Mga Kurso Tungkol sa mga Banal na Kasulatan
Mateo 8; Marcos 2–4; Lucas 7


“Mateo 8; Marcos 2–4; Lucas 7,” Manwal ng Titser ng Institute para sa Bagong Tipan (2025)

pinapayapa ni Jesus ang unos

Stilling the Storm [Pagpapayapa sa Unos], ni Ted Henninger

Mateo 8; Marcos 2–4; Lucas 7

Si Jesucristo ay nagsagawa ng maraming malalaking himala. Noong Kanyang unang ministeryo sa Galilea, nilinis ni Jesus ang isang ketongin, pinagaling ang natuyong kamay ng isang lalaki, pinagaling ang alipin ng isang senturion, at pinayapa ang maunos na dagat. Dahil sa pagkahabag, binuhay Niya ang anak ng isang balo mula sa kamatayan at pinatawad ang isang babae sa kanyang mga kasalanan. Ang mga salaysay na ito ay naglalarawan ng walang maliw na pagkahabag ng Tagapagligtas sa mga anak ng Diyos at nagpapakita ng Kanyang kapangyarihang magpagaling, magpasigla, magpanumbalik, at panatagin tayo sa mga unos ng buhay.

Karagdagang Resources

Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan, “Mateo 8; Marcos 2–4; Lucas 7

Paalala: Ang “Pambungad sa Kurso” ay nagbibigay ng patnubay kung paano gamitin ang sumusunod na apat na pamantayang elemento ng lesson.

icon ng pag-aaral
Paghihikayat ng Personal na Pag-aaral

Bago magklase, maaari mong ipadala sa mga estudyante ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod na mensahe o ang ilan sa sarili mong mga mensahe:

  • Ano ang ilang paraan na talagang mas kailangan mo ang tulong ng Panginoon ngayon? Sa pagbabasa mo ng Mateo 8:1–27, isipin ang mga uri ng himala na magagawa ng Tagapagligtas sa iyong buhay.

  • Ano ang kahulugan sa iyo ng araw ng Sabbath? Basahin ang Marcos 2:23–28; 3:1–6, at isipin kung ano ang matututuhan mo tungkol sa Sabbath mula sa halimbawa at mga turo ng Tagapagligtas.

  • Mag-isip ng isang tao na bahagi ng buhay mo at maaari mong maimpluwensiyahan at mapagpakitaan ng pagkahabag. Ano ang matututuhan mo tungkol sa pagkahabag na katulad ng kay Cristo mula sa pakikitungo ng Tagapagligtas sa isang balo ng Nain (tingnan sa Lucas 7:11–16) at sa babaeng naghugas at nagpahid ng langis sa Kanyang mga paa (tingnan sa Lucas 7:36–50)?

  • Iniutos ng Panginoon sa ating lahat na magsisi. Sa pag-aaral mo ng Lucas 7:36–50, alamin ang mga turo na makadaragdag sa hangarin mong magsisi.

icon ng talakayan
Mga Tanong at Pagbabahagi

Bigyan ng oras ang mga estudyante na magtanong at magbahagi ng mga ideya at katotohanang natuklasan nila sa kanilang personal na pag-aaral ng Mateo 8; Marcos 2–4; Lucas 7.

icon ng pagsasanay sa kasanayan
Pagsasanay sa Kasanayan

Ang Mateo 8:1–27 ay magandang paggamitan ng kasanayang “Pag-unawa sa Konteksto ng mga Banal na Kasulatan” sa Mga Kasanayan sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan. Ang Lucas 7:36–50 ay maaaring magandang paggamitan ng kasanayang “Paghahalintulad ng mga Banal na Kasulatan” sa Mga Kasanayan sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan.

icon ng mga opsiyon sa aktibidad sa pag-aaral
Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral

Maraming opsiyon sa pag-aaral ang inilaan para sa iyo at sa iyong mga estudyante. Mapanalanging piliin kung aling opsiyon o mga opsiyon ang magiging pinakamakabuluhan para sa klase mo.

Mateo 8:1–27

Anong mga uri ng mga himala ang maaaring gawin ng Tagapagligtas sa buhay ko?

Maaari mong ipakita ang sumusunod na pahayag: “Sapagkat dinggin, ako ang Diyos; at ako ay Diyos ng mga himala” (2 Nephi 27:23). Pagkatapos ay ipakita ang mga sumusunod na pahayag at sabihin sa mga estudyante na i-rate kung gaano katotoo ang bawat pahayag para sa kanila gamit ang scale mula 1 hanggang 5 (1 = lubos na hindi sumasang-ayon; 5 = lubos na sumasang-ayon).

  • Matutukoy ko ang mga himalang ginawa ng Tagapagligtas sa buhay ko o sa buhay ng iba.

  • Nagtitiwala ako na makagagawa at gagawa si Jesucristo ng mga himala sa buhay ko.

Ipaliwanag na ang Mateo 8 ay naglalaman ng ilang salaysay tungkol sa mga himala ng Tagapagligtas. Igrupo ang mga estudyante na may tig-aapat na miyembro sa bawat grupo. Anyayahan ang bawat miyembro ng grupo na pag-aralan ang isa sa mga sumusunod na himala at maging handang talakayin ang mga sumusunod na tanong.

(Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na gamitin ang kasanayang “Pag-unawa sa Konteksto ng mga Banal na Kasulatan” sa Mga Kasanayan sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan sa pamamagitan ng pagrebyu sa mga talata na sinundan at kasunod ng kanilang piniling scripture passage. Maaari ding rebyuhin ng mga estudyante ang mga kaugnay na bahagi sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan.)

  • Mateo 8:1–4

  • Mateo 8:5–13

  • Mateo 8:14–15

  • Mateo 8:23–27

  • Sa iyong palagay, paano naapektuhan ng himala ng Tagapagligtas ang mga tao sa salaysay na binasa mo?

  • Ano ang matututuhan natin tungkol sa Tagapagligtas mula sa himalang ito?

  • Ano sa palagay mo ang mensahe para sa atin sa salaysay na ito?

Matapos bigyan ng oras ang personal na pag-aaral, sabihin sa mga grupo na gamitin ang mga naunang tanong upang makapag-facilitate ng talakayan tungkol sa natutuhan nila mula sa mga salaysay na ito.

Kung makatutulong, maaari mong anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi sa klase kung ano ang pinakanagustuhan nila o pinakatumimo sa kanila mula sa talakayan ng kanilang grupo. Habang nagbabahagi sila, maaari mong isulat sa pisara ang kanilang mga ideya. Maaaring kabilang sa kanilang mga ideya ang mga katotohanang tulad ng mga sumusunod: Magagawa ng Tagapagligtas na linisin tayo. Ang pananampalataya kay Jesucristo ay nag-aanyaya ng Kanyang mahimalang kapangyarihan sa ating buhay. Makahahanap tayo ng kapayapaan sa pamamagitan ni Jesucristo sa panahon ng mga unos sa buhay.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral

Tulungan ang mga mag-aaral na tumukoy ng mga katotohanan mula sa mga banal na kasulatan. Makatutulong sa mga mag-aaral na matukoy ang mga katotohanan ng ebanghelyo na nakikita nila sa mga banal na kasulatan. Kung minsan ang mga katotohanan ay malinaw na nakasaad sa mga banal na kasulatan, at kung minsan ay inilalarawan ang mga ito sa mga salaysay sa mga banal na kasulatan. Makatutulong na markahan ang mga katotohanang ito sa ilang paraan (halimbawa, sa pagmarka ng mga ito sa mga banal na kasulatan o pagsulat ng mga ito sa pisara). Ang mga katotohanang malinaw na ipinahayag ay mas madaling mapagtitibay ng Espiritu Santo, at mas mauunawaan at maipamumuhay ng mga estudyante ang mga ito.

Habang ibinabahagi ng mga estudyante ang kanilang mga ideya, maghanap ng mga pagkakataong anyayahan sila na ibahagi ang kanilang mga karanasan at patotoo tungkol sa impluwensya at mahimalang kapangyarihan ng Tagapagligtas. Maaari mong gamitin ang mga sumusunod na tanong upang makatulong na mapalalim ang talakayan:

  • Paano ninyo naranasan ang kapangyarihan at impluwensya ng Tagapagligtas sa inyong buhay?

  • Ano ang naituro sa inyo nang personal ng mga karanasang ito tungkol sa Tagapagligtas? Paano nakaimpluwensya ang mga ito sa inyong pananampalataya sa Kanya?

  • Kailan kayo nakahanap ng kapayapaan sa pamamagitan ni Jesucristo sa panahon ng mga unos sa inyong buhay?

Balikan ang “Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral.”

Marcos 2:23–28; 3:1–6

Paano ako makahahanap ng mas dakilang layunin sa araw ng Sabbath?

Maaari mong ibahagi ang sumusunod na sitwasyon:

Nagmi-minister ka kay Emi, na bagong miyembro ng Simbahan. Ang araw ng Sabbath ay isang bagong konsepto para sa kanya. Habang nagmi-ministering ka sa kanya sa kanyang tahanan, itinanong niya, “Paano ko malalaman kung ano ang dapat kong gawin at hindi dapat gawin sa araw ng Sabbath?”

Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi kung ano ang maisasagot nila sa tanong ni Emi. Pagkatapos ay bigyang-diin na sa Marcos 2:23–28; 3:1–6, nagbigay ng patnubay si Jesus sa kung ano ang angkop na gawin sa araw ng Sabbath. Tulungan ang mga estudyante na maunawaan kung bakit ang mga ginawa ng Tagapagligtas at ang mga ginawa ng Kanyang mga disipulo sa araw ng Sabbath ay nagdulot ng labis na pagtatalu-talo. Ang isang paraan na magagawa mo ito ay sa pagbabahagi ng “Marcos 2:23–28. Bakit tinutulan ng mga eskriba at mga Fariseo ang ginawa ng mga disipulo sa araw ng Sabbath?” sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan.

Ipabasa sa mga estudyante ang Marcos 2:23–28; Joseph Smith Translation, Mark 2:26–27; at Marcos 3:1–6. Pagkatapos ay anyayahan sila na ibahagi ang natutuhan nila mula sa halimbawa at mga turo ng Tagapagligtas tungkol sa araw ng Sabbath.

Habang ibinabahagi ng mga estudyante ang natutuhan nila, tulungan sila na matukoy ang katotohanang tulad ng sumusunod: Ang Sabbath ay araw para luwalhatiin ang Diyos at gumawa ng mabuti.

  • Paano makatutulong kay Emi ang pag-unawa sa katotohanang ito na magpasiya kung ano ang dapat niyang gawin o hindi dapat gawin sa araw ng Sabbath?

  • Ano ang ilang paraan na matutularan mo ang halimbawa ng Tagapagligtas sa paggawa ng mabuti sa araw ng Sabbath?

Upang matulungan ang mga estudyante na magpasiya kung paano gamitin ang kanilang oras sa araw ng Sabbath, maaari mong ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson:

Pangulong Russell M. Nelson

Noong ako ay bata pa, pinag-aralan ko ang listahan na ginawa ng ibang tao tungkol sa bagay na dapat gawin at hindi dapat gawin sa araw ng Sabbath. Kalaunan ko lang natutuhan mula sa mga banal na kasulatan na ang aking kilos at pag-uugali sa Sabbath ay dapat na maging tanda sa pagitan ko at ng aking Ama sa Langit [tingnan sa Exodo 31:13; Ezekiel 20:12, 20]. Dahil sa pagkaunawang iyon, hindi ko na kailangan ng mga listahan ng mga dapat gawin at mga hindi dapat gawin. Kapag kailangan kong magpasiya kung ang isang aktibidad ay angkop o hindi sa araw ng Sabbath, tinatanong ko lang ang aking sarili, “Anong tanda ang nais kong ibigay sa Diyos?” Sa tanong na iyon naging napakalinaw sa akin ang mga dapat piliin sa araw ng Sabbath. …

… Ano ang tanda na ibibigay ninyo sa Panginoon para maipakita ang pagmamahal ninyo sa Kanya? (“Ang Sabbath ay Kaluguran,” Liahona, Mayo 2015, 130)

Pagkatapos ay maaari mong sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang araw ng Sabbath na niluwalhati nila ang Diyos (iginalang Siya) o gumawa ng mabuti sa iba. Anyayahan sila na ibahagi ang kanilang karanasan.

Sabihin sa mga estudyante na suriin kung paano nila iginagalang ang araw ng Sabbath at mag-isip ng mga paraan na mas maluluwalhati nila ang Diyos at makagagawa ng mabuti sa araw na iyon. Maaari mo silang anyayahang isulat ang kanilang mga ideya sa isang journal.

Balikan ang “Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral.”

Lucas 7:11–16

Ano ang maaari kong gawin para maging mas mahabagin?

Para masimulan ang talakayang ito, maaari mong ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Elder Joseph B. Wirthlin:

Elder Joseph B. Wirthlin

Ang mga tunay na disipulo ni Jesucristo ay laging nag-aalala sa kanyang kapwa. Si Jesucristo ang ating pinakadakilang halimbawa. Pinaligiran Siya ng madla at nagsalita sa libu-libo, subalit lagi Siyang nag-aalala sa nawala. (“Pag-aalala sa Nawala,” Liahona, Mayo 2008, 18)

Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Lucas 7:11–16 o panoorin ang video na “Widow of Nain” (2:26) at isipin kung ano kaya ang pakiramdam kung kayo ang nasa sitwasyon ng balong ito. (Maaari mong ibahagi ang “Lucas 7:11. Anong mga pagsisikap ang ginawa ng Tagapagligtas para makarating sa nayon ng Nain?” at “Lucas 7:12. Anong mga hamon ang maaaring naranasan ng balo ng Nain nang mamatay ang kanyang nag-iisang anak?” sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan para sa karagdagang mga kabatiran.) Pagkatapos ay maaari mong itanong ang mga sumusunod:

2:26
  • Ano kaya ang madarama ninyo kung kayo ang balo ng Nain? Ano ang itinuturo sa atin ng pangyayaring ito tungkol sa Tagapagligtas?

  • Kailan ninyo nadama ang pagkahabag sa inyo ng Ama sa Langit?

Bilang bahagi ng inyong talakayan, maaari mong ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Elder Ulisses Soares:

Elder Ulisses Soares

Natanto ni Jesus hindi lamang ang matinding pagdurusa ng inang iyon kundi ang mahirap na sitwasyon ng kanyang buhay, at naantig Siya ng tunay na pagkahabag para rito [tingnan sa Lucas 7:11–15].

Katulad ng … balo ng Nain, marami sa mga kakilala natin ang naghahanap ng pag-alo, atensyon, pagiging kabilang, at anumang tulong na maiaalok natin sa kanila. Lahat tayo ay maaaring maging instrumento sa kamay ng Panginoon at kumilos nang may pagkahabag sa mga nangangailangan, tulad ng ginawa ni Jesus. (“Ang Walang-Maliw na Pagkahabag ng Tagapagligtas,” Liahona, Nob. 2021, 14)

Maaari mong ipakita ang sumusunod na alituntunin: Matutularan natin ang halimbawa ni Jesucristo sa pamamagitan ng pagpapakita ng habag sa iba.

  • Ano ang ilang bagay na nagpapahirap sa inyo na maging mahabagin tulad ni Cristo? Paano ninyo mapaglalabanan ang mga nagpapahirap na ito?

  • Kailan kayo nakadama ng pagkahabag mula sa iba? Ano ang natutuhan ninyo mula sa mga karanasang ito tungkol sa pagkahabag na tulad ng kay Cristo?

Ipakita ang mga sumusunod na sitwasyon, at sabihin sa mga estudyante na talakayin sa maliliit na grupo kung paano nila matutularan ang halimbawa ng Tagapagligtas sa mga sitwasyong ito:

  1. Kasamahan mo sa trabaho ang isang tao na ang ina ay nasuri na may malubhang sakit.

  2. Napansin mo na hindi na nagsisimba ang isang kaibigan na dating palasimba.

  3. Ipinagtapat sa iyo ng isang miyembro ng ward na pakiramdam niya ay hindi na siya kabilang sa simbahan dahil may mga tanong at pagdududa siya tungkol sa mga pangunahing paniniwala.

  4. Nag-aalala ka kung paano ka magpapakita ng pagkahabag at pagtanggap sa mga tao sa komunidad ng LGBTQ nang hindi ikinukompromiso ang iyong mga paniniwala tungkol sa mga turo ng Diyos tungkol sa kasal at pamilya.

Maaari mong bigyan ng oras ang mga estudyante na mapanalanging pag-isipan kung paano sila magiging mas mahabagin tulad ng Tagapagligtas. Hikayatin sila na isulat ang kanilang mga naisip at impresyon.

Balikan ang “Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral.”

Lucas 7:36–50

Paano ko mapag-iibayo ang aking hangaring magsisi?

Maaari mong ipakita ang sumusunod na larawan at anyayahan ang isang estudyante na maikling ibuod ang salaysay sa Lucas 7:36–50.

isang babae na hinuhugasan ng kanyang mga luha ang mga paa ng Tagapagligtas

Washing Jesus’s Feet [Paghuhugas ng mga Paa ni Jesus], ni Brian Call

Sabihin sa mga estudyante na bumuo ng maliliit na grupo at gamitin ang sumusunod na handout para gabayan ang kanilang talakayan tungkol sa Lucas 7:36–50. Sabihin sa mga estudyante na isulat ang mga saloobin ni Simon at ng babae sa Tagapagligtas, ang paraan ng pakikitungo ng bawat isa sa Kanya, at ang mga katotohanang itinuro Niya sa bawat isa sa kanila. Sabihin sa mga estudyante na isulat din ang mga paraan na maihahalintulad natin ang salaysay na ito sa ating buhay. Matapos makumpleto ng mga estudyante ang handout, sabihin sa mga estudyante na ibahagi sa klase ang natutuhan nila.

handout ng Lucas 7:36–50: Si Simon at ang Babaeng Nagpahid ng Langis sa mga Paa ng Tagapagligtas

Habang nagbabahagi ang mga estudyante ng mga paraan para maihalintulad sa kanila ang salaysay na ito, maaari mong isulat sa pisara ang mga katotohanang natukoy nila. Maaaring matukoy ng mga estudyante ang mga katotohanang tulad ng sumusunod: Ang ating pagmamahal sa Tagapagligtas ay makahihikayat sa atin na magsisi sa ating mga kasalanan. Nadaragdagan ang ating pagmamahal at pagsamba sa Tagapagligtas kapag nakadarama tayo ng kapatawaran ng Diyos. Hinahadlangan tayo ng kapalaluan para hindi natin makita na kailangan natin ang pagsisisi at ang tulong ng Tagapagligtas.

Maaari mong idispley ang kalakip na graphic at talakayin ang kaugnayan ng pagmamahal kay Jesucristo at ng pagsisisi at ng kapatawaran ng Diyos.

graphic na naglalarawan ng kaugnayan ng pagmamahal kay Jesucristo at ng pagsisisi at ng kapatawaran ng Diyos

Sa pagtatapos ng lesson, maaari mong ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, na noon ay miyembro ng Unang Panguluhan. Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang kanyang mga tanong.

Pangulong Dieter F. Uchtdorf

Alin sa dalawang taong ito ang higit na katulad natin?

Tulad ba tayo ni Simon? Tiwala at panatag ba tayo sa ating mabubuting gawa, na nagtitiwala sa sarili nating kabutihan? Wala kaya tayong tiyaga sa mga hindi sumusunod sa ating mga pamantayan? Nakakagawian na lang ba natin ang mga bagay-bagay, dumadalo sa ating mga miting, naghihikab sa Gospel Doctrine class, at nakatingin marahil sa ating mga cell phone sa sacrament meeting?

O katulad natin ang babaeng ito, na inakalang wala na siyang pag-asa dahil sa kasalanan?

Tayo ba ay nagmamahal nang labis?

Nauunawaan ba natin ang ating utang-na-loob sa Ama sa Langit at humihiling nang buong kaluluwa para sa biyaya ng Diyos?

Kapag lumuluhod tayo sa panalangin, ito ba ay para ibanda sa publiko ang ating sariling kabutihan, o para ipagtapat ang ating mga kasalanan, magsumamo para sa awa ng Diyos, at lumuha nang may pasasalamat para sa kamangha-manghang plano ng pagtubos? (Ang Kaloob na Biyaya,” Liahona, Mayo 2015, 109)

Balikan ang “Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral.”