig ng Ama sa Langit para sa atin, kahit sa pakiramdam natin ay hindi tayo karapat-dapat doon. Anyayahan ang mga estudyante na pag-aralan ang Roma 8:31–39, na naghahanap ng mga salita o parirala na nanaisin nilang ibahagi kay Jen.
Bigyan ng oportunidad ang mga estudyante na talakayin ang natutuhan at nadama nila habang pinag-aaralan nila ang mga talatang ito. Maaaring matukoy ng mga estudyante ang isang katotohanang tulad ng sumusunod: Walang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos.
-
Ano ang kaibhang nagagawa sa buhay ninyo ng nadaramang pag-ibig ng Diyos para sa inyo?
-
Ano ang ilan sa mga paraan na ipinapakita ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ang Kanilang pag-ibig sa inyo? (Bilang bahagi ng inyong talakayan, maaari mong ituro sa mga estudyante ang mga talata 32 at 34.)
-
Ano ang magagawa ninyo para mas madama ang pag-ibig ng Diyos sa inyo?
Para matulungan ang mga estudyante na madama ang kahalagahan ng alituntuning ito, isiping ipanood ang video na “There Is No Limit to God’s Love | His Grace” (5:38). Anyayahan ang mga estudyante na talakayin kung paano nakaapekto ang pag-ibig ng Diyos sa tao na nasa video na ito.
Maaaring makatulong na ituro na maaari tayong magkamali sa pagkaunawa sa pag-ibig ng Diyos kapag hindi natin ito pinag-isipan sa loob ng konteksto ng iba pang mga kaugnay na katotohanan ng ebanghelyo (tingnan sa “Maintaining Doctrinal Balance” sa Scripture Study Skills). Maaari kang magdispley o magbigay sa mga estudyante ng mga kopya ng sumusunod na pahayag ni Elder D. Todd Christofferson. Anyayahan silang alamin kung paano siya nagpapanatili ng balanse sa doktrina sa pamamagitan ng pagtutuon sa mga katotohanan at talata sa banal na kasulatan na may kaugnayan sa pag-ibig ng Diyos:
Sinasabi sa atin sa Biblia na “ang Diyos ay pag-ibig” [1 Juan 4:8]. Siya ang sakdal na huwaran ng pag-ibig, at lubos tayong umaasa sa katapatan ng pag-ibig na iyan para sa lahat ng tao. Sabi nga ni Pangulong Thomas S. Monson: “Ang pag-ibig ng Diyos ay nariyan para sa inyo marapat man kayong mahalin o hindi. Basta nariyan lang ito palagi” [Thomas S. Monson, “Hindi Tayo Kailanman Nag-iisa,” Liahona, Nob. 2013, 124].
Maraming paraan ng paglalarawan at pagtalakay sa banal na pag-ibig. Ang isa sa mga katagang madalas nating marinig ngayon ay “walang kundisyon” ang pag-ibig ng Diyos. Bagama’t sa isang banda ay totoo iyan, ang katagang walang kundisyon ay hindi makikita sa banal na kasulatan. Bagkus, ang Kanyang pag-ibig ay inilarawan sa banal na kasulatan bilang “dakila at kahanga-hangang pag-ibig” [Doktrina at mga Tipan 138:3], “ganap na pag-ibig” [1 Juan 4:18; Moroni 8:16], “mapagtubos na pag-ibig” [Alma 5:26], at “walang hanggang pag-ibig” [Jeremias 31:3]. Mas mabubuting kataga ang mga ito dahil ang salitang walang kundisyon ay maaaring maghatid ng mga maling ideya tungkol sa banal na pag-ibig, tulad ng, pinalalampas at binibigyang-katwiran ng Diyos ang anumang ginagawa natin dahil ang Kanyang pag-ibig ay walang kundisyon, o hindi tayo pagagawin ng Diyos ng anuman dahil ang Kanyang pag-ibig ay walang kundisyon, o lahat ay maliligtas sa kaharian ng Diyos sa langit dahil ang pag-ibig ng Diyos ay walang kundisyon. Ang pag-ibig ng Diyos ay walang hanggan at mananatili magpakailanman, ngunit ang kahulugan nito para sa bawat isa sa atin ay depende sa kung paano tayo tumutugon sa Kanyang pag-ibig. …
Lagi tayong iibigin ng Diyos, ngunit hindi Niya tayo maililigtas sa ating mga kasalanan. (“Magsipanahan sa Aking Pag-ibig,” Liahona, Nob. 2016, 48)
-
Anong mga karagdagang kabatiran ang natamo ninyo tungkol sa pag-ibig ng Diyos mula sa pahayag ni Elder Christofferson?
-
Sa palagay ninyo, bakit mahalaga na sikapin nating magkaroon ng balanse sa doktrina habang pinag-aaralan at itinuturo natin ang ebanghelyo?
Tapusin ang aktibidad na ito sa pagpapatotoo sa pag-ibig ng Ama sa Langit at ni Jesucristo sa bawat tao. Hikayatin ang mga estudyante na hangaring damhin ang pag-ibig ng Diyos para sa kanila at sa iba.
Roma 12:1–6, 9–21; 13:8–14
Ano ang maaari kong gawin upang maging higit na katulad ni Jesucristo?
Isiping ipakita ang sumusunod na mga larawan at talakayin nang bahagya kung paano ginagawa ang isang tapiserya. (Ang tapiserya ay ginagawa sa pamamagitan ng paghahabi nang magkakasama ng mga telang pandekorasyon sa isang disenyo.) Pagkatapos ay sama-samang basahin ang pahayag ni Elder Robert D. Hales o panoorin ang “Weaving Our Spiritual Tapestry” (4:18).
Ang mga disipulo ay namumuhay sa paraang ang mga katangian ni Cristo ay nagiging bahagi ng kanilang pagkatao, na parang espirituwal na tapestry o tapiserya. …
… Tulad ng nakikita ninyo, hindi lang iisang katangian ang kailangang taglayin para maging disipulo na matatag ang espirituwalidad. (“Pagiging Disipulo ng Ating Panginoong Jesucristo,” Liahona, Mayo 2017, 46)
-
Ano ang maituturo sa atin ng metapora na tapiserya tungkol sa proseso ng pagiging katulad ni Cristo?
Ipaliwanag na sa pagtatapos ng aklat ng Roma, maraming inilarawan si Pablo na katangian at pag-uugaling tulad ng kay Cristo na maaaring ilakip sa ating buhay. Idispley sa pisara ang sumusunod na di-kumpletong pahayag: Mas magiging katulad ako ni Jesucristo sa pamamagitan ng …
Ipakita ang sumusunod na mga sipi. Anyayahan ang mga estudyante na basahin ang isa o mahigit pa sa mga ito, na inaalam ang iba’t ibang paraan na makukumpleto nila ang pahayag na nasa pisara.
-
Roma 12:1–6
-
Roma 12:9–21
-
Roma 13:8–14
Maaaring lumapit sa pisara ang mga estudyante para isulat ang mga paraan na nakumpleto nila ang pahayag. Para mapalalim ang kanilang pag-unawa, maaari ninyong talakayin ang mga tanong na tulad ng mga sumusunod:
-
Aling mga pahayag sa pisara ang sa palagay ninyo ay pinaka-nauugnay sa inyo? Bakit?
-
Paano ipinakita ni Jesucristo ang ilan sa mga katangiang ito sa Kanyang mortal na ministeryo?
-
Sa palagay ninyo, paano makakaapekto sa buhay ninyo ang paghahabi ng katangiang ito ni Cristo sa inyong espirituwal na tapiserya?
Maaari mong tapusin ang aktibidad na ito sa pag-anyaya sa mga estudyante na isipin kung anong mga katangian ni Cristo ang nasimulan nilang ihabi sa kanilang mga espirituwal na tapiserya. Anyayahan silang pumili ng isa sa mga katangian o pag-uugaling napag-aralan nila ngayon at gumawa ng plano kung paano nila ito mas masigasig na ilalakip sa kanilang buhay. Hikayatin sila na mapanalanging humingi ng tulong sa Ama sa Langit sa pinili nilang katangian o pag-uugali.